INAYOS ni Tawny ang pagkain sa dining table. Hindi niya alam kung saan pa siya kumukuha ng lakas ng loob na manatili sa bahay ni Ice matapos sabihin dito ang tungkol sa parusang halik kanina.
Napabuntong-hininga siya at napatulala.
Naalala niya ang pag-uusap nila ni Alisa kanina. Hindi niya sukat-akalain na mapapatiklop siya nito sa pagmamatapang niya. Alam pala nito ang nangyari sa kanila ni Ice noon. Paano kaya ni Alisa nalaman iyon? Inamin ba ni Ice ang tungkol doon kaya iniwan ito ni Alisa?
Nasa malalim siyang pag-iisip kaya hindi niya namalayan ang pagpasok ni Ice sa dining room. Nakaligo na ito at nakapagbihis na. Napasinghot siya nang maamoy ang mabangong sabon na ginamit nito.
"Mukhang mahirap hukayin ang lalim ng iniisip mo," narinig niyang sabi nito na nagpakislot sa kaniya.
Umayos siya ng tayo at halos magkasabay pa silang humila ng silya at naupo sa harap ng dining table.
"Si Alisa—"
"Ayaw kong nag-uusap kapag nasa harap ng pagkain," maagap nitong putol sa kaniya habang hindi man lang siya tapunan ng tingin.
Napahiya siya pero itinuloy niya ang pagkain.
Tahimik nilang natapos ang pagkain at magkatulong na inayos ang mesa pero siya ang naghugas ng mga pinagkainan nila habang nakabantay ito.
'Doctor nga pala siya, maselan ito at tinitiyak marahil na malinis ang hugas ko sa mga plato,' sa loob-loob niya.
"Painting lang ba talaga ang ikinabubuhay mo?" basag nito sa katahimikan sa pagitan nila.
"Oo," maikling tugon lang niya habang binabanlawan ang mga plato at inayos sa dish drainer.
Kapagkuwan ay natigilan siya at napaisip kung paano nito nalaman na nagpipinta siya.
'Ah marahil sinabi sa kaniya ni Alilee.'
"Taga saan ka ba talaga at pa'no ka napadpad dito?" tanong pa ni Ice na nakapagpaisip na naman sa kaniya.
Bakit bigla ay naging interesado itong malaman ang tungkol sa kaniya?
Tinuyo niya ang mga kamay ng malinis na towel bago humarap ng diretso rito. Kapwa nakatindig lang sila roon at nakatitig sa isa't-isa.
"Long story, baka abutin tayo ng umaga kung magkukuwento ako."
Nakamot nito ng hintuturo ang dulo ng kanang kilay matapos ang sinabi niya.
"Ini-stalk mo ako?" tanong nito habang nakatitig sa makintab na sahig.
Sinikap niyang matawa. "Ice, kung gagawin ko 'yan dapat noon pa."
"Kilala mo talaga ang asawa ko, hindi ba?" kaagad na tanong nito kaya napamaang siya rito at kagyat na napalis ang pilit niyang tawa, hindi siya nakapagsalita. "Napansin ko kanina n'ong magkakaharap tayo, hindi kayo estranghero sa isa't isa."
Pinilit niyang ngumiti. "Kapag pagod ang tao kung anu-anong naiisip, uuwi na ako para makapagpahinga ka na." Lumakad siya ngunit nang matapat dito ay pinigilan siya nito sa braso.
Para siyang napaso sa mainit nitong palad. Napigil niya ang paghinga nang hilahin siya nito at iharap dito, iniabot sa kaniya ang isang bagay bago siya binitiwan. Identification card niya iyon, kaagad niya itong kinuha at napatitig sa bagay na ito.
Bakit hindi niya napansin na ang identification card pala niya dati sa Intelligence Agency ang nai-abot niya rito. Hindi niya iyon nai-turn over sa ahensiya noon nang magpa-terminate siya kaya nasa kaniya pa iyon hanggang ngayon.
Tumingin siya kay Ice na noon ay nakatitig lang sa kaniya, nasa mga mata nito ang katiyakan.
"Okay," napapalunok na wika niya. "Dati akong intelligence agent, pero ilang taon na rin akong terminated. Marahil nasa isang workplace lang kami ng asawa mo, oo, pero masyado kaming marami at malawak ang ginagalawan kaya paano pa kami magkakakilala? Saka hindi lahat ng tao sa agency ay nakilala ko kase 'ni hindi ako umabot ng kahit na isang taon sa propesyong iyon, okay?" pagpapaliwanag niya.
Marahas itong napabuntong-hininga habang hindi inaalis ang tingin sa kaniya.
"Lahat ng hospital doctors at nurses sa ospital kilala ko pati maintenance matagal man o bago, kahit nga mga naging pasyente ko natatandaan ko. Masyado yatang mahina ang memorya mo para mapasok sa propesyong gaya niyan," sarkastikong turan nito. "Isa pa, hindi ko yata sinabi sa iyo na isa ring intelligence officer si Alisa. Nakuha ko na ang sagot sa tanong ko." Kumilos ito at lumakad palabas ng dining room.
Naiwan siyang awang ang bibig at napapaisip.
Bakit ba hindi siya nakaisip ng magandang paliwanag? Ibinuko tuloy siya ng mga sinabi niya.
Ilang sandali rin siya sa ganoong ayos bago naisip na umalis na lang.
•••
NANG makabalik sa kaniyang silid si Ice ay muli niyang tiningnan ang mga larawang ibinigay sa kaniya ni Dominic kahapon lang.
Naalala niya ang sinabi ni Dominic sa kaniya matapos niya itong tawagan nang makita ang identity ni Tawny sa ID na ibinigay nito sa kaniya. Bigla ay naisip niyang alamin ang background ng dalaga at dahil nga may pinsang intel si Dominic ay ito ang tinawagan niya para sa bagay na iyon.
"Naisip ko ng gawin 'yan, nagtaka kase ako kung bakit ipinagkatiwala mo kaagad si Alilee kay Tawny kasama si Alisa. Kilala siya ni Keanu kaya hindi na siya nahirapan for background research," wika nito na ang tinutukoy ay ang Head Intelligence Officer na pinsan nito na nakatalaga sa Intelligence Unit.
Dahil sa impormasyon na ibinigay nito sa kaniya. Napag-alaman niya na naging intelligence agent nga ang dalaga pero hindi nagtagal ay nagpa-terminate ito gaya ng sabi ni Tawny sa kaniya. Pagpipinta ang passion nito, nag-iisang anak gaya niya, nagkaroon ng problema ang pamilya nito at kalaunan ay naulila ito sa ina matapos itong magpatiwakal.
Nagkaroon din ito ng boyfriend at matapos ang isang taong relasyon ay nagplanong magpakasal subalit nagbago raw ang isip ng dalaga at umatras sa papgpapakasal, tapos ay nagdesisyon itong lumipat ng tirahan at doon nga ito napadpad. Bukas na libro na sa kaniya ang pagkatao nito subalit gusto niyang makumpirma na kilala nito si Alisa at may kaugnayan ang dalawa kaya tinanong niya ang dalaga, lamang ay wala itong balak sabihin ang totoo sa kaniya.
"I believe that in addition to the fact that they were together in the same workplace ay mayroon pa silang naging kaugnayan sa isa't isa," dagdag pang sabi ni Dominic na ang tinutukoy ay si Alisa at Tawny.
"I think so," wala sa loob na nasabi niya sa sarili habang nakatitig sa larawang hawak.
Family picture iyon nila Tawny, kasama iyon sa mga papeles na naglalaman ng impormasyon tungkol sa pagkatao ng dalaga.
Ewan ba niya pero pamilyar sa kaniya ang mukha ng ama ni Tawny hindi nga lang niya matandaan kung saan ito nakita.
Nang buklatin ang mga larawan para sa kasunod na imahe ay nakita naman niya ang larawan ng ex-fiancé ni Tawny, si Wyatt Almendras.
Napabuntong-hininga siya bago ibinalik ang mga iyon sa envelope na pinaglagyan.
Saka naisip na bukitkitin ang mga naka-stock na gamit ni Alisa roon na hanggang ngayon ay hindi pa nito naiisip na kunin kagaya ng iba nitong mga gamit.
Sa kakahalungkat ay nakita niya ang isang photo album.
Naisip niya iyong buklatin at natigilan pa siya nang makita ang larawan ni Alisa kasama ang iba pa nitong katrabaho. Sa tabi nito ay nakatayo ang isang lalaki, medyo may edad na ito pero nananatiling matikas. Ito ay ang ama ni Tawny.
Nakangiti ito sa larawan at nakatingin kay Alisa na noon naman ay malawak ang ngiting nakatingin sa may hawak ng camera. Kaiba ang tinging iyon, nagpapahiwatig iyon ng kahalagahan ni Alisa para rito.
Wala sa loob na napatiim-bagang siya habang may kung anong tumatakbo sa isipan.
•••
MAGHAPONG inabala ni Tawny ang sarili sa pagpipinta para na rin sa nalalapit na exhibit. Hindi niya halos namalayan ang paglipas ng mga oras.
Huminto lang siya sa ginagawa nang maramdaman ang muling pagkalam ng sikmura at nang tingnan niya ang oras sa wristwatch ay noon lang niya nalamang oras na naman pala ng hapunan pero hindi pa siya nakakaluto.
Lumabas siya sa art room at bago pa lang niya sasapitin ang hagdanan ay narinig niya ang tunog ng doorbell.
Nagmadali siya sa pagbaba ng hagdanan sa isip na baka si Stephanie iyon.
Kaagad niyang binuksan ang pinto nang sapitin iyon at natigilan siya nang makita kung sinong bisita.
"Ikaw?" nawika pa niya sa malamig na tono.
"Hindi mo ba ako papasukin?" tanong ng kaniyang ama.
Maanghang ang naging reaksyon niya sabay iwas ng tingin dito.
"Marami akong ginagawa kaya hindi kita mahaharap," aniya.
Inasahan na niya na maaari talaga itong sumulpot anumang oras dahil tiyak na ipaparating ni Alisa rito ang tungkol sa paglipat niya roon pero hindi niya inaasahan na ganoon ang kaniyang mararamdaman kapag nakaharap ito ulit, mas namuhi siya.
"Hindi naman ako magtatagal. Gusto lang kase kitang kumustahin."
Napailing siya. "Biglang bumigat ang pakiramdam ko ngayong nasa harap kita. Kaya p'wede ba Tony, umalis ka na."
Ito naman ang napailing. "Bakit ba hindi mo ako bigyan ng pagkakataong magpaliwanag para—"
"Kahit pilitin ko pa ang sarili ko ngayong pakinggan ka, hindi na maibabalik ang buhay ni Mommy," mariing putol niya sa ama kasabay ang pagpukol ng matalim na tingin dito. "You hurt her, and not only her, but me as well. Kaya please lang, kung may natitira ka pang malasakit d'yan sa dibdib mo para sa akin, umalis ka na sa harap ko at huwag nang magpakita pa kahit kailan," mahina pero bakas ang galit na sabi niya sa ama.
Mapait itong napailing. "Hindi mo naiintindihan, Tawny. Hayaan mo akong makapagpaliwanag, kung—" pinutol niya ang sasabihin nito sa pamamagitan ng pagbalabag sa dahon ng pintuan, pinagsaraduhan niya ito.
Naidiin niya ang mga labi habang pinipigil ang mapaluha. Nanginginig siya sa poot.
Narinig niya ang ilang beses nitong pagkatok sa dahon ng pintuan pero hindi siya nag-abalang pagbuksan ito.
Kahit ano'ng gawin nito hindi na siguro niya ito mapapatawad pa kahit hanggang sa huling pitik ng pulso niya.
Idolo niya ito noon kaya pati ang propesyon nito ay pinasok niya kahit pa nga hindi talaga iyon ang linya niya, ngunit nang malaman niya ang pagtataksil nito sa kaniyang ina, isa sa isinuko niya ang propesyong iyon para lang hindi na ito makita pa.
Isa rin ito sa dahilan kung bakit inurong niya ang pagpapakasal kay Wyatt, sapagkat pakitingin niya sa binata ay kamukha na ito ng kaniyang ama at darating din ang araw ay lolokohin din siya.