Chapter Eleven

1903 Words
NATIGILAN si Ice nang pagbaba niya sa kaniyang sasakyan ay makita ang pamilyar na mukha sa labas ng bahay ni Tawny sa tulong ng outdoor lights doon. Kaagad naman nitong naramdaman ang kaniyang presensiya kaya kaagad itong tumingin sa direksyon niya. Nagkatitigan sila at hindi niya naikubli ang poot na biglaang dumungaw sa kaniyang mga mata kasabay ang pagkuyom ng mga kamao niya. Ito ang unang nag-iwas ng tingin at kumilos patungo sa sasakyan nito. Napasunod siya ng tingin dito kaya hindi niya namalayan ang pagbubukas ng pintuan ng kaniyang bahay. "Ice, maaga ka yatang umuwi," si Dominic iyon na hindi niya napansin. Malalaki ang mga hakbang niyang lumakad patungo sa ama ni Tawny na kasalukuyang binubuksan ang pintuan ng sasakyan. Mabilis siyang nakalapit dito at mabilis itong hinawakan sa balikat tapos sinulungan ng suntok. Ngunit alesto ito, kaagad nitong nasalo ang kamao niya at naiwaksi. Mas tumalim ang tinging ipinukol niya rito. "Ano bang problema mo?" kalmadong tanong nito sa kaniya. "Ang problema ko, ikaw!" Muli niya itong sinugod ng suntok pero mabilis itong nakaiwas at sa pagkakataong iyan ay tumugon na rin ito ng suntok. Nakaiwas din naman siya pero may kasunod pa pala iyon at nasiyapol siya sa sikmura. Namilipit siya at nawalan ng balanse subalit bago pa siya bumagsak ay naramdaman niyang may bulto na sumalo sa kaniya sa likuran at nadaganan niya ito nang tuluyan siyang mawalan ng balanse. "Ice!" narinig niyang tawag ni Dominic at kaagad siyang inalalayang tumayo. "Ano'ng ginawa mo?!" paasik namang tanong ni Tawny sa ama habang bumabangon. Ito ang sumalo sa kaniya at kasama niyang bumagsak. Napahiya siya sa dalaga, ito pa talaga ang sumalo sa kaniya. "Bakit hindi siya ang tanungin mo?" maagap namang tanong din nito sa anak. Tumingin siya kay Tawny na noon ay napatingin sa kaniya. Kumilos ang ama nito at sumakay sa sasakyan saka kaagad iyong pinaharurot palayo. Kumalas siya sa pagkakahawak ni Dominic at walang salitang tinalikuran ang mga ito. "Ice, sandali," pigil ni Dominic na kaagad napasunod sa kaniya. Hindi niya ito pinansin at mas nilakihan pa ang mga paghakbang hanggang makapasok sa loob ng bahay. Patakbo siyang umakyat sa hagdanan at tinungo ang kaniyang kuwarto. ••• NAPASUNOD din si Tawny kay Dominic hanggang sa makapasok sa loob ng bahay ni Ice pero pinigilan siya ni Dominic sa braso nang makita nitong paakyat siya sa hagdanan. "Seryoso ka? Kakausapin mo siya? Ngayon?" tanong nito habang naniniyak ang titig sa kaniya. "Nakita kong pinisikal siya at alam kong nasaktan s'ya—" "Doktor si Ice, kaya hindi mo siya dapat alalahanin," putol nito sa kaniya. "At isa pa, galit s'ya, kung gusto mo talaga siyang kausapin please huwag na muna ngayon." "Hindi ko kayang maghintay," maagap niyang sabi. "Nakita ko kung anong ginawa ng ama..." nabitin niya ang sasabihin nang maisip ang sinasabi. "Ng lalaking iyon, nakita ko kung anong ginawa sa kaniya ng lalaking iyon. Gusto kong malaman kung anong dahilan." Tinitigan siya ni Dominic sa mga mata. "Ano naman sa'yo ngayon kung nakita mo ang ginawa ng lalaking iyon sa bestfriend ko?" halos paanas na tanong nito. "Gusto ko siyang kausapin, please!?" pagpipilit niya imbes na tugunin ito. Binitawan siya nito. "Sige, makulit ka." Kaagad siyang tumalikod dito at tinungo ang hagdanan. Nang makaakyat ay lumapit siya sa katabing pinto ng silid ni Alilee at pinihit ang siradura niyon nang hindi man lang naalalang kumatok. Hindi iyon naka-lock kaya naman malaya niyang itinulak pabukas ang dahon ng pintuan. Muntik pang lumuwa ang mga mata niya nang sumalubong sa kaniyang paningin ang nakahubad na si Ice at tanging boxer brief lamang ang naiwan sa katawan. Hindi niya iniiwas ang mga mata, sa kabila ng lahat ay gusto niyang masulyapan ang mala-Adonis na katawang minsang naging kaniya. Awtomatiko itong napatingin sa kaniya at lalong nagliyab sa galit ang mga mata nang makita siya. "Hindi ka ba marunong kumatok?!" galit na tanong nito sabay talikod sa kaniya at lumakad patungo sa pintuan ng bathroom na kanugnog ng silid nito. "Pasensya ka na, nakita ko ang nangyari at gusto kong malaman kung bakit—" "Umalis ka na!" paasik na putol nito sa kaniya at pagbalabag na binuksan ang pintuan ng bathroom, pumasok ito roon. Wala sa loob na napasunod siya kay Ice. "Maliligo ako, gusto mong sumama!?" inis na tanong ni Ice sa kaniya nang makita siyang nakasunod dito sa loob ng bathroom nito. "Gusto kong malaman kung anong dahilan ng nakita kong nangyari kanina," giit niya imbes na pansinin ang sinabi nito at kung nasaan sila. Napatiim-bagang si Ice at iniiwas ang matalim na tingin sa kaniya. "Umalis ka na!" "Sagutin mo muna ako!" pabulyaw na tanong na niya rito. "Eh, ano naman sa'yo kung anong dahilan? Umalis ka na p'wede ba?!" pabulyaw ring wika nito sabay hawak sa magkabilang balikat niya at patulak siyang isinandal sa nakabukas na dahon ng pintuan. Napaluha siya at hindi niya maintindihan kung bakit. Dahil ba nasaktan siya sa ginawa nitong pagtulak sa kaniya o dahil sa nararamdaman niya para rito habang nakikita ang galit at pait sa mga mata nito. "Umalis ka na baka mapatay kita rito," mariing anas nito. Patulak siya nitong binitawan at tinungo ang shower. Binuksan nito iyon at itinapat sa tubig ang sarili. Ilang sandali pa niya itong pinagmasdan bago mabigat sa loob na umalis. Napatayo buhat sa pagkakaupo sa sofa si Dominic nang makita siyang nagmamadali sa pagbaba sa hagdanan. Lumakad ito at humarang sa kaniyang daraanan. "Ano'ng nangyari?" tanong nito, bakas sa tinig ang kuryosidad. Tumingin siya sa binata at hindi naitago ang pamamasa ng mga mata. Napakunot-noo ito at hinawakan na naman siya sa braso upang pigilan sa tangkang pagtalikod. Hinila siya nito upang iharap sana rito ngunit napadiretso-subsob ang mukha niya sa dibdib nito. At ewan ba niya kung bakit bigla ay nakasumpong siya ng mapaglalabasan ng bigat na nararamdaman sa kaniyang dibdib nang mga sandaling iyan. Wala sa loob na napaiyak siya sa dibdib ni Dominic. Nabigla ito marahil sa nangyari kaya hindi kaagad nakapag-react, ngunit pagkaraa'y naramdaman niya ang pagtapik nito ng marahan sa likod niya. "I told you this wasn't the right time to talk to him, pero mapilit ka," nanenermong sabi nito sa mababang tono dahilan para matauhan siya. Awtomatiko siyang napalayo sa binata at walang paalam na tumalikod dito. "Tawny," narinig pa niyang tawag nito bago pa siya makalabas ng tuluyan sa pintuan. ••• "BUWISIT," anas ni Ice nang marating niya ang eskuwelahan ng anak. Halos twenty minutes na siyang late. Tinawagan siya ni Dominic nang maaga at sinabing hindi nito masusundo ng araw na iyon ang bata dahil mayroon daw itong conference meeting, subalit hindi siya basta nakaalis sa ospital dahil sa emergency matter. "Sir, sinundo na po ang anak n'yo," wika ng guard nang makita siya. Kilala na siya nito at si Alilee. "Sige, salamat," wika na lang niya at kaagad na bumalik sa sasakyan. Nahulaan na niya kung sinong nagsundo kay Alilee kaya hindi na niya tinanong pa sa guard. Nang marating niya ang bahay ni Tawny ay kaagad niyang pinindot ang doorbell. Ilang beses din niya iyong ginawa bago ito nagbukas ng pintuan. "Hindi ko hinihingi ang tulong mo," kaagad niyang bungad dito matapos itong magbukas ng pinto. Nagsalubong ang mga kilay nito na may bahid pa ng canvas paint color. "Ice, ano ba'ng problema mo?" "Kukunin ko na ang anak ko," wika niya at akmang hahakbang papasok nang pigilan nito. "Wala s'ya rito," mariing sabi nito. Ngumisi siya saka hinawi ito. Nabitawan nito ang hawak na paintbrush dahil sa ginawa niya. Dumiretso siya sa paghakbang papasok at hindi iyon pinansin. Wala siyang pakialam kahit trespassing pa ang ginagawa niya. "Ice, p'wede ba!? Walang dahilan para itago ko sa'yo ang anak mo!" Bakas sa boses nito ang inis. Pero hindi niya ito pinakinggan. Binuksan niya ang pintuan ng silid nito, hindi niya nakita roon ang anak, kaya naman isinunod niya ang kasunod na pintuan. "Ice, ano ba!?" inis na turan ni Tawny. Bakas sa tinig ang matinding pagtutol sa ginagawa niya. Binuksan niya ang kasunod na pintuan at tumambad sa kaniyang paningin ang mga canvas paintings doon pero kaagad na tinamaan ng kaniyang paningin ang isang portrait painting na naroon, mukha niya iyon. Saglit siyang natigilan bago napalingon sa dalaga na noon ay tamiming nakatayo sa bandang likuran niya. Hindi niya alam kung paano magri-react, 'ni hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman nang sandaling makita iyon. "Wala si Alilee rito. Bakit ko naman siya itatago sa'yo?" wika nito sa mahinang tono sabay iwas ng tingin, naluluha at napapalunok ng paulit-ulit dahil sa pigil na emosyon. Marahil ay napahiya ito sa pagkakaboko niya sa painting na iyon. Hindi na lang siya nagsalita bagkus ay tumalikod habang kinukuha sa bulsa ng pantalon na suot ang cellphone at tinawagan ang numero ni Alisa. Nagmadali siya pagbaba sa hagdanan pati na rin sa paghakbang patungo sa pintuan, kaya naman hindi niya napansin ang paintbrush na nabitawan ni Tawny kanina. Naapakan niya iyon at muntik na siyang bumulagta sa sahig, mabuti na lamang at mabilis niyang nabawi ang balanse ng kaniyang katawan kaya lang ay nabitawan naman niya ang hawak na cellphone at malas na natapakan niya iyon. "Hay, buwisit!" maanghang na bulalas niya nang makitang nabasag iyon. "Ano'ng nangyari?" tanong ni Tawny na noon ay nakasunod pala sa kaniya. Tumingin siya rito matapos pulutin ang nabasag na cellphone. ••• KATATAPOS pa lang kausapin ni Alisa si Tony sa hawak na cellphone nang muli iyong tumunog. Napatitig pa siya sa screen niyon nang makita ang pangalan ni Tawny. Ini-save niya ang number ng dalaga matapos siya nitong tawagan at awayin ilang buwan na ang nakaraan, para sakali mang tumawag ulit ito ay mapaghandaan na niya ang mga sasabihin nito at ito na marahil ang pagkakataong iyon. "Hello," pantay ang tonong wika niya matapos sagutin ang tawag nito. Ilang sandaling tahimik ang kabilang linya. "Hello?" ulit niya. "Hello," boses iyon ni Ice, hindi siya maaaring magkamali. Hindi niya namalayan ang paghigpit ng hawak niya sa cellphone bago napatingin sa kinaroroonan ni Alilee na noon ay abala sa paglalaro kasama ang ilang bata roon sa playground. "Saan mo dinala si Alilee?" narinig niyang tanong ni Ice sa kabilang linya. Sa tono ng pananalita nito ay bakas ang pag-aalala na baka inilayo na niya si Alilee. Alam niyang hindi ito papayag kung gawin niya iyon at tiyak na malayo ang mararating nila kapag ganoon ang kaniyang ginawa. Napagdiin niya ang kaniyang mga labi bago nagsalita at walang magawa kun'di sabihin kung nasaan sila. ••• PAGKARAAN ng mahabang sandali ay nakita ni Alisa si Ice na naglalakad patungo sa kinaroroonan nila ni Alilee. "Si Daddy!" masayang bulalas ng bata na kaagad nakita ang ama. "Honey, mag-play ka na lang muna ulit mag-uusap lang muna kami ni Daddy sandali," mahinahong sabi niya sa bata na kaagad namang tumalima. Muli niyang ibinalik ang tingin kay Ice at habang nakatanaw siya rito, hindi niya namalayan ang pagsilay ng lungkot at pait sa kaniyang mga mata kasunod ang pamamasa ng mga iyon. Guwapo pa rin ito sa kabila ng sama ng loob na ibinibigay niya, 'ni hindi man lang nabawasan ang karisma nito. Hindi niya maikakaila sa kaniyang sarili ang paghangang nadarama pa rin niya para kay Ice. Muli ay nadama niya ang labis na panghihinayang na hindi maikakaila na maraming beses niyang nararamdaman tuwing maaalala ang kanilang mga pinagsamahan lalo na ang maiinit na gabing kanilang pinagsaluhan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD