HINDI pa siya masyadong nakakalayo sa opisina ng ama ay may nasalubong siyang nurse sa hallway.
"Doctor Ice, ini-admit po si Sir Dominic," pagbabalita nito. Napatingin pa ito sa gilid ng labi niya na noon ay kaagad na pinasaan.
Kilala sa ospital nila si Dominic dahil doon ito regular na kumukonsulta at alam din sa buong ospital na best friend niya ito.
Bumuhos ang pag-aalala niya matapos marinig ang sinabi ng nurse. "Saang silid siya naroon?"
Pagkatapos marinig buhat dito kung saang silid naroon ang kaibigan ay nagmamadali niyang tinungo iyon. Natigilan pa siya nang makita sa silid ni Dominic ang babaeng kausap kanina na nagpakilala sa kaniya bilang Reign.
'Anong ginagawa niya rito?' sa isip niya.
Napatingin ito sa kaniya bago napangiti, iniisip marahil nito na siya ang attending physician ni Dominic.
Inignora niya ito at kaagad na lumapit sa nurse na naroon at abala sa IV dextrose ni Dominic.
"Kumustang kondisyon niya?" tanong niya sa nurse.
Ngumiti ito sa kaniya. "Ayos lang siya Doc, kailangan lang niya ng sapat na pahinga."
Lumuwag kaagad ang dibdib niya matapos marinig ang sinabi nito. Tinitigan niya ang nahihimbing na kaibigan. Kahapon nang makausap ito ay hindi naman niya ito kinakitaan ng labis na pagod. Palibhasa guwapo ito ay palaging fresh tingnan at matikas tumindig kahit na nakakadama na pala ng labis na pagkapagod. 'Ni hindi man lang ito nagrereklamo sa kaniya samantalang siya ay nakuha pa itong pagwikaan kahapon.
"Doctor Ice," untag ng nurse sa kaniya at tinapik siya sa braso bilang pagpapaalam.
"Salamat," wika niya at pasimple pang sinulyapan ang kamay na ginamit nito sa pagtapik sa braso niya.
Tumango lang ito at tinungo na ang pinto.
"Doc. Ice," narinig niyang tawag ni Reign sa kaniya. "Magkakilala po kayo ni...Dominic?" nag-aalangan pang tanong nito nang ganap na makalabas ang nurse sa pintuan.
Noon lang siya tumingin dito. "Ikaw, kilala mo ba siya?" balik tanong niya imbes na tugunin ito.
Tumingin ito kay Dominic imbes na sagutin siya. Tinitigan niya ang dalaga at sinubukang basahin ang iniisip. Kilala niya si Dominic, kahit naging babaero ito noon ay mataas ang standard nito sa babae. Ngunit matapos yata nitong magbago ay mas tumaas pa marahil ang standard nito sa babae kaya heto at dalawang taon na buhat nang huli itong pumasok sa isang relasyon. Pero muli ba itong nagka-interest sa babae, at bumaba na ang standard nito ngayon?
Nasa ganoong pag-iisip siya nang may maalala, si Alilee.
•••
HALOS labing limang minutong late si Ice nang dumating sa school ng anak. Bahagya pa siyang nagulat nang masalubong ito palabas ng gate kasama si Tawny.
"Daddy!" bakas sa mukha ng anak ang pagka-surpresa nang makita siya. Kaagad itong tumakbo palapit sa kaniya at yumakap. "Dad, ano'ng nangyari sa'yo?" tanong nito nang makita ang pasa sa gilid ng labi niya.
"Napabangga lang si Dad anak," pagsisinungaling niya.
Narinig niya ang pagtikhim ni Tawny. "Hi," bati nito habang matamang nakatitig sa kaniya at nag-aalangan sa pagngiti.
Tinapunan niya ito ng maikling tingin at hindi gumanti sa pagbati nito, pero hindi niya naitago ang pag-iisip kung paano nito nalaman ang eskuwelahan ng kaniyang anak. Tila nahulaan naman nito ang nasa isip niya.
"Lumabas ulit siya kahapon pagkaraan ng ilang sandali," paliwanag nito na ang tinutukoy ay ang paghaharap nila sa labas ng bahay niya matapos na mag-walk out si Dominic kahapon. "She was upset and looking for comfort, she knocked my door. Ayaw kong bigyan mo ng maling interpretation kung i-entertain ko s'ya so, I advised her na manatili sa loob ng bahay n'yo pero ibinigay ko ang number ko sa kaniya para sabi ko kung kailanganin n'ya ng kausap puwede n'ya akong tawagan at ayon nga, tinawagan n'ya ako kase wala pa raw si Tito Dominic niya para sunduin siya," mahabang dagdag nito sa pagpapaliwanag sa kaniya.
Subalit imbes na magsalita ay kinuha niya sa dalaga ang mga gamit ng kaniyang anak.
Binantayan siya nito ng tingin. "Si...Dominic?" kapagkuwa'y tanong pa ni Tawny habang sa gilid ng labi niya nakatingin.
Hindi niya ito pinansin. "Let's go home, Alilee," bagkus ay sabi niya sa anak na tahimik na nakamasid. "Mag-thank you ka sa kaniya," kapagkuwa'y sabi sa anak upang dito padaanin ang pasasalamat sa dalaga.
"Thank you, Miss Tawny," nakangiting sabi ng bata saka bumaling sa kaniya. "Dad, she asked you about Tito Dom, bakit hindi mo s'ya pinapansin?"
Napabuntong-hininga siya bago tumitig sa anak. "Naka-admit siya," wika niya sa anak bilang tugon kay Tawny.
"What happened, Dad?" nag-aalalang tanong ng bata.
"He's fine, sweetheart. Wala kang dapat ipag-alala." Kumilos siya at iginiya ang anak patungo sa kotse bago pa ito makapagtanong ng kung anu-ano pa.
Sumabay si Tawny sa paglakad nilang mag-ama. "Dumudugo ang gilid ng labi mo," narinig niyang sabi nito.
Pinunas lang niya iyon ng kaniyang hinlalaki pero hindi nag-abalang tumingin dito.
"Daddy, p'wede bang sa bahay na lang muna ako ni Miss Tawny?"
Bahagyang napakunot ang kaniyang noo sa tanong ng anak. Hindi siya sumagot hanggang sa marating nila ang sasakyan.
Lumapit si Tawny sa kotse nito na naka-park lang pala sa tabi ng sasakyan niya.
"Ayos lang sa akin na sa bahay ko muna si Alilee," wika ng dalaga kaya napatingin siya rito. Tinitigan niya ito ng diretso sa mga mata na noon ay diretso ring nakatitig sa kaniya.
Hindi ito nakatagal sa titig niya. Kumilos ito at may kinuha sa loob ng sasakyan nito.
"Trust me, Ice." Iniaabot nito sa kaniya ang isang identification card. "Wala akong masamang intensyon."
"Daddy, sige na, let me go with her," paglalambing pa ni Alilee.
"Alilee," saway niya sa anak.
Biglang tumunog ang cellphone niya. Kaagad niya iyong kinuha sa bulsa at sinagot.
"Nasaan ka ba? Kailangan ng doctor dito!" boses iyon ng kaniyang ama, galit.
'Buwisit!' napapikit sa inis na wika niya sa isip. Napatiim-bagang siya. "Pabalik na ako." Tinapos niya ang tawag.
Kinuha niya ang identification card ni Tawny na iniaabot nito sa kaniya at idiniretso iyon sa bulsa niya.
"Susunduin ko siya sa bahay mo mamaya," aniya.
Ngumiti ang dalaga ng maluwang at tumango. "Hindi ko sasayangin ang tiwala mo, Doctor Ice."
Hindi siya nag-react sa sinabi nito.
"Yey! I love you, Daddy!" Masayang yumakap sa kaniya ang anak.
Hinalikan niya ang bata bago tumingin kay Tawny. "Sa backseat ko siya pinapaupo. At ah...ingat sa pagda-drive, sakay mo ang anak ko," paalala niya at bumaling sa anak. "Bye, sweetheart."
"Bye, Daddy."
Sumakay na siya sa kotse. Tiningnan pa niya ang mga ito sa side mirror bago tuluyang pinausad ang sasakyan.
•••
"MISS Tawny, gusto kong maging kagaya mo," maluwang ang ngiting sabi ni Alilee habang abala sa pagguhit sa canvas na nasa harap nito.
Ngumiti siya."P'wede naman, pero dapat nasa puso mo ito para matiyak mo na mas maganda at may buhay ang mga ipipinta mo," payo niya at pinunas ng hawak na towel ang dungis sa mukha nito na nagmula sa paintbrush na hawak.
"Dito ka lang, dapat behave ka kagaya ng pinag-usapan natin, kukuha lang ako sa baba ng meryenda, okay?"
"Okay." Nag-thumbs up pa ito matapos tumango.
Lumabas siya sa art room at gumawa ng meryenda para sa kanila ni Alilee. Ilang sandali rin ang lumipas bago siya nakabalik dala ang meryenda nila.
"Alilee, stop ka na muna r'yan sa—" naputol niya ang sasabihin nang makitang nakatayo si Alilee sa harap ng portrait painting niya na ipininta halos pitong taon na ang nakalipas.
"Awesome!" bulalas nito habang nakatitig doon. "You had painted Daddy's face perfectly, but wait, why did you paint him?" napamaang na tanong nito bago tumingin sa kaniya.
Ngumiti siya saka lumapit sa tea table na naroon at inilapag ang dalang food tray kung saan nakalagay ang kanilang meryenda.
"You did not follow the rule," kunwa'y paninita niya sa bata.
"Sorry na," kaagad nitong sabi sa malambing na tono. "Hindi ko naman sinira, 'di ba?" pero depensa nito.
Lumapit siya rito. "Okay, ganito na lang, palalampasjn ko 'to pero huwag mo na lang babanggitin kay Daddy ang tungkol dito, ayos ba 'yon sa'yo?"
"Mm-mm," tugon nito na sinabayan pa ng pagtango.
"Very good. Halika, magmeryenda na tayo." Iginiya niya ito palapit sa tea table at inalalayang maupo sa silyang naroon.
Binalikan niya ang painting at muli iyong tinakpan matapos na sandaling titigan.
•••
IMINULAT ni Dominic ang mga mata. Hindi niya alam kung ilang oras ba siyang tulog. Iginala niya ang paningin sa paligid ng silid, mag-isa lang siya roon.
Bumukas ang pinto at pumasok si Ice.
"Gising ka na pala. Pauwi na ako," sabi nito habang lumalakad palapit sa kinahihigaan niya.
"Ibig mong sabihin...si Alilee?"
"Ayos na, Dominic, nakauwi na siya kaya huwag mo nang isipin, magpahinga ka na lang muna r'yan, kailangan mo 'yan," sabi nito.
Nakahinga siya ng maluwag. "Sinong... ibig kong sabihin iniwan mo siya sa Mama mo?" hindi makapaniwalang tanong niya kay Ice.
Tiningnan lang siya nito at tumanaw sa labas ng bintana.
"Puntahan mo na siya, tiyak na hindi siya komportable roon, iiyak na naman siya. "
Bumakas ang lungkot sa mukha ni Ice matapos marinig ang sinabi niya.
Napakunot ang noo niya nang mapansin ang pasa sa gilid ng labi nito.
"Saan mo naman nakuha 'yan?" tanong dito.
"Wala ito." Bumuntong-hininga ito.
Tiningnan lang niya ito at sinubukang basahin ang nasa isip.
"Iyon palang babae, si Reign," sabi nito na malayo sa dapat na itakbo ng kanilang usapan."Kakaalis lang niya, naabutan ko pa siya sa labas bago ako pumasok dito."
Umiwas siya ng tingin dito. "Bakit ba siya narito?" wala sa loob na naitanong niya.
"Pasyente rito ang pinsan niya," sabi nito na humalukipkip pa. "May problema ka ba sa kaniya?"
"Ayaw ko siyang makita," matamlay na sabi niya.
"May mga bagay na mas mabuting hinaharap natin kaysa iniiwasan, dahil kung iiwas na lang tayo, nandoon din palagi ang posibilidad na maulit lang ang mga ganoong bagay." Tinapik siya nito sa balikat. "Sige na, hinihintay na ako ni Alilee," tapos ay paalam nito at lumakad na palabas.
"Sana ganoon din siyang mag-payo sa sarili niya," sabi niya nang makalabas na ito, napailing pa siya.