CHAPTER NINE

2495 Words
INABOT na si Adelentada ng umaga sa hospital na iyon. Sa may lobby na nga siya nakatulog. Wala naman siyang perang dala para mag-hotel. Nagising na lang siya sa ingay ng mga tao nang may biglang isugod doon. Kumakalam na ang sikmura niya kaya naman bumalik muna siya sa vacation house para kumuha ng ilang gamit ni Ruperto. Kinuha na rin niya ang kanyang pera at cellphone saka siya bumalik sa hospital. Doon na rin siya kumain. Nakita ni Adelentada ang doktor na umasikaso kay Ruperto noong isang gabi at tinanong niya ito kung ano na ang lagay ni Ruperto. Ayon dito ay nasa recovery room na ito at pwede naman daw puntahan. Tulog pa rin daw ito dahil sa pampatulog na itinurok dito. Nang iwanan siya ng doktor ay doon siya nag-isip kung dapat pa ba niyang punatahan si Ruperto o hindi. Hanggang sa makapagdesisyon siya na puntahan na lang ito kahit sa huling pagkakataon. Nang sa gayon ay makapagpaalam man lang siya dito nang maayos kahit tulog ito. Mahal niya si Ruperto-- iyon ang napagtanto niya nang mas piliin niya na iligtas ito kahit na gusto siya nitong patayin. Bawat hakbang ni Adelentada papunta sa recovery room ay tila kay bigat. Alam niya kasi na mamamaalam na siya dito. Sa wakas ay narating na niya ang kinaroroonan ni Ruperto. Pagpasok niya ay nakita niya itong natutulog sa hospital bed nito. Agad niya itong nilapitan. Humila siya ng isang upuan at hinawakan ang isang kamay nito. “Loko ka rin talaga, Ruperto! Ikaw lang pala ang gustong pumatay sa akin. Pero sana, itong hindi ko pagsusumbong sa iyo sa pulis ay gawin mong pagkakataon para magbago. Sana maisip mo na mali ang iniuutos sa iyo ng Ate Natasha ko… Mahal na mahal kita, Ruperto… A-at kailangan ko nang magpaalam sa’yo dahil iyon ang nararapat…” Hindi na napigilan ni Adelentada ang pagluha habang sinasabi niya iyon at nakatingin sa gwapong mukha ng lalaking minamahal. Dinala niya sa kanyang labi ang kamay nito at hinagkan. Bibitawan na sana niya ang kamay ni Ruperto ngunit nagulat siya nang biglang humigpit ang hawak ni Ruperto sa kamay niya. Isang malalim na paghinga ang pinakawalan nito at biglang bumukas ang mga mata. Tatayo sana siya pero kay higpit ng hawak nito sa kanya. “R-ruperto…” Kinakabahang turan ni Adelentada. Ngayong gising na ito, sigurado siya na itutuloy na nito ang misyon nitong patayin siya. Madali na nitong magagawa iyon lalo na’t malapit lang siya dito. Kailangan niyang makawala dito. Kailangan niyang makalayo dito! “Bitiwan mo ako, Ruperto!” aniya pa. Tumingin ito sa kanya at kumunot ang noon. Natigilan siya sa naging reaksiyon nito nang makita siya. Bumuka ang bibig nito at nagsalita. “S-sino ka? A-anong lugar ito?” Luminga ito sa paligid. “Bakit ako may ganito?!” Tila nahindik ito nang makita ang dextrose na nakakabit sa braso nito. Tatanggalin sana nito iyon pero agad niyang pinigilan. “Bakit ako may ganito?! Ano ito?! Sino ako?!” Nagwawalang sigaw nito habang pilit na tinatanggal ang dextrose. “Nurseee!!! Tulungan niyo kami!!! Nurse!!!” Naghihisterikal na sigaw ni Adelentada. “NASHOCK lang siguro siya kaya naging ganoon ang reaksyon niya. Pero tinurukan na namin siya ng pampakalma kaya tulog na ulit ang pasyente. Kapag gumising siya ulit, hindi na ganoon ang magiging reaksyon niya,” ani ng doktor kay Adelentada. Mahimbing na naman ang tulog ni Ruperto. “So, wala na po akong dapat ipag-alala?” “Wala na…” “Pero, doc, nang magising siya kanina… Hindi niya ako kilala at kahit ang sarili niya.” “In some cases, nagkakaroon ng temporary amnesia ang isang tao na nagkaroon ng matinding head injury. Kapag gumising na siya ulit at hindi ka pa rin niya kilala, ibig sabihin ay ganoon nga ang nangyari sa kanya. Pero magsasagawa pa rin kami ng ilang tests sa pasyente to make sure…” sagot nito sa kanya. “Sige po. Salamat po…” “I’ll go ahead.” Nang umalis na ang doktor ay nanghihina na napatingin si Adelentada kay Ruperto. Sa kondisyon nito, mukhang hindi niya ito kayang iwanan. Kailangan siya nito… INAAYOS ng nurse ang dextrose ni Ruperto nang bigla itong magising. Bigla akong natakot dahil baka naaalala na niya ako. Akmang aalis na ako nang magsalita ang nurse. “Misis, gising na po ang asawa niyo! Tatawagin ko lang po si dok!” anito sabay alis. “Asawa? A-asawa kita?” tanong ni Ruperto sa kanya. Nag-aalangan na nilingon niya ito. “Ah, eh… H-hindi mo naaalala kung sino ako? At ano ang pangalan mo?” tanong niya. Tumitig ito sa mukha niya na tila ba inaalala nito kung sino siya. Umiling ito. “W-wala akong maalala… Kahit na ano. Ngunit totoo bang asawa kita?” “Ha? Ah, o-oo! Asawa mo ako. Ako si Adelentada tapos ikaw si Ruperto. Actually, kakakasal lang natin tapos nagha-honeymoon tayo nang maaksidente ka.” Napakagat sa ibabang labi niya si Adelentada dahil sa pagsisinungaling niyang iyon. Pero mas okay na rin siguro iyon kesa naman sabihin niya na may misyon itong patayin siya, `di ba? Atleast, kung may temporary amnesia nga ito, ligtas siya dito pansamantala. Maaari pa niya itong makasama. Oo nga! Tama! Magandang idea na sabihin niya ditong mag-asawa sila. Bigla naman siyang kinilig sa idea na iyon! “Aksidente? Naaksidente ako?” “Oo. Bibili kasi ako noong sa grocery. Tapos naatrasan kita at nabagok ang ulo mo kaya wala kang maalala ngayon. Pero, `wag kang mag-alala kasi sabi ng doktor ay babalik din ang alaala mo,” aniya. Sa pagkakataon na iyon ay bumalik na ang doktor at nakumpirma nga nito na may temporary amnesia nga si Ruperto. Sabi ng doktor ay pwede na niyang maiuwi si Ruperto sa susunod na ara. Ipinayo din nito na gabayan niya ito upang unti-unting bumalik ang nawala nitong memorya. DUMATING na ang araw na ilalabas na sa ospital si Ruperto. Si Adelentada na ang nag-drive pabalik sa Brgy. Masinag. Pero bago iyon ay kinausap na niya sa phone sina Maxima at Odessa tungkol sa nangyari. Kailangan niya munang i-orient ang dalawa para walang maging problema sa pagpapanggap niya bilang asawa ni Ruperto. Sinabi niya sa dalawang bakla na may amnesia si Ruperto at nagpapanggap siyang asawa nito. Pinabukas din niya sa dalawa ang bahay ni Ruperto upang ilipat ang gamit nito sa kwarto niya. Kakilala naman nila ang may-ari niyon kaya pumayag naman ito. Pagdating sa bahay ay sinalubong na agad sila nina Maxima at Odessa sa may pintuan pa lang. Aligaga ang dalawa sa pagpasok ng mga gamit na dala nila. Siya naman ay nakayapos agad sa braso ni Ruperto. “Asawa ko, ito ang bahay natin. Natatandaan mo ba noong may ginawa tayo sa hagdan?” aniya sabay kindat dito. “Ay, diyos ko! Nakakadiri ka, ate!” sigaw ni Maxima pero hindi niya ito pinansin. “Ginawa? Anong ginawa natin?” tanong ni Ruperto. “Iyong may ipinasok ka sa butas tapos--” “Nakakasuka ka, ate!” sigaw ulit ni Maxima. Hindi na siya nakapagpigil at binulyawan na niya si Maxima. “Hoy, Maxima! `Wag kang epal diyan!” “Ano ba kasi ginawa natin sa hagdan? Bakit may ipinasok sa butas?” “Ah, iyong sinulid na ipinasok mo sa butas ng karayom. Nanahi kasi tayo diyan noon. Natatandaan mo na ba?” Umiling ito sabay tingin sa kanya. “Hindi ko naaalala, asawa ko. Pero sana, huwag kang magsawa sa akin na ipaalala ang lahat. `Wag mo akong iiwan, asawa ko!” anito sabay yakap sa kanya. Kilig na kilig naman siya sa sinabi at ginawa nito. “ATE, totoo bang may amnesia si Papa Ruperto? Baka naman echos mo lang `yan, ha!” Nanlalaki ang mga mata at hindi makapaniwalang usisa ni Odessa kay Adelentada kinabukasan nang nasa laundry shop na sila kasama si Maxima. Kakabukas lang nila ng shop ng umagang iyon kaya naman may oras pa silang magkwentuhan sa may counter dahil wala pa namang nagpapalaba. Si Ruperto naman ay nasa bahay nila at nagpapahinga pa rin. Kagabi nang makatulog na ito ay doon niya sinabi sa dalawang bakla ang lahat-lahat. Mula sa pagkakatuklas niya na ito pala ang gustong pumatay sa kanya dahil sa utos ng Ate Natasha niya hanggang sa pagpapanggap nila bilang mag-asawa. “Oo. Bakit ba ayaw niyong maniwala? Saka hindi ko ginagawang biro ang ganitong bagay. Tandaan niyo iyan!” aniya. “Naniniwala naman kami, ate. Kaya lang baka naman makarma ka niyan dahil sa kasinungalingan mo! Talagang nagpanggap ka pang misis niya! Nakakaloka ka talaga forever, ate!” maarteng turan ni Maxima. “Anong magagawa ko? Mahal ko `yong tao. Iyon lang ang paraan na naiisip ko para mapalapit sa kanya! Habang may amnesia siya, mag-asawa kami!” “Ang kerengkeng mo rin talaga, ate!” sinundot pa siya ni Maxima sa tagiliran kaya napaigtad siya. “Teka lang, kung mag-asawa kayo kuno, ibig sabihin ba nito ay pwedeng magkemberluhan kayong dalawa? What I mean is… pulo’t gata?!” Nagtilian sa kilig ang dalawang bakla at nag-apir pa. Oo nga, `no? Posibleng may mangyari sa aming dalawa ni Ruperto ngayong mag-asawa na kami kunwari! Kinikilig na naisip niya iyon. May papikit-pikit pa talaga siya ng mata na akala mo ay napuwing. “Pero kawawa pa rin si Papa Ruperto…” turan ni Odessa. “May amnesia siya. Bakit mo kasi siya binangga, ate?” “Hoy, Odessa! Hindi ko siya binangga, okay? Aksidente ang lahat. Saka mabuti na rin ang nagkaroon siya ng amnesia dahil nakalimutan na rin niya ang misyon niya na patayin ako.” “Sabagay, may point ka naman, ate. Ang gawin na lang natin ay pigilan ang pagbalik ng alaala niya.” “Minsan talaga, gumagana din ang isip mo, Maxima. Tama, kaya `wag na `wag niyong hahayaan na bumalik ang alaala ni Ruperto dahil iyon na ang katapusan ng maliligayang araw ko. Kaya nga inalis ko na rin siya sa bahay niya, e. Ang problema ko na lang ngayon ay kung paano kami magkikita ni Lolo Vicente…” Biglang naging malungkot si Adelentada nang maalala niya ang kanyang lolo. Ngayong alam na niya na hindi naman pala totoo na galit ito sa kanya, umigting ang kagustuhan niya na makita at makasama na ito. Pero paano niya iyon gagawin kung nasa mansion ang taong gusto siyang ipapatay at mismong kapatid pa niya? Umusog palapit sa kanya si Odessa. “Ang bruha mong kapatid lang naman ang problema, ate. Basta kapag ready ka nang pumunta sa mansion niyon, `andito lang kami ni Maxima. Sasamahan ka namin! Tignan ko lang kung makaporma ang Natasha na iyon sa aming dalawa!” anito. “Naku, salamat naman. Pinag-iisipan ko pa rin naman kung kailan ako magpapakita kay Lolo Vicente. Panigurado, miss na miss na niya ako gaya ng pagkamiss niya sa akin,” sambit niya. Natigil lang sila sa pagkukwentuhan nang dalawang customer ang dumating para magpalaba. NAGISING si Ruperto mula sa kanyang mahimbing na pagtulog. Pinagpapawisan siya kahit nakatutok naman sa kanya ang electric fan. Nanaginip siya. Hindi niya malaman pero hinahabol daw niya si Adelentada habang may hawak siyang kutsilyo. Parang gusto niya itong patayin sa panaginip niyang iyon. Hindi kaya maaaring totoo ang panaginip niyang iyon? Pero bakit naman niya nanaising patayin ang kanyang asawa? Naniniwala naman kasi niya na nagsasabi ng totoo si Adelentada na mag-asawa sila dahil nararamdaman niya sa kanyang puso ang pagmamahal niya para dito. Ano nga kaya ang ibig sabihin ng panaginip na iyon? Mariin niyang ipinilig ang kanya ulo sa pag-asang baka may maalala siya ngunit nabigo lang siya. Wala pa rin siyang maalala na kahit na ano. “Wala akong dapat ipag-alala hangga’t nasa tabi ko si Adelentada. Tutulungan niyang bumalik ang aking memorya, alam ko…” turan niya. LAKING gulat at tuwa nina Adelentada nang pag-uwi nila ay napakalinis ng bahay at may nakahanda pang hapunan sa lamesa. Maaga kasi silang nagsara dahil kay Ruperto. Sa kalagayan nito ay ayaw niyang matagal itong mag-isa sa bahay. Nalaman niya na si Ruperto pala ang naglinis ng bahay at nagluto. “Alam mo, hindi ka na dapat nagkikikilos dito, asawa ko. Kailangan mo ng mahabang pahinga para maka-recover ka na. Para gumaling na `yang sugat mo sa ulo at matanggal na iyang benda mo,” aniya habang nilalagyan siya ni Ruperto ng kanin sa kanyang pinggan. Hindi pa rin pala ito kumakain kaya kasabay na rin nila ito. Ngumiti sa kanya si Ruperto. “Okay lang, asawa ko. Sigurado naman ako na pinagsisilbihan mo rin ako noon. Oo nga pala, ano nga palang trabaho ko?” tanong nito. Biglang nagkatinginan sina Adelentada at ang dalawang bakla. Hindi kasi niya napaghandaan ang bagay na iyon. “Killer!” Biglang sagot ni Odessa. Sa gulat ni Maxima ay nasalpakan nito ng kanin sa bunganga ang matabang bakla. “Killer?” Kunot-noong sambit ni Ruperto. “Ah, killer… O-oo! Killer ng ipis at daga sa… sa… laundry shop natin!” Palusot niya sabay tingin ng masama kay Odessa. “Ganoon ba? So, kailangan ko na palang gumaling dahil baka marami nang ipis at daga sa laundry shop, asawa ko.” “Oo nga, e. Pero don’t force your self, asawa ko. Basta magpahinga ka lang. Okay? Teka, ano bang ulam na niluto mo?” Pag-iiba niya sa usapan. Binuksan ni Ruperto ang isang mangkok na may takip at nalaman niya na adobong baboy pala ang niluto nito. “Hindi ko alam ang tawag diyan. Basta niluto ko na lang,” anito. “Adobo ang tawag diyan, asawa ko…” Natigilan si Ruperto sa hindi malamang dahilan. Nalilitong napatingin ito sa kanya. Napansin niya ang biglaang pamumuo ng pawis sa noo nito. “A-adobo?” tanong nito sabay dampot ng tinidor at itinutok iyon sa mukha niya. Kinakabahan na tumango siya. “O-oo. A-adobo…” Hindi kaya bigla nitong naalala noong nagluto ito ng adobo sa vacation house? “Adobo?!” Nanggigigil na si Ruperto. Tila gusto na nitong itarak sa mukha niya ang tinidor. Hinawakan niya ang kamay nito at iginiya iyon sa adobo. Doon nito itinusok ang tinidor. Hindi naman malaman nina Odessa at Maxima. Sa palagay niya ay medyo nakaalala si Ruperto dahil sa adobo at baka kaya kumilos ang katawan nito na para bang gusto siyang patayin ay dahil sa kaunting alaala na iyon. Hinaplos-haplos niya sa likod si Ruperto habang nagdadasal na sana ay wala itong naalala. Dama niya kasi ang panginginig ng buong katawan nito at ang napaka higpit na pagkakahawak nito sa tinidor. Hindi siya tumigil sa paghaplos dito hangga’t hindi ito kumakalma. Bigla itong tumingin sa kanya. “Asawa ko? B-bakit?” Kinakabahan na tanong niya. “Parang may naalala na ako…” “Ano?!” Magkakasabay na sigaw niya at ng dalawang bakla.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD