HINDI sila nag-uusap ni Alisa habang nag-iikot sa mall at ipinagsa-shopping ang anak nito. Kapwa lang silang tahimik at nagpapakiramdaman.
Ilang oras ding nagbabad sa palaruan ang mag-ina habang nakamasid lang siya. Masayang-masaya ang bata na kasama nito ang ina at tila nga halos hindi na siya napansin.
Napakislot siya nang may tumikhim sa kaniyang likuran at nang lingunin kung sino ito ay nakita niya si Dominic.
"Mukhang out of place ka yata ah." Kumilos ito at naupo sa tabi niya.
"Bakit nandito ka?" tanong niya imbes na pansinin ang sinabi nito.
Pagkatapos ng attitude na ipinakita nito sa kaniya nang una nilang pagkikita ay hindi niya inaasahan na kakausapin siya nito ngayon.
"Alam ko na mahihiya si Ice na dalahin sa akin si Alilee, so I decided na puntahan na lang ang bata, pero nakita ko kayong sumakay sa kotse ni Alisa bago ko pa naiparada ang sasakyan kaya sinundan ko na lang kayo."
"Ibig sabihin kanina ka pa sumusunod sa amin?" tanong pa niya.
"Mukha yatang hindi ninyo nagustuhan ni Alisa ang isa't isa sa unang pagkikita pa lang," anito imbes na sagutin ang tanong niya.
Bumuntong-hininga siya. Sa totoo lang, ayaw niyang masyadong magsalita kay Alisa sapagkat hindi niya alam kung tama ang nasa isip niya tungkol sa nakikitang ikinikilos nito.
Napansin niya na hindi nito ipinahalata kay Ice kanina na magkakilala sila. Mukhang may ibang bagay na tumatakbo sa isip nito.
Kung sabagay ay hindi na siya magtataka, natural lang naman iyon sa mga taong nasa intelligence services gaya nito, mailap ang pag-iisip. Oo tama, isang intelligence officer itong si Alisa.
"Natahimik ka r'yan," untag ni Dominic sa kaniya.
Tumingin siya at ngumiti rito. "Ah, hindi naman sa...hindi ko siya gusto," kaila niya kahit pa nga ang totoo ay namumuhi siya kay Alisa. "Kaya lang, hindi ko maiwasang mag-alangan, tingin ko kase matagal na hindi nila nakasama ang isa't isa kaya dapat siguro hinayaan ko na lang na magkasama sila."
Ito naman ang napabuntong-hininga. "Para sa 'kin hindi dapat." Tumingin ito sa kaniya. "Magkakaroon kase siya ng pagkakataong ilayo si Alilee kay Ice at kapag nagkataon, baka hindi ko na makitang nakatayo ang bestfriend ko," seryosong sabi nito bago tumingin sa mag-ina.
Nakatanaw sa kanila si Alisa nang tumingin siya sa kinaroroonan ng mga ito.
"Sa totoo lang," pagpapatuloy ni Dominic. "Simula pa lang hindi ko na siya gusto para kay Ice, lalo na nang lokohin niya si Ice. Galit ako sa kaniya pero sa kasamaang-palad, mahal siya ng bestfriend ko. Wala pa ring ibang gusto si Ice kung hindi ang bumalik ang babaeng iyan imbes na i-reklamo at ilagay sa dapat na kalagyan." Malungkot itong napailing.
Hindi siya nagsalita at piniling manahimik habang kimkim sa dibdib ang kirot matapos malamang mahal na mahal ni Ice si Alisa.
"S'yanga pala," kapagkuwa'y wika ni Dominic. "Bakit yata all of the sudden nagkapalagayang loob na kayo ni Ice? May hindi pa ba ako alam?"
Napatingin siya rito.
Bakit ganoon ang paraan ng pagkakatanong nito? May alam ba ito sa nangyari sa kanila ni Ice seven years ago?
Napakunot ang noo nito. "Ano bang klaseng titig 'yan?" napapangiti at napapakunot-noong tanong nito sa kaniya.
Napakurap siya at napaiwas ng tingin dito. "Bakit ba kase naitanong mo 'yan?"
Tumingin ito sa kanila Alisa. "Kase hindi niya basta ipinagkakatiwala si Alilee," tugon nito saka muling ibinalik ang tingin sa kaniya.
Natigilan siya at napamaang kay Dominic. Hindi niya mahagilap ang mga salitang dapat sabihin. Hindi niya mapaniwalaan ang bagay na biglang pumasok sa isip niya matapos ang sinabi nito, pag-asa. Pag-asa na maaari niyang makuha nang tuluyan ang loob ni Ice.
Magsasalita pa sana si Dominic subalit napansin nila ang mag-ina na papalapit sa kanila.
Nag-aya si Dominic na kumain muna bago sila umuwi.
•••
SINUNDAN siya ni Alisa nang magtungo siya sa powder room ng restaurant kung saan sila dinala ni Dominic.
Alam niya na gagawin nito iyon kaya naging handa naman siya.
"Mukhang seryoso yata ang naging pag-uusap ninyo ni Dominic kanina," simula nga nito nang nasa loob na sila ng powder room hindi pa man nagagawa ang dapat nilang gawin.
Tumingin ito sa kaniya at nakita nito ang pagtitig niya rito sa pamamagitan ng repleksyon nito sa salamin.
"Kung may itatanong ka," kaswal na wika nito. "Itanong mo na, may mga bagay rin akong gustong sabihin sa'yo at kapag sinimulan ko 'yon ayokong i-interrupt mo pa ako." Binawi nito ang tingin sa kaniya at tumitig sa malaking salamin na nasa harap nila.
Sarkastiko siyang napangiti. "Iba ka talaga, Alisa, hindi kita ma-reach," sumeryoso siya habang nananatiling nakatitig dito sa repleksyon nito sa salamin. "Gusto ko lang malaman, paano mo ba nagawang lokohin at ipagpalit ang kagaya ni Ice? Guwapo siya, mas bata sa aking ama at maganda ang estado sa buhay, kung tutuusin wala ka ng dapat pang hanapin dahil nasa kaniya na ang lahat," may bahid ng panunuya sa tono niya.
Napangisi ito. "Kung makapagsalita ka naman parang kilalang-kilala mo na siya," buhat sa salamin ay humarap ito ng tuwid sa kaniya. "Ang alam ko, hindi sapat ang isang mainit na gabi para makilala ang isang tao," nanunuya ang tingin at tonong sabi nito.
Parang siyang sinampal matapos marinig ang sinabi nito. Hindi siya nakakibo o nakapagsalita.
Tumikwas ang kaliwang kilay nito. "Hindi ka p'wedeng magmalinis sa harap ko, Tawny. Hindi mo rin ako p'wedeng husgahan dahil kilala kita higit pa sa inaakala mo, at higit pa nga sa sarili ko." Sarkastiko itong napatawa sa huling sinabi.
Napalunok siya at napakurap kasabay ang pamamasa ng mga mata. Taas noo naman itong tumalikod sa kaniya at iniwan siya.
•••
INAYOS ni Ice ang sarili para mag-rounds sa cardiac care unit.
Humarap siya sa salamin na naroon at sinipat pa ang gilid ng labi niya. Hindi na masyadong halata ang pasa roon dahil sa bisa ng ointment na ipinahid niya.
Kinuha niya ang ballpen na inilagay sa pen stand nang matigilan sandali. Kapagkuwan ay dinampot ang ID card na ibinigay sa kaniya ni Tawny kahapon. Doon lang pala niya iyon nailapag sa tabi ng pen stand at nakalimutang isauli sa dalaga.
Napamata siya nang tingnan iyon at basahin. Saglit siyang napaisip bago iyon inilagay sa bulsa ng kaniyang lab coat at kumilos palabas para magtungo sa CCU.
•••
PARANG nakahinga ng maluwag si Tawny nang umalis na si Alisa matapos silang ihatid ni Dominic sa bahay ni Ice. Hinintay lang din talaga ng binata na makaalis si Alisa bago ito umalis.
"Alilee, okay ka lang ba?" tanong niya sa bata nang sila na lang dalawa roon.
Malungkot ito at masyadong tahimik.
"Bakit ganoon si Mommy, dadating siya pero aalis din kaagad!?" naiiyak nitong tanong.
Nakadama siya ng habag dito, nilapitan niya ito at niyakap, hinaplos ang likod para aluin.
"Mas gusto mo ba siyang kasama kaysa sa Daddy mo?"
Tumango ito.
"Bakit naman? Mabait naman ang Dad mo, 'di ba? Iniiwan nga siya ng Mom mo pero hindi siya nagagalit."
"Do you mean to say...bad si Mommy? Because she always leaving Dad and me." Nagtaas ito ng tingin sa kaniya.
Pinilit niyang ngumiti. "Hindi naman sa ganoon. Gusto ko lang sabihin mas mabait ang Dad mo kaysa sa Mom mo kaya 'di ba dapat mas gusto mo sa Dad mo kaysa sa Mom mo?"
Ang sama niya para sabihin ang mga bagay na ito sa bata pero para sa kaniya deserve ni Alisa ang masira sa anak nito.
Hindi nagsalita ang bata pero tumigil sa pag-iyak.
•••
PASADO alas syete pa lang ng gabi ay nakauwi na si Ice. Nakita niyang bukas pa ang ilaw sa sala kaya naisip niya na nandoon si Alisa.
Tumanaw pa siya sandali sa bahay ni Tawny bago lumakad patungo sa doorway ng bahay niya.
Natigil siya sa paghakbang papasok nang makita si Tawny na abala sa pagliligpit ng mga nakakalat na laruan ni Alilee sa sala. Bahagya pa itong nagulat nang makita siya.
"Nand'yan ka na pala, hindi ko man lang narinig ang ingay ng sasakyan mo kahit na ang pagpasok mo," nakangiting sabi nito bago ipinagpatuloy ang ginagawa.
Iginala niya ang paningin."Si Alisa?"
Natigilan ito at napatitig sa kaniya, hindi siya tinugon.
Pasimpleng napaangat ang mga kilay niya bago hinubad ang sapatos at inilagay iyon sa shoe rack na nasa gilid ng pintuan.
"Si Alilee?" tanong pa niya.
"Pagod siya kaya maaga ko siyang pinakain at pinatulog," tugon nito habang patuloy sa pagliligpit. "Kumain ka na r'yan habang mainit-init pa ang pagkain," sabi pa nito.
Tiningnan niya ito. "Kumain ka na ba?"
"Hindi pa, sa bahay na lang ako kakain."
"Hindi, sabay na tayong kumain."
Tumingin ito sa kaniya at tila tiniyak pa kung siya ba talaga ang kausap nito.
Lumakad siya palapit dito at tinulungan ito sa ginagawa.
"Huwag na, ako na lang pagod ka na," saway nito sa kaniya. Hinawakan pa siya nito sa braso para bitawan niya ang dinampot niyang laruan ni Alilee.
Tiningnan niya ito na siyang dahilan para matigilan ito at mapatingin sa kaniya.
"Hinawakan mo na naman ako," paasik pero mababa ang timbre ng boses na sabi niya sa dalaga.
"Palagi mo akong pinipigilang hawakan ka pero hindi mo naman sinasabi kung anong parusa. Kung halik ang ipaparusa mo dapat siguro gawin mo na ngayon para sa susunod lagi na akong dumistansya," seryosong sabi nito na hindi man lang kumurap sa pagkakatitig sa kaniya. Hindi man lang ito nag-alala sa mga sinabi nito.
Inalis niya ang kamay nito sa braso niya."Kalokohan," seryosong sabi niya saka ito tinalikuran at iniwan.
Naging malambot ang anyo ni Tawny habang sinusundan siya ng tingin. Habang siya naman ay hindi napigil ang mapailing upang iwaksi sa isip ang sinabi nito.