Chapter Twelve

1742 Words
SAGLIT silang nagsukatan ng tingin ni Alisa nang makalapit siya sa kinaroroonan nito. Kapwa sila nagpakiramdaman at naghintay kung sino sa kanilang dalawa ang mauunang magsasalita. Inalis niya ang tingin kay Alisa at tinanaw ang anak na noon ay nakatanaw sa kanila at kumakaway. Ngumiti siya ng manipis at kumaway rin dito saka nag-flying kiss na ginaya naman ng bata. Nang muli itong humarap sa mga kalaro ay kagyat na nawala ang ngiti niya sa labi at muling napatingin kay Alisa na noon pala ay nakatitig pa rin sa kaniya. "Sa susunod, tumawag ka muna bago mo siya sunduin, kahit sa skul o sa bahay pa," malamig ang tonong sabi niya kay Alisa. Kumurap ito at iniiwas ang tingin sa kaniya. Hindi ito nagsalita at namayani na naman ang katahimikan sa pagitan nila sa loob ng ilang sandali. "Gusto kong…" kapagkuwa'y biting sabi ni Alisa. "Gusto kong mag-file tayo ng annulment para sa kasal natin, Ice," wika nito sa malumanay na tono, napamata siya rito. "Iyon naman ang dapat na matagal na nating ginawa, hindi ba?" dugtong pa nito bago muling ibinalik ang tingin sa kaniya. Nagtitigan sila, at hindi siya sigurado kung nagkakamali lang siya subalit pait ang nakikita niya sa mga mata nito ngayon habang nakatitig sa kaniya. "We've wasted a lot of time because we've become too cowardly to do the things we should've done before," sabi pa nito habang mapait na nakangiti. Naibaba niya ang tingin. "Sa iyo marahil, oo," seryosong sabi niya. "Hindi ba ako ang dapat na nagsasabi tungkol d'yan dahil sa ating dalawa ako ang may malinaw na dahilan?" tanong niya saka muling tumingin dito. Napakurap ito kasabay ng pamamasa ng mga mata kaya naman muli itong nag-iwas ng tingin sa kaniya at tumanaw sa malayo. "Gusto mo ng annulment at pagkatapos na ma-grant iyon ay hahanap ka ng tiyempo para gumawa ng hakbang at makuha ang parental custody kay Alilee o baka gawin mo iyon at the same time." Siya naman ang mapait na napangiti. "Bakit ba parang gusto mong natu-torture 'yong puso ko, Alisa? Sabihin mo nga sa'kin, wala ka na ba talagang natitirang pagmamahal para sa akin at pagpapahalaga sa mga pinagsamahan natin?" "Ice, ako ang ina ni Alilee, 'di ba nasa akin naman talaga dapat ang custody dahil—" "Sagutin mo ang tanong ko," putol niya rito. Hindi ito sumagot at hindi man lang din siya tiningnan. "Alam mo bang pinag-iisipan ko ang pagpapa-file ng reklamong adultery against you kasama ang lalaking iyon?" mapait niyang hayag kay Alisa. Awtomatiko itong napatingin sa kaniya matapos marinig ang sinabi niya. Bahagyang nanlaki ang mga mata nito at naglarawan ng pagkabahala. "Makakakuha ako ng kongkretong ebidensya, Alisa. Pagsusumikapan ko 'yon higit pa sa pagsusumikap kong tanggapin ang lahat ng nangyayari sa'tin ngayon," wika pa niya. Napaluha si Alisa matapos ang mga sinabi niya, subalit nanatiling tikom ang bibig. "Huwag mong ipagmalaki sa akin na ikaw ang ina ng aking anak, dahil hindi ko nakakalimutan na iniwan mo kami dahil sa sarili mong kaligayahan at kapakanan, so, ibig sabihin lang nito you can't be a good mother para kay Alilee. Kaya nga hindi mo magawang magreklamo, 'di ba? Dahil alam mo sa sarili mo na tama ako sa sinasabi ko. Ngayon, gawin mo kung anong gusto mong gawin, mag-file ka ng annulment kung gusto mo at bahala ka sa grounds mo pero ito lang ang sasabihin ko sa'yo, magiging patas lang ang sakit na madarama natin pagkatapos ng lahat ng ito, Alisa. Titiyakin ko sa'yo na at the end of the line, sa ating dalawa ikaw ang magsisisi." Sinundan niya ng pagtalikod ang mga sinabi upang ikubli rito ang pamamasa ng mga mata. Lumunok siya at pasimpleng tumikhim. "Ihatid mo si Alilee sa bahay, may importanteng lakad si Dominic kaya pakihintay na lang ako, sisikapin kong makauwi ng maaga," dugtong pa niya bago kumilos at iniwan ito. Hindi na niya naisip pa na magpaalam sa kaniyang anak dahil sa tindi ng emosyong dumadagsa sa dibdib niya sa mga sandaling iyan. Pakiwari niya ay winawarak ang kaniyang dibdib. Hindi pa man siya nakakalayo ay nasalubong niya ang ama ni Tawny, awtomatiko siyang napahinto sa paglakad. Napaangat ang mga kilay niya sa isip na magkasama pa pala ito at si Alisa roon, ipinapakita sa anak niya ang kataksilan ng mga ito. "Ice," tawag nito sa kaniya at lumakad hanggang makalapit. Napamura siya sa isip dahil sa lakas ng loob nito. Hinintay niya itong makalapit sa kaniya. "Wala kang alam sa totoong nangyayari, kaya pinapa-alalahanan kita," kaagad nitong sabi nang ganap na makalapit sa kaniya. "H'wag na h'wag mong gagawan ng kalokohan ang aking anak, dahil kapag ginawa mo 'yon, hindi ko alam kung ano pang kaya kong gawin sa'yo," kalmadong babala nito sa kaniya. Hindi siya aware sa napakatalim na tinging ipinukol niya rito. "So, pinagbabantaan mo ako? Talaga bang kapwa na kayo desperado kaya pati ang batas na dapat alam ninyo ay nakakalimutan n'yo na?" nangungutya ang tono niya. "Hindi ako nakakalimot, Ice, at hindi ako nagbabanta. Pinapaalalahanan lang kita, alam kong alam mo na anak ko si Tawny kaya kung may gusto kang gawin dahil iniisip mo na may kasalanan ako sa'yo, sa akin mo gawin sapagkat labas siya sa usapang ito." Napaismid siya at napailing. "Natatakot ka para sa anak mo?" sarkastikong tanong niya rito. "Iniisip mo ba na kagaya mo ako?" panunuya niya. "Iniisip mo na palibhasa…kinabayo mo ang asawa ko kakabayuhin ko rin ang anak mo?" Nakita niya ang pagbalasik ng anyo nito matapos ang mga sinabi niya pero hindi siya nagpatinag. "Iniisip mo na baka lawayan ko ang buong katawan ng anak mo at maglunoy sa pagitan ng mga hita niya, ganoon ba, Sir?" sarkastiko na pagpapatuloy pa niya. "P'wes pasensya ka na, dahil ginawa ko na iyong lahat sa kaniya." Mabilis na umigkas ang kamao nito sa mukha niya at hindi niya iyon napaghandaan. Malakas iyon kaya nabaliktad siya ngunit bago pa siya bumulagta ay nagawa siyang saluhin ni Alisa na noon ay nakalapit na pala ng hindi nila namamalayan. "Ano'ng ginagawa mo?!" galit na tanong nito kay Tony. "Binabastos niya ang anak ko, dapat ba ikatuwa ko 'yon?!" galit na tanong din nito. Padarag siyang humiwalay kay Alisa saka tumalikod nang walang paalam sa mga ito. "Ice!" narinig pa niyang tawag sa kaniya ni Alisa. ••• "HINDI mo dapat ginawa 'yon!" napapaluha sa galit na baling ni Alisa kay Tony. "Bakit? Dahil ba nag-aalala ka sa nararamdaman niya? Bakit kaya hindi mo na lang padaliin ang lahat sa kaniya, makitid ang utak niya 'ni hindi niya—" "Tama na!" pabulyaw na putol niya rito. "Pareho lang kayong walang alam. Oo na, sinaktan niya ako. Niloko niya ako, ginago niya ako bago pa man ang araw ng kasal namin. I was a fool because, despite everything, I married him. But do you know who truly made me fool here? Ang anak mo mismo, si Tawny," mariing sabi niya at hindi napigil ang mapaiyak. "For the second time around, inagawan niya ako pero mas masakit sa akin dahil si Ice pa talaga." Nagulat ito sa isiniwalat niya kaya laglag ang panga nitong napamata sa kaniya. Napailing ito nang makabawi. "H-Hindi niya iyon kayang gawin," halos ibulong nito iyon sa hangin. Napahagugol siya ng iyak sa harap nito. "Of course, hindi ka maniniwala," mapait niyang turan at akmang tatalikod nang mapansin na pinagtitinginan na pala sila ng ilan sa mga taong naroon sa paligid. Nagmadali siyang kumilos patungo kay Alilee habang mariing pinupunas ng palad niya ang luha sa kaniyang mga pisngi. ••• NANG marinig ni Tawny ang tunog ng doorbell ay kaagad niya iyong binuksan sa isip na baka si Ice na iyon upang isauli ang cellphone niya pero natigilan siya nang pagbukas ng pintuan ay si Alisa ang mapagbuksan kasama si Alilee. Saglit silang nagkatinginan. "Miss Tawny, sabi ni Mom dito na lang daw muna ako sa'yo," si Alilee. Ibinaba niya ang tingin dito at kaagad na ngumiti. "Sure, baby," sabi niya, sinikap niyang maging masigla ang timbre ng boses niya. "Magpi-paint ulit tayo," masayang sabi ng bata. "Sure." Tumangu-tango pa siya. "You are really happy taking away from me the people close to me," paanas na sabi ni Alisa pero sapat para marinig niya. Napalis ang ngiti sa labi niya. "Alilee, mauna ka na sa loob, maupo ka muna sa sofa mag-uusap lang kami ni Mommy sandali, hah?" mahinahong utos niya sa bata. Sumunod naman ito kaagad at ginawa ang sinabi niya. Tumingin siya kay Alisa. "Ano ba'ng problema mo? 'Di ba dapat ako ang nagsasabi niyan sa'yo?" kaagad niyang tanong kay Alisa nang makalayo na ang bata. Hinagod nito ng tingin ang mukha niya. "How I wish na isampal ko na lang sa'yo ngayon mismo ang totoo!?" pigil ang galit na turan nito matapos ipirme sa mga mata niya ang tingin. "Bakit hindi mo sabihin kung ano ang katotohanang ipinaghihimutok mo?" hamon naman niya rito sa mahinang timbre ng boses. Nakita niya ang gigil sa mga labi nito at nagulat siya nang biglang dumapo sa pisngi niya ang palad nito. Malakas ang sampal ni Alisa, nabiling ang mukha niya. Matalim ang tingin na ibinaling niya rito habang sapo ang pisngi. "Mas masakit pa r'yan 'yong totoo," sarkastikong sabi nito. "Pero at least kapag sinabi ko na sa'yo ang totoo alam mo na kung paano ima-manage 'yong feelings mo." Akmang tatalikuran siya nito pero maagap niya itong pinigilan sa braso. "Mommy!?" tawag dito ni Alilee na noon ay lumalakad palapit sa kanila."Nag-aaway ba kayo ni Miss Tawny?" Pasimple niyang binitawan si Alisa saka sinikap na ngumiti. Si Alisa naman ay pinilit tumawa. "Hindi, anak," pagkakaila nito. "Why did you slap her?" ang bata. "Naku, anak hindi, pinatay ko lang 'yong lamok sa mukha niya," pagsisinungaling pa nito sa bata. "Sige na, aalis na si Mommy." "You forgot my kiss," nakangusong sabi nito sa ina. Ngumiti ito sa anak. "Oo nga pala." Dumukwang ito sa bata at kinintalan ng halik sa pisngi. "Bye, anak, behave ka kay Miss Tawny ha? Huwag mo s'yang pahihirapan." "Yes, Mommy, take care, bye." Kumaway pa ang bata sa ina. "Bye," si Alisa saka tumingin sa kaniya. "Bye," wika nito sa kaniya bago tumalikod. Pigil ang galit na inihatid niya ito ng tingin. Nang makaalis na ang sasakyan nito ay hindi niya napigil na haplusin ang masakit at namumulang pisngi. Napatingin siya kay Alilee na noon ay nakatingala sa kaniya. Sinikap niyang ngumiti sa bata upang hindi ito makahalata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD