Chapter Fourteen

2743 Words
ANG tunog ng doorbell ang gumising kay Ice. Napabalikwas siya ng bangon at kaagad na tiningnan ang oras sa desk clock, alas nuwebe na pala ng umaga kaya pala lumalagos na sa manipis na kurtina ang liwanag ng araw. "Buwisit!" Hindi niya namalayan na nakatulog pa pala siya ulit kanina matapos ang pag-uusap nila ni Tawny. Nalamukos niya ang mukha nang maalala na Huwebes pa lang pala nang araw na iyon at kapwa sila may pasok ng anak. "Buwisit talaga!" inis na asik pa niya ulit bago umibis sa kama. Muling tumunog ang doorbell. Nagmadali siya sa paglabas ng silid at tinungo ang pinto, binuksan iyon na hindi man lang tumingin sa video door-phone upang alamin kung sino iyon. Natigilan siya nang bumungad sa paningin niya kung sino ang kaniyang bisita. "What's up?" malawak ang ngiting bungad ng bayaw niyang si Alder. "Hindi mo man lang ba ako papasukin?" "Napasyal ka yata?" naitanong niya habang niluluwangan ang bukas sa pinto para papasukin ito. "Gusto kong kumustahin ang pamangkin ko, isang taong mahigit na rin yata mula nang huli ko siyang makita," anito. Sa Baguio ito naninirahan kasama ang mga magulang ni Alisa at napakadalang lumuwas ng Maynila. Noong hindi pa nagloloko si Alisa ay madalas silang pumapasyal doon. Alam na ng mga ito ang nangyari sa kanila ni Alisa dahil minsan na siyang sumangguni sa mga ito pero wala namang ginawa ang mga ito at kinonsente pa nga si Alisa. Wala naman daw magagawa ang mga ito kung ayaw na sa kaniya ng asawa niya. "Wow! Sino naman ang babaeng ito? Siya ba si sleeping beauty sa real life at dito sa bahay mo nakatulog hindi sa tamang tore?" pilyo ang ngiting tanong nito sa kaniya habang nakatingin sa direksyon ng sala. Salubong ang mga kilay na dinala niya roon ang tingin. Napamata siya nang makita si Tawny na himbing na natutulog sa mahabang sofa. Hindi niya ito napansin kanina sa pagmamadali. Akala niya ay umuwi na ito kanina matapos niyang magwalk-out sa pag-uusap nila. "Ah…y-yaya siya ni Alilee," pagsisinungaling niya. "Talaga?" Humakbang ito at lumapit kay Tawny, hinagod nito ng tingin ang kabuuan ng dalaga na ikinainis niya. Hantad ang makinis at maputing legs ng dalaga sa suot nitong shorts, habang bahagya namang nalilis ang blouse nito kaya nakahantad ang impis, maputi at makinis nitong tiyan. "Nakakainggit naman ang pamangkin ko, napakaganda ng yaya niya." Bakas ang labis na paghanga sa boses ni Alder habang titig na titig sa mga hita ng dalaga at akmang hahawakan ang mga iyon pero maagap niyang pinigilan ang kamay nito. Awtomatiko itong tumingin sa kaniya. "Bakit?" kunot ang noong tanong nito, halatang nainis sa ginawa niya. Napasaltik ang mga bagang niya sa asal nito. "Nasa pamamahay ko siya kaya dapat mo siyang i-respeto kagaya ng pagrespeto ko sa'yo," pigil ang galit na sabi niya. Natatawang binawi nito ang braso sa kaniya. "Ikaw naman, masyadong mainit ang ulo mo," sabi nito bago sumeryoso at inilinga ang mga mata."Nasaan ba ang pamangkin ko?" "Natutulog pa siya," maikling sagot niya, seryoso. Sinipat siya nito. "Napansin ko lang, malaki na yata ang pinagbago mo. Noon kapag nakikita mo ako napakaluwang ng ngiti mo, halos umabot sa'yong tainga," tila nakakalokong puna nito sa kaniya. "Pero ngayon, pagbungad ko pa lang kanina r'yan sa pinto mo kahit ngisi hindi ko nakita sa labi mo." "Pasensya na, kagigising ko lang kaya wala ako sa mood," pagdadahilan niya, nagsasaltik ang mga bagang. "Siguro next time magbigay ka ng abiso para hindi ako nabibigla sa gising ko." "Oh, 'di sige." Nagkibit-balikat ito habang nakaismid. "Tulog pa naman pala si Alilee, babalik na lang siguro ako sa ibang araw. At sana sa pagbalik ko, ipakilala mo na ako sa yaya ng pamangkin ko." Tinapunan pa nito ulit ng malagkit na tingin si Tawny na noon ay hindi man lang naabala ang tulog sa pag-uusap nila ng kaniyang bayaw. Tinapik siya ni Alder sa balikat bago ito umalis. Hindi na niya ito inihatid palabas ng bahay kagaya ng dati niyang ginagawa bagkus ay tiim-bagang na nakuyom ang kaniyang mga kamao. Nang marinig niya ang ugong ng sasakyan nito palayo ay tiningnan niya si Tawny. Kaagad na napalis ang galit sa dibdib niya nang makita ang maamo nitong mukha. Dumukwang siya rito at inayos ang nalilis nitong damit, bagay na hindi niya nagawa kanina dahil ayaw niyang mag-isip ng kung ano si Alder. Bumalik siya sa silid at kinuha ang blanket niya, ikinumot iyon sa dalaga. Saglit pa niya itong pinagmasdan bago ito iniwan para maghanda sa pagpunta sa ospital. Absent na lang muna sa skul si Alilee nang araw na iyan pero siya, hindi p'wedeng hindi pumasok sa trabaho. Napapagod na siyang sermonan ng kaniyang ama na parang bata. ••• KATATAPOS lang ni Ice sa pagra-rounds sa cardiology wards nang masalubong niya ang isa sa mga doktor sa hallway. "Doctor Ice, buti nakita kita. Si Sir Dominic po nasa lobby," nakangiting sabi nito. "Ah, sige. Salamat, Doc." Kaagad niya itong nilampasan upang magtungo sa lobby ng ospital. Malayo pa lang siya ay natanaw na niya roon si Dominic. Kaagad siya nitong nakita, tumayo ito upang salubungin siya. "Napadaan ka?" tanong niya nang kapwa sila makalapit sa isa't isa. "Ano'ng meron?" tanong din nito. "Saan?" Napakunot-noo siya. "Sa'yo." "Sa'kin?" Itinuro pa niya ang sarili. "Dumaan ako sa bahay mo, Ice. Nakalimutan ko kaseng itanong sa'yo kagabi kung bakit kahapon ko pa hindi makontak ang number mo. Hindi ko tuloy alam kung nakapasok ka ba o hindi, ganundin si Alilee." "Pasensya na, Dom, hindi ko nasabi sa'yo na nabasag 'yong cellphone ko, natapakan ko kase. Baka mamaya pa ako makakabili ng bago." Nagkibit-balikat ito. "Bakit sa bahay mo siya natulog?" biglang tanong nito, nananalakay ang tono at titig. "Gamit pa niya ang blanket mo. At...bakit parang tiwala ka na talaga sa kaniya na para bang...balewala na ang lahat. Iniwan mo sa kaniya ang iyong anak at ibinigay ang passcode ng iyong bahay." "Bakit binibigyan mo na kaagad ng malisya 'yong paggamit n'ya sa blanket ko?" maagap niyang depensa. "Siguro dapat kang magtaka kung nakita mo na natutulog siya sa kuwarto ko." Hindi ito nakaimik pero kapagkuwa'y nagkibit-balikat. "M'kay, pero paano naman 'yong tungkol sa passcode ng bahay mo saka kay Alilee?" hindi pa rin nakuntento na tanong nito. Kanina bago siya umalis ay nagising si Tawny, inihabilin niya ulit dito ang anak kahit pa nga nag-aalangan siya dahil sa naging pag-uusap nila kaninang madaling araw. Napabuntong-hininga siya. "Hay naku, Dom, nasa trabaho ako, mamaya na tayo mag-usap, okay?" Sinundan niya ng pagtalikod ang sinabi upang hindi na ito makapagtanong pa. Habang naglalakad palayo sa kaibigan ay napaisip siya sa mga sinabi nito, sa mga tanong nito. Bakit nga ba niya ginawa iyon? ••• HATING-GABI na nakauwi si Ice, patay na ang ilaw sa sala at tahimik na sa loob ng bahay nang pumasok siya. "Tawny?" wala sa loob na tawag sa dalaga. Nang hindi ito sumagot ay nagtungo siya sa silid ni Alilee. Sa tulong ng liwanag buhat sa lampshade ay nakita niya na kapwa himbing na natutulog ang dalawa, magkayakap. Lumapit siya sa kama at pinagmasdan ang mga ito. Malungkot siyang napangiti nang maalala si Alisa, madalas nitong tabihan ang anak noon gaya ng ganito upang patulugin. Dumukwang siya para halikan ang anak sa noo at dahil nakayap si Tawny kay Alilee ay napalapit din ang mukha niya sa dalaga. Napatingin siya sa mukha nito at napatitig sa nakaawang na labi. Namamasa iyon at mamula-mula, tila ba inaanyayahan siya. Wala sa loob na napahagod siya ng tingin sa kabuuan ng mukha nito, at parang ngayon lang niya nabigyan ng pansin ang kagandahan nito. Dahil nakatuon ang mga mata at lahat ng atensyon niya kay Tawny sa mga sandaling iyan ay hindi niya napansin ang pagbukas ng mga mata ni Alilee. Napatitig ito sa kaniya at huling-huli nito ang ginagawa niyang pagtitig kay Tawny. Muling bumaba ang tingin niya sa labi ng dalaga, at sa pagkakataong iyan ay natukso siyang halikan ito. Kumilos siya at akmang hahalikan si Tawny nang biglang magsalita si Alilee. "Daddy?" Napakislot siya at kaagad na napaigkas palayo dahil sa pagkabigla. "Bakit tinititigan mo si Miss Tawny? Saka, hahalikan mo ba siya?" inosenteng tanong nito sa kaniya. "Ssshh..." kaagad niyang saway sa anak sabay tapat ng hintuturo sa kaniyang labi. "Go back to sleep," paanas na utos niya sa anak habang nakatitig kay Tawny na nananatiling himbing. "Tinitingnan mo ba kung mapula pa 'yong cheek n'ya?" tanong pa nito sa kaniya imbes na sundin ang sinabi niya. Bahagyang napakunot ang kaniyang noo. Napansin nga niya na bahagyang namumula ang kabilang pisngi ni Tawny pero hindi talaga niya pinuna dahil ayaw niyang isipin ng dalaga na inaalala niya ito. "Hindi na namumula ang pisngi niya. How did she get that anyway?" naisip na lang niyang itanong sa anak. "Mom slapped her, kase may mosquito raw sa cheek ni Miss Tawny." 'What!?' bulalas niya sa isip. Tiningnan niya si Tawny na noon ay himbing pa ring natutulog. Nakadama siya ng inis kay Alisa. Bakit kailangan nitong gawin iyon kay Tawny? "Daddy, namimiss kong matulog katabi ka," narinig niyang sabi ng anak habang naglalambing ang tingin sa kaniya. "Pero…" nabiting wika niya matapos tumingin dito. Naiisip niya ang maaaring maging reaksyon ng dalaga kung magisnan na katabi siya ng mga ito. "Daddy, please?" Tiningnan niya ulit ang nahihimbing na si Tawny. "Sige, pero…galing ako sa ospital at kailangang maligo ni Daddy, matulog ka na at mamaya tatabi na lang si Daddy sa'yo, okay?" Tumango ang bata. "Siyanga pala, sweetheart." Kinuha niya sa bulsa ang cellphone ni Tawny. "Pakiabot na lang ito sa kaniya baka kase makalimutan ko pa ulit. Dito ko na lang ilalagay." Ipinatong niya iyon sa bedside table. "Sige, Daddy." "Pakisabi anak, salamat. Sige na, sleep ka na ulit. Good night." At muli itong hinalikan sa noo. "Good night, Daddy." Bago muling ipinikit ang mga mata. Lumabas siya sa silid ng anak at dumiretso sa kaniyang kuwarto. Naligo siya gaya na nang palagi na niyang ginagawa tuwing uuwi pagkagaling sa ospital. Matapos ay dumulog siya sa kaniyang kama ng naka-boxer brief lamang. Ipinikit niya ang mga mata upang matulog na pero nakarinig siya ng marahang katok sa pintuan. Bahagyang napakunot ang kaniyang noo habang bumabangon. Umibis siya sa kama at nagsuot ng robe bago binuksan ang pintuan. "Alilee!?" "Daddy, I've been waiting for you. Why did it take you so long?" "Sweetheart, ano kase—" naputol niya ang sasabihin nang hawakan nito ang kaniyang kamay at hilahin palabas sa silid niya. Napailing siya at napatianud na lang sa anak. ••• ANG guwapong mukha ni Ice ang una niyang namulatan. Awtomatikong nawala sa normal ang pulso niya, halos ilang dangkal lang ang kanilang layo sa isa't isa. Napabalikwas siya ng bangon habang iniisip kung bakit kasama niya ito sa kama. Dahil sa walang ingat na paggalaw ay naistorbo ang tulog nito at nagising. Kaagad din itong napabalikwas nang makita siya, bumaling ito. "Si Alilee?" tanong nito nang makitang wala sa kama ang anak. Hindi niya nagawang sumagot dahil hindi pa siya nakakabawi sa pagkabigla at hindi pa kumakalma ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso. "Alilee!" tawag nito sa anak sabay ibis sa kama habang nakatingin sa desk clock. Napaawang ang bibig niya nang makitang naka-boxer brief lang pala ito sa ilalim ng kumot kanina kung saan magkasukob pa sila. Napalunok siya habang hindi magawang alisin ang tingin sa maumbok nitong hinaharap. Habang ang malisyosa niyang isip ay bumalik sa nakaraan kung saan naranasan niya kung anong pakiramdam na nasa loob niya ang kahabaan nito. Nadama marahil nito ang mga titig niya kaya tumingin ito sa kaniya. Napahiya siya dahil nahuli siya nitong nakatitig sa harap nito. Nag-init at namula ang kaniyang pisngi at noon lang niya nagawang iiwas ang mga mata. Tila noon lang nito naalala ang sariling ayos kaya dinampot nito ang robe na nakapatong mismo sa ibabaw ng bedside table sa tabi ng lampshade. "Alilee!" tawag ulit nito sa anak matapos siyang ignorahin. "Daddy, I'm here," tugon ni Alilee na noon ay nakasilip sa nakaawang na dahon ng pintuan ng bathroom nito. Lumapit si Ice sa anak. "Magluluto lang ng breakfast si Dad," paalam nito sa anak. Noon lang niya naalalang kumilos at magsalita. "A-ako na ang bahala kay Alilee," nabulol pang sabi niya na sinabayan ng pag-ibis sa kama. Tiningnan siya ni Ice pero hindi nagsalita bagkus ay tumalikod at lumakad palabas sa silid ni Alilee. Para siyang nanlata at nawalan ng buto na bumagsak pabalik sa pagkakahiga sa kama. "Ice…" bulong niya sa pangalan nito. Damang-dama niya sa kaniyang dibdib ang matinding pananabik dito. Kailan ba niya ulit madarama ang mainit nitong katawan sa kaniya? May pag-asa pa ba na maranasan niyang muli ang maangkin nito? Napalunok siya at ipinikit ang mga mata. ••• SINADYA ni Ice si Dominic sapagkat tanghali na ay hindi pa ito pumupunta sa bahay niya at hindi iyon karaniwan gayong araw ng Linggo. Hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit parang hinihila siya patungo sa villa nito. May access siya sa villa ng binata kaya malaya siyang nakapasok nang hindi na kailangang pagbuksan pa ng kahit na sino sa mga maids ng kaibigan. Pagbungad niya sa malawak na living room ay natigilan siya nang makita si Dominic pababa sa hagdanan kasunod ang pamilyar na babae, si Reign, ito nga at hindi siya maaaring magkamali. Mataman niyang tiningnan ang dalaga dahil sa ayos nito. Suot nito ang T-shirt at boxer shorts ni Dominic habang bitbit ang sariling mga kasuotan. "It's up to you, 'di ba sabi ko naman kahapon p'wede kang umalis so—" naputol ang pagsasalita ni Dominic nang makita siya, bakas sa mukha nito ang matinding pagkabigla. Kaagad itong nagpatinghulog sa hagdanan. Gumulong ito paibaba sa baitang ng hagdan at tila walang malay na bumagsak sa marmol floor. "Dominic!" nag-aalalang sigaw ni Reign. Nagmadali itong bumaba sa hagdan at kaagad na dinaluhan ang binata. "Baliw ba s'ya?" napailing na tanong niya sa kaniyang sarili habang lumalakad palapit sa kaibigan at sinipat ito nang makalapit. "Nawalan yata siya ng malay, dalahin na natin siya sa ospital, Doctor Ice!" alalang-alala na sabi ni Reign, nanginginig ang boses nito, halatang ninerbiyos. "Hoy! Dominic," tawag niya sa kaibigan at inignora ang sinabi ng dalaga. "Huwag ka ngang pranning. Gusto mo ba i-mouth to mouth kita para magising ka?" pabirong banta rito. Hindi ito kumibo. Napailing siya at napaikot ang eyeballs sa kaartehan ng kaibigan niya. "Dom, heto na ako. Ima-mouth to mouth na kita." Dumukwang nga siya para totohanin ang sinabi niya. Nagmulat ito ng mga mata sabay tulak sa kaniya at mabilis na bumangon. Nakahinga ng maluwag si Reign nang makitang ayos lang si Dominic. "Bakit bigla ka na lang kaseng sumusulpot!?" inis nitong tanong sa kaniya. "Hay naku, bakit 'andito siya?" tanong din niya imbes na sagutin ang tanong nito. Wala siyang pakialam kahit naririnig pa siya ni Reign. "Mukhang gusto na niyang umuwi bakit 'di mo ihatid? Illegal detention 'yang ginagawa mo." "Naku hindi po, Doc," singit ni Reign. "Ako…ako ang may kasalanan kung bakit ako napunta rito," kaagad nitong salo kay Dominic. "Gusto ko lang linawin sa'yo," mabilis namang turan ni Dominic sa kaniya. "Walang namamagitan sa amin ni Reign at ang totoo niyan ihahatid ko na talaga siya." Tumayo ito at lumakad patungo sa main door na parang walang nangyari. "Wala naman akong sinabi ah," pahabol niyang sabi rito, hindi siya nito pinansin. Tahimik namang sumunod dito ang dalaga. Napailing siya habang sinusundan ng tingin si Dominic, ang dalawa. "Sige, hihintayin kita sa bahay, Dom," wika na lang niya. "Hindi, Ice." Huminto ito sa paglakad at nilingon siya. "Samahan mo akong ihatid siya," sabi nito sa mataas na timbre ng boses upang matiyak na maririnig niya ang sinabi nito dahil medyo malayo ang distansya nila. "Pano'ng kotse ko?" tanong niya kay Dominic. "Dadaanan natin bago dumiretso sa bahay mo," tugon nito at nagpatuloy sa paglakad. Malalaki ang mga hakbang na sinundan niya ang kaibigan at kunwa'y sinikmuraan. "Ahw!" pag-iinarte nito. "Dom, sira ulo ka talaga, two seaters ang kotse mo, saan mo ako papupwestuhin?" paanas na tanong niya kay Dominic. Tumawa ito at napakamot sa ulo. "Oo nga pala. Sige na nga, sa kotse mo tayo." Nanunukso ang irap na ipinukol niya rito bago tiningnan si Reign na noon ay nauuna sa kanila sa paglakad. Napamata siya sa bandang batok nito kung saan kitang-kita niya ang pulang marka dahil nakapusod ang mahaba nitong buhok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD