CHAPTER TWELVE

4069 Words
THREE days to go at Sabado na. Halos hindi na makatulog si Adelentada ng gabing iyon kaya naman mag-isa siyang nagkakape sa may komedor habang patay ang ilaw. Iniisip pa rin niya kung dapat ba siyang maniwala o hindi. Pero kung totoo man ang sinabi nito sa text message, pagkakataon na niya iyon para mailigtas ang kanyang Lolo Vicente. “Parang wala naman akong choice kundi ang pumunta…” Nakangiwing turan niya sabay higop sa kape. “`Andito ka lang pala…” Muntik nang mabitawan ni Adelentada ang tasa ng kape nang mula sa kadiliman ay lumabas si Ruperto. Humila ito ng upuan at tumabi sa kanya. “Bakit gising ka pa?” tanong nito sa kanya. “H-hindi kasi ako makatulog, asawa ko,” sagot niya. “Talagang hindi ka makakatulog niyan. Nagkakape ka, e.” “Hayaan mo na…” “Nagising kasi ako na wala ka sa tabi ko.” Tinitigan siya ni Ruperto. “May problema ba? Pwede mong i-share sa akin, asawa ko.” Hinawakan ni Ruperto ang kamay niya na nakahawak sa tasa at masuyo iyong hinaplos. Nang tignan siya nito sa mata ay umiwas siya. Hindi niya ito kayang tignan nang diretso sa mata. Nakokonsensiya siya sa pagsisinungaling niya dito. Pakiramdam niya kasi ay wala siyang pinagkaiba sa Ate Natasha niya pagdating sa pagiging sinungaling. Pilit siyang ngumiti. “W-wala… Wala ito. Hindi lang talaga ako makatulog.” “Basta, `wag kang mag-alala, Adelentada. Bumalik man o hindi ang alaala ko, mahal na mahal pa rin kita… Sumunod ka na sa akin sa kwarto pagkatapos mo niyan, ha,” anito. Hinagkan siya nito sa pisngi saka tumayo at iniwan siya. DUMATING na ang araw na hinihintay ni Adelentada-- ang araw kung kailan ay muli niyang makakaharap ang kanyang Ate Natasha at mababawi niya mula dito ang kanyang Lolo Vicente. Nasasabik na talaga siyang makita at makasamang muli ang kanyang mahal na lolo. Maaga pa lang ay naghanda na siya para umalis. Sinakto niyang tulog pa si Ruperto para hindi na ito magtanong kung saan siya pupunta. Sa salas ay nakita niya sina Odessa at Maxima. Halata sa mukha ng mga ito na nag-aalala ang mga ito sa panganib na susuungin niya. Masasabi niyang panganib dahil hindi siya sigurado sa plano ng Ate Natasha niya. Simula nang mahantad sa kanya ang tunay nitong kulay ay parang hindi na niya ito kilala. “Ate, sigurado ka ba sa gagawin mo? Makikipagkita ka sa kapatid mo nang mag-isa ka lang?” Mangiyak-ngiyak na tanong ni Odessa sa kanya. “Oo nga, ate…” sabat naman ni Maxima. “Paano kung may masama siyang balak sa’yo? Paano kung joke time lang pala na ibibigay niya sa iyo ang lolo mo? Paano na, ate?!” Na-touch naman siya sa concern ng dalawang bakla sa kanya. Bagaman at madalas niyang mapagalitan ang dalawa ay talagang mahal na mahal niya ang mga ito. Ang dalawa na nag naging pamilya niya simula nang mawala sa kanya ang lahat. “`Wag kayong mag-alala. Strong girl ako.” Pagpapalakas niya ng loob sa dalawa. “Saka, wala naman akong choice kundi ang gawin ito. Kailangan kong mabawi ang Lolo Vicente ko kay Ate Natasha.” “Basta, mag-iingat ka, ate. Update-update ka na lang, ha?” Tumango siya. “Ganito ang gawin niyo, kapag bukas ay hindi ako nakauwi. Tumawag na kayo ng pulis. Iti-text ko sa inyo mamaya ang address ng vacation house na pupuntahan ko pati na rin ang sa mansion namin. Nasa ilalim ng kama ang cellphone ni Ruperto at naroon ang recorded call namin ni Ate Natasha. Gamitin niyo iyong ebidensiya laban sa kanya. Gawin niyo iyon kapag may nangyaring masama sa akin,” bilin niya. Umiiyak na nagpapadyak si Odessa. “Ate naman, e! Parang nagpapaalam ka na sa sinasabi mo sa amin! Nakakainis ka!” “Tumigil ka nga, Odessa! Ang ingay mo! Kapag nagising si Ruperto, humanda ka sa akin!” “Sorry…” ani ng matabang bakla. “Ipagdadasal ka na lang namin, ate.” “Salamat. Sige, kailangan ko nang umalis.” Bago siya tuluyang magpaalam sa dalawa ay nagyakapan muna sila. TANGHALI na ng marating ni Adelentada ang vacation house. Sandali niyang naalala doon ang mga ginawa nila ni Ruperto. Napansin niya ang isang kotse sa harapan ng bahay. Mukhang naroon na nga ang kanyang Ate Natasha. Naglakad siya papunta sa nakasaradong main door. Akmang kakatok siya nang makita niyang nakaawang iyon kaya naman itinulak na lang niya ang pinto para mabuksan. “Long time no see, mahal kong kapatid!” Medyo napapitlag pa siya sa gulat nang makita niya ang kanyang Ate Natasha na nasa gitna ng salas. Nakaayos talaga ito na para bang may pupuntahang sosyal na party. Naka-long gown ito na hapit na hapit sa katawan nito at may malaking slit sa gilid. Kitang-kita rin ang cleavage nito. At nakaayos ang buhok nito na may maliliit pang bulaklak. Nakangiti ito sa kanya at ang mga mata ay akala mo’y na-miss talaga siya nang husto. “Ate Natasha…” aniya. “Nasaan si Lolo Vicente?” “Masyado ka namang nagmamadali. Nasa itaas siya, nagpapahinga. Alam mo na, matanda na ang lolo natin. Napagod siya sa biyaha. Hayaan muna natin siya doon at tayong dalawa muna ang mag-usap.” Ibinuka nito ang mga braso. “Hindi mo man lang ba bibigyan ng yakap ang iyong kapatid, Adelentada?” “Bakit, ate?” “Anong bakit?” “Bakit?! Bakit hindi mo ako in-inform na magga-gown ka?! Sana ay nag-gown din ako!” aniya. “At tama na ang pakikipag-plastikan mo sa akin, Ate Natasha. Alam ko na nag tunay mong kulay! Sinungaling ka! Bakit mo sinabi sa akin na galit sa akin si Lolo Vicente kahit hindi naman?” May hinanakita na tanong niya. Naglakad ito palapit sa kanya at tinawanan lang ang luhang naglalandas sa mukha niya. “Dahil ayoko nang bumalik ka pa ng mansion! Gusto kong sa akin naman mapunta ang atensiyon ni lolo pero I was wrong! Kahit wala ka na ay ikaw pa rin ang hinahanap niya. Etsapwera pa rin ako sa kanya!” “Niloko mo ako, ate! Bakit mo nagawa sa akin iyon? Magkapatid tayo!” “Yes, magkapatid nga tayo pero bakit hindi ko maramdaman na anak ako ng mommy at daddy natin? Na apo ako ni Lolo Vicente? Hindi ko maramdaman iyon dahil nasa iyo lahat ng atensiyon. E, mas maganda naman ako sa’yo! Ano bang meron ka, Adelentada?” “Siguro, noon pa man ay nararamdaman na nila ang kaitiman ng budhi mo, ate!” “Enough! Wala tayo dito para maglabasan ng sama ng loob, kapatid ko… Sumunod ka sa akin sa komedor. Ipinaghanda kita ng masarap na tanghalian.” Tinalikuran siya ni Natasha at naglakad ito papunta sa komedor. Mas nagulat siya nang makita na backless pala ang gown na suot nito at halos kita na ang kuyukot ng kanyang kapatid sa laki ng hakab sa likod nito. Sa palagay niya ay wala itong suot na panty. Wala na siyang nagawa kundi ang sumunod dito. Pinaupo siya nito sa dulo ng lamesa habang ito naman ay sa kabilang dulo. Hindi niya malaman kung anong klaseng putahe ang nakahain sa lamesa. Basta para siyang nilagang baka na hindi niya maintindihan. Basta baka iyon na may sabaw. “I cooked this dish all by myself kaya dapat mong tikman. Pagsilbihan mo ang iyong sarili, Adelentada. Alam kong gutom ka na sa haba ng biyahe…” anito. Matalim ang mga mata na tinignan niya ang kanyang kapatid. Ibang-iba na ito. Ang laki na ng pinagbago nito. “You’ve changed a lot, Ate Natasha! Hindi na kilala! Ang sama-sama mo na!” puno ng hinanakit na turan niya. Isang mataginting na tawa ang pinakawalan nito. “Ganito na talaga ako simula pa lang noong una. Magaling lang talaga akong mag-panggap! Now… eat! O baka gusto mong ako pa ang magsilbi sa’yo? Sandali…” Tumayo ito at pumunta sa kanya. Sinalinan nito ng karne at sabaw ang mangkok na nasa harapan niya. “Hindi ako pumunta dito para pahigupin mo ng sabaw, ate! Nandito ako para kunin si Lolo Vicente!” Medyo mataas ang boses na sabi ni Adelentada. Naiinis na rin kasi siya sa mga pasakalye ng kapatid niya. Bakit ba hindi pa nito ibigay sa kanya ang kanilang lolo para matapos na ang lahat. “Niluto ko nga sabi iyan para sa iyo kaya kainin mo!” Mataas na rin ang boses ng Ate Natasha niya. Ito na nag kumuha ng kutsara para subuan siya ng sabaw pero tinabig niya lang iyon. Tumapon sa gown ng ate niya ang sabaw dahil natabig din niya ang mangkok. Hindi iyon nabasag dahil yari lang yata sa plastik. Natahimik ito ang matamang nakatingin sa kanya. Maya maya ay ngumiti ulit ito. Kinuha nito ang mangkok niya sa sahig. Akmang sasalinan na naman nito ang sabaw iyon nang pigilan niya ito. “Bakit mo ba ako pilit na pinapakain ng sabaw mo, Ate Natasha?” Nagdududang tanong niya. “Hindi kaya… nilagyan mo iyan ng lason?” Naging malikot ang mata nito. Bumalik ang ate niya sa upuan nito. “Lason? Bakit ko naman lalagyan ng lason ang sabaw?” Hindi ito makatingin ng diretso sa kanya. “Bakit nga ba, ate?” “Alam mo, ang paranoid mo. Walang lason ang sabaw.” “Paranoid ba talaga ako, ate?” “Oo. Sige na, humigop ka na ng sabaw bago pa lumamig iyan. Hindi na iyan masarap kapag malamig.” “Bakit hindi muna ikaw ang humigop ng sabaw bago ako?” Hamon niya dito na ikinatigil nito. “A-ako?” itinuro nito ang sarili. “Pero niluto ko iyan para sa iyo.” “Sigurado ako… may lason ang sabaw. `Wag ako, ate! `Wag ako!” giit niya. Maarteng itinirik ni Natasha ang mga mata. “Okay! Okay! You got me! Aamin na ako. I will tell you the truth… May lason nga ang sabaw. Bakit? Para mamatay ka na, Adelentada! Are you happy now?” Pag-amin nito. Naningkit ang mga mata niya. “Napakasama mo, ate! Kapatid mo ako, kadugo, sa iisang magulang tayo nanggaling pero gusto mo akong patayin? Talagang nagagawa mo ang lahat ng ito dahil lang sa inggit?” “Oo, Adelentada!” Tumayo ito at malakas na inihampas ang dalawang kamay sa ibabaw ng lamesa. “Nagagawa ko ito dahil sa inggit! Inggit na inggit ako sa’yo. Bata pa lang tayo ay ikaw na ang paborito ng lahat. Ikaw mahal ng mga magulang natin at ni lolo! Ikaw ang maganda kahit ang laki ng mukha mo! Ikaw ang matalino! Ikaw na ang lahat! Ikaw na! Kaya ikaw na lang din ang papatayin ko! And I’m afraid pati si Ruperto ay ikaw na rin ang mahal kaya hindi ka niya mapatay-patay. Tama ba ako?” Hindi agad siya nakapagsalita sa sinabi nito. “Sa pananahimik mo, mukhang tama nga ang hinala ko… Malandi ka! Anong ginawa mo kay Ruperto para magustuhan ka niya?! Ano bang sikreto mo, Adelentada? Pa-share naman para ako naman ang mahalin ng lahat! Mang-aagaw ka talaga kahit kailan. Pati ang lalaking mahal ko ay inagaw mo na. Magaling!” Pumalakpak pa ito. “Dumadami na ang reason ko para burahin ka dito sa mundo. Kung hindi ka niya nagawang patayin, pwes, ako na lang ang gagawa!” Laking gulat niya nang mula sa ilalim ng lamesa ay may kinuhang shotgun ang Ate Natasha niya. Nang makita niyang itinutok nito ang baril sa kanya ay mabilis siyang yumuko. Saktong pagyuko niya ay pinaputok nito ang baril dahilan para mapasigaw siya nang malakas. “Hayop ka, ate! Wala sa usapan na papatayin mo ako! Ang sabi mo ay ibibigay mo sa akin si lolo!” Mangiyak-ngiyak sa takot na sigaw niya dito. Hindi niya talaga inaasahan na may baril pala itong baon at shotgun pa talaga. “Hanggang ngayon ay uto-uto ka pa rin, Adelentada! Hindi ka talaga nag-iisip! Sa tingin mo ba ay ganoon na lang kadali ako makikipag-peace sa’yo? No way!” “Bakit hindi ka na lang magbagong-buhay, ate? Masama itong ginagawa mo!” Kahit paano ay umaasa pa rin siya na magbabago ang isip ng kanyang kapatid. “Magbabagong-buhay naman talaga ako… Pero after kitang patayin!” Kinakabahan na napadapa na lang siya. Kailangan niyang mag-isip kung paano malalabanan o matatakasan ang kanyang Ate Natasha. Sa tingin niya kasi ay nasisiraan na ito ng ulo. Sinilip niya ang paa ng kapatid niya sa ilalim ng lamesa. Nakita niya na nasa dulo pa rin ito lamesa kaya naman mabilis siyang tumayo at itinulak papunta dito ang lamesa. Dahilan para matumba ito at magkaroon siya ng pagkakataon para makatkbo. Naisip niya na lumabas na ng vacation house pero bigla niyang naalala ang sinabi ng Ate Natasha niya na nasa itaas ang Lolo Vicente niya. Walang pagdadalawang-isip na tumakbo siya pataas at tinignan lahat ng silid doon ngunit hindi niya nakita ang kanyang lolo. Doon niya naisip na baka niloloko lang siya ng ate niya. Wala talaga itong balak na ibigay sa kanya ang kanyang lolo. Talagang pinapunta lang siya nito dito para patayin! Marahil ay nasa mansion pa rin ang kanyang Lolo Vicente. Kung gayon, ang kailangan niyang gawin ay makaalis ng ligtas sa lugar na ito. Akmang bababa na sana siya nang biglang bumulaga si Natasha sa harapan niya habang nakatutok sa kanya ang shotgun nito. “I told you, uto-uto ka pa rin, Adelentada! Madali kang malinlang!” anito sabay tawa. Wala na siyang nagawa kundi ang umatras na lang. Mukhang ito na nga ang katapusan niya dahil sa tingin niya ay talagang desidido ang kapatid niya na patayin siya. “Mapapatay mo man ako pero hindi mo matatakasan ang batas, ate!” Matapang na sabi niya. “Kayo ko! Marami akong pera baka nakakalimutan mo. At mas lalong dadami ang pera ko kapag napatay kita at si Lolo Vicente!” “Hayop ka, ate! Pamilya mo kami!” “Pamilya? Kahit kailan ay hindi ko naramdaman ang pamilyang sinasabi mo!” “Dahil mapaghanap ka, ate! Masyadong mataas ang tingin mo sa sarili mo kaya hindi mo naramdaman. Pero kung aalisin mo lang ang galit at inggit sa puso mo, mararamdaman mo na mahal ka namin, ate. At pantay lang ang tingin ni lolo sa atin…” “So, kasalanan ko pa pala? `Wag mo nga akong paandaran ng kadramaham mo, Adelentada, at baka hindi ako makapagpigil ay barilin na kita diyan. Mapapaaga ang pakikipagkita mo kay Satanas!” Huminto si Adelentada sa pag-atras. “Sige, ate. Patayin mo na lang ako, kung iyan ang makakapagpaligaya sa iyo. Patayin mo na lang ako!” Muli na naman siyang napaiyak. “Hindi mo na iyan dapat pang iutos sa akin, gaga ka! Papatayin na talaga kita, mahal kong kapatid!” Mariing ipinikit na lang niya ang kanyang mga mata habang hinihintay ang pagtama ng bala ng baril sa kanyang katawan. Siguro nga ay katapusan na niya ito. Nakakalungkot lang na ang mismong kapatid niya ang babawi ng kanyang buhay… Ang kapatid niya na minahal niya at inakala din niyang mahal siya. “Natasha!” Laking gulat na napamulat ng mata si Adelentada nang marinig niya ang boses ni Ruperto. Ang buong akala niya ay imahinasyon niya lang iyon ngunit napagtanto niyang hindi dahil kitang-kita niya si Ruperto na nagmamadali sa pag-akyat sa hagdan. “Ruperto?! Anong ginagawa mo dito?” Nagtataka siya kung paano nito nalaman na pupunta siya dito. Hindi ito nagsalita bagkus ay lumapit ito kay Natasha na gulat na gulat din sa pagdating ng lalaki. “Nandito ako upang…” Inihinto nito ang sasabihin at inagaw ang shotgun kay Natasha at itinutok iyon sa kanya. “Upang patayin ka!” anito habang matiim na nakatingin sa kanya. “R-ruperto…” At doon na bumalong nang mas matindi ang kanyang mga luha. “Naaalala mo na?” “Oo, Adelentada! Naaalala ko na ang lahat!” Nakangising sagot nito sa kanya. “Kailan pa? Kailan ba bumalik ang alaala mo?” tanong ni Adelentada kay Ruperto. “Noong nabagok ang ulo ko sa laundry shop mo. Natatandaan mo ba iyon? Doon pa lang ay bumalik na ang alaala ko. Nagpanggap lang din ako na may amnesia pa rin ako upang maisagawa ko na ang misyon ko-- iyon ay ang patayin ka!” Mariin siyang umiling. “H-hindi totoo iyan! Ang sabi mo sa akin ay mahal mo ako. Nararamdaman ko iyon. Mahal ko naman ako, `di ba?” Hindi nagawang sumagot ni Ruperto. “Ruperto, mahal mo ako, `di ba?” ulit pa niya. “Hindi ka niya mahal dahil ako ang mahal niya! Ambisyosa!” sabat ni Natasha. “At ano ito? Totoo bang nagkaroon ka ng amnesia, Ruperto?” “Oo, Natasha. Naaksidente ako noong dinala ko noon dito sa vacation house kaya nagkaroon ako ng amnesia. Pero okay na ako ngayon, bumalik na ang alaala ko. At iyang si Adelentada, sinamantala niya ang kawalan ko ng memorya. Sinabi niya na mag-asawa kami!” Hindi makapaniwalang napatingin sa kanya si Natasha. “Hah! Hayop ka! Desperada kang palaka ka! Hinding-hindi mo maaagaw sa akin ang bebeboy ko dahil akin lang siya!” sigaw pa sa kanya nito. Tila hindi niya narinig ang kanyang kapatid. Nagpatuloy pa rin siya sa pagtatanong kay Ruperto. “Mahal mo ako, Ruperto. Nararamdaman ko iyon kaya hindi ka pwedeng magsinungaling sa akin. Mahal mo ako, `di ba? Sabihin mo ang totoo!” Malakas na hinampas ni Natasha sa likod si Ruperto. “Ano ba, Ruperto?! Bakit hindi mo pa sabihin sa ilusyunado kong kapatid na hindi mo naman talaga siya mahal! Bilisan mo para matauhan na siya! Sabihin mo na ako ang mahal mo!” utos dito ng kapatid niya. Matagal silang nagkatitigan ni Ruperto. Kinakausap niya ito sa pamamagitan ng mata, na sana ay sabihin nito na siya ang mahal nito, na kahit meron itong amnesia noon ay minahal siya nito dahil naramdaman niya iyon. Para kay Adelentada ay napakatagal ng sandaling iyon. Halos naririnig na niya ang kabog ng sarili niyang puso. Naghihintay ang kanyang tenga sa sasabihin ni Ruperto. Kumibot ang gilid ng labi ni Ruperto at bahagyang umiwas ito ng tingin sa kanya. “T-tama si Natasha, Adelentada. Hindi kita mahal dahil ang mahal ko ay ang kapatid mo. Sinabi ko lang na mahal kita dahil pinaniwala mo ako na mag-asawa tayo.” Pagkatapos nitong magsalita ay saka lang ulit ito tumingin sa kanya. Umiling siya habang umiiyak. Napakasakit na marinig mula sa lalaking kanyang iniibig na hindi siya mahal nito. Magsasalita pa sana siya pero pinigilan siya ni Natasha. “Hep! Huwag ka nang umapela, Adelantada! Ipipilit mo pa rin ba ang paniniwala mo? Ako ang mahal ni Ruperto at hindi ikaw!” Kinalabit nito si Ruperto. “Ano ba, Ruperto?! Bakit hindi mo pa barilin ang babaeng iyan para matapos na ang lahat?!” Ibinaba ni Ruperto ang baril at hinarap si Natasha. “Ang gusto ko sana ay sa salas mo na lang ako hintayin. Ako na ang bahala dito.” “Ano?! Papaalisin mo ako bago mo patayin ang babaeng iyan? No! Kailangan kong makasiguro na papatayin mo siya!” Masuyong hinaplos ni Ruperto ang pisngi ng kapatid niya. “Hanggang ngayon ba naman ay duda ka pa rin sa akin, bebegirl?” Maarteng ngumuso si Natasha. “Hmm… Slight. Kasi hanggang ngayon ay hindi mo pa rin pinapatay si Adelentada.” “Alam mo naman na nagka-amnesia ako kaya hindi ko agad nagawa ang misyon ko, `di ba? Isa pa, ayokong nakakakita ka ng nakakahindik na eksena.” “Anong nakakahindik? Anong ibig mong sabihin, bebeboy?” Sandaling ibinaba ni Ruperto ang shot gun sa sahig at magkabilang hinawakan na ng kamay nito ang mukha ni Natasha. “Bebegirl, kapag binaril ko siya sa ulo, hindi mo kakayanin ang makikita mo. Sasabog ang ulo niya tapos tatalsik ang maraming dugo. Pwede ka pang matalsikan ng dugo. Tapos iyong utak niya, kakalat kung saan-saan. Nakakadiri, bebegirl! Hindi mo talaga kakayanin… Ikaw lang naman inaalala ko, e.” Napapangiwi naman si Natasha habang nagpapaliwanag si Ruperto. “Eww! Ang gross nga niya, bebeboy, kahit nai-imagine ko pa lang. Sige na nga, sa salas na lang ako maghihintay. Basta, patayin mo na `yan, ha. Bilisan mo!” anito. “Okay, bebegirl. Ako na ang bahala.” “Kiss me muna before I go down! Mmm…” At ngumuso nang pagkanda-haba-haba ang Ate Natasha niya. Parang sinaksak nang isandaang kutsilyo ang puso ni Adelentada nang maghalikan sa harapan niya ang dalawa. Ang tanging nagawa na lang niya ay ang tumingin palayo sa mga ito. Nang matapos na ang halikan ay saka lang bumaba ng hagdan si Natasha. Tanging silang dalawa na lang ni Ruperto ang naiwan doon. “R-ruperto, t-talagang papatayin mo ako?” umiiyak na tanong niya. Wala siyang nakuhang sagot mula sa lalaki. Kinuha lang nito ang shotgun. Mariin siyang napapikit nang ikasa nito ang baril at itutok sa kanya. Mukhang papatayin nga siya nitong talaga. Siguro nga ay hindi naman talaga siya mahal nito at ilusyon niya lang ang naramdaman niyang pagmamahal nito sa kanya noong may amnesia ito. “Sige, kung iyan talaga ang gusto mo, patayin mo na lang ako, Ruperto. Dahil para mo na rin akong pinatay nang sinabi mong hindi mo ako mahal! Basta, `wag mong kakalimutan na naging totoo ako sa nararamdaman ko sa’yo. Mahal na mahal kita, Ruperto! I love you… And now… kill me!” Napahagulhol na siya nang tuluyan. Ayaw na niyang ibukas ang kanyang mga mata dahil ayaw niyang makita ang pagkitil sa kanyang buhay ng mismong lalaking mahal niya. “Paalam, Adelentada!” sigaw nito at kasabay niyon ay umalingawngaw ang dalawang magkakasunod na putok ng baril sa buong vacation house. MALAPAD ang ngiti ang isinalubong ni Natasha kay Ruperto pagkababa niya mula sa second floor. Excited siya nitong niyakap at tinanong. “Did you killed her? Patay na ba siya? Patay na ba ang kapatid ko?” Nakahawak pa talaga ito sa magkabilang balikat niya. Bagsak ang balikat at walang gana na tumango si Ruperto. Ibinagsak niya ang hawak na shotgun sa sahig. “E, bakit parang ang lungkot mo ngayong patay na siya?!” Naging mabalasik ang mukha ni Natasha at itinulak pa siya. Isang pilit na ngiti ang pinakawalan niya. “Hindi, a. Masaya ako. Dahil wala na siya. Magiging mayaman na rin tayo!” “Good! Pero may isa pa tayong problema… Si Lolo Vicente. Kailangan na rin niyang mamatay upang mapapunta na sa akin ang lahat ng kayamanan ng Del Mundo. But, ginagawan ko na iyan ng paraan…” “Anong paraan naman?” tanong niya. “Unti-unti kong nilalason ang matandang iyon. Nilalagyan ko ng lason ang pagkain na ibinibigay ko sa kanya. Mahina ang lason at kailangang maka-take niyo si lolo ng marami bago siya mamatay. Pero the good thing, lalabas na namatay siya sa atake sa puso at hindi dahil sa lason! Ganoon kaganda ang lason na iyon, Ruperto! Ang talino ko, `di ba?” Tumango-tango siya. “Napaka talino!” aniya sabay pisil sa pisngi nito. Naniningkit ang mga mata na tumingin ito sa malayo. “Ngayon, makukuha ko na what I really deserve! Kabayaran lang ito sa hindi nila pagmamahal sa akin. Lahat ng ito ay para sa ating dalawa, Ruperto!” “Ang mabuti pa siguro ay umalis na tayo dito…” suhestiyon niya. “Teka, paano ang bangkay ni Adelentada?” “Hindi ba’t wala namang pumupunta sa lugar na ito? Walang makakaalam na patay na siya hanggang sa uurin at mabulok ang katawan niya!” “Ganoon ba? Sabagay, may point ka, bebeboy! Umuwi na nga tayo at na-miss kita! Gusto mo bang i-massage kita sa mansion?” anito sa nang-aakit na tinig. May pakagat-kagat pa sa labi. “Good idea, bebegirl…” Kinilig pa ito nang kindatan niya ito. Matapos iyon ay naglakad na sila palabas ng vacation house. Nakayapos sa braso niya si Natasha habang nakahilig ang ulo nito doon. At nang nakalabas na sila ay kitang-kita niya sa mukha ni Natasha ang labis na pagkabigla sa nakita nito sa labas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD