Nagising si Mattia mula sa pagkakahiga sa hospital bed. Naramdaman niya ang kirot ng sugat nang biglang bumangon, saglit siyang napakislot dahil sa hapdi. Ngunit isinantabi niya ang pisikal na kalagayan nang maalala ang mga pangyayari bago siya nawalan ng ulirat.
"Buti at gising ka na."
Napalingon siya sa lalaking lumapit at tumayo sa tabi ng kama.
"Coach..." aniya at napatingin sa bintana ng hospital room. Napagtanto niyang umaga na, dahil sa sikat ng araw na pumapasok sa loob ng silid. "Ano pong nangyari?" bumalik ang paningin niya sa lalaki.
Napabuntong-hininga muna si Coach Caiden bago inabot sa kaniya ang isang kuwintas.
Napatulala si Mattia nang makita ang kuwintas, iyon ang agimat na ibinigay niya sa kaibigang cadejo. Kinuha niya ang iniabot ni Coach Caiden at tinitigan ang hawak.
Nagsimulang magpaliwanag si Caiden. "Nang sumugod ang kapulisan, dalawang cadejo ang naabutan sa loob ng kamalig. Ngunit sa kasawiang palad, parehong namatay ang itim at puting cadejo roon. Natunaw raw ang mga katawan ng nilalang at naglaho sa hangin."
Nang marinig iyon ay hindi napigilan ni Mattia ang pagsikip ng dibdib. Napamaang ang kaniyang bibig at nanlaki ang mga mata. Iniwas niya ang paningin at napayuko. Hindi siya makatugon sapagkat kapag nagsalita siya ay siguradong mauuna ang hikbi. Unti-unting nanlabo ang kaniyang mga paningin dahil sa paglabas ng luha.
"Isinugod din si Marriana sa hospital pero binawian din siya ng buhay," casual na dugtong pa nito.
Naramdaman niya ang mga mata ni Caiden na nakatitig sa kaniya pero wala siyang balak na tapunan ito ng tingin. Namumula na ang kaniyang mukha dahil sa pagpipigil sa pag-iyak.
Muling ipinagpatuloy ni Caiden ang pagsasalita. "Nakalabas na rin si Rainzel sa ospital kaninang umaga. Nagpapahinga siya ngayon sa hotel na malapit dito. May kinausap na rin akong porter na kukuha ng mga gamit natin sa Acatenango. Mahal nga lang ang bayad pero mas mabuti nang iutos kaysa bumalik pa tayo roon. Tapos na ang mission natin. Kahit ganito ang nangyari, good job pa rin sa—"
Naikuyom ni Mattia ang mga palad at pinutol ang sinasabi ng coach. "Anong good job doon?! Dead on arrival nang isugod sa hospital si Marriana! Tapos... tapos... " Hindi na madugtungan pa ni Mattia ang susunod na sasabihin. Umiwas siya ng tingin at pinunasan ng braso ang mga matang namamasa.
"Nahuli ba nila ang maysala?" tanong niya.
Umiling ang coach.
"Nakatakas sila, 'di ba?"
Hindi tumugon si Caiden.
Tumitig siya sa kausap at sa pagkakataong ito, hinayaan na tumulo ang mga butil ng luha. "Walang tama sa ginawa ko, coach. Walang ibinunga na maganda. Nabigo ako kaya huwag mo kong purihin." Iyon lamang at muli siyang nagyuko ng ulo.
Pagkuwa'y malalim na napabuntong-hininga ang coach, pagkatapos ay tumabi ito sa kaniya, umupo sa gilid ng kama.
"Kailangan mong maging malakas. Hindi lang sa labas pero sa loob. Kailangan mong ibalanse ang lahat bago ka kumilos. Kailangan mong tandaan na lahat ng desisyon na gawin mo ay maaaring magdulot ng masama o mabuti. Dahil kung minsan, kahit ang hangarin natin ay mabuti, ang nagiging bunga pa rin ay pagkakamali," pagpapaliwanag nito.
Matamang nakinig si Mattia na para bang nakakita ng father figure na magbibigay sa kaniya ng payo. "Walang mali sa ginawa mo. Binuhos mo ang lahat ng makakaya mo, Mattia. Pero kailangan mong tanggapin na sa buhay, hindi lahat ng gawin mo ay magtatagumpay. Kahit ginawa mo na ang lahat, may posibilidad na matalo ka pa rin. Tanggapin mo sa sarili ang kahinaan na hindi mo kayang sagipin ang lahat. Matuto kang tumanggap ng pagkatalo. Ngunit dapat matuto ka rin na magpatuloy."
Nagbaba ng tingin si Mattia. "Paano mo nasabi ang mga 'yan? Hindi mo naman naranasan ang mga naranasan ko sa misyon. Hindi mo nakita ang mga nakita ko."
"Tingin mo ba naging coach ako dahil lahat ng misyon ko ay matagumpay?" anito.
Muli siyang napatingin sa lalaki.
"Naging coach ako dahil ako lang ang naka-survive sa lahat ng delikadong misyon na nasagupa ko." Nagpatuloy sa pagkukuwento si Caiden nang hindi siya tumugon. "Iyong panahon na pumasok ako sa HEAP, dumaan din ako sa training camp katulad mo. Lima kaming trainees, dalawa nag-quit sa kalagitnaan ng misyon at dalawa naman ang namatay."
Namilog ang mga mata ni Mattia nang marinig ang salitang namatay. Hindi siya makapaniwalang tumitig sa coach.
"Umiyak din ako sa training camp. Ako lang ang natira sa lima kong kasama. Tingin mo ba hindi ko ginawa ang lahat para sagipin ang mga kasama ko? Maaari... nandito pa rin ang guilt sa mga nangyari noon." Sinapo nito ang dibdib. "Naging solo expert ako dahil dito. Napagtanto kong mas masakit na hindi maprotektahan ang mga kasama kaysa sa sarili. "
"Akala ko maibabaon ko na sa hukay ang guilt pero nang sumubok ako bilang trainer coach, bumalik ang nakaraan ko. It doesn't end well, Mattia. Wala akong sapat na kaaalaman para maging coach. Namatay rin ang first apprentice ko sa kalagitnaan ng misyon.
Its my fault dahil nangialam ako, dapat ipinapasa ko ang desisyon sa trainee. Iyon ang codes ng mga trainers. Para kung may mangyaring hindi maganda, sa trainees ang kasalanan dahil kusa nila iyong ginawa. Hindi nag-uutos ang trainer ng gagawin o desisyon sa mission kundi masisisi sila.
I always blamed himself for what happened. Hanggang sa mapagod na akong sisihin ang sarili ko. Wala na akong pakialam..."
Ngayon napagtanto ni Mattia kung bakit ganoon na lamang ang asta ng coach sa buong misyon nila sa Guatemala. "He doesnt want another emotional attachment to his subordinates. He's just protecting himself from the pain," aniya sa isip.
"Ngayon naintindihan mo na ba?" untag nito sa kaniya.
Nanatili siyang walang imik at napapaisip. Ipinatong na lamang ni Coach Caiden ang kamay sa balikat niya bago ito tumayo. "Si Silvia ang nagpadala ng mga prutas at gift bag." Itinuro nito ang mga nakalapag sa side table. "Sana basahin mo rin ang sulat ng pasasalamat niya," anito bago tuluyang lumabas ng kuwarto.
Hinintay ni Mattia na umalis ang lalaki bago siya bumaling sa side table. Nakatuon ang kaniyang paningin sa liham na binanggit ni Caiden. Naramdaman niya sa puso ang kirot nang sabihin nitong sa kliyente nila galing ang sulat, gift bag at basket ng mga prutas. Inabot niya ang liham, binuklat at binasa.
"Sa kabila ng trahedyang nangyari, hindi ko kayo sinisisi. Alam ko ginawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para mahanap ang kapatid at pinsan ko. Masakit man ang mga naganap, nagpapasalamat pa rin ako. Huwag niyo nawa sisihin ang sarili ninyo sa mga nangyari. Bilang pasasalamat, nais kong tanggapin ninyo ang regalo ko. Sana maging payapa at ligtas ang pag-uwi ninyo sa Pilipinas." — Silvia.
Tumingin siya sa paper bag na katabi ng basket. Kinuha niya rin iyon at binuksan ang loob. Napanganga siya nang mailabas ang isang carved wooden mask na gawa ng mga katutubo sa Antigua. Ang mas nakakaantig ng puso ay kamukha pa ng black cadejo ang maskara.
Hindi na napigilan ni Mattia ang damdamin. Naibaba niya ang wooden mask, napasapo sa ulo at napaiyak nang tahimik. Sa libreng oras na ito, pwede niyang ubusin ang mga luha. Ngayon, naintindihan na niya ang bigat ng consequence kapag nagkamali sa misyon.
***
Bandang hapon nang ma-discharge siya sa hospital. Sinundo siya ni Señor Gonzales sa labas at laking tuwa ng lalaki nang makitang buhay siya. Sumakay siya sa tuktuk nito at inihatid sa hotel na tinutuluyan nina Rainzel at Coach Caiden.
Sa hallway pa lamang ng inuupahang kuwarto, nakita na niya si Rainzel. May band-aid sa ilang parte ng katawan ng babae ngunit mukhang maayos na ang estado ng katawan nito.
Nagningning ang mga mata ng dalagita nang makita siya. Naluluha sa katuwaan na tumakbo ito palapit at pinaikot ang mga braso sa baywang niya.
Hindi niya inaasahan ang pagyakap ng babae pero may maunawaing ngiti sa labi na tinapik-tapik niya ang likod nito.
Biglang napagtanto ni Rainzel ang ginawa. Namumula ang magkabilang pisngi na napalayo siya sa binata. "Sorry, I-Im just so excited to see you..." naiilang na sabi nito.
"Mabuti naman at maayos ka na, Rain," sa halip na wika niya na may ngiti sa labi.
Tumango si Rainzel at napansin ang pagod niyang mga mata. Nahulaan nitong hindi pa siya nakaka-recover nang lubusan. "M-Magpahinga ka muna, Mattia. Bukas na lang tayo mag-usap."
Sumang-ayon siya at naglakad patungo sa inuupahang kuwarto.
***