HALOS nabusisi na nila ang lahat sa palibot ng eskwelahan, ngunit wala silang nakitang bakas ni Jane roon matapos ang oras na lumabas ito. Habang patuloy sa pakikipag-ugnayan sa mga may kapangyarihan, hindi umalis si Jade sa tabi ni Ted. Gusto niyang marinig bawat detalye kung paanong nawala ang kanyang anak. Kahit nais ni Ted na ihatid sila sa bahay ay mas pinili niyang manatili at magpatuloy na umasang makikita at maibabalik ang kanyang anak sa loob ng buong araw na 'yon. Ngunit sumapit ang gabi na bigo silang makita ito. "Ano? Hanggang ganito na lang ba tayo maghihintay? Paano kung hindi na nila ibalik ang anak ko?" Umiiyak na sabi ni Jade. Nagsalimbayan ang sari-saring alalahanin sa kanyang isip. Takot ang kanyang anak na mapag-isa at lalo na sa madidilim na lugar. Maging sa mga

