Kabanata 4

1896 Words
Dahil patuloy ang pag-uubo ni Aling Bibang ay sinamahan siya ni Gennie sa pagpapatsek up sa sentro sa bayan. “Anak, naubos yata ang ipon mo sa pagpapatsek up sa akin,” alalang sabi ni Aling Bibang. “Inay naman, wala po iyon…para naman po sa atin iyon lalo na po sa inyo. Mabuti ngang napatsek up kayo para maagang maagapan kung anuman ang karamdaman ninyo." ngiting sabi ni Gennie sa kaniyang nanay, hinahaplos-haplos pa nito ang likod ng ina. “Kaybait mo anak. Hayaan mo kapag magaling na ang ubo ko dodoblehin ko ang paglalabada kina Sir Tor at Maam Edna para pandagdag na naman sa ipon mo.” “Nay huwag na po ninyong alalahanin iyon. Masisipag naman po kami ni Pat sa pagtatanim ng mga gulay kaya siguradong may ipon na naman kami sa pagtitinda ng mga ito.” Niyakap ni Aling Bibang si Gennie. Masuwerte siya sa anak. Katulad na katulad siya sa ama nitong si Mang Arturo masipag at masinop. Lumipas ang ilang buwan, maraming pagsubok ang kinaharap ng mga pamilya nina Pat at Gennie. Sa awa naman ng Diyos ay nalagpasan nila ito lahat. Nang makatapos sa highschool ang isang Kuya ni Genie ay tumigil na ito sa pag-aaral. Hindi na kayang tustusan ni Aling Bibang at ng panganay na anak ang pag-aaral nito dahil palaging humihina ang katawan ni Aling Bibang. Ilang buwan na lamang ay magtatapos na sina Pat at Gennie sa highschool. Sabado ng umaga pagkatapos nilang magtanim muling nag-usap ang magkaibigan. “Gen, ano ba ang plano mo sa kolehiyo?” tanong ni Pat sa kaniya. “Ewan ko ba Pat. May mga pangarap din ako sa buhay lalo na kina Inay. Hindi ko alam kung makapagpatuloy pa ba ako ng pag-aaral,” malungkot na tugon ni Gennie. “Kaya mo iyan Gen, kaya natin 'to…tutulungan din kita sa abot ng aking makakaya,” pagdamay ni Pat sa kaibigan. “Salamat Pat pero alam kong kailangan mo rin ng perang pantustos sa pag-aaral mo. Alam ko namang pangarap mong maging seaman at doon ka mag-aaral sa siyudad. At siguradong magkakasama kayo doon ni Alma, iyong kaklase nating patay na patay sa iyo at alam kong may gusto ka rin sa kanya,” sabi ni Gennie na kunwaring nakangiti Tumawa si Pat. Tinitigan niya ang mga mata ni Gennie. “Sigurado ka bang may gusto rin ako kay Alma?” “Oo naman palagi kang nakatingin sa kaniya, ano! Posturang-postura ka palagi lalo na kapag alam mong may kontest siya at todo naman ang palakpak mo kapag siya na ang nasa stage.” “Uyy…binabantayan niya ako…siguro palagi kang nakatingin sa akin at bakit alam na alam mo ang ginagawa ko,” nanunuksong sagot ni Pat. “Hey luko ka nataymingan lang iyon na nakita ko,” depensa naman ni Gennie. “Parang di ko pa yata alam na nanliligaw si Bert sa iyo. Uyyyy bagay kayo,” simulang panunukso na naman ni Pat sa kaniya. “Tse! Diyan ka na nga. Iba ang crush ko, no!” matigas niyang sabi, sabay siyang tumayo at iniwan si Pat. “Hoy Gennie hintayin mo ako! Ah siguro si Ramon ang crush mo!” pahabol pang sigaw ni Pat habang hinahabol ang papalayong kaibigan. Habang nagdadalaga si Gennie, bakas na bakas sa mukha nito ang mala-anghel na awra. Hindi naman siya kaputian subalit bumagay sa kaniya ang kayumangging balat na minsa’y sunog sa sikat ng araw dahil sa malimit na paglalagi nito sa bukid. Unti-unting nagkahugis ang tabaing katawan nito. Bumagay sa kaniya ang matangos nitong ilong at kapag ngumiti’y kitang-kita ang isang malalim na biloy nito sa pisngi. Marami ang nanligaw sa kaniyang mga kaklase niya at ang iba ay nasa ibang section din. “Gennie sana may pag-asa ako sa puso mo. Matagal na akong may gusto sa iyo.” Isa si Bert sa mga masusugid na manliligaw ni Gennie. Kaklase niya ito sa highschool. “Hay naku Bert, wala kang maaasahan sa akin. Bata pa tayo at nasa high school pa lamang. Wala pa iyan sa isip ko ang mga ganiyang bagay,” dagling sagot naman ni Gennie. “Dahil ba kay Pat kung bakit ayaw mong tanggapin ang panunuyo ko?” malungkot na tanong ni Bert. “Ano? Huwag ka ngang ano riyan Bert! Kaibigang matalik kami ni Pat at may gusto ng iba ang unggoy na iyon. Marami namang iba riyan, Bert. Huwag na lang ako. Hindi ako mayaman, hindi ako maganda, hindi ako iyong pangarap ng isang lalaki. Minsan lang ako naliligo. Hindi ako mabango.” sunod-sunod na sabi ni Gennie at nagkukumpasan pa ang kaniyang mga kamay. Natawa si Bert sa tinuran ni Gennie. “Iyon talaga ang nagustuhan ko sa iyo, Gennie palabiro ka. Kahit isang linggo ka pang hindi maliligo maganda ka pa rin. Sana may puwang din ako sa puso mo.” “Hay naku Bert, guni-guni mo lang iyon. O sige na maiwan na kita ha. Pupunta muna ako sa canteen nagugutom na ako eh. Naghihintay na si Patricio sa akin doon. Kumain ka na rin gutom lang iyan.” agad na sambit ni Gennie sabay tayo at umalis. Sa isip ni Gennie bakit nga ba ayaw niyang nililigawan siya ng iba. Labing-anim na taon na siya. Kahit noong first year pa lamang siya ay hindi siya nakaranas ng pakikipag-boyfriend o makipag-date nga lang sa mga nanliligaw sa kaniya. Nagtataka siya dahil iba ang nararamdaman niya sa tuwing si Pat ang kasama niya. Binibiro na rin siya ni Pat na kesyo maganda siya, mabango, minsan naman pangit daw siya at hindi naliligo. “Saan nga ba kaya ang totoo sa mga sinasabi ng unggoy na iyon?” natanong niya sa kaniyang sarili. Alam naman niyang palabiro ang kaibigan at alam niyang may nagugustuhan na itong iba. Pero ang ipinagtataka niya wala naman siyang sinabi na may kasintahan na siya o may nililigawan. Naisip niya baka lalaki ang gusto ni Pat at hindi babae. Ang gulo ng isip niya. Habang papalapit siya ng canteen nakita niya sa isang sulok si Pat nakatalikod sa kaniya at may kausap. Nang malapit na siya ay napansin niyang si Alma ang kausap ng kaibigan. Masayang nag-uusap ang dalawa at pakumpas-kumpas pa si Alma habang natatawa sa pakikipagkuwento. Tawang-tawa rin si Pat habang nakikinig. May pahampas-hampas pa ng braso niya si Alma. “Ang luko, sarap na sarap sa pakikipagkuwentuhan ah. Nakalimutan na ililibre niya ako ngayon sa recess,” pabulong na sabi ni Gennie na nangingitngit. Ewan ba niya bakit ang sakit sa puso ang eksenang nakikita niya. Bakit ba parang sugurin niya ang dalawa at bubuhusan ng tubig? Bakit kumukunot ang noo niya na parang nararamdaman niyang lumalapad ang kaniyang ilong at lumiliyab ang tainga niya. Sinampal niya ang kaniyang noo. Natauhan naman siya. Dali-dali siyang lumabas ng canteen at nabangga pa niya si Bert na nasa pintuan. “Aray!” sambit ni Bert na nagulat sa pagkakabangga ni Gennie. “Ay sorry Bentong, este Bert pala, hindi ko namalayan na pumasok ka. Sige sorry ulit ha,” agad namang sagot ni Gennie at dali-daling umalis. Napakunot-noo na lamang si Bert habang sinusundan ng tingin ang papalayong si Gennie. “Ano kayang nangyari sa babaeng iyon?” pabulong pa niyang sabi. Umpisa na ng kanilang klase sa isang asignatura nang madatnan ni Pat si Gennie sa kaniyang upuan. “Hoy, Gennie saan ka ba nagpunta kanina? Hinintay kaya kita roon sa canteen noong recess natin,” sabi ni Pat sa kaniya. Hindi kumikibo si Gennie at kunwari may sinusulat at pakuwento-kuwento sa katabi nitong para bang hindi niya narinig ang tanong ni Pat. “Bakekang, naririnig mo ba ako?” muling tanong ni Pat sa kaniya. Bigla siyang hinampas ni Gennie ng notebook na hawak nito. Hindi lang isang hampas isa..dalawa…tatlong hampas. “Aray ko! Ano ba, bakit nanghahampas ka na naman?” ang medyong pasigaw ni Pat sa kaniya. “Maka-Bakekang ka riyan wagas ah! Hoy Patricio huwag ka ngang ano riyan ha. Huwag mo akong kausapin!” malakas ding tugon ni Gennie. “Bakit ka naman nagagalit, ano na naman ba ang kasalanan ko?” nagtatakang tanong ni Pat sa kaniya. “Uyyyyy…ang sweet nila!” sigawan muli ng kanilang mga kaklase sabay palakpak. Tumahimik na lamang sila nang pumasok na ang kanilang guro. Nang uwian na ay hindi kumikibo si Gennie. Panay naman ang tanong ni Pat sa kaniya. Ewan niya ba bakit nagagalit siya kay Pat at talagang wala naman itong kasalanan sa kaniya maliban lamang sa nakita niyang nakipagkuwentuhan ito kanina kay Alma at tawang-tawa pa nga ito. “Gen, kausapin mo naman ako. Saan ka ba pumunta kanina hinintay kita sa canteen?” patuloy na tanong ni Pat nang pauwi na sila. “Doon sa punong akasya, nakipagkuwentuhan ako kay Bert. Alam mo, Pat ang sarap niyang kasama. Natatawa ako sa mga kuwento niya. Hindi na ako natuloy sa canteen kasi nilibre niya ako ng suman at softdrinks. Busog na busog nga ako eh.” pagsisinungaling ni Gennie na pangiti-ngiti pa. Biglang nalungkot si Pat. Akala niya walang gusto ang kaniyang kaibigan kay Bert. Bakit ang sakit sa tainga ng mga kuwento ni Gennie sa kaniya? Bakit biglang sumikip ang kaniyang dibdib at bakit biglang lumubo ang kanyang ilong? Bigla siyang natameme. “O bakit ka natigilan diyan?” puna ni Gennie. “Talaga? Kung gayon kayo na ni Bert?” bigla nitong natanong. “Ah ewan hindi ko pa alam.” “Hindi ba iba ang crush mo? Hanggang ngayon hindi mo pa nasabi sa akin kung sino iyon,” usisa pa rin ni Pat. “Ah ewan Patricio, huwag ka ngang ano riyan. May takdang-aralin tayo sa Hekasi. Sa inyong bahay na lang tayo gagawa mamaya. At 'yong utang mo na pangmeryenda ihanda mo na rin ha,” nasabi na lamang ni Gennie. Nang nakauwi na sila ay nakaramdam pa rin ng lungkot si Gennie. “Bakit ba ganito ang nararamdaman ko? Bakit ba nakaramdam ako ng galit at tampo kapag nakikita kong malapit sa isa’t-isa sina Pat at Alma? Bakit kaya ang sarap sapakin agad ni Pat? Ano kaya ang tawag dito?” Bigla siyang natauhan sa malakas na ubo ng kaniyang inay na nasa loob ng kuwarto nito. “Inay nainom na po ba ninyo ang inyong mga gamot? Bumalik na naman po ang ubo mo. Magpahinga na muna kayo Inay sa paglalaba,” alalang sabi ni Gennie sa kaniyang ina. “Wala na akong gamot anak. Hinihintay ko ang Kuya mo at baka may naipon siya para pandagdag sa gamot ko. Dalawang araw na hindi pa siya nakauwi. Ang Kuya mo Danilo naman ay nag-overtime rin sa paggawa ng tinapay sa bakery nina Tiyang mo Cora,” mahinang tugon ni Aling Bibang habang patuloy ang pag-ubo nito. “Anak magsaing ka na muna. Mabuti naman at dumaan dito kanina si Mareng Tisya, binigyan niya ako ng kalahating sako ng bigas. Ang bait talaga ng Diyos sa atin dahil may mga taong ginagamit Niya para tulungan tayo. Nahihiya na rin ako sa kanila pero wala naman akong magawa anak kundi ang tanggapin ang mga biyayang ipinagkaloob ng pamilya ni Pat.” Tumulo ang luha ni Gennie. Nakaramdam siya ng awa sa kaniyang ina dahil sa kalagayan nila. Nilapitan niya ito at niyakap sa likuran.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD