I
NAPAKALAPAD NG ngiti ni Rocco nang matanaw ang pamilya niya na patungo sa kanyang direksyon. Matagal niyang ibinaling ang tingin sa kanyang mag-ina. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang mararanasan niyang maging masaya matapos ng mga pinagdaanan sa buhay. Ngunit sapat na sigurong dahilan ang presensya ng kanyang pamilya. Sapat ng katibayan iyon upang magpursige siya sa buhay.
Muli niyang ibinaon sa lupa ang binhi ng palay bago kumaway sa kanyang mag-ina. Lalong lumapad ang kanyang ngiti nang matanaw ang anak na patungo na ngayon sa kanyang direksyon. Tumatakbo ito kaya ganoon na lamang ang pag-aalala niya.
“Don’t run, Melly!” saad niya sa anak nang mas binilisan pa nito ang pagtakbo. Ganoon na lamang ang pag-iling niya nang makitang hindi na naman nakinig ang kanyang prinsesa. Patuloy pa rin.
Nagkikita naman sila sa bahay, ngunit ang anak niya ay parang isang taon siyang hindi nakita tuwing nagtatrabaho siya sa palayan.
Tinanaw niya ang asawa na nasa ilalim ng silong ng mangga. Nakatalikod ito sa kanilang direksyon at inaayos ang pananghalian nila kaya hindi napansin ang pagtakbo ng kanilang anak. Siguradong magagalit na naman ang asawa niya kapag nakitang hindi nakinig si Melly.
“Daddy!” tuwang-tuwang sabi ng prinsesa niya. Nakataas ang mga kamay nito at paulit-ulit na tumatalon.
Napakalapad din ng ngiti ni Melly na nagiging dahilan ng paglundag ng kanyang puso. Masasabi niyang ang anak ang kanyang bitamina. Ito ang kanyang lakas upang magtrabaho ngayon nang marangal.
“How’s my princess?” nakangiti niyang tanong sa anak at bahagyang inunat-unat ang katawan dahil nangangalay na iyon.
“Fine, Daddy!” saad ng anak niya. “Nag-brush akong teeth before magpunta po sa ‘yo!” proud na sabi ng anim na taong gulang na anak bago ipakita ang ngipin nitong bungi sa harapan.
“Wow! Ang daming bintana,” tudyo niya sa anak kaya ganoon na lamang pagsimangot nito.
“Daddy, you’re bullying me!”
Natawa siyang muli nang makitang nakasimangot ito. Hindi rin siya komontra sa sinabi ng anak kase totoo naman. Ginawa niya na yatang energizer ang panunukso rito. Masarap asarin ang anak niya dahil hindi naman ito iyakin. Isa pa, gusto niya ang ganitong usapan nilang mag-ama dahil hindi ang anak niya ang uri ng batang magpapatalo. Alam nito kung paano lumaban at ipagtanggol ang sarili ngunit sa paraang may paggalang.
“See? You’re bullying me!”
Kahit na nakatira sa probinsya, matatas magsalita ng Ingles ang bata dahil ang mga nakakasalamuha nito sa paaralan ay ibang lahi. Isa pa, ang ama niya rin ay hindi marunong managalog, Ingles ang ginagamit nito sa tuwing nakikipag-usap sa kanila. Idolo ni Melly ang lolo nito kaya ginagaya ang ama niya.
Panahon na naman ngayon ng pagtatanim kaya masyado siyang abala. Ang mga tauhan niya ay naunang umuwi sa kanya ng isang oras. Piyesta kase ngayon sa kanilang baryo, gusto niya naman kahit papaano’y hindi makaligtaan ng mga ito ang magsaya. Ganoon din sana ang gagawin niya ngunit nagdesisyon kaninang umaga ang asawa niya na hatiran na lamang siya ng pagkain. Pinagbigyan niya dahil minsan lamang nagkakaroon ng bakanteng oras ang asawa sapagkat nagtuturo ito. Maraming ginagawa ang mga guro na katulad nito kaya naman kapag nanghingi ito ng oras para sa kanilang pamilya ay hindi siya humihindi.
Muli niyang pinagtuunan ng pansin ang pagbabaon ng binhi sa basang lupa ng palayan. Kakaunti na lamang iyon kaya tinapos niya na. Ang iba naman ay bukas na itatanim upang magkaroon siya ng oras sa pamilya.
“Go back to your mom, Melly. Mainit dito, anak,” saad niya nang maitusok ang huling binhi. “Maghuhugas lang si daddy ng paa at kamay.”
Mabilis namang tumalima ang anak niya. “Copy, Daddy!”
Siya naman ay nagpunta sa palatubigan upang maghugas ng kamay at paa na nagkaroon ng putik. Tamang-tama nang maisahod niya ang kamay sa umaagos na tubig ay siya namang pagsigaw ng asawa niya.
“Melly!” sigaw nitong muli sa pangalan ng anak.
Nang lingunin niya ang anak, nasa lapag na si Melly at mukhang tumakbo na naman kaya nadapa. Nakatingin lamang silang mag-asawa rito at hindi lumalapit.
Pinaalalahanan niya na ito kanina na huwag tatakbo ngunit hindi nakinig. Bata pa lamang si Melly, tinuruan na nila ito na tumayo sa sariling mga paa sa tuwing nagkakamali. Kailangan nitong tanggapin na wala sila parati sa tabi nito para umalalay at saluhin ito.
Ganoon na lamang ang paghinga niya nang malalim nang makita niya itong tumayo. Ipinagpatuloy niyang muli ang paghuhugas ng kamay at paa bago dali-daling lumapit sa anak na nabato na sa kinatatayuan.
Lumingon ito sa kanya, makikitang pinipigilan ang pag-iyak.
“I didn’t cry, Daddy,” saad ng anak niya habang tinitibayan ang loob. Nagpapasaklolo ito sa kanya.
“Sinabi kong huwag tatakbo ‘di ba?” tanong niya rito.
“But I didn’t cry, Daddy,” katwiran nito na hinahabol pa ang paghinga upang hindi tumulo ang luha.
Nang tignan niya ang tuhod nito, ganoon na lamang ang pag-iling niya, gasgas ang kaliwang tuhod ni Melly habang ang kanan naman ay may malalim na sugat. Nagdudugo pa iyon kaya hindi maipinta ang mukha niya dahil sa awa sa anak. Nang titigan niya ito sa mga mata, ganoon na lamang ang pagpalahaw ng iyak ni Melly kaya dali-dali ang pag-alo niya sa anak.
Nang ibaling niya ang tingin sa asawa, umiiling ito. Makikitang hindi nagustuhan ang ginawa niya.
Kakaunti lamang ang hindi nila pinagkakasusunduang mag-asawa, isa na ito sa mga halimbawang iyon. Mabilis siyang maawa sa anak kaya kapag may nangyari dito ay lalapit kaagad siya habang ang asawa naman ay matigas at hahayaan ang anak na malaman ang kamaliang ginawa.
Kinarga niya ang anak at dinala sa ilalim ng puno. Patuloy pa rin ang pag-iyak nito ngunit mahina na iyon ngayon. Alam kase ng bata na pagagalitan ito ng ina kapag hindi pa rin tumigil.
Nilingon ni Melly ang ina, “I’m sorry, Mommy.”
Huminga nang malalaman ang asawa niya bago pagtuunan ng pansin ang sugat ng anak. Dahil sa hindi pagsagot ng asawa niya, siya naman ngayon ang nilingon ni Melly.
“Daddy...” saad ng bata at nagpapasaklolo.
Sinenyasan niya ang anak na huwag munang magsalita. Sumenyas din siyang tumigil na ito sa pag-iyak at uminom ng tubig.
Hindi niya maiwasang huwag mapangiti nang tumalima si Melly. Nang bahagyang kumalma, ibinalik nito ang ngiti sa kanya na naging dahilan upang lumapad din ang kanyang ngiti.
Pinagmasdan niya ang anak. Hindi niya akalaing magkakaroon siya ng batang babaeng bersyon. Kamukhang-kamukha niya kase si Melly. Ang mahabang pilikmata ay nakuha nito sa kanya. Ganoon na rin ang bilugan at kulay abong mata. Ang makakapal na kilay at kay-kintab na itim na buhok ay namana rin nito sa kanya. Habang ang kulot na kapeng buhok at kayumangging kutis naman ay nakuha nito sa asawa niya. Matangkad din ang anak niya para sa edad nitong anim. Pareho rin kase silang matangkad na mag-asawa.
Inabutan niya ng mangga ang anak. Habang kumakain ito, nabaling naman ang tingin niya sa asawa. Hindi pa rin maipinta ang mukha nito kaya nilapitan niya na at niyakap.
“I’m sorry,” saad niya bago mas higpitan ang yakap sa asawa. “Alam mo naman na hindi ko kayo matitiis. Kapag nasaktan kayo, triple ang balik sa akin.”
Umiling ang asawa niya. “So, I am the bad cop and you are the good one?”
Hindin niya alam ang isasagot sa asawa kaya nilingon niya ang anak.
“Melly, nagtatampo si mommy sa akin, anong gagawin ko?”
Kaagad na sumenyas ang anak niya na yakapin at halikan ang ina. Nang lingunin niya ang asawa, nakatingin ito sa kanilang dalawa at nakataas ang isang kilay. Ngunit dahil masunurin siyang ama, ginawa niya pa rin ang sinabi ng anak—niyakap at hinalikan niya sa pisngi ang asawa. Ngunit hindi ito tumutugon kaya nilingon niyang muli ang anak.
Alam na kaagad ni Melly ang gagawin. Dahan-dahan itong lumapit sa ina at kiniliti ang tagiliran. Hindi rin nagtagal, natawa na ito at pinupupog ng halik si Melly.
Nakatingin lamang si Rocco sa pamilya. Kahit araw-araw niyang makita ang ganitong tanawin, hindi siya magsasawa. Sila ang gamot niya sa nakakapagod na pagtatrabaho sa bukid. Ang mga ito ang lakas niya. Kaya niyang isakrepisyo ang lahat para sa kanyang mag-ina.
Pagkatapos ng pananghalian sa ilalim ng punong mangga, dumiretso sila sa piyestahan upang makita ang kaganapan sa pesta.
Hindi pa man sila nakakapasok sa lugar ngunit rinig na rinig na nila kaagad ang mga nagkakasiyahang tao, maging ang malakas na tugtog sa iba’t ibang bahagi. Hindi niya maiwasang huwag mapangiti nang makita ang mga tauhan sa bukid na bangka sa kasiyahan. Ang iba sa mga ito at kumakanta habang nakasunod naman sa saliw ng musika.
Makikita ang pagiging excited sa anak niya. Pero dahil hawak ng asawa niya ang kamay nito, hindi magawang magpatiuna ni Melly.
Nang mapansin sila ng mga naroon, kaagad na bumati ang mga ito. Pagngiti at pakikipagkamay ang naging tugon nila.
Sa kabila ng matinding ingay at maraming tao, napansin pa rin ni Rocco ang mga matang lihim na nag-oobserba sa kanya. Hindi niya maiwasang huwag magbuntong-hininga. Alam niyang ginagawa lamang ng mga ito ang trabaho nila ngunit hindi niya maiwasang huwag mapailing. Hindi na talaga siya magkakaroon ng normal na buhay kahit paulit-ulit niyang takbuhan ang nakaraan. Kailangan niya ng masanay.
“Hon, pupuntahan lang namin si Nurse Ann. Papalagyan ko ng ointment ang sugat ni Melly,” saad ng asawa niya saka siya hinalikan sa pisngi.
Nang makatalikod ang mga ito ay sinundan niya pa ng tingin ang pamilya bago puntahan ang kanilang mga tauhan.
“Sir,” bati ng isa sa kanya. Bakas ang pagiging matikas dito at pagiging alisto. Makikitang ang tingin ay nasa kanya ngunit ang atensyon ay nasa paligid.
“Anong meron?” tanong niya sa mga tauhan. Dati ng may nagbabantay sa kanilang pamilya kapag lumalabas kaya sanay na siyang nasa paligid ang mga ito ngunit ngayong araw ay nadagdagan ang bilang ng mga ito na labis niyang ipinagtataka.
“We have unknown threats at the perimeters, Sir. Ilang araw na naming inaalam kung sino ang mga iyon ngunit wala kaming makuhang sagot.”
Kumuha si Rocco ng stick ng sigarilyo sa tauhang nag-abot nito sa kanya. Hindi niya iyon sinindihan at inilagay lamang sa bibig. Matagal na siyang huminto sa paninigarilyo nang magkaroon sila ng anak ni Clairen. Si Melly ang dahilan kung bakit niya inihinto ang kanyang mga bisyo.
“They are dangerous...” mahina niyang saad bago tanggalin ang sigarilyo sa bibig at iabot sa tauhan. Ipinasok din ni Rocco ang kamay sa bulsa bago magtuloy-tuloy sa paglalakad patungo sa dating pwesto.
Magaling sumagap ang ama niya ng mga kalabang umaaligid sa kanila. Ito ang unang pagkakataong hindi nito nahuli nang maaga ang mga kalaban. Siguradong kapag hindi pa rin nahuli ang kalabang iyon, pauuwiin sila nito sa mansyon.
Natigil sa malalim na pag-iisip si Rocco nang may tumapik sa kanyang pisngi. Nang bigyan niya iyon ng atensyon, saka niya lamang napansin ang asawang nakakunot ang noo.
“Ayos ka lang?” nag-aalalang tanong nito sa kanya.
Hindi siya sumagot. Alam niyang mahahalata siya nitong nagsisinungaling.
“Are you okay, Daddy?” tanong naman ni Melly matapos hawakan ang kamay niya.
“Okay lang si daddy, Princess,” saad niya sa anak.
“Mommy, uwi na tayo.”
“Akala ko ba iikot pa tayo?” tanong ng asawang sa anak.
“Baka po may sick si daddy, Mommy. May piyesta pa naman next year.”
Nagkatinginan silang mag-asawa at parehong natawa. Pwede na talagang maging author ang anak niya. Wala pa siyang sinasabi pero nakagawa na ito sa utak ng susunod na mangyayari.
Sa huli, umuwi rin sila ng bahay dahil sa desisyon ng mag-ina niya. Ngunit hanggang sa makuwi, ang sinabi ng kanilang tauhan ang laman ng isipan niya. Matagal na silang walang kalabang namamataan. Bago niya piliing magkaroon ng simpleng buhay ay sinigurado niya ng ubos na ang mga ito ngunit ngayon ay labis siyang nababahala. Sana, mali ang kanyang ama. Sana’y guni-guni lamang iyon ng kanilang mga tauhan. Dahil kung totoo, hindi niya na alam ang susunod na hakbang na gagawin niya nang hindi naapektuhan ang pamilya niya.