Chapter Eight

1803 Words
NAGISING si Tawny sa tunog ng doorbell. Tumingin siya sa wristwatch, alas onse na pala ng gabi. "Si Stephanie talaga, hindi siya tumuloy kahapon tapos ngayon alanganing oras naman pupunta, kung kailan nakatulog na ako ng maa—" naputol siya sa pagsasalita nang mapatingin sa tabi at makita ang nahihimbing na si Alilee. Natutop niya ang labi. Noon lang niya naalala na naroon nga pala ang bata. Kung gayon, ang patuloy na dumudutdot sa doorbell niya ay tiyak na ang ama nito. "Si Ice." Kaagad siyang umibis sa kama at nagmamadaling lumabas ng silid. "Bakit ba nakalimutan ko?" tanong pa niya sa sarili. Muling nag-ingay ang doorbell, kaya binilisan niya ang pagbaba ng hagdanan dahilan para magkamali siya ng hakbang. Mabuti na lang at maagap siyang napahawak sa pasimanu ng hagdan, lamang ay pumutok naman ang tuhod niya dahil napaluhod siya sa kanto ng baitang niyon. Sunod-sunod pa ang naging pag-iingay ng doorbell. 'Bwisit kang lalaki ka!' inis na sa loob-loob niya. Kandangiwi at iika-ika siyang lumakad palapit sa pinto. Binuksan muna niya ang ilaw bago ang dahon ng pintuan. "Bakit napakatagal mong magbukas?" salubong ang mga kilay na bungad ni Ice sa kaniya. "Nasaan ang anak ko?" "P'wede ba!?" Napatikwas ang kilay niya sa inis. "Natutulog si Alilee. Pasensya ka na, nakatulog din ako kaya hindi ko kaagad narinig ang doorbell. Muntik na nga akong mahulog sa hagdanan pagmamadali dahil d'yan sa kaka-doorbell mo na parang ingay na ng ambulance," pagtataray niya. Subalit natigilan siya nang makitang hindi ito kumibo habang nakatingin sa kaniyang dibdib. Noon lang niya naalala na manipis ang sleep dress niya at wala siyang panloob na suot sa kaniyang dibdib. Tumingin ito sa mukha niya. "Tingin ko nga, napagmadali kita," seryosong sabi nito. "Kukunin ko na ang anak ko." Wala itong paalam na humakbang papasok. 'Aba at ang lokong 'to hindi man lang yata naiisip magpasalamat. Parang kung sino pa ah!' sa loob-loob niya. "Nasa kuwarto ko si Alilee," sabi na lang niya habang nakalingon dito at inilalapat ang dahon ng pintuan. Hahakbang na sana siya nang pigilan nito. "May medicine kit ka ba rito? Dumurugo ang tuhod mo." Hindi naman talaga maiiwasang makita iyon dahil kalahati lang ng hita niya ang haba ng suot niyang bestidang pantulog. "Ako na ang bahala, maliit na sugat lang 'yan." Hindi ito nagsalita. 'Bakit kaya hindi mo gamutin ang puso mo? Mukhang malamig pa sa pangalan mo, eh. Cardiologist ka pa naman pero hindi mo makita ang diperensya ng puso mo,' sa isip-isip niya. "S'yanga pala, kumain ka muna. Sabi kase ni Alilee, palagi ka raw gutom kapag umuuwi," aniya kapagkuwan. Tiningnan siya nito na para bang ina-analisa na naman siya. Ngumiti siya. "Bakit ganiyan mo ako palaging tingnan?" bakas sa tono niya ang komprontasyon. "Kukunin ko na si Alilee," pag-ignora nito at akmang kikilos na nang pigilan niya sa braso. Tumingin ito sa kaniya. "Didn't I tell you before na h'wag mo na akong hahawakan ulit?" biglaang pagsusungit nito. "Hindi pa nga," kaagad niyang sabi na nagpasalubong sa mga kilay nito. "Ice, wala naman akong masamang intensyon, gusto ko lang magmalasakit sa'yo at sa anak mo." "Sa anong dahilan?" "Ice, ang pagmamalasakit ba sa kapwa dapat palaging may dahilan?" balik tanong dito. "Maaaring sa'yo, oo," kaagad nitong sabi. "Dalawang bagay lang sa tingin ko, Tawny. Una, dahil hindi ka pa rin maka-move on doon sa nangyari sa atin pitong taon na ang nakalipas. Pangalawa, naaawa ka sa amin ng anak ko dahil sa narinig mong usapan namin ng asawa ko. 'Yong totoo, alin sa dalawa?" Hindi siya nakasagot at napatitig lang dito. "Gusto ko lang linawin sa'yo, Tawny, 'yong nangyari seven years ago isa lang iyong malaking pagkakamali. Tungkol sa amin ni Alisa, wala kang pakialam doon, kaya hindi mo kailangang gumawa ng effort kagaya nito para sa amin ni Alilee. Mabubuhay kami at mapapalaki ko siya ng maayos na walang tulong o malasakit na manggagaling sa'yo," seryosong sabi nito sa mababang tono. Tama ito, hindi talaga siya nakamove on sa nangyari sa kanila noon. Ngunit sa ngayon iniisang tabi niya ang nararamdamang iyon para kay Ice. Dahil ang nais niyang mangyari ngayon ay maipadama rito ang pagmamalasakit lalo na kay Alilee dahil kahit magkaiba man sila ng sitwasyon, naranasan din niya at ng kaniyang ina ang pinagdadaanan ng mga ito. "Mula nang iwan kami ni Mommy, si Daddy hindi na ngumiti, there are times na nakikita ko siyang umiiyak pero itinatanggi niya sa akin, tapos sinasabi niya na okay lang daw ang lahat," naalala niyang sabi ni Alilee kanina nang pasimple siyang magtanong dito tungkol sa kanila Ice at Alisa. Kagaya rin ni Ice ay naglaho ang mga ngiti ng kaniyang Mommy nang malamang niloloko ito ng kaniyang ama, subalit sa kabila ng mga pagluha ng ina niya, palagi nitong ipinakikita sa kaniya na ayos lang ang lahat. "Kunin mo na si Alilee para makapagpahinga ka na," aniya at nagpatiuna nang lumakad. Hindi niya naramdaman ang pagsunod nito kaya huminto siya sa paghakbang at pumihit paharap dito. Nakatitig ito sa kaniya. Ilang sandali silang nagtitigan bago ito lumakad palapit sa kaniya at huminto isang dangkal lang ang layo. "Sa susunod na tingnan mo ako ng nakakaawang tingin, tatanggalan kita ng paningin," paanas at mariing banta ni Ice sa kaniya. Napakurap siya at hindi napigil ang pamamasa ng mga mata habang nananatiling nakatitig dito. ••• PABALYANG isinarado ni Ice ang pinto ng silid niya matapos na maihatid ang anak sa silid nito. "Buwisit!" gigil na pagmumura niya habang namamasa ang mga mata sa galit. Hindi maalis sa isip niya ang awa na nakita sa mga mata ni Tawny kanina habang kausap ito at hindi niya iyon gusto. Pinaalis niya ang dalawang kasambahay noon nang magsimulang masira ang pagsasama nila ni Alisa dahil kinakaawaan siya ng mga ito at pakiramdam niya ay isa na siya sa mga taong wala ng pag-asa sa buhay. Iyon ang dahilan kung bakit mas pinili niyang balikatin lahat ng tungkulin bilang ama at ina sa tahanan para kay Alilee. Subalit sa kabila ng lahat, si Dominic ay nanatili sa tabi nilang mag-ama. Hindi siya nito kinaawaan, ipinadama lang nito na hindi lahat doon natatapos. Hindi gaya ng parents niya na hindi nga siya kinaawaan pero wala namang ginawa kun'di sisihin siya. Para sa mga ito ay isang malaking pagkakamali ang pagpapakasal niya kay Alisa pati na rin ang pagkakaroon dito ng anak, kaya naman pati kay Alilee ay naging malamig ang pakikitungo ng mga ito bagay na labis niyang ikinasasama ng loob sa kaniyang mga magulang. Naihilamos niya ang palad sa mukha at pabagsak na nahiga sa kama. Nawalan na siya ng ganang kumain kaya pinilit na lang niyang makatulog. ••• SABADO kinabukasan at walang pasok si Alilee, kalalabas lang ni Dominic sa ospital kaya nahihiya siyang ito ang mag-alaga sa bata habang nasa opisina. Isinasama ito ni Dominic sa hotel tuwing sabado at kapag free naman siya ng linggo ay magkakasama silang lumalabas. Halos wala rin talaga siyang oras sa anak sapagkat daig pa niya ang doktor sa pampublikong ospital. Wala siyang choice kung hindi magdesisyong dalahin na lang muna ang bata sa kaniyang ina ngayong araw. "Daddy, mas gusto ko kay Miss Tawny," naiiyak pang sabi ni Alilee nang buksan na niya ang pintuan ng kotse sa backseat. "Pero, sweetheart, hindi p'wedeng palagi kang nandoon, busy rin siya at makakaabala ka sa kaniya," malumanay ang tonong sabi niya sa anak. "Alilee!" Sabay pa silang mag-ama na napatingin kay Tawny. "Good morning," bati nito sa kanila, maaliwalas ang mukha at nakangiti. Subalit imbes na maaliw siya at mahawa sa maganda nitong awra ay nakadama siya ng inis dito lalo na nang tumawid ito sa American roses na nakapagitan sa mga bahay nila. "Saturday ngayon, isasama mo ba siya sa ospital? 'Di ba bawal ang bata roon?" tanong ni Tawny nang makalapit. "Ihahatid ko siya sa Mama ko." Hindi niya itinago ang inis sa tono. "Eh, si Dominic?" "Hindi naman siya permanente rito sa bahay, saka hindi naman kase sa lahat ng pagkakataon ay libre siya," tugon niya pero kaagad ding napaisip. Bakit ba nagpapaliwanag siya rito? "Miss Tawny, 'di ba okay lang naman na sa bahay mo ako mag-stay today?" tanong naman ng bata na noon ay nakatingala sa dalaga. "Oo naman, ang Daddy mo lang naman ang ayaw." Humalukipkip ang dalaga at pairap na tumingin sa kaniya. Nagsaltik ang mga bagang niya sa inis dito. Magsasalita sana siya nang mahagip ng mga mata ang bultong papalapit sa kanila, si Alisa. "Nakaabala ba ako?" tanong nito at pasimpleng sumulyap kay Tawny. "Mommy!" nasurpresang tawag dito ng bata. Nagsisigaw ito sa tuwa habang tumatakbo palapit sa ina, kaagad na yumakap nang makalapit. Hindi niya nakita ang naging reaksyon ni Tawny nang makita nito si Alisa dahil nakatitig siya sa kaniyang mag-ina. "Saturday ngayon kaya naisip kong pumasyal," sabi ni Alisa bago yumukod sa anak at hinalikan ito sa pisngi. "Namiss kong mamasyal kasama ang baby ko, gusto mo bang sumama kay Mommy?" "Yes, Mommy, ihahatid ako ni Daddy kay Lola pero ayaw ko roon, Mommy." Mabilis na lumipad ang tingin ni Alisa sa kaniya. "Bakit pinipilit mong dalahin ang anak ko sa mga taong hindi naman niya gusto?" bakas sa mukha at tinig nito ang pagkairita. "Hindi naman sila mga ibang tao, Alisa, mga magulang ko sila at gusto ko siyang masanay na kasama sila," maagap niyang katuwiran. Binitawan nito ang bata at lumapit sa kaniya. "Bakit ba hindi mo na lang ibigay sa akin ang anak ko? Hindi mo naman na siya kayang alagaan, 'di ba? Nalaman ko na kung sinu-sino na lang ang nag-aalaga sa kaniya." Sumulyap ito sa tahimik na si Tawny. "Mommy, umalis na tayo." "No, Alilee," kaagad niyang saway sa bata. "You'll stay here with Miss Tawny." Dahilan para mapatingin sa kaniya si Tawny bago kay Alisa. "Siya ang ama ni Alilee," sabi nito kay Alisa. "May karapatan din siya sa bata, kung magmamatigas kang dalahin siya, p'wede kang magkakaroon ng problema," mariing wika ni Tawny habang nakatitig kay Alisa na noon ay matamang nakatitig sa dalaga. Napakurap siya. May kakaiba siyang napansin, hindi nga lang siya sigurado kaya nanahimik siya. Ilang sandali na nagsukatan ng tingin ang dalawang babae. "Sige, ganito na lang," kapagkuwa'y wika ni Alisa sa dalaga. "P'wede kang sumama sa pamamasyal naming mag-ina, baka kailangan din kase ng yaya ni Alilee," sarkastiko nitong sabi bago tumalikod. Tumingin siya kay Tawny subalit hindi niya nakita ang poot sa mga mata nito habang nakasunod ito ng tingin kay Alisa. Hinawakan niya ito sa kamay kaya napatingin ito sa kaniya at mabilis na lumambot ang anyo nang makita ang pag-aalala sa mukha niya. "Please, bantayan mong mabuti ang aking anak," bilin niya sa dalaga sa nakikiusap na tono. Pinisil nito ang palad niya bago lumakad pasunod sa mag-ina. Napabuntong-hininga siya. Kahit paano ay napanatag siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD