NATIGILAN si Tawny sa ginagawang paglalagay ng mga halaman sa pasimano ng veranda nang mapansin ang batang babae na lumabas buhat sa kabilang bahay.
American roses lang ang nakapagitan sa bawat bahay sa subdivision na ito, imbes na pader. Hindi pa ganoon kataas ang mga iyon kaya naman kitang-kita nila ang bakuran ng kani-kanilang mga kapitbahay.
Napangiti siya nang mapatingin sa direksiyon niya ang bata. Napaka-cute nito at bagay na bagay rito ang suot nitong school uniform. Tingin niya ay nasa pre-school pa lang ito. “Good morning,” nakangiting bati niya rito.
Ngumiti rin ito. “Good morning,” ganting bati nito at nagpatuloy sa paglalakad palapit sa naka-park na kotse sa garahe. Subalit maya-maya ay huminto ito at nilingon siya.
Solong anak siya kaya mahilig siya sa bata. Sabik siya sa kapatid at hindi na siya nagtataka na magaan ang loob niya sa mga bata.
Kumaway siya rito nang pumihit ito paharap sa direksiyon niya.
“Ikaw ba ang bago naming neighbor?” tanong ng bata sa kaniya.
Bahagya siyang napangiwi habang nakangiti dahil sa paraan ng pagtatanong nito. Hindi ito gumamit ng po. “Ah, oo, kagabi lang ako lumipat,” mahinahong tugon niya.
Humakbang siya palapit sa nakapagitang American roses na hanggang hita pa lang niya ang taas.
“Ako si Tawny. Ikaw, ano’ng pangalan mo?”
“Alilee,” mabilis nitong tugon. “Parang pang-boy ang name mo,” dugtong nito.
Magsasalita pa sana siya pero natigilan siya nang makita ang lalaking lumabas sa pinto kung saan lumabas si Alilee kanina. Napaawang ang bibig niya nang mapatitig sa mukha ng lalaking ito. Matangkad ito at guwapo—matikas. Sa pananamit nito at pagkilos ay hindi maipagkakailang isa itong businessman.
‘Businessman sa isang middle class subdivision,’ sa isip niya na ikinibit-balikat na lang niya.
Bahagyang natigilan ang lalaki nang makita siya pero mabilis nitong na-compose ang sarili. Tumikhim ito upang kunin ang atensiyon ni Alilee buhat sa kaniya.
“Tito.”
“Let’s go,” pormal na sabi nito sa bata at umakto na tila ba hindi siya nakita.
“Tito Dominic, she’s a new neighbor. Si Miss Tawny.”
‘Dominic?’ ulit niya sa pangalan nito sa pamamagitan ng kaniyang isip. Bigla ay naalala muli niya ang lalaking naka-one night stand niya seven years ago. Tiningnan siya ni Dominic at hindi nailang na hagurin siya ng tingin.
“Great. Welcome sa neighborhood,” malamig na sabi nito at pilit ang naging pagngiti.
“H-hi,” nag-aalangan pang bati niya rito. “Thanks.”
Tumango lang ito at tumingin sa bata. “Let’s go na. Baka ma-late ka sa klase.” Walang paalam na iginiya nito ang bata patungo sa sasakyan.
“Bye, Miss Tawny.” Kumaway pa ang bata habang patuloy sa paglakad palapit sa kotse.
“Bye.” Hindi na niya nagawang iangat ang kamay para kumaway dahil binawi na nito ang tingin sa kaniya.
Ipinagbukas ni Dominic ng pinto ang bata sa passenger seat. “Get in the car,” narinig pa niyang utos nito sa bata. Kaagad na tumalima ang bata. Inilapat ni Dominic ang car door saka pumunta sa driver side at sumakay.
Nang makaupo na ito sa driver seat ay sumulyap ito sa kinatatayuan niya bago kinabig ang car door at pinausad ang sasakyan. Naiwan siyang napapaangat ang kilay sa inasal ng kapitbahay. Umismid siya habang tinatanaw ang palayong sasakyan. Maya-maya ay pumihit na siya at bumalik sa kaniyang bahay.
“Porque guwapo, ayos lang na suplado?” tanong niya sa sarili habang napapailing. “Napakapresko, porque naka-sports car. Hmp, whatever, dito pa rin siya nakatira sa middle-class subdivision kaya huwag nga siyang ano.” Sinundan niya ng pag-irap ang sinabi.
Bumalik siya sa ginagawa kanina at ipinagpatuloy iyon. Nang matapos doon ay pumasok siya sa loob ng bahay at nagtungo sa art room niya. Inayos niya roon ang mga gamit sa pagpipinta pati na rin ang paintings na natapos na.
“Ready for exhibit,” sabi niya sa sarili habang sinisipat ang mga painting matapos iayos ng lagay sa bawat easel. Matapos iyon ay napabuntonghininga siya at napahalukipkip nang may maalala.
Lumakad siya palapit sa malaking painting na natatakpan ng puting tela at hinila iyon. Sumilay ang lungkot sa kaniyang mga mata at hindi napigilang mapaluha habang nakatitig sa painting na iyon, pero kapagkuwa’y kaagad ding napatawa sa sarili niya.
“Emote ka na naman, Tawny?” pangangantiyaw niya sa sarili. “Matagal na ’yon, hoy. Malamang nga hindi ka niya naalala ’ni minsan. Asa ka pa.”
Pinunasan niya ng palad ang pisngi saka lumabas doon at nagtungo sa kaniyang silid upang doon magmukmok hanggang sa makatulog.
***
NAPABALIKWAS ng bangon si Tawny nang marinig ang tunog ng doorbell. Pupungas-pungas na lumabas siya ng silid at bumaba sa hagdanan. Sumulyap pa siya sa wristwatch at nalaman niyang tanghali na pala. Matagal din siyang nakatulog.
Habang palapit sa pintuan ay iniisip niya kung sino ang bisita. Baka ang may-ari ng bahay iyon. Titingnan siguro kung nakalipat na siya.
Nang makalapit siya sa pinto ay kaagad niya iyong binuksan.
“Surprise!” maluwang ang ngiti at patiling bati sa kaniya ni Stephanie na nagpabilog sa kaniyang mga mata.
Nasorpresa talaga siya. Kausap lang niya ito kagabi sa messenger at naikuwento niya na lumipat na siya ng bahay. Nabanggit nito na uuwi ito ng Pilipinas sa susunod na linggo buhat sa Canada kaya ibinigay naman niya kaagad ang bagong address dito.
“Akala ko ba…” Binitin niya ang sasabihin at napangiti nang maluwang sabay yakap dito. “Nakakainis ka talaga!” Pabirong sinabunutan niya ito.
Tumawa ito habang kumakalas sila sa isa’t isa. “Three days na ako rito. Hinintay ko lang talaga na makalipat ka ng bahay para hindi mo ako isama sa paglilipat ng mga gamit mo. Nakakapagod ’yon, ’no!” Umirap pa ito kunwari.
“Napaka-supportive best friend mo talaga, ’no?” Umirap din siya.
Nagkatawanan sila.
“Hindi mo ba ako papapasukin?” anito habang iniaabot sa kaniya ang mga bitbit.
“Huwag na. Lumayas ka na,” biro niya sa kaibigan sa pagitan ng pagtawa.
“Hi, Miss Tawny!”
Kapwa sila natahimik at napatingin ng kaibigan sa bumati sa kaniya. Si Alilee iyon na kabababa lang sa kotseng humimpil sa garahe.
“Woah!” bulalas ng kaibigan niya.
Napailing siya sa kaibigan. Alam niya na nalula ito sa magandang sasakyan na iyon.
“Aba nga naman. Kagabi ka lang lumipat, may kilala ka na kaagad dito, ha,” sabi nito nang tingnan siya matapos makabawi.
“Oo,” tugon niya. “Halika.” Hinila niya ito palapit sa direksiyon ng bata na noon ay kasalukuyan ding naglalakad palapit sa American roses.
“Good to see you again,” sabi niya.
Hindi pa nakakapagsalita ang bata ay nakababa na si Dominic sa kotse.
“Alilee,” tawag nito sa bata habang papalapit dito.
Napanganga kay Dominic si Stephanie pero pasimple niya itong siniko para matauhan kaagad.
“Tito Dominic, puwede ba akong—?”
“Pasensiya na, Alilee,” maagap nitong putol sa bata. “But if I let you do whatever you want, ako ang kagagalitan ng Daddy mo,” pabulong nitong sabi sa bata bagama’t narinig nilang magkaibigan.
“Hmp,” anang bata na umismid pa rito. “Didn’t you say I should be nice with our neighbors here?” Napasimangot pa ang bata.
Matapos marinig ang sinabi ng bata ay noon lang niya naintindihan na hindi talaga doon nakatira ang lalaking ito. Pasimple siyang siniko ni Stephanie pero hindi niya ito pinansin.
“Bakit hindi mo man lang ipakilala ang sarili mo sa kanila?” tanong ng bata sa natahimik na binata.
Alanganin ang naging ngiti ni Dominic. Tumingin ito sa kanila at sa kaniya napako ang mga mata. “I’m Dominic, bestfriend ko—”
“Bakit hindi mo sabihin sa kanila ang buo mong pangalan?” putol dito ng nakahalukipkip na bata, na akala mo’y kaedad lang ang sinasabihan.
“Alilee?” salubong ang mga kilay na saway ni Dominic sa bata, pero kaagad ding naisip na nasa harap lang sila kaya muli itong gumuhit ng ngiti sa labi.
“Jhon Brhyan Dominic ang buo niyang name,” wika ng bata na kapwa nagpabago sa ekspresyon ng mukha nila ni Dominic bagama’t magkaiba ang isinasalarawan.
Tumawa ang ipinakilala. “Dominic na lang for short. Bestfriend ko ang Dad ni Alilee,” pagpapakilala ulit nito sa sarili pero hindi naglahad ng palad para makipag-shakehands sa kaniya.
Napatango siya. “Tawny,” maikling pagpapakilala niya sa sarili at hindi rin nagawang maglahad ng palad dito.
‘Tama ba ang narinig ko?’ hindi pa rin makapaniwalang tanong niya sa isip. ‘Hay! Kung sabagay, posible naman ang magkaroon ng kaparehong pangalan, ’di ba?’ sabi na lang niya sa isip bagama’t hindi niya magawang makumbinsi ang sarili sapagkat sa kasong ito ay tila talagang napakaimposible.
“Stephanie,” narinig niya namang pagpapakilala ng kaibigan na ginaya lang siya.
“Nice to meet you, ladies. Ah, siguro puwede tayong magkuwentuhan next time. Papasok na muna kami ni Alilee. Excuse us,” kaagad nitong paalam at iginiya patungo sa pinto ng bahay ang napipilitang bata.
“Sige,” pahabol niyang sabi at tumango. Sinundan pa nila ng tingin ang mga ito hanggang sa makapasok.
“Grabe! Masasabi bang maginoo ang ganoong klase ng lalaki? Nakangiti nga pero hindi man lang nakipagkamay nang magpakilala. Walang manners,” angal ni Stephanie na humalukipkip pa. “Nakaka-turn off siya.”
Tiningnan niya ito. “Ang tanong, na-turn on ba siya sa ’yo?” biro niya rito upang pakalmahin ito at ilihis ang isip niya.
“Ha. Ha. Ha.” Umiikot ang eyeballs nito. “Same question sa ’yo, girl.”
Umiling lang siya. ‘Wala akong paki sa kaniya,’ sa loob-loob niya. Ang tanging iniisip lang niya ay kung paano naging kagayang-kagaya ng pangalan nito ang lalaking naging bahagi ng kaniyang nakaraan sa loob ng isang gabi.
Hindi alam ng kaibigan niya ang nangyari sa kaniya seven years ago. Inilihim niya iyon dito dahil iniisip niya na baka kahit kaibigan niya ito ay husgahan siya nito o tawaging tanga. Kaya naman sinarili niya na lang iyon sa loob ng pitong taon.
“Bago mapunta nang tuluyan ang usapan tungkol sa kanila, excited na akong makita ang mga pasalubong mo sa ’kin,” masiglang sabi niya upang tuluyang malihis ang usapan. Pinilit niyang tumawa upang hindi nito mahalata na may palaisipang tumatakbo sa kaniyang isip nang mga sandaling iyon.
“Ako rin, kanina ko pa gustong bulatlatin sa ’yo ’yon,” sabi naman nito.
Sabay silang lumakad pabalik sa loob ng bahay niya. Nang makapasok ay kaagad niyang binulatlat ang mga dala ni Stephanie. Karamihan doon ay pagkain, but there are even more cosmetics and perfume products.
“Grabe, ha, pangit at mabaho na ba talaga ako kaya kailangan ko na ng mga ito?” kunwari’y angal niya bagama’t nakatawa.
“Hindi naman, pero siyempre kailangan mong i-maintain ang sarili mo,” mataray na turan nito.
Saglit na namayani ang katahimikan.
“Kumusta ka na pala? Ayos ka na ba talaga?” kapagkuwan ay tanong nito.
Ngumiti siya. “Oo naman. Hindi ba obvious sa ’kin?” pabirong tanong niya.
“Kinukulit ka pa ba ni Wyatt?” tanong pa nito dahilan para mapatingin dito. “Hmm…?” turan pa nito nang hindi siya agad sumagot.
“Actually, isa siya sa mga reason kung bakit ako lumipat,” pag-amin niya.
Ex-boyfriend niya si Wyatt at ngayon ay stalker na niya.
“Bakit ba kasi pinahihirapan mo pa ’yong tao? Mahal ka naman—”
“Steph,” putol niya rito. “Hindi ko siya gustong pag-usapan, okay?” matabang na wika niya.
Napabuntonghininga ito habang tahimik na nakatitig sa kaniya.
***
“SALAMAT sa pag-aalaga kay Alilee, Dominic. Pasensiya ka na, ginabi na naman ako,” seryosong sabi ni Ice sa kaibigan nang makarating na siya sa bahay bandang alas-syete na ng gabi. Pinilit niyang kumilos nang normal sa harapan nito upang ikubli ang nadarama niyang pagod at bigat sa dibdib.
“Uh-hmm… Ayos lang ’yon,” wika ni Dominic habang nakabantay ang mga mata sa bawat kilos niya. “Nasa kuwarto si Alilee. Katatapos ko lang magluto kaya hindi ko pa siya napakain,” dugtong pa nito.
“Salamat. Ako na ang bahala. Dito ka na mag-dinner para may kasabay kami,” sabi naman niya.
“Sige, ihahanda ko na ang mesa,” pagpayag nito at kumilos patungo sa dining room nang matigilan dahil may biglang naalala. Lumingon ito sa kaniya. “Siya nga pala, may bago ka na palang kapitbahay?”
“So?” tanong niya na wala man lang anumang ekspresyon sa mukha.
Napangiti ito sabay iling. “Anong klaseng reaksiyon at tanong ’yan?”
Iniiwas niya ang tingin dito saka matamlay na napabuntonghininga. “Wala naman. I just don’t want to discuss about things that have nothing to do with my life,” seryosong sabi niya na nagpaasim sa mukha nito.
“Tao ang bago mong kapitbahay at hindi isang bagay. At please, hindi naman lahat ng tao na makikilala natin ay kailangan munang may ambag sa buhay natin bago pakitunguhan nang maayos.” Napapangising ikinibit nito ang mga balikat habang nakamata sa kaniya. “Ice? Bakit para yata—”
“Gumagabi na, Dominic,” putol niya rito. “Magda-drive ka pa pauwi.” Humakbang siya patungo sa hagdanan.
“Ice, ang bago mong kapitbahay ay ang babaeng…” Binitin nito ang sasabihin at pinakatitigan siya.
Napahinto siya sa paglalakad, tumitig nang matalim sa pader habang napapatiim-bagang. Pero ang matigas na anyo ay kagyat na naging malambot nang maalala ang gabing iyon pitong taon na ang nakalipas.
Malalim at mapait ang naging buntonghininga niya.
“Tingin ko hindi naman natin kailangan pag-usapan ang tungkol sa kapitbahay ko,” malamig na sabi niya habang nananatiling nakatitig sa pader. “Magbibihis lang ako.”
Mabilis siyang lumakad patungo sa hagdanan.
Napabuntonghininga si Dominic at napailing habang walang magawa kung hindi sundan siya ng malungkot na tingin.