Nasa ganoong pag-iisip si Gennie nang biglang may dumating. “Gennie? Inay?” “Huh? Boses iyon ni Kuya Nono ah,” mahina niyang sambit. Dali-dali niyang itinago muli ang kuwintas at ibinalot sa damit at muling isinilid sa drawer. Dagli rin siyang lumabas ng kuwarto. “Kuya Nono, kumusta na po kayo?” bungad ni Gennie sa kaniyang Kuya sabay yakap dito. “Gennie, okay lang ako. Kumusta rin kayo rito ni Inay?” saad ng kaniyang Kuya Nono at humalik sa pisngi ng ina at sabay nagmano na rin. “N-no-no…” mahinang tawag ni Aling Bibang sa kaniyang panganay na anak. “Inay, pasensiya na po kayo kung madalang ang pagdalaw ko rito ha. Nanganak na kasi ang asawa ko. Hindi naman ako makapunta kaagad kasi doble kayod na ako ngayon para sa mag-iina ko.” Malungkot din ang mukha nito habang hinawakan ang ka

