KABANATA 1
"KUNG sino pa yung panget, sila pa yung makapal ang mukha na lumandi sa lalaking may girlfriend." Pasiring ng isa sa customer mula kay Ianah.
Pinili niyang huwag itong pansinin at walang ka-reaksyon niyang pinagpatuloy ang paglilinis sa bakanteng mesa na malapit sa ino-okupang mesa nito.
Service crew siya sa isang fast food. Tahimik at ginagawa niya lang ng maayos ang trabaho niya, pero nagulo ang araw niya nang dumating ang isang magkasintahan at siya ang lumapit para kumuha sa mga order ng mga 'to. Ang walang hiyang foreigner na lalaki ay pasimpleng lumalandi sa kaniya habang pumunta sa restroom yung girlfriend. Naabutan at nahuli naman ito ng girlfriend, pero ang hindi niya maintindihan kung bakit siya ang pinag-iinitan ng babae.
Tuluyan niya nang tinapos ang pagpupunas sa mesa at saka maingat na binuhat ang isang tray na pinanglalagyan niya ng mga pinanggamitan ng kakaalis na customer.
Akmang aalis na sana siya nang pinatid siya ng babaeng customer. Bahagya siyang nawalan ng balanse at muntikan nang madapa. Nagkanda-hulog din ang mga gamit na nasa ibabaw ng tray. Lumikha ito ng malakas na kalabog at nakaabala sa ilang kumakain. Nagkalat din ang mga nahulog na kubyertos at nagkalat ang mga bubog galing sa nabasag na mga plato at baso.
Agad na umugong ang ingay sa paligid at may iilang nakiki-usisa sa nangyari.
"Ano bang pinanggagawa mo, Ianah? Kung kailan rush hour tayo ay doon mo pa napiling gumawa ng problema," mababahid ang inis na sabi sa kanya ng katrabahong si Mariel habang tinulongan siya nito sa pagliligpit at sa paglilinis. Ito ang isa sa nagboluntaryang lumapit para tumulong sa kanya.
"Sorry," maikli at mahina niyang usal habang mabilis ang naging galaw sa pagdadampot ng mga kubyertos na isa sa mga nahulog.
"Buti nga sa'yo," usal ng babaeng customer na hindi nakatakas sa kaniyang pandinig.
Agad na nagpanting ang tainga niya. Dahil na rin sa pinaghalong pagod at kanina pang pagpipigil na inis, hindi niya na magawang pang pigilan ang sarili at tuluyang pumutok sa galit.
Hinarap niya ang babaeng customer. "Mawalang galang na, Ma'am. Kanina pa po kayo sa paparinig niyo. Pero mas pinili kong huwag pansinin dahil alam kong aksaya lang sa oras at wala ring kwenta yung mga pinagsasabi mo. Ngunit ang hindi ko kayang palagpasin ay yung gulohin niyo ako sa trabaho ko, NA maayos at tahimik ko lang naman sana ginagawa. At isa pa, bakit ako yung pinag-iinitan niyo kung ang makati at manloloko niyong boyfriend ang hindi magawang makontento sa isa at mas piniling gamitin yung ulong nasa baba?" Walang preno niyang sabi.
Kaya mas pinipili niyang huwag pumatol sa mga sinasabi nito at magpigil hangga't kaya niya, dahil siya yung tipong tao na kapag napuno at pumutok sa galit. Yung bibig niya ay mawawalan ng preno pagdating sa sasabihin. Sinasabi niya lahat kung ano man yung nasa isip niya.
Nakita niya ang pamumula ng babaeng customer. "Anong sabi mo?!" Pahampas sa mesa itong tumayo at tila handang sabunutan siya.
"Ianah, tama na. Customer parin iyan," pag-susuway sa kaniya ni Mariel.
Bumuntong hininga siya. Pilit na pinapakalma ang sarili para pigilan ang sarili na makapagsalita ulit ng kung ano-ano na tiyak na mas magpapalala lang sa gulo.
"I'm sorry po, Ma'am." Paghihingi niya ng tawad kahit labag sa kalooban niya.
Natigilan naman yung babaeng customer at hindi makapaniwalang suminghap sa hangin.
"Sorry? Matapos mong insultohin yung boyfriend ko?!" Nagpupuyos sa galit nitong singhal sa kaniya.
'Ang tanga naman nito,' usal niya sa isipan.
Akmang magsasalita sana ulit siya nang inunahan siya ni Mariel. "I'm sorry, ma'am. Pero mas magandang huminahon na muna po kayo dahil naaabala na po yung ibang customer."
"Excuse me? Huwag ka ngang makisawsaw! Labas ka dito kaya tumahimik ka!" Hindi nagpapapigil na asik ng babaeng customer mula kay Mariel.
"Babe, calm down. Let's get out of here, stop wasting your time here on such a nonsense people." Pagpapakalma ng boyfriend nito.
Halos umikot ang mga mata niya dahil sa mga naririnig. Gusto niyang tumawa ng malakas at mang-insulto dahil tila sila pa yung nagmumukhang biktima at naabala.
"Ianah, pumasok ka ngayon din sa office." Utos sa kanya nang kalalapit lang na manager mula sa kinaroroonan nila.
Akmang magsasalita sana siya para sabihin na hindi pa siya tapos sa paglilinis nang inako ni Mariel na ito na mismo ang magtutuloy at magtatapos. Wala na siyang nagawa kundi sundin ang inutos sa kaniya ng manager.
"Saan ka pupunta?! Tatakas ka? Pagkatapos mong magsimula ng gulo dito?!" Sigaw sa kaniya ng babaeng customer, nang tinalikuran niya ito at naglakad paalis.
Hindi niya na magawang lingunin at pansinin pa ito dahil abala na siya sa paghahanda sa sarili mula sa sermon na matatanggap mamaya.
***
"What is wrong with you, Ianah? Bakit pinatulan mo pa ang customer na iyon?! Hindi ka ba nahihiya? Ang daming customer na nakakita at nakarinig sa pinagsasabi mo doon. Oo, alam natin na hindi ikaw yung nagsimula. Pero customer parin iyon! Hindi ka ba nag-iisip ng tama? Saan mo ba ginagamit ang utak mo?" Iritadong sermon sa kaniya ng manager.
Kapapasok lang nito sa sariling opisina at hindi na ito nakapagpigil pang bungaran siya ng sermon. Halatang mainit ang ulo dahil katatapos lang nito pakalmahin at kontrolin ang sitwasyon na naiwan niyang gulo sa labas.
Nakayuko at tahimik naman niyang tinanggap ang mga pinagsasabi ng manager.
Narinig niyang nagpakawala ng mabigat na buntong hininga ito. "I'm sorry, Ianah. But you're fired. Makakaalis kana."
Tila nabingi siya sa narinig at nanigas sa kinatatayuan niya.
Nang makabawi siya ay mabilis niyang inangat ang ulo para tignan ito. Agad na bumungad sa kaniya ang malamig nitong ekspresyon.
"Ma'am, please, huwag po. Please, bigyan niyo pa po ako ng isa pang pagkakataon. Kahit one last chance nalang po. Pangako ay mas aayusin at pagbubutihin ko na po ang trabaho ko. Iiwas na rin po ako sa gulo. Ngayon lang naman ako nakagawa ng mali at nakapasok sa isang gulo, kaya baka pwede hong makahingi ng konting konsiderasyon at isa pang pagkakataon. Kailangan na kailangan ko po talaga ang trabaho na ito, M-ma'am." Nagsusumamo niyang usal. Bahagyang bumasag ang boses niya at nagsimulang nagbabadya na ang kanyang mga luha.
Umiling ang manager. "I'm really sorry, Ianah. But we really need to pull you out dahil kung hindi, ako yung malilintekan." Puno ng pinalidad sa boses nitong sabi.
Isang butil ng luha ang nahulog sa pisnge niya, ngunit agaran niya naman itong pinunasan. Bigo siyang tumango at ubod ng sama ang loob na tinanggap ang naging desisyon nito.
"T-thank you po." Usal niya kahit tila pakiramdam niya ay lumulunok ng bubog ng baso, saka lugmok na lumabas sa opisina nito.
Pagkalabas niya sa opisina ay agad siyang dumeritso sa banyo na para lang sa mga staff. Pumasok siya sa isa sa mga bakanteng cubicle at doon hinayaan ang sarili na umiyak.
Hindi na ito ang unang pagkakataong natanggal siya sa trabaho dahil sa pagkakasangkot sa gulo. Ngunit hindi parin siya masanay-sanay na masaktan sa tuwing hindi patas ang magiging kahantungan. Kahit pinili niya lang iligtas ang sarili, sa huli ay siya pa yung masama at nagiging mali. Kaya minsan nagagalit siya sa katagang 'Customer is always right.' Dahil kahit hindi naman makatarungan ang ginawa ng customer, ang lalabas parin bandang huli ay ayos at tama lang ang naging kilos nito at dapat paring respetohin ito.
Ilang minuto siyang nagpalipas sa banyo. Nang tuluyan siyang kumalma ay pumunta siya ng locker room para kunin ang mga gamit niya.
Naabutan niya pa si Mariel kasama ang iilang kasamahan nila na crew. Halatang siya ang pinag-uusapan, dahil tumahimik ang mga ito nang pumasok siya.
Tahimik siyang lumapit sa may locker niya at walang pinansin kahit isa man lang sa kanila, lalo na't alam niyang may iilan sa kanila na mas natuwa pa dahil sa pagkatanggal niya.
"Ianah." Narinig niyang tawag sa kaniya ni Mariel habang nagpapalit siya ng damit.
Hindi siya lumingon. Mas piniling huwag itong pansinin dahil alam niya na agad ang sasabihin nito. Ayaw niya na ring makipag-plastikan pa dahil hindi lingid sa kaalaman niya ang pagka-di gusto ng mga iilang kasamahan mula sa kaniya, kahit wala siyang ginawang masama mula sa kanila. Sadyang sila yung tipong tao na puno ng inggit sa katawan at takot malamangan, kahit pare-pareho lang sila ng sinasahod.
Tinapos niya na ang pagpapalit. Sinukbit niya na rin sa may kanang balikat ang maliit na kulay itim na backpack at saka tuluyang umalis.
Pagkalabas niya sa restaurant ay ramdam niya ang iilang tingin na nakapukol sa kanya. Mukhang marami nga talaga ang nakasaksi sa nangyari kanina.
Bumuntong hininga siya at piniling huwag na lamang pansinin ang paligid.
"What now? Saan na naman ang tungo ko nito?" Mahinang usal niya sa sarili. Ramdam niya ang pagkawala, tila hindi alam ang patutungohan.
Mariin niyang kinagat ang ibabang labi nang gusto niya na naman ulit umiyak. Damang-dama niya ang kabigatan at ubod na sama ng kalooban. Ngunit mas nanaig yung pagiging disappointed niya para sa sarili dahil hindi man lang siya tumagal sa trabaho niya. Kaka-isang buwan niya palang pero nasayang agad ang efforts sa pagsisikap na makahanap ng panibagong trabaho sa loob ng tatlong buwan. Mukhang magiging isa o dalawang beses na naman ulit siya makakain sa isang araw.
Napagdesisyonan niyang umuwi nalang sa unit na inuupahan niya para makapagpahinga. Ngunit naka-ilang hakbang pa lamang siya nang marinig ang pamilyar na ringtone sa kaniyang cellphone at hudyat na may tumatawag.
Kinuha niya ito sa loob ng bag at nakita ang pamilyar na pangalan na nasa caller ID saka niya ito sinagot.
"Hello?"
"A-ate, si lola." Isang tinig ng babae ang bumungad sa kanya mula sa kabilang linya.
Nabuhay agad ang kaba at pag-alala sa puso niya.
"Bakit? Ano'ng nangyari kay Manang Julie?" Nagaalala niyang tanong.
"Isinugod po siya sa hospital at hinanap ka niya po. Busy ka po ba ngayon? Baka pwede niyo pong puntahan kami dito, kung wala ka pong ginagawa." Halata sa boses nito ang lungkot.
Walang pagdadalawang isip naman siyang pumayag habang tumango-tango kahit hindi siya nakikita nito.