Chapter 17
Tiis
Ang maganda sa kaniya, hindi niya ako tinanong sa buong biyahe na magkasama kami kung ano `yong problema. Talagang pinandigan niya rin na hangga’t hindi ako magsasalita, `di rin niya `ko pipilitin.
Pero ramdam ko `yong pag-aalala niya. Ayan `yong no’ng nag-stop-over kami, tinanong niya `ko kung ano `yong gusto kong kainin. Tahmik lang akong sumagot na burger, kasi nagke-crave rin ako. Wala na siyang nagawa no’ng ako `yong nag-abot ng pambayad. Hindi naman porket wala ako sa mood, puwede na niya `kong ilibre. H’wag nga siya diyan.
Minsan, nararamdaman ko rin `yung panakaw-nakaw niyang sulyap sa `kin. Ramdam ko naman na gusto niyang magtanong, pero dahil si Raven `to, mas pinipili na lang niyang manahimik at pakiramdaman ako. Mas appreciate ko `yun. Hindi niya `ko pinupuwersa na magkuwento sa kaniya ng kung ano’ng mga ganap sa buhay ko. Mukha naman siyang may alam… pero may okay sa `kin na pinapakiramdaman muna niya `yong kondisyon ko. May iba kasi na basta makasugod na lang para magtanong, `di man lang marunong makiramdam kung feel ng taong magkuwento.
Hanggang sa makarating kami sa bahay niya, tahimik pa rin siya. Tahimik lang akong umupo sa couch niya.
“What do you wanna eat for tonight?”
Ang haba ng pasensya niyang antayin `yong sagot ko. Ang tagal ko kasing hindi nagsasalita.
“Munggo.”
Medyo natawa na siya. “In this evening?”
Tumango ako. As if naman na magagawa niya `yun. Saan pa siya bibili ng munggo, eh, alam kong---
“All right.”
Nanlaki kaagad `yong mga mata ko! “Seryoso ka?!”
Nagkibit-balikat lang siya `tapos iniwan na `ko. Tingnan mo `yun. Nagkibit-balikat na rin ako `tsaka sinandal `yong likod ko sa malambot na couch. Pumikit muna ako dahil gusto ko munang ipahinga `yong utak ko sa mga iniisip ko. I wanted to have that peace of mind, so at least, give it to me.
Napagising lang ako nang niyugyog ako nang marahan ni Raven. This time, hindi ko malaman kung bakit medyo malayo siya sa `kin no’ng niyuyugyog niya `ko. Malay ko ro’n. Nakakadiri ba `ko?!
`Yong inis ko, medyo nawala no’ng naamoy ko `yung munggo. Gutom na `ko! Nakakawala ng galit talaga kapag `yong paborito mong ulam `yong niluto. Nakaka-surprise din na puno ng rekados `yong munggo.
“Sa’n n’yo `to nabili?” hindi ko na napigilang magtanong kasi nagulat talaga `ko.
“May stock ako.” Sabay sulyap sa ref niyang may stock na ng pagkain.
Hindi ko na napigilan tuloy ngumisi. Salamat nama’t natututo na.
Sumandok na ako sa kaldero at sinalinan `yong bowl ko sa gilid. Naglalaway na `ko sa sarap! Screw diet!
No’ng humigop na `ko ng sabaw, ang laki ng ngiti ko! Ang sarap!
“Naks, future attorney, ang sarap, ah.”
Napatikhim siya pero nagngingiti naman. “Talaga?”
Tumango ako. “Naman!”
`Sus, nahihiya pa `to. Kailangan naman niya ng compliment sa `kin kahit na may pinagdaraanan ako, ano? Dapat talaga, inuugali ang compliment sa tao. Pero hindi backhanded compliments, ha? Iba naman `yun.
“Thanks.” `tapos tumango na siya.
Ang saya ko habang kumakain ng niluto ni Raven. Para bang ginanahan siyang kumain kasi ang gana ko rin namang kumain. Hindi niya lang alam, nawala agad `yong stress ko dahil sa luto niya.
“Finished!”
Tumawa nang mahina si Raven kasi tinaas ko pa `yung plato sa kaniya. Napailing na lang siya.
“Siya, ako na `yong maghuhugas.”
Umiling kaagad si Raven habang inuusod ko `yung upuan paatras. Tinaasan ko siya ng kilay kaagad.
“Fine,” labas sa ilong na pagsuko niya. “I’ll just get back to studying.”
“Raven.” Huminto siya sa pagtawag ko. “I’m sorry ulit.”
Kumunot `yong noo niya.
“Sorry talaga. Ako kasi `yong may kasalanan---”
“Don’t.” napatigil ako. “Don’t say apologies. It hurts me to hear you saying sorry for those things… would you want me to think that you’re really sorry that we’ve met?”
Hindi kaagad ako nakasagot do’n sa tanong niya.
“Siyempre, hindi.”
Ang tipid ng ngiti niya. “Good… because I’d never feel sorry for meeting you, please remember that.”
Ang gaan sa pakiramdam… ilang beses ko nang tinatanong sa sarili ko kung bakit hindi pa niya `ko nilalayuan. Nagtataka na `ko. Kadalasan kasi kapag may nakikilala ako `tapos malaman nila na gano’n ka-toxic `yong sitwasyon ng pamilya ko, lalo na kapag nalaman nila `yong ugali ni Glenda, ang bilis nila akong pagtaguan. Malalaman ko na lang, hindi na pala nila ako bati. Na parang estranghero ulit ako. Malalaman ko na lang na mali pala sa mata nila `yong gano’n… Na isa palang pagkakamali na nakilala nila ako.
Kaya minsan, ayoko ng attachments sa ibang tao. Ayokong ma-attach sa iba kasi sayang `yong pagod. Sayang `yong effort. Sayang `yong oras.
Pero ayoko ring mawala `yong attachment ko kay Raven. Tinuturing ko na siyang kaibigan ko… at ayokong masira `yon nang dahil sa issue na `to.
Mukha namang may alam siya… ayaw niya lang magsalita dahil halatang ako `yung concern niya.
Kaya pagkatapos kong maghugas ng plato, tahimik ko siyang pinuntahan. Habang naghuhugas, iniisip ko na `yung puwede kong sabihin sa kaniya. Hindi mawawala, siyempre, na magso-sorry ako. Pagkatapos lang talaga nito, hindi ko na talaga dadalhin si Raven sa Maestranza. Dito na lang kami sa Alabang maghahanap ng public market. Kung saan walang tsismosa sa paligid-ligid.
Ang lakas ng kaba ko no’ng naglalakad ako. Mas kabado pa `ko ngayon kesa no’ng nagre-recit ako sa kaniya.
Sobrang seryoso niya sa pagbabasa no’ng codal niya `tapos lilipat naman `yong mata niya sa Ipad niya. Minsan, ako na `yung napapagod sa kaniya dahil aral siya nang aral. Minsan, naikuwento na niya sa akin na isang semester no’ng nasa law school pa siya, mga 300 cases `yong kailangan nilang i-digest para makapasa. Grabe, paano kaya nakakahinga `tong tao na `to?
Hindi pa rin ako nagsasalita, pero nakaramdam yata `tong si Raven, kaya nag-angat ng ulo sa `kin. Napatuwid agad siya ng upo.
“Nakaistorbo ba `ko?”
Nakaawang `yong labi niya `tapos nakatulala. Teka, naistorbo ko nga yata siya.
Napakurap siya, tumikhim pa. “Hindi naman. Akala ko, naghuhugas ka pa ng plato.”
Umupo na `ko sa gilid niya. “`Tapos na `ko.”
Ang awkward na kaagad. Ang tahimik na namin! Nakakaumid naman ng dila `yong ganito.
Hindi ko alam kung sa’n magsisimula!
“My mother… she’s the first person who informed me about it.” Natulala na ako pagkatapos kong lingunin si Raven. `Yong mata niya, nasa pile ng law books niya. “She approached me about it.”
Parang gusto ko na lang mapapikit sa katangahan ko. Pota! Nakaabot na sa nanay ni Raven?! Ang bilis naman!
“Because it was posted on f*******:, her amigas suddenly knew the news.”
“I’m sorry…” iyon na lang yata `yong namutawi sa bibig ko.
Umiling si Raven bago kami nagkatinginan. “She was not mad, actually. She was… she was just asking questions…”
Pota, kabado na talaga `ko nito! Ang lapot na ng pawis ko kahit na ang lamig ng aircon ni Raven!
“Ano’ng sabi niya?”
“Marami siyang sinabi… but she’s not mad.”
“Seryoso ka ba?”
Tumango siya. “She’s weirdly happy so, no need to worry. Swear.”
Ayokong maging kumbinsido. `Di ko naman nakita sa personal `yong nanay ni Raven. Malay ko bang pinagtatakpan lang ni Raven sa `kin `yong galit no’ng nanay niya para lang hindi ako mag-alala. May gano’n pa naman siyang tendencies, kaya ang hirap din basahin ng isang `to, eh.
“You might not believe me,” Nilingon ko na naman siya. “pero seryoso talaga `ko. Hindi siya galit.”
“Bakit hindi siya galit?”
Si Raven na `yong napakunot-noo. “What?”
“Bakit hindi siya nagalit?”
Ako naman `yong napakunot ng noo sa pagtataka dahil sa pagtawa niya.
“Ewan ko.” Nagkibit-balikat siya. “Anyway, if there should be someone who should apologize here, it should be me, Joaquin Ysabella.” Napabuga siya ng hangin. Sa mukha niya, halata na `yong stress. “I’m sorry if I put you in trouble---”
“Oh, akala ko ba, walang dapat manghingi ng sorry sa `ting dalawa?”
“`Di `yun ang ibig kong sabihin.” Napakamot na siya sa batok. “People think you badly because of me.”
“Hindi… dahil `yon sa pamilya na meron kami.”
Natahimik si Raven.
“`Kalat naman sa Maestranza kung ano’ng klaseng pamilya meron ako.” Nginitian ko siya. “Wala silang masasabi sa `yo dahil maganda ang standing ng pamilya mo, siyempre. Kaya sila gan’yan dahil hindi sila makapaniwala na kasama nila `yong isang kagaya ko. Alam nila `yung history ni Glenda, malamang, iniisip nila na tini-take advantage kita. Na wala akong pinagkaiba sa kaniya. Iniisip nila, kagaya ako ni Glenda na kapag mayaman, do’n didi---”
“Will you stop that?”
Napahinto ako sa paglilitanya ko. Iba na kasi `yong boses ni Raven. May tigas na. Natakot na `ko sa hitsura niya. Kung kanina, seryoso siya, ngayon, may galit na sa mukha niya.
“Raven, sinasabi ko lang naman kung ano `yung madalas na iniisip ng mga tao sa akin,” paliwanag ko sa kaniya na malumanay naman. “Mag-aabogado ka kaya alam mo na ito talaga `yong iisipin ng mga tao sa `kin.”
“I know… but they’re not entitled to judge you just because of your mother’s history. Iba ka. Iba ang mama mo.”
“Hindi naman natin maiaalis `yong iniisip nila sa `kin…”
“Did you allow them to think about you that way?”
Ang tagal kong hindi nakasagot. Ang totoo, hindi naman sa hinayaan ko. Nilabanan ko naman sila, eh. Kaso napagod din ako. Nagsawa. Hindi ko naman kontrolado `yong iniisip nila. Bahala sila. Kung `yon kasi `yong tingin nila sa `kin, problema na nila `yon. Ang hirap kasing magpaliwanag sa mga taong sarado ang isip. Sila na kasi `yong nagbigay sa `yo ng gano’ng definition. Hindi ka nila hinahayaang magpaliwanag, dahil pakiramdam nila, mas tama sila sa `yo.
Napansin yata ni Raven na ang tahimik ko na kaya napabuntong-hininga siya. “I don’t blame you that you let people think about you that way… but don’t let them define you for who you are.”
“Hindi naman sa hinahayaan ko sila---”
“But you tend to normalize what other people think about you. Normal na para sa `yo na pag-isipan ka nila na… na gano’n dahil ikaw na rin `yong nagbibigay conclusion sa sarili mo na gano’n naman din `yong iisipin nila kahit na ano’ng gawin mo.”
“Hindi mo kasi naiintindihan, Raven.” Huminga ako nang malalim dahil nanginginig na `yong palad ko pati boses ko. “Buong buhay ko, kailangan kong i-please lahat ng tao dahil sa magandang image na iniwan dito ni Glenda. May magagawa ba `ko? Wala. Pero kailangan kong mabuhay. Kailangan naming magpatuloy sa buhay ng mga kapatid ko dahil kumakain kami. Kailangan kong ipakita sa lahat na `yong iniisip nila, hindi ko gagawin dahil may utak naman ako.
Pero alam mo `yun? Kahit na ilang beses ko nang…” huminga na naman ako nang malalim dahil sa paninikip ng dibdib ko. “kahit ilang beses ko nang ipinakita sa lahat na umaangat ako na wala sa anino ni Glenda, wala pa rin. Kasi nga, anak ako ni Glenda. At ikaw, nag-aalala sila sa `yo dahil maganda ang image ng family mo. Kung tutuusin, dapat nga, magalit kayo, lalo na `yong mama mo, sa `kin. Maiintindihan ko naman `yun. Sino ba namang ina `yong gustong makasama `yong anak sa isang kagaya ko?”
Nakakainis naman! Napatayo na kaagad ako at napatingala kasi naiiyak na `ko. Pota, bakit ba kasi ganito kakumplikado ng buhay ko?
“Ha!” pasimple akong nagpahid ng luha bago humarap kay Raven. “Uuwi na `ko ng Maestranza, Raven.”
Ang lalim ng titig niya sa `kin. `Yang titig na `yan…
“Pakiusap, h’wag mo naman ako kaawaan.” Nginitian ko siya. “Okay lang naman ako. H’wag kang mag-alala, hahanapin ko kung sino `yung nagpakalat no’n.”
“Whatever they’d think about you, whatever they’d say, always remember that nothing’s change with what… with what I see in you. I’m always thankful that I met you, Joaquin Ysabella… you are always an inspiration for me.”
Buwisit… bumuhos na `yong luha ko. Buwisit naman kasi `tong si Raven, eh. Sabi ko naman sa kaniya, okay lang ako. Hindi naman niya ako kailangang paiyakin nang ganito.
“Can I hug you again? I’m sorry if I wasn’t able to properly ask for your permission to hug you a while ago.”
Napaangat ako ng tingin sa tahimik na tanong niya. Bumuhos na naman `yong luha ko. No’ng tumango na `ko, saka ko lang naramdaman na binalot na niya `yong mga braso niya sa buong katawan ko.
Tumigil ako sa panginginig dahil sa mainit na yakap ni Raven. Hinayaan niya pang ibaon ko `yung mukha ko sa dibdib niya. Parang nang dahil sa pagkakataon na `yon, do’n lang ako pinagbibigyan na maging mahina, na makaramdam ng sakit, na malaman ko rin sa sarili ko na tao nga pala ako, na kailangan kong huminga at umiyak dahil ang lahat nang `to, hinayaan ko lang dalhin sa dibdib ko.
Hinatid ako ni Raven na walang nagsasalita sa aming dalawa. Hindi naman kinaya ng konsensya ko na hindi siya iwanan no’ng madalas kong binibili na sterilized milk dahil inistorbo ko na naman siya sa pagre-review niya.
Pa-hatinggabi na pala no’ng nakarating na `ko ng Maestranza. Lalo tuloy akong na-guilty dahil bibiyahe na naman si Raven nang ganitong kalalim `tapos mag-aaral pa. Kailangan ko nang makabawi sa kaniya nang malaki dahil ang dami na niyang ginawa para sa `kin. Binigyan ko pa siya ng problema. Malamang, hindi niya lang sinasabi sa `kin, pero halata naman na tinatago niya lang sa `kin `yong reaksyon ng mama niya. Hindi na ba ako makikipagkita sa kaniya? Huwag na kaya?
Bago pa ako kumatok, natigil agad ako dahil naririnig ko `yung boses ng mga bata rito sa labas.
“Grabe na `yung mga tingin ng mga tao rito kay ate. Hindi na nila binigyan ng boses si ate para magsalita.”
“Makatapos lang talaga `ko, Cara, aalis tayo rito. Sobra na `yong pagsasakripisyo ni ate sa `tin. Kung `di nila `yon makita, kahit tayo na lang.”
“Pabigat na kaya tayo sa kaniya, CJ?”
“Ba’t mo naman nasabi `yan?”
“Mukha lang malakas si ate, pero lahat ng tao, may hangganan. Baka magsawa sa `tin si ate, `tapos iwan niya tayo.”
“Hindi niya `yun gagawin.”
Sa biglang pagbukas ko ng pinto, tumahimik agad sina CJ at Cara. Nginitian ko sila nang matamis.
“Gising pa kayo? Hatinggabi na, ah?”
Nagkatinginan `yong dalawa bago umiling si Cara. “Hindi pa kami inaantok.”
Sumimangot ako. “May pasok pa kayo bukas. Sige na, matulog na kayo.”
Pinatulog ko na `yung dalawang bata. Ayoko lang na makita nila na nadudurog `yong puso ko habang pinapakinggan sila, lalo na si Cara sa mga takot niya kung sakali man na iiwan ko sila.
Hindi ko `yon magagawa sa kanila. Ako na `yung tumayong ama’t ina sa kanila mula pa pagkabata nila. Sila `yong lakas ko, kaya sobrang labong iwan ko sila.
Pinaghanda ko muna `yong mga bata ng almusal at pinapasok sa school nila bago ko tinawagan si Cris.
“Frenny, kumusta ka na?”
“Kumalat na ba `yong issue sa RECO?”
“Actually, frenny, hindi naman. Good thing, hindi ka pa naman nila big star. But of course naman, inaalagaan ka na nila para maging gano’n. Sa ngayon, wala pa naman `yan sa kanila. Basta, h’wag madadamay ang RECO, siyempre.”
Nakahinga na ako nang maluwag. “Okay.”
“Frenny, pa’no ba kumalat `yang issue diyan sa Maestranza?”
“Pa’no mo muna nalaman?”
“May mutual friend kasi tayo sa sss. Then, sh-in-are niya `yong post n’yo ni papa Raven. Frenny, grabe ka, yummy pala ni hottorney!”
“Buwisit ka, seryoso ako rito, ha?!”
Napairap ako sa halakhak ni Cris. Buwisit talaga nito! “Ayun nga, kaya tinawagan kita. Nagpanic na ako kasi mabilis lang `tong makakarating sa RECO.”
Lalo lang akong naging problemado. “Ayokong mawalan ng trabaho, Cris.” Napabuga na ako ng hangin.
“Hindi naman `yan. `Tsaka, kung makarating man `yan sa RECO, hindi naman nila seseryosohin `yan dahil nga, hindi ka nila malaking artist. Sa ngayon.”
“Aalamin ko talaga kung sino’ng nagpakalat.”
“Gaga!” nilayo ko kaagad `yong cellphone sa tenga ko. Ang lakas ng boses ni Cris! “Mahihirapan ka lang. Sa bilis ng internet.”
“Bakit? Marami pa namang paraan.”
“Sure kang kaya mong pag-aksayahin `yan ng oras at pera mo?”
Natigilan na `ko.
“Pag-isipan mo muna `yong actions mo, frenny. Kung wala naman silang gagawin sa `yo, hayaan mo lang. Mamamatay rin `yang issue na `yan… hopefully. We cannot stop anymore what has been posted in the social media. Ang puwede na lang ding gawin d’yan, bantayan kung sino `yong may malakas ang trip para i-down ka… siya, gora na akiz. I-club na lang natin `yan, next time, frenny.”
Ang tagal kong pinag-isipan `yong sinabi ni Cris sa `kin. Nahimasmasan din naman ako. May point siya. Sa akin pa rin naman nakasalalay, at the end of the day, kung gusto ko `tong palalain o hindi na. Tama rin naman `yong sinabi ni Raven, na dapat, hindi ko sila hinahayaan na i-invade nila pati utak ko para isipin ko sa sarili ko na magiging katulad ako ni Glenda. Hindi ko man sila mapipigilan, oo, pero hindi rin ibig sabihin no’n na hahayaan ko silang bigyan ng identity `yong buong pagkatao ko. Sino ba sila?
Taas-noo akong pumasok ng MSU. Ibang klase rin talaga `yong mga tao rito… artista na yata ako dahil nakatingin kaagad sila sa `kin habang naglalakad na ako sa loob. Kahit na hindi ko pakinggan, ang lakas pa rin ng boses nila sa tainga ko. Huminga ako nang malalim. Aalis din ako sa bayang `to.
Saglit lang na nawaglit `yong iniisip ko sa pag-beep ng phone ko. Napangiti ako sa text ni Raven.
Raven Vergara:
I’d study hard so you can call me Atty. Vergara.
Me:
Fighting lang, future attorney. Magluluto ka pa.
Raven Vergara:
Sure. After your work.
Nag-lu-look forward ako ro’n. Tatlong na araw na pagtitiis pa sa mga taong `to ta’s okay na ako.
Mukha namang walang problema `yong mga klase na napuntahan ko… kahit na nando’n ako, hindi nila ako pinag-usapan. Sanay naman akong mukhang stranger sa kanila. Mabuti na `yon kesa naman pag-usapan nila ako. Mas pabor pa sa `kin `to.
No’ng dumating na `yong PhilConsti naming subject, gano’n pa rin `yong ginawa ko. Taas-noo. Lakad lang papunta sa puwesto. Diretso lang `yong titig ko sa whiteboard pagkaupo ko. Nag-advance reading na lang ako no’ng napansin ko na medyo matagal pala si Ma’am sa usual time niya. May klase pa kaya? Sana, wala, para makauwi na ako. Last subject ko na rin kasi `to.
“Kaya pala naisip ko dati pa, kung pa’no siya nakakapasa kay sir. `Di ba, working na siya no’n? Nagtataka nga tayo kasi ang taas niya pa rin.”
“Halata naman `yun `yong habol niya kay sir.”
“`Di man lang makonsensya sa `ting mga nag-aaral nang matino. Siya, easy ticket? Kapal.”
“Gan’yan din daw `yong nanay n’yan, sabi ni mama. Lakas maka-opurtunista. Tsk.”
“Pustahan tayo, `di `yan makakapasa ng finals. Malabo namang makapasa `yan kasi wala na ngayon si sir. Or else, baka nili-leak ni sir `yong sagot sa kaniya---”
Lumapit na ako sa kanila kasi `di ko kayang magtiis. Nanggigigil ako!
“Hoy!”
Nanigas sila sa harapan ko. Nakatalikod sila. “Tiyakin n’yong bingi `yong pinag-uusapan n’yo. Rinig na rinig kayo. Do’n sa problema n’yo na baka nag-chi-cheat ako dahil close na kami ni sir, bakit hindi n’yo `ko hamunin?”
Tulala silang napaharap sa `kin. Napangisi ako.
“Kaya kong i-perfect ang exam. Sa Thursday na ang finals dito, `di ba? Ilang araw na akong walang review dahil sa trabaho ko sa modeling. Wala rin akong copy ng materials na kailangang review-hin para rito. Ngayon ko pa lang malalaman `yong coverage, samantalang kayo, alam n’yo na, last week pa. Lamang na lamang kayo sa `kin.”
“Madaya ka,” sabi no’ng isang mahaderang hindi ko alam `yong pangalan. “Alam naman namin na alam mo na `yong mga itatanong dahil close kayo ni sir.”
“Siya ba `yong teacher natin ngayon?” nakataas na `yong kilay ko. Inirapan ko nga. “Sandali ka lang diyan.”
Kinuha ko `yong cellphone ko sa bag at tinawagan ko si Raven. Pota, nakakagigil talaga.
“Joaquin---”
“Raven, sa Saturday naman tayo pa magkikita, `di ba?”
Napasinghap lahat sila no’ng tumawag ako. Napairap na naman ako. Bakit ko pa kailangang itago? Alam naman na nang lahat. Huli na lang sa chismis ang `di pa.
“Yes.”
“Okay. Gusto ko lang kasing bigyan ng kalinawan `tong kausap ko. Iyon lang, sige.”
Sorry, Raven, kung agad kong binaba `yong tawag. Mamaya na lang kita kakausapin.
Tinaasan ko uli ng kilay si ate mong girl. “Wala naman akong balak patulan kayong lahat. Kaso, dahil matabil `yang dila mo, sige. Para naman diyan sa peace of mind mo. Perfect ko ang exam sa Thursday.”
“Pa’no kung hindi?”
“Eh, di tama `yang speculation mo. Na isa akong cheater at opportunist. Pero kapag ako naman ang nanalo, tantanan n’yo `kong lahat!” Tinignan ko pa silang lahat. “Hanggang sa matapos `tong semester na `to, pagtitiisan n’yo `ko. Gets?”
Natigilan lang kami no’ng sumulpot na si Ma’am Cuevas papasok sa loob ng room. Nginisihan ko si ate mong girl at hinamon ko pa ng tingin. Ganitong badtrip ako, tigilan nila ako.