Kabanata 3

1500 Words
Ang bilis ng mga araw at buwan dahil pasukan na naman. Handa na silang dalawa dahil nabili na nilang lahat ang mga kakailanganin nilang mga gamit. Hindi na rin sila humingi ng pambili dahil malaki na rin ang naipon nilang dalawa sa pagbebenta ng kanilang tanim na mga gulay. Muling magkaklase na naman sina Gennie at Pat. Nasa ikatlong seksiyon sila. Dinadaanan ni Pat si Gennie tuwing umaga at sabay na silang pumupunta sa paaralan. Dahil nasa bayan ang pansekondaryang paaralan ay kailangan pa nilang sumakay ng traysikel bago makarating doon. Isang umaga, dinaanang muli ni Pat si Gennie. "Gennie bilisan mo na at baka maunahan pa tayo sa traysikel. Ang tagal mo ngayon ah!" pasigaw na sabi ni Pat na tinitingnan pa nito ang kaniyang pambisig na relo. "Andiyan na! Apuradong unggoy 'to!" agad namang sagot ni Gennie at kinuha ang kaniyang maliit na school bag na kulay pula. Habang papalabas si Gennie ay langhap na langhap ni Pat ang pabangong dala ng hangin na nagmumula sa nagdadalaga at hindi na ito mapanghi gaya ng dati. Malinis na malinis ang puting uniporme. Nakasuklay na nang maigi ang mahaba nitong buhok na noon ay laging magulo dahil hindi man lang sinusuklay ni Gennie. Bumagay ang pink na headband na inilagay dito na nagpadagdag sa ganda ng nagdadalaga. "Hoy Patricio, bakit ganiyan ang titig mo sa akin ha? Akala ko ba nagmamadali ka at hindi ka naman gumagalaw diyan?" pasinghal na nawika ni Gennie. Patuloy pa ring nakanganga ang bunganga ni Pat na para bang may diyosang kumakaway sa kaniyang harapan. "Umm!" Sabay hampas ni Gennie sa balikat ng kaibigan na nakanganga pa rin. "Aray ko! Ano ba, bakit mo ako hinampas?" dagling tanong naman ni Pat na biglang natauhan. "Eh...nakatulala ka riyan, ano bang nangyari sa iyo at titig na titig ka sa akin?" tanong din ni Gennie na inirapan pa si Pat. "Ano? Ako nakatitig sa iyo? Eh, may kanin sa bibig mo oh. Hindi ka pa yata nakapag-toothbrush eh," nangingiting turan naman ni Pat at biglang nakahagilap ng sagot. "Nagmamadali ka eh. Hayaan mo na bibili na lang ako mamaya ng chewing gum para hindi mahalata," pangiting-sagot din ni Gennie na pinahiran pa ng kaniyang kamay ang kaniyang bibig. Wala naman siyang nakapang kanin mula rito. "Eww..." panuyang ganti ni Pat at nagsimula na silang umalis pagkatapos magpaalam kay Aling Bibang. Magkatabi sila sa loob ng traysikel. Langhap na langhap muli ni Pat ang pabango ni Gennie. Ngayon lamang niya nalanghap na mabango ang kababata dahil noong elementarya pa lamang sila minsan lang naman naliligo si Gennie at kung minsan pa nga hindi nagsusuklay ng buhok. "Ngayon ko lang napansin ito. Bakit ang ganda ni Gennie? Bakit ang bango-bango niya ngayon? Ano kayang sabon ang gamit niya, Safeguard o Palmolive?" naglalarong katanungan sa isip ni Pat. “Hoy Patricio umayos ka nga… nakasubsob na ang ilong mo sa balikat ko oh. At papikit-pikit pa iyang mata mo," singhal ni Gennie at inalis pa ang baba ni Pat na nasa balikat na nga niya. Biglang natauhan si Pat. "Ano ba? Alam mo namang napuwing ako eh. Dala kaya ng hangin. Mabilis kasi ang pagpapatakbo ni Manong ng traysikel,” agad naman niyang sagot. Kahit sa bago nilang paaralan ay palaging magkasama ang dalawa. Kahit sa recess ay magkakasama pa rin sila at palaging si Pat na ang naglilibre ng kanilang meryenda. “Pat, may dala ka bang nilagang itlog?” tanong sa kaniya ni Gennie. “Ha? Nakakahiya naman. Highschool na tayo magdadala pa ako ng nilagang itlog?” agad namang sagot ni Pat. “Pumili ka na nga lang diyan sa estante ng makakain mo. Huwag ka nang mag-alala ako na ang magbabayad.” “Talaga ha,” sambit niya at pumili kaagad ng kaniyang nagustuhan. “Ale, tatlong lumpia nga, iyong siopao po at saka isang basong orange juice. Teka…isang tuhog po ng barbekyong kamote,” pangi-ngiti pa habang nagtuturo ng kaniyang order si Gennie na takam na takam na sa mga inorder niya. “Ang takaw talaga ng Bakekang ito,” napabulalalas sa kaniyang sarili si Pat at napailing sa dami ng inorder ni Gennie. Nagtutulungan din silang dalawa sa anumang proyekto nila sa paaralan. Hindi naman naging mahirap ang buhay-highschool sa kanilang dalawa. Masigasig nilang tinatapos ang mga takdang-aralin dahil kung hindi alam ng isa ay may ideya naman ang isa kaya madali nilang matapos at maipasa nang maaga. Minsan nga lang ay nagbabangayan at nagtutuksuhan silang dalawa at kahit may halong pagtatampo ay agad naman nilang naayos kaagad. Isang gabi, habang mahimbing na sa pagkakatulog ang lahat ay biglang bumangon sa pagkakahiga si Gennie. Nakarinig siya nang malakas na malakas na pagkakaubo. Mula iyon sa kuwarto ng nanay niya. Dali-dali siyang bumangon at pumasok sa kuwarto ni Aling Bibang. “Inay, ano po ang nararamdaman ninyo? Bakit ang sama ng pagkakaubo po ninyo?” alalang tanong ni Gennie sa ina. “Wala ito anak, napagod lang siguro ako sa dami ng nalabhan ko kanina kina Maam Edna. Pakikuha na lang ng tubig dahil nauuhaw ako,” dagling sagot ni Aling Bibang habang patuloy sa pag-ubo. “Sige po, Inay kukuha muna ako ng tubig.” Agad namang tumalima si Gennie. Pagkatapos uminom ng tubig ni Aling Bibang ay hinahagod-hagod ni Gennie ang likod ng kaniyang nanay. Awang-awa siya sa ina. Epekto na rin marahil ng paglalabada ni Aling Bibang para kumita ng pera upang pandagdag sa kanilang gastusin araw-araw. “Inay sana bukas magpapatsek up na po kayo. Ang sama po ng ubo ninyo baka kung ano na po iyan,” pag-alala pa rin ni Gennie. “Hayaan mo na anak iinom lang ako ng oregano bukas mawawala rin ito. Sige na bumalik ka na sa kuwarto mo at may pasok ka pa bukas. Huwag mo na akong alalahanin, magiging okay na ako,” malumanay na sabi ng kaniyang ina habang pinipigilan na ang pag-ubo. “O sige po Inay. Si Kuya Nono, hindi pala makauwi. Tatlong araw daw sila doon sa pinagtitindahan nila ng mga damit. Magpahinga ka na rin Inay. Dito ko na lang po ilalagay ang pitsel na may tubig,” mahina ring tugon ni Gennie. Humalik pa ito sa noo ng ina at bumalik na sa kaniyang kuwarto. Kinabukasan, ikinuwento niya kay Pat na hindi siya masyadong nakatulog kagabi dahil patuloy at sunod-sunod ang pag-ubo ng kaniyang nanay. Sinabi niya rin na may kaunting ipon pa siya kaya ipapatsek up niya si Aling Bibang sa sentro. “Meron pa akong limandaan sa alkansiya ko Pat. Kung hindi titigil sa pagkauubo si Inay, dadalhin ko siya sa bayan bukas. Magpapaalam na lang muna ako kay Maam para masamahan ko siya,” sabi ni Gennie. “Mas mabuti nga Gen, o heto idagdag mo na rin ang isandaan sa pagpapatsek up kay Aling Bibang.” agad na nawika ni Pat. “Naku, Pat nakakahiya naman. Ibabayad mo pa iyan sa proyekto natin kay Sir Pundido. Baka mapagagalitan ka kapag hindi mo maibayad kaagad!” Napalakas ang boses ni Gennie. “Ano ka ba, may ipon pa ako roon. Hayaan mo at sa Sabado magtatanim na naman tayo at ang alogbate natin malago na at ang mga sili ang lalaki na ng mga bunga. Pipitasin na natin ang mga iyon at ipagbibili para may pandagdag na naman tayo sa ipon natin,” nakangiting wika ni Pat at inilagay na ang pera sa palad ni Gennie. “Maraming salamat Pat ha. Ikaw lang ang matalik kong kaibigan na tumutulong palagi sa akin,” malungkot na turan ni Gennie. Hinawakan ni Pat sa kamay si Gennie. Mahigpit na pagkakahawak. “Gen, mula pa noong maliit pa tayo magkaibigan na tayo at nagdadamayan. Kaya hindi tayo bibitiw kapit lang at hawak-kamay. Sa abot ng makakaya ko nandito lang ako para sa iyo,” seryosong sagot ni Pat. “Uyyyyy…talagang bagay sila…Romnick Sarmenta at Sheryl Cruz…yuhoooooo!!!!” sigawan ng ilang estudyante na nakikita silang magkahawak-kamay at sabay-sabay pa silang nagpalakpakan. “Ang sweet talaga, puwede ring Wowwie De Guzman at Judy Ann Santos, kasing taba rin ni Juday, pandrama patok!” hiyaw naman ng isang kaklase nilang lalaki. Biglang bumitiw sina Gennie at Pat sa paghahawakan ng kamay. Biglang namula ang pisngi ni Gennie. Noon, kapag tinutukso sila parang wala lang sa kaniya pero ngayon parang may kumukurot sa puso niya na hindi niya mawari at lumalakas ang kabog nito. Si Pat naman ay medyo nahiya rin pero may kumikiliti sa puso niya habang tinutukso sila. Ngayon lamang niya ito nararamdaman at sa tuwing magkakasama sila ni Gennie ay parang lumilipad siya sa himpapawiran, lalo na kapag may problema ito at siya ang naging sandalan ng kaibigan. “Ngee…ano ba kayo magkaibigan lang kami ni Patricio. Mga luko 'to ah…ang kikitid ng utak ninyo.” Dali-daling umalis si Gennie at iniwanan si Pat sa ere. Napakamot naman sa ulo si Pat at muling nagpalakpakan ang mga estudyante at nagtatawanan. Para silang nanonood ng teledrama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD