AYAW sana ni Tawny na iwan si Alilee sa ospital pero iginiit ni Dominic na ito na ang magbabantay sa bata tutal naman ay idi-discharge rin si Alilee bukas ng tanghali. Madaling araw na at inaantok na rin siya kaya pumayag na siyang maiwan si Dominic sa bata. Puyat siya nang nagdaang gabi dahil halos umaga na nang makauwi siya buhat sa painting exhibit.
Sumabay sa kaniya si Ice para umidlip kahit ilang oras sapagkat magdu-duty ulit ito sa ospital ng alas syete ng umaga, at dahil wala siyang dalang sasakyan ay sa kotse na nito siya pinasakay.
"Salamat at pasensya ka na ulit," sabi niya kay Ice nang ihimpil nito ang kotse sa garahe.
Tiningnan siya nito at nagtama ang kanilang mga mata sa tulong ng liwanag sa loob ng kotse nito.
"Ako ang dapat magpasalamat sa'yo, Tawny, sa pagmamalasakit sa anak ko, at humingi ng pasensya sa inasal ng Daddy ko." Bumuntong-hininga ito at bahagyang nailing. "Hiyang-hiya ako sa inasal at mga pinagsasabi niya kanina. Kung minsan, hindi talaga niya makontrol ang kaniyang bibig kaya hindi kami magkasundo," sabi pa nito.
Ngumiti siya at iniiwas ang tingin dito. "Ayos lang, naiintindihan ko. S'yanga pala, naiwan ko ang cellphone ko sa loob ng bahay mo dahil sa pagmamadali kanina."
"Ah, sige, pumasok ka muna." Kumilos ito at binuksan ang car door, kaya naman kumilos na rin siya at bumaba sa kotse nito.
Magkasabay silang lumakad patungo sa pintuan ng bahay nito.
Tinitigan niya si Ice habang pinipindot nito ang passcode sa pinto. Iba ang awra ng mukha nito ngayon, halos hindi niya mabakas ang kalamigan sa mga mata nito. Ayaw niyang isipin na dinadaya lang siya ng kaniyang paningin kaya naman hindi niya gustong ikurap ang mga mata habang nakatitig sa guwapo nitong mukha.
Bigla itong tumingin sa kaniya at huling-huli siya nito. Napahiya siya pero hindi pa rin niya nagawang alisin ang titig dito.
"Bakit?" tanong ni Ice sa kaniya na bahagya pang napakunot ang noo.
Napailing siya. "W-wala naman, inaantok na lang kase siguro ako," pagdadahilan niya at kunwa'y napahikab pa.
"Nawawala ba ang antok sa pagkakatitig mo sa mukha ko?" tanong pa nito na hindi niya nagawang sagutin.
Binawi nito ang tingin at itinulak ang dahon ng pintuan pabukas.
Sumunod siya nang pumasok ito.
Binuksan nito ang ilaw sa sala. Sa pagkalat ng liwanag doon ay kaagad niyang nakita ang cellphone sa sofa.
Lumakad siya palapit doon at kinuha iyon. "Heto, nakuha ko na," wika niya na sinabayan ng pagtingin kay Ice habang ipinapakita ang cellphone na hawak niya. Wala sa loob na napalunok siya kasabay ang pagsikdo ng kaniyang dibdib nang makitang naktitig ito sa kaniya. Kakaiba ang paraan ng titig na iyon, matiim at tila nanunuot sa kalamnan niya.
"B-Bakit?" tanong na halos ibulong niya sa hangin.
Ngunit imbes na tugunin siya ay humakbang ito palapit sa kaniya. Sinalakay ng hindi maipaliwanag na emosyon ang kaniyang dibdib at halos pigilan niyon ang pagtibok ng kaniyang puso.
"I-Ice!?" sambit niya sa pangalan nito habang nakabantay sa paglapit nito.
Narating nito ang kaniyang kinatatayuan at walang sabi-sabing dinaklot ang maliit niyang baywang at kinabig siya palapit sa katawan nito. Ngayon ay natiyak niya kung ano ang emosyon na sumasalakay sa dibdib niya, pananabik, abot-langit na pananabik.
Sinalubong niya ang labi ni Ice at kaagad na lumambitin sa batok nito kasabay ang pagbitaw sa cellphone na hawak niya. Kapwa sila napasinghap at napapikit habang sabik na sinasalakay ang labi ng isa't isa. Naramdaman niya ang paghigpit ng mga braso nito sa kaniyang baywang habang halos sakmalin ang kaniyang mga labi. Malalim at mapusok ang paraan ng paghalik nito, sumasabay ang mainit nitong dila na malikot na gumalugad ng malalim sa loob ng kaniyang bibig. Sunud-sunod ang naging pagsinghap niya at sinabayan ang malikot nitong dila.
Nagsimulang humaplos sa likod niya ang maiinit na palad ni Ice at mabilis siyang nahubaran ng pang-itaas na kasuotan kasunod ang kaniyang bra. Kumawala ang malulusog at tayung-tayo niyang dibdib. Iniwan ni Ice ang labi niya at masuyong pinagmasdan ang mga iyon.
"Ice..." sambit niya sa pangalan nito habang masuyo itong hinahaplos sa pisngi.
Inangat nito ang tingin sa kaniya, nangungusap ang namumungay nitong mga mata. Hindi man nito isa-tinig ay nababasa niya sa mga titig nito ang labis-labis na paghanga at pananabik.
"Oh, Tawny," masuyong sambit nito. Hinuli nito ang palad niyang patuloy na humahplos sa pisngi nito at dinala iyon sa kaliwa nitong dibdib. Napasinghap siya at napaluha sa tuwa nang maramdaman sa palad niya ang mabilis at malakas na t***k ng puso nito.
Masuyo nitong ipinikit ang mga mata. "Pahintulutan mo ako na muli kang angkinin, Tawny…ayon sa kagustuhan ng puso ko sa pagkakataong ito, at hindi dahil gusto lang ng isip mo…" masuyong sambit nito sa paanas na paraan habang magkatagpo ang mapunuyo nilang mga titig.
Tumango siya ng marahan. "Matagal ko na itong hinihintay, Ice, ang madamang muli ang mga bisig mo habang inaangkin ako…" masuyong anas niya.
Napasinghap siya nang madama ang masuyong haplos ng mainit nitong mga palad sa kaniyang likod pababa sa matambok niyang pang-upo at idinikdik siya sa ibabang bahagi ng katawan nito. Napakagat-labi siya nang madama sa kaniyang puson ang matigas nitong p*********i.
Nasa ganiyang ayos ang lahat nang kapwa sila napakislot dahil sa biglang pagtunog ng cellphone nito. Natauhan siya at itinulak palayo si Ice. Pinulot niya kaagad ang damit sa carpet at mabilis na isinuot saka nagmamadaling tinungo ang pintuan palabas.
"Tawny, sandali!" narinig niyang pigil nito sa kaniya.
Hindi niya ito pinansin bagkus ay nagmadaling lumabas at patakbong umuwi sa kaniyang bahay.
Kaagad niyang inilapat ang dahon ng pintuan at nanlalata ang mga tuhod na napasandal doon. Habol niya ang kaniyang hininga, hindi mapigil ang pagpapawis at paglunok ng paulit-ulit.
Nasa ganiyang ayos siya nang mapahawak sa kaniyang dibdib at noon lang niya napagtanto na wala siyang bra. Nakalimutan niya iyon at naiwan sa bahay ni Ice dahil sa pagmamadali.
"s**t!" Napapikit siya ng mariin at napakagat-labi dahil sa hiya sa sarili. Muli niyang naimulat ang mga mata nang maalala na pati ang cellphone niya ay naiwan ulit doon.
•••
"NAKAUWI na kami," napapakamot sa dulo ng kilay na tugon ni Ice kay Dominic matapos sagutin ang tawag nito.
"I was just worried thinking that you might fall asleep while driving, napansin ko kase na namumungay na sa antok ang mga mata mo when you guys left here."
Nasapo niya ang noo dahil sa inis kay Dominic. "Tama ka inaantok na nga ako, ang totoo niyan naidlip na sana ako nang tumawag ka."
"Ah, ganoon ba? Pasensya na, nag-alala lang talaga ako."
Napabuntong-hininga na lang siya. "Sige na, matutulog na ako. Ikaw na muna ang bahala kay Alilee, salamat." Tinapos na niya ang tawag.
Dumiin ang hawak niya sa cellphone saka napapikit bago pabagsak na napaupo sa sofa.
"Ano ba ang nangyayari sakin?" tanong niya sa sarili.
Halos sumabog ang dibdib niya dahil sa pananabik kay Tawny. Marahil dapat ay pinasalamatan niya si Dominic dahil kung hindi, baka nakalimot siya. Kahit bali-baliktarin pa ang sitwasyon, hindi mababago ang katotohanan na kasal pa rin siya kay Alisa.
Iminulat niya ang mga mata at hindi sinasadyang ang bra at ang cellphone ni Tawny sa carpet ang kaniyang nakita. Dinampot niya ang mga iyon at inisip kung dapat ba niyang dalahin sa dalaga.
"No, hindi dapat," saway niya sa sarili. Nandoon pa ang apoy na lumatang sa buong sistema niya partikular sa kaniyang p*********i at kung makikita niya ngayon si Tawny ay baka tuluyan siyang magkasala.
•••
BAGO ilabas sa ospital si Alilee nang araw na iyon ay nagtungo si Ice sa pribadong opisina ng kaniyang ama.
"Good morning, Doctor Ice," matamis ang ngiting bati ng secretary ng kaniyang ama na inihinto pa ang ginagawa para lang batiin siya.
"Good morning," pormal na bati rin niya. "Nandiyan ba s'ya?" tapos ay tanong niya na ang tinutukoy ay ang kaniyang ama.
"Yes, Doc, diretso na lang po," tugon nito.
Lumakad siya at tinungo ang private office ng ama habang ang secretary ay nakasunod ng tingin sa kaniya hanggang makapasok siya roon.
"Good morning," kaagad niyang bati sa ama na abala sa harap ng laptop nito.
Tiningnan lang siya nito at ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Ngayon ang labas ni Alilee, maliban sa pagkompronta mo sa 'kin yesterday in front of my friends hindi n'yo man lang sinilip ang anak ko para magpakita ng kahit kaunting malasakit," paninita niya.
Umiling lang ito at ipinihit ang leather chair sa drawer na nasa kanang bahagi nito at inabala ang sarili roon.
"Dad, kung may galit kayo sa 'kin h'wag n'yo namang idamay ang anak ko, wala siyang kinalaman sa mga naging pagkakamali ko sa'yo, sa inyo ni Mommy. Kahit kaunting concern man lang, Dad, para sa anak ko na apo ninyo." Hindi niya ikinubli ang hinanakit sa tinig at anyo.
Pumihit ito paharap sa kaniya. "I can't do that!" bakas sa tinig at anyo nito ang labis na pagkairita. "Bulag ka ba talaga o sadyang tanga ka lang? That kid is not yours, that kid wasn't really my grandchild!"
Naumid ang kaniyang dila at hindi nakapagsalita.
"Hindi ko alam kung ano'ng nangyari o kung bakit hindi mo nakita ang tungkol sa bagay na 'yan, Ice. Six years mong inalagaan at inaruga ang batang hindi mo naman anak! Isa ka nga talagang malaking tanga!" Halos malagot ang mga litid nito sa leeg dahil sa labis na galit. "Umpisa pa lang alam na namin ng Mommy mo ang tungkol dito, iyon ang dahilan kung bakit kahit makasalubong kita kahit saang sulok nitong ospital hindi kita halos tingnan! Galit ako sa'yo dahil ginawa mong tanga 'yang sarili mo, binulag ka ng dahil sa pagmamahal mo sa Alisa na 'yon! Nakakahiya ka!"
"Prove me," kaagad niyang turan. "Na totoo ang mga sinasabi mo at dito mismo sa harap mo, aaminin ko sa sarili ko na tanga nga ako," pigil ang galit sa boses na wika niya habang ang dibdib ay tila sasabog na.
Nagulat siya nang kaagad nitong isambulat sa harapan niya ang dokumentong kinuha nito sa drawer kanina.
"Hayan, tingnan mong mabuti. Paternity test certificate iyan at may mga indicated documents pa r'yan, basahin mong mabuti!" pasigaw na sabi nito sa kaniya.
Tiningnan niya ang mga iyon sa makintab na sahig at hindi magawang damputin. Natatakot siya sa maaari niyang makita.
"Siguro nga, may pagkakahawig kayo, pero kahit naman ang babaeng kasama mo kahapon halos kahawig mo rin kahit hindi mo siya kaanu-ano. Pero ang papel na 'yan ang makakapagpatunay sa'yo na hindi mo talaga anak ang batang 'yon. Oras na para gumising ka sa katangahan, Ice," bahagya nang huminahon ang pananalita nito bagama't naroon pa rin ang panunuya.
Yumukod siya upang damputin ang mga papel na iyon, pero mas nauna pang bumagsak doon ang mga luha niya bago pa iyon nahawakan.
Nanlalabo man ang kaniyang paningin dahil sa mga luha ay nagawa pa rin niyang basahin at maintindihan ang mga nakasulat doon.
Kaagad siyang kumilos palabas.
"Ice!" paasik na tawag ng kaniyang ama pero hindi niya pinansin.
Malalaki ang mga naging hakbang niya hanggang sa makalabas ng ospital. Nang marating ang kotse ay kaagad siyang sumakay roon at pinasibad iyon palayo.