Chapter 1

2829 Words
“Ano ba ‘yang suot mo, Loli? Para kang magtitinda sa palengke,” komento ng kaniyang nobyo. “Balak mo ba akong ipahiya sa harap ng mga bisita ha? Kung ganiyan man lang ay huwag ka na ngang pumunta. Nakakabwesit ka!” dagdag nito. “D-Derek sandali!” pigil niya rito. “Anak ako ng mayor dito at sa susunod na eleksiyon tatakbo bilang congressman si daddy. Kapag nakita ng mga kaibigan ko ang postura mo paniguradong pagtatawanan nila ako. Magdamit ka naman nang maayos. Maganda ka naman at seksi pero ang dungis mong tingnan. Diyan ka na nga! Huwag na huwag kang magpapakita roon ha. Huwag mong subukang ipahiya ako sa lahat,” anito at napapikit pa siya nang basta na lang nitong pabagsak na isara ang pinto ng dala nitong sasakyan. Humarurot ito paalis kaya naiwan siyang nakahawak sa laylayan ng suot niyang t-shirt at pinipigilan ang sarili na umiyak. Suminghot siya at kaagad na pinunasan ang kaniyang mata nang maramdamang nagbabadya na ang luha. “Oh, Loli? Ba’t nandito ka pa? Kanina pa nakaalis ang kotse ni, Derek ah!” Inayos niya ang kaniyang sarili at pinilit na nginitian ang madrasta. “U-Umalis na po siya eh,” sagot niya rito. “Umalis na? Eh bakit nandito ka pa? Hindi ba birthday niya? Huwag mong sabihing nag-away kayo?” sagot nito. Tiningnan niya ito at nginitian nang pilit. “N-Nagalit po siya eh nang makita niya ang suot ko, para daw akong magtitinda sa palengke,” wika niya rito. Tiningnan naman siya ng madrasta niya at napailing. “Kung bakit naman kasi iyan ang suot mo? Kupas pa ang pantalon mo. Magbihis ka, magpaganda ka. Alam mo namang mayaman ang pamilya nila. Baka pagdating mo roon imbis na nobya ka mapagkamalan kang katulong,” sambit nito. “Wala na po kasi akong ibang damit eh,” sagot niya rito. “Ano ba ‘yan? Sandali, manghihiram ako ng dress ni, Nicah. Tara sa loob, hindi puwedeng wala ka roon. Alam mo naman na ikaw na lang ang pag-asa ng pamilyang ‘to para umalwan ang buhay natin. Nasungkit mo na ang tuna sa dagat, huwag mo na kasing pakawalan. Naku! Bata ka talaga,” aniya at hinila ito papasok sa loob ng bahay. Sakto namang pababa ang anak ng madrasta niyang si Nicah. “Nicah, pahiram nga ng dress para kay, Loli,” sambit nito. “Ano? Ayaw ko nga, swerte naman niya. Bumili siya no. Hindi ako nagpakapagod mag-duty sa bar para lang ipasuot sa kaniya ang mga damit ko,” litanya nito. “Tita, huwag na po,” pigil niya rito. Hinampas naman ni Rosa ang anak niya. “Putragis na ‘to oh! Alalahanin mong kailangan natin ng malaking halaga para maipagamot si Junior. Si Loli lang ang inaasahan natin lalo pa at mayaman ang jowa niya. Ikasasakit ba ng katawan mo ang isang gabing pagpapahiram ha? Sige na,” inis nitong saad sa anak. Tahimik lamang si Lolita habang nakikinig sa sinasabi ni Rosa—ang madrasta niya. “Ayaw ko nga, eh kapag nasira iyon babayaran niya ba?” galit nitong sambit. “Oo, babayaran mo naman siya Loli ‘di ba? T’saka birthday ng jowa mo. Ikasasaya niya kapag nandoon ka,” kumbinsi ni Rosa sa kaniya. Napairap naman si Nicah at bumalik sa kuwarto niya. Sumunod naman sila. Binuksan nito ang aparador nitong gawa sa kahoy at pinapili ng damit. Wala siya ni isang nagustuhan dahil puro iyon sexy at halos nakahubad na. “Ito, ito hindi ka mapapahiya rito. Napakaganda mo at bagay ito sa balat mo,” wika ng tiya niya at kinuha ang kulay dilaw na dress. Above the knee iyon at medyo manipis ang tela. Tumikwas naman ang kilay ni Nicah sa ina niya at kinuha iyon saka naghanap ng ibang dress. “Pokpok ba si Loli para pagsuotin mo nang ganiyan, ‘Ma?” asik niya rito at ilang saglit pa ay natigilan sa isang off shoulder dress na kulay sky blue. “Ito, bagay sa ’yo ‘to. Suot mo nga, aayusan kita,” sambit nito. Natigilan naman si Lolita at napangiti sa step-sister niya. “Bilis na, may duty pa ako,” wika nito. Kaagad na nagbihis naman siya at napatingin sa salamin. Nilapitan siya ni Nicah at inayos ang nakaipit niyang buhok. Nilagyan ng kolorete sa mukha. Hindi pa nga siya sanay. “Ayan, okay na. Alis na ako,” wika ni Nicah at nagmamadali pa. Hindi naman nakapagpasalamat si Loli dahil nagamamadali ito palabas. “Oh? Ano pa ang hinihintay mo? Puntahan mo na at baka late ka na,” sambit ni Rosa. Tumango naman siya at lumabas na. Pumara siya ng traysikel at nagpahatid sa bahay na pagdadausan ng kaarawan ni Derek. Excited siya at siguradong magugulat iyon kapag nakita siyang nakapag-ayos. Tiningnan niya pa ang sarili ulit sa salamin ng traysikel at napangiti. Nagbigay na siya ng bayad at sinubukang tawagan si Derek subalit unattended ito. Nagsisimula na rin ang party nito dahil maingay ang musika na umaabot sa labas. “Magandang gabi po, Mang Tomas,” bati niya sa guwardiya. “Lolita? Aba’y na-late ka yata. Ang ganda mo ngayon ah. Pasok ka, mukhang kanina ka pa hinihintay ni, Sir Derek,” sambit nito. “Salamat po,” sagot niya rito at naglakad na papasok. Napasinghap siya nang makitang maraming tao. Hindi niya alam kung saan pupuntahan si Derek. Hindi niya rin kabisado ang lugar dahil isang beses lang naman siya nakapunta rito at silip lang iyon. Ipinakilala lang din siya ni Derek sa guwardiya. Naglakad pa siya at napalunok dala ng pagkailang. May iilan kasi na nakatingin sa kaniya. Sinusubukan niyang i-dial ang number ni Derek subalit hindi iyon sinasagot. “Derek saan ka na ba?” mahinang saad niya at naglakad pa. Kamuntik pa siyang madapa dahil may nagpapapansin sa kaniya sa likod. Hindi niya naman kilala kung sino kaya lalo siyang kinakabahan. Sana pala ay hindi na siya pumunta. Nakahinga lang siya nang maluwag nang makita si Derek sa unahan na nakikipag-usap sa isang babae. Parang may kung anong kumurot naman sa dibdib niya. Mukhang napakasaya pa ng jowa niya habang nakikipagbiruan dito. “Ang ganda mo ngayon ah, tinalo mo si Audrey Hepburn na crush ko,” sambit ni Derek sa kausap nito. Tumawa naman ang babae at bahagyang tinapik pa ang balikat nito. Napatingin ang babae sa gawi niya at mukhang nagtataka. “Miss? May hinahanap ka ba?” tanong nito sa kaniya. Napahawak naman si Loli sa cellphone niya nang mahigpit. “Ahm...” Lumingon nman si Derek at gulat na napatingin sa kaniya. Naglapit ang kilay nito at nilapitan siya. “Loli? Ano ang ginagawa mo rito?” tanong nito at hinawakan nang mahigpit ang braso niya. “Aray!” mahinang reklamo niya. Napatingin naman ito sa kaniya at niluwagan ang pagkakahawak sa kamay niya. “Saglit lang ah,” nakangiting sambit ng binata at sa babaeng kausap nito kanina at hinila siya palabas. “D-Derek, ano ba?” reklamo niya dahil sumakit talaga ang kaniyang palapulsuhan. “Ano ba ang ginagawa mo rito ha? Nakaayos ka nga pero para ka pa ring kasambahay namin. Ito pa, ba’t kulay asul pa, ha? Tanga ka ba? Kita mo namang asul ang theme ng party,” galit nitong sambit. Napatigagal naman siya sa narinig at hinayaan ang sarili na umiyak. “Oh? Iiyak ka na naman? Tang-ina naman kasi eh. Umuwi ka na nga lang sa inyo. Huwag mong sirain ang gabi ko. Birthday na birthday ko pa naman din. Kung wala kang magandang gagawin puwede bang lumayas ka na sa harapan ko? Pinapahiya mo ako sa mga bisita ko sa loob,” dagdag pa nito. Napahawak naman siya sa laylayan ng damit niya at huminga nang malalim. Pinunasan niya ang kaniyang luha at tiningnan nang deritso si Derek. “Ayan ka na naman, hindi ka na naman nagsasalita,” wika nito sa mahinahong boses. Hinawakan nito ang kaniyang mukha at hinalikan ang kaniyang noo. “Makinig ka na lang sa ‘kin, puwede ba? Alam mo naman na importante sa ‘kin ‘to. Kita mo naman siguro ang mga bisita ko. Hindi puwedeng malaman nila na ikaw ang girlfriend ko’t sobrang nakahihiya.” “Nakahihiya? Bakit? Ano ba ang ginawa ko para ipahiya ka? Nagwala ba ako roon ha? Ikaw pa nga ang dapat na mahiya sa ‘kin dahil kung tratuhin mo ako para akong basahan. Hindi ka naman ganiyan sa ibang babae ah,” aniya at pakiramdam niya ay may kung anong tumutusok sa kaniyang dibdib at sumasakit iyon. “Kung hilahin mo ako para akong kabaro mo lang. Nasasaktan na ako pero wala kang pakialam. Derek, ano ba talaga? Ba’t mo ba ginagawa sa ‘kin ‘to?” aniya at sunod-sunod ang pagtulo ng kaniyang luha. Napakamot naman si Derek sa ulo niya at galit na dinuro siya. “Wala ka na ba talagang ibang gagawin, Loli kung hindi ang galitin ako? Break na tayo. Ano, ha?” galit nitong sambit. Napakurap-kurap naman si Lolita at natawa nang pagak. Suminghot siya at tinanguan ito. “Sige, mas mabuti pa sigurong mag-break na tayo. Wala namang kuwenta kung anong meron tayo dahil ramdam kong hindi mo naman ako mahal. Ni hindi mo nga ako kayang ipagmalaki eh. Naiintindihan ko naman iyon dahil kahit sino naman. Wala akong maipagmamalaki lalo pa’t mahirap lang ako,” aniya. Nilapitan naman siya ni Derek at inis na inis ito sa kaniya. Kitang-kita sa mukha nito ang galit. “Buti naman alam mo. Sinisira mo lang ang araw ko. Alis na! Huwag na huwag ka ng bumalik dito naiintindihan mo?” anito at bumalik na sa loob. Naiwan naman siyang sobrang lugmok at hindi makagalaw sa kinatatayuan. Wala na siyang masakyan dahil gabi na. Paniguradong nagsiuwian na ang mga traysikel. Kahit takot sa dilim ng daan ay binagtas niya iyon. Hindi niya pa maaninag ang daan dahil sobrang dilim at nanlalabo pa ang mata niya dahil sa luha. Sobrang sakit ng nararamdaman niya ngayon. Napaupo siya sa gilid at pakiramdam niya ay mahihilo siya. Idagdag pang wala pa siyang kain. Napapikit siya nang tamaan ng nakakasilaw na ilaw mula sa isang sasakyan. Naalarma siya nang huminto iyon sa kaniyang tabi. Napaangat siya ng tingin nang bumukas ang pinto at bumaba roon ang isang matandang lalaki at nakasuot pa ng suit. “Hija, okay ka lang ba?” tanong nito sa kaniya. Mukhang nag-aalala ito sa kaniya. Halata naman sa boses. Tiningnan niya lang ito at akmang magsasalita nang bigla na lamang umikot ang kaniyang paningin. “Miss!” Naalimpungatan ang dalaga at nagising nang makitang nasa hindi siya pamilyar na silid. “N-Nasaan ako?” aniya at napatingin sa paligid. Napalunok siya nang bumukas ang pinto at pumasok ang middle-aged woman na nakangiti. “Mabuti naman at nagising ka pa,” sambit nito. “Po?” “Inihabilin ka sa akin ni, gov at Francisco na alagaan ka. Nakita ka nila sa tabing daan kagabi at nawalan ng malay. Mabuti na lamang at sumaktong sila ang nakakita sa ‘yo, hija. Halika sa baba at kailangan mong kumain,” sambit nito. Napahawak naman siya sa tiyan at totoo ngang gutom na gutom na siya. Pagkababa nila sa kusina ay kaagad na sinunggaban niya ang pagkain. Halos hindi na niya iyon manguya nang maayos sa sobrang gutom. “H-Hinay-hinay lang,” sambit nito. “Hindi ka mauubusan, promise. Marami pa roon, hala sige,” anito at nginitian pa siya. Nang matapos nga ay nahihiyang tiningnan naman niya ang matanda. “Mukhang gutom na gutom ka talaga ah. Ano ba ang nangyari sa ‘yo at mag-isa ka sa daan kagabi, ha?” usisa nito. “P-Pinaalis po ako ng n-nobyo ko sa party niya. Wala na akong masakyan kaya naglakad na lang ako,” sagot niya rito. Kita naman niya ang awa sa mga mata nito. “Aba’t napakawalanghiya naman ng lalaking ‘yon. Talagang nakaya niyang iwan ka sa dilim ng gabi? Eh paano kung may nangyaring masama sa ‘yo sa daan, ha?” untag nito. Hindi naman nakaimik si Lolita. “Ano pala ang pangalan mo? Ako pala si Geng-Geng,” pagpapakilala nito. “L-Lolita,” sagot niya. “Ganda mong babae ha. Buti na lang talaga at mabubuting tao ang nakakita sa ‘yo,” anito at naglinis na. “Ako na po,” aniya at mabilis na pumunta sa lababo at naghugas ng plato. Wala namang nagawa si Geng-Geng at tiningnan na lamang siya. “Hindi mo naman kailangang gawin ‘yan, Lolita,” aniya rito. Umiling naman kaagad ang dalaga. “H-hindi po, kahit sa ganito lang po makabawi ako sa kabutihan niyo sa akin,” sagot niya. Nang matapos nga ay lumabas na sila at pumunta sa malaking sala. Napanganga siya sa sobrang laki at sobrang ganda ng bahay. Napatingin siya sa paligid at natigil sa malaking portrait. “S-Siya po ba ang may-ari ng bahay na ‘to? Siya po ba ang tumulong sa ‘kin?” tanong niya rito. “Oo, siya si Governor Aarav Callum Virgon. Siya ang tumulong sa iyo kagabi. Hindi mo na siya naabutan dahil maaga siyang pumupunta sa kapitolyo. Inihabilin niya nga sa ‘kin na ihatid ka sa inyo. Paniguradong nag-aalala na ang pamilya mo sa ‘yo,” wika nito. Ngumiti naman siya nang pilit. Nais niyang pasalamatan ito nang personal subalit kailangan na rin niyang umuwi. May trabaho pa siya at hindi siya puwedeng um-absent dahil kailangan nila ng malaking halaga para maoperahan ang kaniyang kapatid na si Junior. “Pakisabi po na maraming salamat. Hindi ko po alam kung ano ang mangyayari sa ‘kin kagabi kung hindi nila ako tinulungan. Maraming-maraming salamat din po sa pagpapakain sa ‘kin. K-Kung may maitulong po ako tawagan niyo lang po ako. Kahit huwag niyo na akong bayaran. Ito po ang number ko,” aniya at ibinigay ang maliit na papel kay Geng-Geng. “Walang ano man iyon, Lolita. Kahit sino paniguradong gagawin din iyon lalo na kung singbait ng amo ko,” wika ni Geng-Geng. “Paano po? Uwi na po ako. Maraming salamat ulit,” aniya at nagpaalam na rito. Ihahatid pa sana siya nito subalit umayaw na siya at kaya niya naman. Nang makasakay ng traysikel ay kaagad na nagpahatid siya sa bahay nila. Pagdating nga niya ay kaagad na nakita niya ang kaniyang madrasta na malumbay na nakaupo sa upuan nilang gawa sa kahoy. “Magandang umaga po, Tiya,” bati niya rito. Napatingin naman ito sa kaniya at napahinga nang maluwag. “Diyos ko naman, Loli. Saan ka ba nagpunta ha? Alalang-alala kami sa ‘yo. Kagagaling lang ng nobyo mo rito at hinahanap ka. Hinanapan din namin siya pabalik dahil doon ka pumunta sa kanila. Ano ba ang kasi ang nangyari ha? Saan ka galing?” tanong nito. “O-Okay lang po ako, may pinuntahan lang ako para makahanap ng panibagong trabaho. Ba’t po pala kayo parang lugmok na lugmok?” Huminga naman nang malalim ang madrasta niya at tiningnan siya. “Kailangan na ma-schedule ang operation ni, Junior. Kung matatagalan pa ay paniguradong fifty-fifty ang chance niyang mabuhay. May fifty thousand na dala ang kapatid mo kagabi. Kulang pa rin dahil kailangan ng half downpayment para masimulan ang operaisyon niya,” wika nito. “T-Tiya, baka puwede nating mapakiusapan ang doctor na asikasuhin na kaagad ang operasiyon ni, Junior. Ako na po ang bahalang maghanap ng pandagdag,” saad niya rito. “Pero saan ka naman kukuha? Malabo na rin tayong matulungan ni, Derek dahil ang sabi niya ay naghiwalay na kayo. Hidi niya tayo tutulungan, Loli,” sambit nito. Naiiyak na ito sa sobrang stress. Napalunok naman siya at hinawakan ang kamay nito. “Subukan niyo pong kausapin nag doctor, Tiya. Ako na ang bahala. Mahahanapan ko ‘to ng paraan. Hahanap ako, okay?” aniya at naiiyak na tumayo at pumunta sa kuwarto ng kapatid. Nakahiga ito habang nanonood ng palabas na TV. “Ate,” mahinang wika nito. Parang may kung anong kumudlit sa puso niya nang marinig ang boses nito. Iniwas niya ang kaniyang tingin para punasan ang luhang umalpas sa kaniyang mga mata. “J-Junior,” aniya at pinilit ang sarili na umiyak. Pinilit niya ang sarili na huwag maiyak habang nakatingin sa nakapanlulumong sitwasiyon ng kapatid. “K-Kumusta ang pakiramdam mo? May masakit ba sa ‘yo? May gusto ka bang kainin?” usisa niya rito. Hinawakan naman nito ang kaniyang mukha at nginitian siya. Parang may kung anong humaplos naman sa puso niya. “Okay lang, Onyor,” sagot nito. Hindi na niya napigilan ang sariling maiyak kaya mabilis na nagpaalam siya rito na lalabas muna. Nag-abot ang kanilang tingin ng madrasta at tahimik na umiyak. Hindi niya lubos maisip kung bakit sa dinami-rami ang kapatid pa niya ang may ganoong sakit. May cardiomyopathy ang kapatid niya at kailangan ng agarang operasiyon. Tulong-tulong sila para maipagamot ito dahil hindi biro ang gastos.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD