Chapter Sixteen

2404 Words
ARAW ng Lunes at sinisikap ni Ice na maging masigla ang katawan pero hindi niya magawa. Naiinis siya sa sarili sa ganoong pakiramdam lalo na at dahil iyon sa biglaang pag-iwas ni Tawny sa kaniya sa hindi niya malamang dahilan. Dapat niya itong ikatuwa dahil iyon naman talaga ang nais niyang mangyari, subalit hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit parang laban ito sa kaniyang kalooban. Nasa ganiyang ayos siya nang lumapit sa kaniya ang nurse na responsable sa initial assessment ng mga pasyente niya. Kasunod ng nurse na ito ang lalaking kukonsulta sa kaniya at kaagad siyang napamata nang makita ang mukha nito. Matapos gawin ng nurse ang trabaho ay iniwan nito ang outpatient sa kaniya. Tiningnan niya ang pangalan ng pasyente sa record na iniwan ng nurse, Wyatt Almendras. Tinapunan niya ito ng tingin bago kumilos at ginamit ang stethoscope sa dibdib nito na siyang idinadaing. "Mr. Wyatt, madalas bang naninikip o sumasakit ang dibdib mo?" tanong niya rito. Hindi ito nagsalita. "Kailangan natin ng cardiovascular diagnostic test to find out if —" "Doc," putol nito sa kaniya. "Naramdaman ko ito mula nang iwan ako ng fiancée ko," halos paanas na turan nito. Nakatulala ito sa dingding, matamlay. "Pakiramdam ko pinipiga ang puso ko...lalo na kapag naaalala ko lahat ng mga pinagsamahan namin na nauwi lang sa wala. Iniwan niya ako nang hindi ko alam kung ano'ng dahilan." Napatitig siya rito, bakas sa anyo at tinig nito ang kapaitan. Naalala niya ang mga sinabi ni Tawny tungkol sa dahilan kung bakit ito iniwan. "Doc, what kind of medication do I need to take para at least kahit paano mabawasan 'yong pain na nararamdaman ko rito?" Itinuro nito ang sariling dibdib. Hindi siya nakapagsalita at naibaba ang malamig niyang mga mata. "Doc, tinatanong po kita. Kung wala kang maibigay na gamot upang lunasan ang sakit na 'to, bigyan mo ako ng lason, 'yong lason na madaling kikitil sa buhay ko," mapait na sabi pa nito at mabilis na tumayo sabay hawak sa kuwelyo ng suot niyang lab coat. Nahulog sa sahig ang stethoscope niya. Naalarma siya kaya kaagad niya itong hinawakan sa magkabilang pulsuhan at tiim-bagang na tinulak palayo sa kaniya habang magkahinang ang kanilang mga mata na kapwa pinamimintaan ng magkasundong emosyon. Napunit ang kuwelyo ng kaniyang lab coat pero hindi niya iyon pinansin, bagkus ay patulak itong binitawan. Pabagsak itong napabalik sa pagkakaupo nito sa silya. Hindi ito kumilos matapos niyan bagkus ay impit na napaiyak. Tiim-bagang siyang napabuntong-hininga bago lumapit sa intercom at tumawag sa nurse station. "Pakialalayan ang pasyente ko palabas ng ospital, magsama ka ng security guard at magdala ka na rin ng wheelchair, just in case," sabi niya sa nurse na sumagot sa kaniya. "Doc, pasensya ka na," narinig niyang sabi ni Wyatt kaya napatingin siya rito. "I didn't mean it, nadala lang siguro ako ng emosyon ko," mapait na sabi nito kasabay ang pagsuklay ng mga daliri sa buhok habang tahimik na umiiyak at sumisinghot paminsan-minsan. Hindi siya nagsalita subalit nanatiling nakatitig dito. Ang akala niya kaya ito nagkakaganito ay alam nito ang tungkol sa kaniya, kung sino siya sa buhay ni Tawny o kung ano ang naging papel niya sa buhay ng dalaga. Noon dumating ang nurse na nakausap niya sa intercom kanina, tulak ang wheelchair at nag-sama nga ng security guard kagaya ng utos niya. "Pakidala siya sa psychologist, baka makatulong sa kaniya," utos niya sa mga ito. Hindi kaagad kumilos ang mga ito at bagkus ay kapwa napatingin kay Wyatt. "Ano pang hinihintay n'yo?" untag niya sa mga ito. Saka pa lang kumilos ang mga ito at nilapitan si Wyatt na noon ay sinikap na pigilan ang sarili buhat sa pag-iyak. "Kaya kong maglakad," garalgal ang boses na sabi nito sabay tayo. Sinundan niya ng tingin ang mga ito at nang makalabas ay pabagsak siyang naupo sa leather chair at hindi napigil ang mapabuntong-hininga habang inihihilamos ang mga palad sa mukha. Nabalisa siya. Nang ibaba niya ang mga kamay ay napatingin siya sa telepono na naroon sa ibabaw ng table niya. Binuhat niya ang awditibo ng telepono pero saglit na huminto at lihim na dumalangin na sana ay puntahan ni Tawny sa bahay si Alilee. Tapos na ang klase ng anak, tiyak na nasundo na ito ni Dominic at nasa bahay na nang mga ganoong oras. Isang linggo nang hindi pumupunta sa bahay niya si Tawny, hindi niya ito natitiyempuhan at palaging wala ang sasakyan nito, kaya pakiramdam talaga niya ay iniiwasan siya nito. Sa loob ng isang linggo na iyon ay palagi siyang tumatawag sa landline ng bahay niya sa pag-asang ang dalaga ang sasagot, pero laging si Dominic ang nandoon. Nagtaka pa nga ang kaibigan kung bakit sa landline siya tawag nang tawag samantalang dati naman daw ay sa mobile phone siya nito tumatawag. Nakabili na siya ng bagong cellphone kaya nagtataka talaga ito. Pinindot niya ang numero ng landline ng bahay niya. Ilang sandali rin iyon nag-ring bago may sumagot. "Hello?" Hindi siya aware sa biglaang pagkabog ng kaniyang dibdib matapos marinig ang boses ni Tawny. Hindi siya nagsalita at wala sa loob na napangiti bago walang paalam na ibinaba ang awditibo ng telepono. Napakurap siya nang mapansin ang doktor na nakasilip sa kaniya buhat sa labas ng glass door. Itinulak nito iyon pabukas at pumasok. "Sa wakas, after all these years ngumiti ka ulit." Malawak ang ngiti ni Doctor Silvano ngunit bahagyang nagnipis nang mapadako ang tingin sa kuwelyo ng kaniyang lab coat. "Ano?" napakunot ang noo na tanong niya rito at sa pagkakataong iyan ay seryoso na ulit siya. "Ngumiti ka bago mo ibinaba ang telepono," sagot nito. "Nakita ko, kaya nga ako napahinto sa labas ng pinto mo. Sino ba 'yon at nagawa kang pangitiin kahit wala namang namutawing salita r'yan sa bibig mo?" pag-uusisa pa nito. Imbes na sagutin ito ay tumayo siya. "Magra-rounds ako," palusot niya at malalaki ang mga hakbang na tinungo ang pintuan. Pinulot nito sa sahig ang stethoscope niya. "Doctor Ice," tawag nito. "Kailangan mo ito sa pagra-rounds mo." Napahinto siya sa paglakad at nilingon ito. Manipis ang ngiti nito habang iniaabot ang stethoscope niya. "At siguro kailangan mong palitan ang lab coat mo bago ka mag-rounds," dagdag pa nito. Natigilan siya nang maalala ang napunit niyang lab coat. Kumilos si Doctor Silvano at tinapik siya sa balikat bago lumabas. Napabuga siya ng hangin nang marinig ang pagbukas-sarado ng pintuan. Mabuti na lang at hindi ito nag-usisa pa. ••• "SI DAD ba 'yon, Miss Tawny?" tanong ni Alilee sa kaniya pagkababa niya sa awditibo ng telepono. Nagkibit-balikat siya. "Prank caller siguro, hindi naman nagsalita eh," tugon niya. Ayaw sana niyang mag-stay sa bahay ni Ice pero pinakiusapan siya ni Dominic kanina bago iniwan sa kaniya ang bata, may importante lang daw itong aasikasuhin. "Akala ko si Dad, kase last time palagi siyang tumatawag sa landline. Nagtataka na nga rin si Tito Dom eh kase hindi naman iyon dati ginawa ni Daddy," sabi pa nito. Napakunot lang ang noo niya pero hindi na niya inisip ang sinabi nito. "Hayaan na natin 'yan, halika samahan mo ako sa kitchen magluluto tayo ng lunch natin." Hinawakan niya sa kamay ang bata at iginiya patungo sa kitchen. Tiningnan niya ang laman ng freezer at wala ng ibang nandoon kun'di prawns. "Ano ba 'yan, ganda-ganda ng trabaho walang laman ang fridge?" bulong niya sa sarili na napaismid pa. Naalala niya na wala na nga rin palang laman ang refrigerator niya kaya kailangan na niyang mamili bukas, oo bukas pa niya magagawa iyon dahil malamang gabi na naman darating itong si Ice. "Paano ba 'yan prawns lang ang mayroon dito." "Ayaw ko n'yan, hindi ako kumakain niyan si Daddy lang," kaagad na sabi ni Alilee na sinabayan pa ng pag-iling. "Naku, wala ng ibang iluluto rito eh." Saglit siyang nag-isip. "O, sige magpapa-deliver na lang ako ng food." "No, okay na ang prawns for me basta…" "Basta ano, Alilee?" "Doon tayo sa house mo, gusto ko ulit mag-paint eh." Nag-pretty eyes pa ito sa kaniya. Ngumiti siya. "Iyon lang pala eh, oh, 'di sige." Pinisil niya ang ilong nito bago kinuha ang prawns at sinimulan na iyong iluto. ••• "O, si Alilee?" tanong ni Ice nang makita si Dominic doon sa ospital. Kunwa'y hindi niya alam na kay Tawny nito iniwan ang bata. "Ice, pasensya na, iniwan ko kay Tawny," matamlay nitong tugon. Napakunot-noo siya. "Bakit? Masama ba ang pakiramdam mo?" nag-alalang tanong sa kaibigan nang mapansin ang katamlayan nito. Tiningnan siya nito na tila ba may gustong sabihin. "What?" "Ano kase..." binitin nito ang sasabihin na ikinainip niya. "Ano ba 'yon, Dom?" "Gusto ko sanang itanong kung natatandaan mo ba ang name ng pinsan ni Reign na ini-admit dito, ikaw ang attended physician niya, tama? Naka-indicate sa medical record niya 'yong complete address niya?" "Bakit?" tanong pa niya. "Ano kase." Napakamot ito sa ulo. "Biglaang nagsarado 'yong flower shop na pinapasukan ni Reign at hindi ko alam kung…saan ko siya hahanapin, wala siyang kahit na anong kontak sa akin, kahit social media accounts niya wala rin." Tiningnan niya ito pero hindi nagsalita. May kung anong tumatakbo sa isip niya. "Tss…" react nito na kaagad nakuha ang iniisip niya. "Oo na, gusto ko si Reign, higit pa roon. Pakiramdam ko hindi na uusad ang buhay ko kapag hindi ko siya nakita ulit," diretsahang pag-amin nito sa kaniya. "Saka isa pa, may nangyari na sa 'min eh at ako 'yong first honor kaya hindi p'wedeng hindi ko siya makita." "Haist!" Inismiran niya ito. "First honor talaga, parang estudyante lang na—" "Oo, tama," putol nito sa kaniya. "Madami akong performance task na ginawa bago ako nakapasa sa kaniya," pagbibiro pa nito bagama't seryoso ang tono at anyo. Napailing siya. "Kay Reign ka rin naman pala babagsak eh, ikuwento mo naman sa'kin next time kung paano kayo nagsimulang magkakilala o kung paano ka naging estudyante ng puso niya, pinaglilihiman mo na ako eh," kunwa'y nagtatampong sabi niya rito. "Oo na, pero h'wag muna ngayon, tulungan mo muna akong humanap ng paraan para makita siya ulit," inip nitong turan. "Pasalamat ka mataas ang memory ko kaya natandaan ko pa ang pangalan ng pasyente, Roselle Villacruz. Ipahanap mo sa medical records section para makuha mo ang address," suhestiyon niya rito. Noon tumunog ang cellphone niya. Kaagad niya itong kinuha sa bulsa ng lab coat at sinagot ang tawag kahit pa nga unknown number ang caller. "Hello?" aniya. "Ice!" boses iyon ni Tawny, nanginginig. "Bakit!?" Kaagad na kumabog ang dibdib niya. "Sino 'yan!?" tanong ni Dominic nang makitang iba ang reaction niya. Hindi niya ito pinansin dahil na kay Tawny ang pokus niya. "Si Alilee, hindi ko alam kung anong nangyayari!" naiiyak na sabi ni Tawny. Sukat sa narinig ay kaagad siyang tumakbo palabas ng ospital. "Ice!" si Dominic na namumutla habang nakasunod sa kaniya. ••• "SORRY talaga, Ice. Hindi ko alam na allergic si Alilee sa prawns," umiiling na sabi ni Tawny nang makalabas sa silid na iyon ang Allergist Doctor na tumugon sa naging kondisyon ng bata. "Hindi mo kasalanan, I forgot to tell you na allergic siya roon," malumanay na sabi niya sa dalaga. Maluha-luha nitong tinitigan si Alilee na noon ay himbing nang natutulog habang tahimik na nakaupo sa tabi nito si Dominic. Tinitigan niya si Tawny at nakita niya ang panginginig nito. "Relax," mahinahong sabi niya rito. Hinawakan niya ito sa kamay at pinisil iyon. "She'll be fine. Huwag mo nang sisihin ang sarili mo, it's my fault. Nangyari 'yon dahil hindi kita pinaalalahanan." Sinalubong nito ang tingin niya. Nagtitigan silang dalawa hanggang unti-unti itong nakalma. Habang si Dominic ay nasa kay Alilee ang lahat ng atensyon, nag-aalala. Marahil ay naku-konsensya ito at sinisisi ang sarili dahil iniwan nito si Alilee kay Tawny. Nasa ganiyang ayos sila nang umingay ang dahon ng pintuan sa pagbukas niyon. Sabay-sabay silang napatingin doon at nagkaroon ng magkakaibang reaksyon. "Ano'ng nangyari?" bungad ng ama niya. "Dad!?" Nabigla siya at kaagad na binitawan ang kamay ni Tawny sabay tayo at sinalubong ang papalapit niyang ama. Huminto ito sa paglakad sa harap niya. "Who was with her?" tanong nito sa pormal na tono. "Dad, listen up to me first, okay na si Alilee, wala ng dapat alalahanin," kalmadong sabi niya bagama't hindi siya tiyak kung malasakit ba ang ipinapakita nito ngayon. "I'm asking you who the f**k with her nang mangyari ito sa kaniya?!" ulit nito sa mas mataas na tono, galit. Napamura siya sa isip matapos ang sinabi ng ama. "Ako po," sagot ni Tawny kaya napatingin siya rito at muling napamura sa isip. Tumingin ang ama niya sa dalaga bago ibinalik ang tingin sa kaniya. "Sino s'ya?" kunot ang noo na tanong nito sa kaniya. Hindi sila sumagot ni Tawny kaya tumingin ito kay Dominic, subalit hindi rin ito nagsalita. Lumakad ito palapit sa bata, mataman itong tinitigan. "Matigas ang ulo mo, Ice!" paasik nitong turan sabay pukol ng matalim na tingin sa kaniya. "I told you that you would leave that child with her mother. No one can offer her proper care—not you, not her, not his." Idinuro sila nito isa-isa. "But her mother." 'Hell, f**k!' sa isip niya. Marahas siyang napabuga ng hangin nang maisip na hindi malasakit ang ipinapakita nito ngayon kun'di pagpapatunay na mali siya sa desisyon niyang manatili sa kaniya ang bata. Tumingin ito sa natamiming si Tawny at hinagod ng tingin mula ulo hanggang paa. "Don't tell me na dadagdagan mo ang batong ipupukpok sa ulo mo, Ice," wika pa nito habang nakatingin kay Tawny, nanunuya ang tono ng pananalita. Napakurap siya sa galit. Hindi na niya nagugustuhan ang pilantik ng dila nito subalit mas pinili niyang manahimik upang hindi na lumala pa ang sitwasyon sa harapan ni Tawny. Lumingon ang ama niya kay Dominic na noon ay tahimik pa rin habang nakamasid sa kaniyang ama. Saglit na nagsukatan ng tingin ang mga ito. Isa si Dominic sa sinisilip nito kung bakit ganito ang buhay niya. Bad influence raw ito sa kaniya. Tumingin muli sa kaniya ang ama. "Mag-isip isip ka ngang lalaki ka," mariing sabi nito habang dinuduro siya, nanlilisik ang mga mata. "You have nothing else to do but disappoint me!" Lumakad ito palabas sa pintuan, mabigat ang mga yabag nito. Naiwan silang tahimik at kapwa nakababa sa sahig ang tingin. Hiyang-hiya siya sa inasal ng kaniyang ama. Pagkaraan ay tiningnan niya si Tawny bago walang imik na lumabas sa silid na iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD