NASA kalagitnaan ng himbing ng tulog niya si Adelentada nang may maramdaman siyang tila humahaplos sa kanyang legs. Nakasuot siya ng manipis na pantulog na hanggang singit niya lang kaya naman ramdam na ramdam niya ang paghaplos na iyon. Umakyat ang haplos sa kanyang singit kaya medyo napangiti siya dahil sa kiliti. Medyo nakakakilabot din iyon.
Gising na siya ng sandaling iyon ngunit hindi niya ibinubukas ang kanyang mga mata. Iniisip niya na si Ruperto ang humahaplos sa kanya at baka itigil nito ang ginagawa oras na malaman nitong gising siya. Hahayaan niya lang ito sa ginagawa nito.
Tumaas pa ang nararamdaman niyang paghaplos sa kanyang tiyan papunta sa kanyang braso, leeg hanggang sa mukha. Pero tila iba na ang haplos na nararamdaman niya sa kanyang mukha. Parang makiliti na hindi niya mawarian.
Doon na siya nagdesisyon na imulat ang mata at nagulat siya nang malaman na mag-isa lang siya sa silid na iyon. At mas lalo siyang nagulat at nanghilakbot na rin nang malaman niyang isang ipis pa lang ang gumagapang sa buong katawan niya at hindi haplos ni Ruperto. Sisigaw sana siya pero pinigilan niya ang kanyang sarili dahil baka magising si Ruperto. Ayaw naman niya na maistorbo ang pagpapahinga nito. Pagod din naman ito sa pagda-drive at pagluluto kanina.
Mukhang hindi na naman babalik iyong ipis na nabulabog dahil sa kanya kaya umayos na ulit ng higa si Adelentada. Wala pang limang segundo na nakapikit siya nang maramdaman niya na bumukas ang pinto ng kanyang silid. Dahan-dahan iyon. Kaya naman agad siyang bumalikwas ng bangon at nakita niya si Ruperto na papalapit sa kanya. Bukas ang lamp shade na nasa tabi niya kaya kahit papaano ay may liwanag doon. Napansin din niya na nakalagay ang isang kamay nito sa likod nito.
“Ruperto? Bakit gising ka pa?” Nagtatakang tanong niya.
Hindi ito umimik. Diretso lang ito sa paglapit sa kanya hanggang sa umupo na ito sa gilid ng kama at doon niya nakita kung gaano kaseryoso ang mukha nito.
Noon lang niya nakita na ganoon ang mukha nito kaya medyo nabahala siya.
“A-anong nangyayari sa’yo? May problema ka ba? H-hindi ka ba natunawan sa adobo kanina?” Nag-aalalang tanong niya pero wala pa rin siyang nakuhang sagot.
Baka naman sinapian na ito ng alien o kaya demonyo! Ganoon iyong napapanood niya sa mga sci-fi at horror movies, e. Diyos ko, `wag naman sana! Aniya sa kanyang utak.
Hahawakan niya sana ang pisngi nito dahil baka naman may sakit lang ito pero napapitlag siya nang biglang hawakan ni Ruperto ang kanyang kamay. Nanlaki ang kanyang mga mata nang ilabas nito ang nasa likod nito. Isang kutsilyo! Ipinatong nito iyon sa side table.
Naguguluhan na napatingin siya dito. “R-ruperto, a-anong ibig sabihin nito? Natatakot na ako, ha…” aniya habang nanginginig ang buong katawan sa tensyon.
Humigpit ang pagkakahawak nito sa kanyang kamay. “Matagal ko na dapat itong ginawa! Hindi ako ang Ruperto na kilala mo, na inakal mo!” Nanlilisik ang mga mata na sabi nito.
“Ano?!” Naguguluhan pa rin siya.
Wala siyang alam kung bakit bigla itong nagkaganito. Kanina naman, bago sila matulog ay masaya pa silang nagkukwentuha. Tapos ngayon, ang laki ng pinagbago nito.
“Iyong lalaking sumaksak sa iyo habang natutulog ka, ako iyon! At ako rin ang naglagay ng lason sa baso mo!” Pagsisiwalat nito.
Hindi makapaniwalang umiling siya. “Hindi… B-binibiro mo lang ako. Ano ba, Ruperto? Tama na! Hindi ka na nakakatuwa!” Natatawang turan niya.
“Hindi ako nagbibiro!” sigaw nito. “Ginawa ko iyon para patayin ka!”
Doon na siya natahimik. Sa kilos at pananalita nito ay mukhang seryoso ito. Pakiramdam niya tuloy ay sasabog na ang kanyang dibdib sa samo’t saring emosyon na lumulukob sa kanya ng sandaling iyon. All this time, si Ruperto lang pala ang gustong pumatay sa kanya?
Nag-init na ang gilid ng kanyang mga mata. “B-bakit? Bakit mo ako gustong patayin? Anong kasalanan ang nagawa ko sa’yo?” Lumuluhang tanong niya.
Umiwas si Ruperto ng tingin sa kanya bago ito sumagot. “Ayokong gawin ito dahil hindi naman ako mamamatay-tao pero kailangan kong gawin ito dahil ito ang gusto ng taong meron akong malaking utang na loob…”
“Sino ang taong tinutukoy mo?”
Muli itong tumingin sa kanya. “Si Natasha Del Mundo!”
“A-ang ate?” Mas lalo siyang nagimbal sa pagkakataon na iyon. “Hindi totoo iyan. Mahal ako ng ate ko!”
“Iyon ang akala mo, Adelentada! Pero inggit na inggit siya sa’yo noon pa man. Kaya nga hinayaan ka niyang umalis noon sa mansion para mapunta sa kanya ang atensyon ng Lolo Vicente niyo. Pero nabigo siya dahil kahit wala ka na ay ikaw pa rin ang hinahanap ng lolo niyo! Gusto ka ring ipapatay ng ate mo upang masolo niya ang kayamanan ng Del Mundo!”
“Ang Lolo Vicente… Hinahanap niya ako? Pero ang sabi ni Ate Natasha…” bahagyang natigilan si Adelentada. “Ibig sabihin, hindi totoo ang sinabi sa akin ni Ate Natasha na ayaw akong makita ni Lolo Vicente?”
Umiling si Ruperto. “Lahat ng sinabi niya sa’yo ay kasinungalingan! At alam mo ba kung bakit ko ito sinasabi sa’yo?”
“Bakit?”
“Dahil papatayin na kita ngayon, Adelentada! Para matapos na ang misyon kong `to.”
Kinuha nito ang kutsilyo at itinutok sa kanyang leeg. Napapikit siya dahil ang akala niya ay sasaksakin siya doon ni Ruperto pero hindi nito itinuloy. Nang ibukas niya ang kanyang mata ay nakita niya na para bang hindi nito kayang gawin iyon. Tila may pagdadalawang-isip siyang nakikita kay Ruperto.
“Misyon? So, all this time ay isa lang akong misyon para sa’yo?” May hinanakit na sabi niya. “Pinagkatiwalaan kita, Ruperto! Mahal kita, alam mo ba iyon? At ang sakit-sakit na malaman na ikaw pala ang gustong pumatay sa akin!”
Natahimik ito. Ilang sandali din ay nagsalita ito habang nakatingin nang diretso sa kanyang mata. “Unti-unti na rin kitang minamahal, Adelentada. At ayokong ito ang maging dahilan para hindi ko gawin ang misyon ko na patayin ka. Ayokong masupil ng pagmamahal ko sa’yo ang dapat kong gawin sa iyo!”
Labis ang kilig na naramdaman ni Adelentada nang malaman niyang unti-unti na pala siyang minamahal nito. Pero there is no room for kilig sa oras na ito. Nasa bingit siya ng kamatayan. Kailangan niyang gumawa ng paraan para makaligtas. Nakikita niya na hindi naman talaga masama si Ruperto at parang napipilitan nga lang ito na patayin siya. Marahil ay talagang malaki ang utang na loob nito sa kapatid niya kaya nito gagawin ang pagpatay sa kanya.
“R-ruperto, alam kong mabuti kang tao. `Wag mong gawin ito. Isa pa, bata ka pa… Sabihin na natin na magtagumpay ka sa pagpatay sa akin. Sa tingin mo ba, hindi malalaman ng mga pulis na ikaw ang pumatay sa akin? Ikaw ang huling nakasama ko kaya ikaw ang magiging prime suspect. Gusto mo bang mabulok sa bilangguan, ha? Mag-isip ka--”
“Tama na!!!” Malakas nitong sigaw na halos ikabingi niya. “Ayaw kong gawin ito pero, patawarin mo ako!”
Itinaas nito sa ere ang kutsilyo at umaktong sasaksakin na siya.
Imbes na magpadala sa takot ay umisip ng paraan si Adelentada. Kumuha siya ng bwelo at malakas na sinipa si Ruperto sa p*********i nito. Tumilapon ito sa sahig habang sapo ang nasa pagitan ng hita nito.
“I’m sorry! Sorry!” aniya at mabilis siyang bumaba ng kama.
Nagtatakbo siya palabas ng silid na iyon.
“Bumalik ka dito, Adelentadaaa!!!” Narinig niyang sigaw ni Ruperto.
“Ayoko! Papatayin mo ako!” ganting sigaw niya.
Nagmamadali na bumaba siya ng hagdan. Kailangan na niyang makaalis sa lugar na ito.
Nang nasa huling baitang na siya ng hagdan ay doon lang niya naisip ang kanyang cellphone. Pwede siyang makahingi ng tulong gamit iyon. Kailangan niyang balikan iyon sa silid kung saan siya natulog! Pero paglingon niya sa kanyang likod ay malakas siyang napasigaw dahil pababa na rin si Ruperto ng hagdan at tangan nito ang matalim na kutsilyo!
Wala nang pagkakataon para balikan pa niya ang kanyang cellphone kaya mas pinili na lang ni Adelentada na takbuhin ang main door. Pero sa pagkataranta niya ay hindi niya iyon magawang buksan. Kakaiba kasi ang lock niyon. Muli niyang nilingon si Ruperto at bumababa na ito ng hagdan. Sa may kusina naman siya tumakbo. Sa pagkakaalam niya ay normal lang ang pintuan doon palabas. Madali naman niyang nabuksan ang pinto doon at sa wakas ay nakalabas na siya ng vacation house.
Hindi na niya nagawa pang mag-isip kung saan ba siya pupunta. Basta tinahak niya ang daan papunta sa matataas na puno sa likod ng bahay.
“Adelentadaaa!!!” sigaw sa kanya ni Ruperto.
Kung noon ay kinikilig siya kapag sinasambit ni Ruperto ang kanyang pangalan, ngayon ay hindi. Natatakot na siya dahil alam niyang nais siya nitong patayin.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyayaring ito, na gusto siyang patayin ni Ruperto dahil sa utos ng kanyang Ate Natasha. Pakiramdam niya tuloy ay nasa isa siyang soap opera sa dami ng pasabog na nalaman niya. Naiinggit pala sa kanya ang Ate Natasha niya at gusto pa nitong masolo ang kayamanan ng Del Mundo kaya ipinaapatay siya nito kay Ruperto. At hindi naman pala totoong galit sa kanya ang Lolo Vicente niya.
`Wag kang mag-alala, lolo. Makaligtas lang ako dito, pupuntahan ko kayo at hinding-hindi ko na kayo iiwanan! Pangako ni Adelentada sa sarili habang tumatakbo.
Sa sobrang bilis ng takbo niya ay hindi na niya nakita ang isang putol na sanga at natapakan niya iyon. Natisod siya at sumubsob sa lupa.
“A-aray…” Nanghihinang turan niya sabay tihaya ng higa.
Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Adelentada nang makita niya na sobrang lapit na sa kanya ni Ruperto. Agad niyang kinuha ang sanga at nang makalapit ito sa kanya ay malakas niya itong hinampas sa ulo gamit iyon.
“Ahhh!!!” sigaw ni Ruperto habang sapo ang natamaang ulo.
Natatarantang binitawan niya ang sanga.
Hanggang sa maisip niya ang kotse na ginamit nila kanina.
Tama! Magagamit niya iyon sa pagtakas. Kaya naman imbes na tumakbo palayo sa vacation house ay tumakbo siya pabalik doon. Hindi na siya tumitingin sa kanyang likuran dahil alam naman niyang nakasunod pa rin si Ruperto sa kanya. Talagang desidido na itong patayin siya. At sigurado siya na sinadya nitong sa lugar na ito siya dalhin dahil walang ibang bahay doon kundi ang vacation house lang. Wala nga naman siyang mahihingan ng tulong at kahit magsisigaw siya ay walang makakarinig sa kanya.
Tanaw na niya ang kotse at medyo nabubuhayan na siya ng loob. Mas binilisan pa niya ang pagtakbo hanggang sa makarating na siya doon.
Binuksan niya agad ang pinto sa may driver’s seat at agad na pumasok. Ini-lock niya lahat ng pinto upang hindi makapasok si Ruperto. Laking pasasalamat naman niya nang makita niya na nasa dashboard lang ang susi.
Nanginginig ang mga kamay na kinuha niya nag susi at in-start ang sasakyan.
Eksaktong pag-andar ng kotse paunahan ay biglang sumulpot doon si Ruperto at nabangga niya ito. Kitang-kita niya kung paano tumilapon ang lalaki at tumama ang ulo nito sa isang malaking bato.
Nanlalaki ang mga mata na napatulala si Adelentada habang nakatingin sa walang malay na si Ruperto. Nakahandusay ito sa lupa at dumudugo ang ulo.
Bubuksan na sana niya ang pinto ng sasakyan para bumaba at tulungan ito nang matigilan siya. Kailangan pa ba niya itong tulungan kahit gusto siya nitong patayin? Iwanan na lang niya kaya ito at tumakas o magsumbong sa mga pulis? Pero paano kung maubusan ito ng dugo at mamatay ito? Hahayaan ba niya iyong mangyari?
“Bahala na nga!” aniya sabay baba ng sasakyan.
Nilapitan niya si Ruperto at doon niya nakita kung gaano kalaki ang sugat nito sa ulo kaya pala grabe ang dugo na umaagos doon. Walang pagdadalawang isip na pinunit niya ang laylayan ng kanyang manipis na pantulog at binalabal iyon sa ulo ni Ruperto. Hinawakan niya ito sa paa at hinila papasok sa may back seat. Nang masiguro niyang maayos na ito doon ay saka lang siya umupo sa may driver’s seat.
“Leche ka! Pasalamat ka’t mahal kita, Ruperto! Kung hindi, papabayaan na lang kita!” aniya bago paandarin ang kotse papunta ng ospital.
Sa pagkakataong iyon ay mas namayani kay Adelentada ang pagmamahal niya sa lalaki sa kabila ng katotohanan na gusto siya nitong patayin.
INIHINTO agad ni Adelentada ang kotse sa tapat ng unang hospital na nakita niya. Nagtatakbo siya papasok doon at nagsisigaw. “Tulungan niyo ako! May nabangga! Emergency! Emergency!!!” Naghihisterikal siya at nagtatalon pa sa pagkataranta.
Pero tila walang gustong maniwala sa kanya dahil pinagtitinginan lang siya ng mga naroon kahit ng mga nurse at doktor.
“Ano ba?! Akala niyo ba nagjo-joke ako?! Nasa kotse siya! Kunin niyo siya!” sigaw pa niya.
Wala pa ring kumikilos.
“Naku, mukhang baliw naman. Hayaan na lang natin…” Narinig niyang bulong ng isang nurse.
“Oo nga!” sagot naman ng isa.
“Mukhang siraulo naman!”
“Tumawag na kaya tayo ng security?”
“Hayaan mo na lang. Mukhang nalipasan lang naman ng gutom!”
“Mga leche kayooo!!!” sigaw niya.
Mukhang walang maniniwala sa kanya kung hindi niya ipapakita sa mga ito ang katawan ni Ruperto.
Nagmamadali siyang bumalik sa kotse at kahit hirapan ay inilabas niya ito doon at hinila sa loob ng ospital. “`Ayan! Naniniwala na ba kayooo?!” Tila nababaliw niyang sigaw.
Doon lang kumilos ang mga nurse. May kumuha agad ng stretcher at inilagay doon si Ruperto at itinakbo sa emergency room.
Nang maipasok na ito sa emergency room ay isang lalaking doktor ang lumapit sa kanya at tinanong siya ng ilang bagay. Nang tanungin siya nito kung anong nangyari sa pasyente ay sinabi niyang hindi sinasadya na naatrasan niya ito ng sasakyan. Sinabi na rin niya na mag-asawa sila upang hindi na ito mag-usisa pa.
Pagkatapos magtanong ng doktor ay siya naman ang nagtanong.
“Dok, bakit ayaw niyo akong paniwalaan kanina sa sinasabi ko na may emergency ako?”
“E, sino ba naman ang maniniwala sa isang babae na sira ang damit at naka-panty lang?” Nakaismid na sagot ng doktor at iniwan na siya dito.
Napatingin tuloy si Adelentada sa kanyang ibaba at natataranta na naitakip niya ang kamay niya sa kanyang p********e dahil totoo ngang naka-panty lang siya. Kaya pala kanina pa siya nilalamig sa ibabang parte ng kanyang katawan. Pinunit nga pala niya ang laylayan ng kanyang suot para gamiting pang-ampat ng dugo sa sugat ni Ruperto. Ngayon ay naiintindihan na niya kung bakit walang naniniwala sa kanya.
ANG unang hinanap ni Adelentada sa ospital ay ang chapel. Itinuro naman sa kanya iyon ng isang nurse. Pagdating sa chapel ay agad siyang lumuhod paharap sa rebulto ni Jesus Christ para magdasal.
“Jesus Christ, iligtas Niyo po sana si Ruperto. Kahit na nalaman kong gusto niya akong patayin, alam kong napipilitan lang siya na gawin iyon dahil sa utos ng aking kapatid. Iligtas Mo po siya, Jesus Christ, please…” Lumuluhang dasal niya.
After niyon ay bumalik siya sa emergency room pero hindi pa rin nailalabas si Ruperto mula doon.
Masiguro lang niya na okay na ang kalagayan ni Ruperto ay uuwi na siya ng Brgy. Masinag at hindi na siya magpapakita dito kahit kailan. Masakit man pero iyon ang nararapat dahil mamamatay naman siya kapag nakita na naman siya nito. Siguro naman ay hindi na rin ito magpapakita sa kanya dahil alam na niya ang totoo. Takot naman siguro itong makulong, `di ba?