Chapter Fifteen

1745 Words
KAAGAD na sinalubong si Reign ng mga katrabaho at kaibigan nito nang makita ito pagbaba sa sasakyang lulan nila na ipinarada ni Ice sa harap ng flower shop kung saan nagtatrabaho si Reign. Sinuyod ng tingin ng mga kaibigan si Reign nang mapansin ang kasuotan nito. Bumaba siya sa kotse ni Ice at kaagad na napako ang tingin ng mga katrabaho ni Reign sa kaniya. "Uy! Siya ang kasama mo ng mga araw na hindi ka umuwi?" pabulong na tanong kay Reign ng isa sa mga katrabaho nito pero malinaw na nakarating sa pandinig niya. Natatandaan niya ito, isa ito sa dalawang babae na na sumugod sa hotel noon at kumausap sa kaniya. "Oo, pero maniwala ka sa hindi, walang nangyari sa amin sa loob ng ilang araw na magkasama kami," pabulong ding wika rito ni Reign. Pareho silang defensive at mapagkaila, kahit pa nga ang totoo talaga ay...mayroon. Napatingin siya sa isa pa sa babaeng naroon, ito naman ang isa pa sa babaeng sumugod sa kaniya sa hotel. Hindi maitago ang kilig nito habang nakatingin kay Ice na noon ay kakababa lang sa kotse nito. Minasdan niya si Ice na noon ay palinga-linga sa paligid, sa mga bulaklak, walang pakialam. "Si Madam?" tanong ni Reign sa mga ito. "Pumunta sa comfort room nang makitang dumating ka. Baka nahihiya lang 'yong magdakdak ngayon kase may kasama ka, kaya ayon para mapigil siguro ang sarili niya stay na muna siya sa comfort room," ang lalaking katrabaho ni Reign ang sumagot. "So, dito ka pala nagtatrabaho?" tanong niya kay Reign. "Oo, at sila ang mga ka-trabaho ko," tugon nito sa kaniya na parang noon lang naalalang ipakilala ang mga kasama. "Si Ada, si Claire at si Joenard. Ang boss namin nasa comfort room pa raw. At guys, siya naman si Dominic, ahm...kilala n'yo na s'ya," medyo nahiya pang pagpapakilala nito sa kaniya. "Kumusta? Nagkita tayo ulit," sabi niya sa kanila Ada at Claire, ngumiti siya sa mga ito, sinsero sa kabila ng katotohanang ipina-ban niya ang mga ito sa five star hotel niya. Napangiti na lang din ang dalawa at kapwa nakipagkamay sa kaniya. "Mabait naman pala," halos korus pa nila Ada at Claire. Gusto niyang mapatawa. "Pasensya na that time," nasabi na lang niya. Huling nakipag-kamay sa kaniya si Joenard bago bumalik sa trabaho habang pamasid-masid sa kanila. "Ibig bang sabihin nito, Sir Dominic, okay na kayo?" tanong ni Ada na pinaglipat-lipat pa ang tingin sa kanila ni Reign. "Inihatid lang ako, walang meaning iyon," sabad kaagad ng dalaga. Pinili niyang magkibit-balikat na lang. Hindi siya sigurado sa isasagot sapagkat hindi niya maintindihan itong si Reign. "Sir Dominic, 'yong kasama mo ba, binata pa?" Kapwa nagulat si Reign at Ada sa tanong na iyon ni Claire, samantalang siya naman ay maluwang na napangiti. Sabi na nga ba at kursunada nito si Ice sapagkat kanina pa nito tinitingnan ang kaibigan niya. Tumingin siya sa direksyon ni Ice na noon ay abala sa pagtingin ng mga bulaklak. "Ano ba'ng pangalan niya?" narinig pa niyang tanong ni Claire. "Claire!?" pinandilatan na ito ni Reign. "Nagtatanong lang," nakangusong reklamo ng sinaway. "Siya si Doctor Ice," si Reign na ang napilitang sumagot. "Bestfriend s'ya ni Dominic, siya 'yong kinuwento ko sa inyo na Doctor na nagmalasakit sa pinsan ko." "Ahw! Ang guwapo-guwapo niya! Bestfriend mo pala siya?" si Claire na halos mamilipit na sa kilig habang tinatanong siya. Tumingin siya rito. "Oo, bestfriend ko s'ya. At sa kasamaang palad, kasal na siya," nakangiting tugon niya. Napakunot ang noo ng tatlong magkakaibigan. "Kasal na pala si Doc?" hindi napigil na tanong ni Reign sa kaniya, tila hindi makapaniwala. Siya naman ang napakunot-noo. "Oo, bakit? Nanghihinayang ka rin?" tanong niya kay Reign at hindi naitago sa boses ang panibugho. May pagka-seloso talaga siya. "H-hindi," kaagad na pagtanggi ni Reign. "Hindi ko lang naisip na may babae palang may lakas ng loob na magpakasal sa lalaking may dalawang emosyon lamang, seryoso at seryoso," tila wala sa loob na sabi nito, huli na bago naitakip sa bibig ang palad. Si Claire naman ay hindi naitago ang panghihinayang at pagkadismaya sa mukha habang nakatanaw pa rin kay Ice. Noon napadako ang tingin ni Ice sa kanila na tila ba naramdaman na pinag-uusapan nila ito. "Sige na, aalis na kami may lakad pa kami ni Ice eh," pagpapaalam niya at ngumiti sa mga kaibigan ni Reign. Kumaway pa siya sa mga ito bago tumalikod. Umawang ang bibig ni Reign at may nais pa sanang sabihin subalit naduwag marahil ito at piniling manahimik habang nakasunod na lang ang tingin sa kaniya. "Reign," tawag niya sa dalaga nang may maalala, huminto siya sa paglakad at pumihit paharap dito. Napatuwid ito ng tayo. "Kung magkikita ulit tayo, sana hindi ka na lasing," turan niya na nagpatamimi ng tuluyan sa dalaga. "Sige na, aalis na kami." Muli siyang kumilos at nagpatuloy sa paglakad. Napakagat-labi na lang si Reign habang nakasunod ng tingin. "Ice, tara." Sumunod naman kaagad sa kaniya si Ice na hindi man lang nagpaalam sa kanila Reign. Madalas talaga ay suplado itong si Ice pero maginoong medyo may kabastusan. Kung sabagay, ganoon din siya kung minsan. Magkasabay silang bumalik sa sasakyan. ••• "HAIST! Sayang talaga, guwapo niya talaga," nanlulumong sabi ni Claire nang makaalis na sila Dominic. "Claire, p'wede ba? Nakakahiya 'yang inasal mo. Hindi mo ba naisip na baka isipin nila oportunista ka," saway at sermon ni Reign dito at tiningnan si Ada. "Binanggit mo sa'kin dati na pinuntahan n'yo si Dominic, bakit hindi n'yo man lang sinabi sa'kin ang totoo kung sino talaga siya," tapos ay konpronta niya sa mga ito. "Sinubukan namin kaso nga palagi kang nag-i-emote, kesyo palagi mong sinasabi na wala ka ng gana at kung anu-ano pang drama, kainis," Si Ada na umirap pa kunwari sa kaniya. "Ang gusto lang naman sana namin ay maayos kayong dalawa, pero hindi namin inaasahan na may matutuklasan kami sa pagkatao niya." "Nag-research na kami tungkol sa kaniya," sabi naman ni Claire. "Galing siya sa mayamang pamilya na kilala sa holding firm business, land developer, international real estate business, at pamilya niya ang may ari ng isang sikat na brand ng beauty product," sabad ni Joenard na nakalapit na pala ng hindi nila namalayan. "Pero gumawa siya ng sarili niyang business at iyon nga ay ang Emerald Hotel, siya pala mismo ang may-ari ng five star hotel na iyon na isa sa mga kilalang hotel dito sa bansa, at ang full name niya ay Jhon Brhyan Dominic Alcaraz. Thirty eight year old at certified single," mahabang sabi ni Joenard. "Wow ha, mukhang hindi mo masyadong hinalungkat ang pagkatao niya, dapat siguro nasa NBI ka at wala dito sa flower shop," pagbibiro niya rito. Pero sa isip ay nalula siya sa pagkatao ni Dominic. Hindi lang guwapo si Dominic, he has everything in life. "Next time i-background check mo rin si Doctor Ice, baka sakaling may chance pa ako," seryosong sabad naman ni Claire dahilan para mapatingin silang lahat dito. ••• PINILI ni Tawny na sa bahay niya mag-stay kasama si Alilee. Doon ay mas nalilibang ang bata sa pagpipinta. Abala siya sa ginagawa nang tumunog ang doorbell. Lumabas siya sa art room at tinungo ang pintuan. Tiyak na si Stephanie na iyon at ang boyfriend nitong si Dave. Ilang beses na nagbalak pumunta ang mga ito roon para pasyalan siya pero palaging hindi natutuloy. "Hay naku, muntik na akong mainis at binalak na itaboy na lang kayo kung sakaling dumating kayo rito," maluwang ang ngiting sabi niya sa dalawa nang mapag-buksan ang mga ito. Napakunot ang noo niya nang mapansin na hindi kumibo ang dalawa. "Bakit? May problema ba?" tanong niya na bahagya nang manipis ang ngiti sa labi. Pero hindi na kailangan sumagot ng mga ito dahil mula sa likuran ng mga ito ay lumitaw si Wyatt. Tuluyang naglaho ang ngiti niya sa labi nang makita ang binata. "Bakit n'yo naman dinala rito ang lalaking 'yan? Alam naman ninyo na isa siya sa dahilan kung bakit ako lumipat ng tirahan," pigil ang inis na anas niya sa kanila Stephanie. "Hindi namin siya kasama, ang totoo, halos magkasabay kaming nagpark ng sasakyan d'yan sa harapan ng bahay mo," pabulong na sabi ni Stephanie. "Tawny, sorry kung...kinulit ko ang Dad mo," malungkot ang tono na sabi ni Wyatt sa kaniya. Napabuntong-hininga siya at iniwas ang tingin sa mga ito. "Steph, pumasok na muna kayo ni Dave, kakausapin ko lang muna siya," kapagkuwan ay sabi niya sa dalawa na kaagad namang tumalima. Hinarap niya si Wyatt nang makalayo ang dalawa, pero hindi niya ito inalok na pumasok sa loob ng kaniyang bahay. "Sana hindi ka na lang nag-abalang pumunta rito, alam mo naman na pagkatapos nating mag-usap ngayon maghahanap na ulit ako ng panibagong lugar na paglilipatan ko," aniya na nagpakita ng inis sa tono. "Hangga't hindi mo ako kinakausap ng maayos at sinasabi sa'kin kung ano ang totoong dahilan kung bakit mo ako iniwan ng basta na lang, hindi ako titigil kahit saan ka pa magpunta," seryosong sabi nito sa kaniya. "Para ano pa ba? Nagawa mo namang mabuhay hanggang ngayon na wala ako, ano pa bang gusto mo?" maanghang na tanong dito. "Tawny, ginawa ko lahat para turuan ang puso ko na kalimutan ka, pero hindi ko magawa. Mahirap bang intindihin para sa'yo? Mahal pa rin kita at iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayon nagpupumilit pa rin ako." "P'wes pasensya na, iniwan kita dahil wala na akong feelings para sa'yo," walang gatul na sabi niya. Tinitigan niya ito para ipakita rito na seryoso siya sa kaniyang sinabi. Sa pamamagitan ng liwanag buhat sa outdoor light ay nakita niya ang pamamasa ng mga mata nito. Parang may kung anong kurot sa puso niya nang makita iyon. "Wyatt, halos isang taon na ang nakaraan, tingin mo ba may dapat ka pa talagang asahan?" Sinikap niyang itago dito ang nararamdaman sa mga sandaling iyan. Nabigla siya nang bigla na lang siya nitong kabigin at yakapin ng mahigpit. "Please, Tawny, ayusin natin 'to. Gagawin ko lahat mahalin mo lang ulit ako, hindi ko na kakayanin pa ulit eh!" mangiyak-ngiyak na wika nito. Saglit siyang natigilan at napaluha pero kapagkuwa'y pinilit niyang ilayo ang sarili buhat dito at nagawa niya iyon. "Tama na. Please, tama na." Mapait siyang napailing. "Hayaan mo na ako. Palayain mo na ang sarili mo sa pagmamahal mo sa'kin," mariing sabi niya saka tinalikuran ito at pinagsaraduhan ng pintuan. Sinubukan pa nitong katukin ng paulit-ulit ang pintuan pero nagmagtigas siyang hindi ito pagbuksan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD