"Hindi ako sasama, Fiona. Umuwi ka na sa inyo para makapagpahinga ka na," sagot ni Nick sa dating kasintahan nang pilitin siya nitong doon matulog sa bahay ng mga Bermudez. Ang balak niya ay magpahangin sa bukid kahit kasingdilim ng paligid ang nararamdaman niya ngayon. Ipinamukha na naman sa kanya ni Axel na wala siyang karapatang maging Esquivel. "Pero Nick--" "Siyanga naman, Nick, bakit hindi ka sumunod sa gusto ni Fiona? Noong wala ako'y halos lumuhod ka pa para lang tanggapin niya ulit," pang-iinis ni Axel na kanina ay sinubukan pang yakapin si Camilla na gusto niyang suntukin. At sa dinami-dami ng pagtitiis niya na huwag patulan si Axel, ngayon ay gusto nang matikman ng kamao niya kung ano ang pakiramdam na masuntok ito kahit minsan lang. Para bigyan lang ito ng leksyon.

