Binibilang ni Gennie ang naipon niya sa pagtitinda ng mga gulay. Iyong iba ay pinambayad niya rin sa mga babayarin sa eskwelahan. Kunti na lang ito.Nakakahiya man pero lagi siyang binibigyan ni Pat lalo na sa pamasahe at pagkain. Kahit papaano malaki-laki ang kita sa tindahan ni Aling Tisya at lumubo na rin ang poultry ng manukan ni Mang Greg kaya naging malaki ang naipon ni Pat sa mga kita nila sa pagtitinda ng mga tanim nilang gulay. Kung minsan si Pat na rin ang nagbabayad ng mga proyekto niya sa ilang asignatura. Mabuti na lamang nandiyan palagi si Pat sa kaniyang tabi.
Kailangan niyang bilhin ang gamot ni Aling Bibang. Naawa na rin siya sa kaniyang mga Kuya na siyang tumutulong rin sa mga gastusin nila sa pang-araw-araw lalo na kapag hindi makapaglabada sa kaniyang nilalabhan ang kaniyang inay. Mahal na mahal ni Gennie ang kanyang nanay. Maliit pa siya, damang-dama na niya ang pag-aaruga ni Aling Bibang dahil maaga silang naulila sa ama.
Isang gabi, umuwi ang kaniyang Kuya Nono.
“Magandang gabi po Inay,” pagbati ni Nono sa ina sabay halik sa kamay nito.
“Magandang gabi anak. Mabuti naman at nakauwi ka na,” sagot naman ni Aling Bibang at pigil-pigil ang pag-ubo. “S—sino ang kasama mo anak?”
Nagtataka siya sa kasamang babae ni Nono.
“Inay, siya nga pala si Maymay ang kasintahan ko po,” parang nahihiya pang tugon ni Nono sa ina.
“Magandang gabi po Inay,” mabilis na pagbati ni Maymay.
“I—inay? Ah…ang bilis naman yata,” pag-aatubiling tanong ni Aling Bibang.
“Pasensiya na po kayo, Inay hindi ko na po naipagpaalam sa inyo. Dito na po titira si Maymay, Inay kasi buntis po siya at magsasama na po kami,” mahinahong sabi ni Nono.
Natahimik si Aling Bibang maluha-luha ito sa pangyayari. Hindi niya inaasahang mag-aasawa na ang kaniyang panganay na anak. Hindi niya namalayang magdadalawampu’t apat na pala si Nono. Mukha na nga itong may edad dahil na rin marahil sa sobrang trabaho para makatulong rin sa kanilang pamilya. Pero sa isip niya, wala siyang karapatan para pagkaitan ang kaligayahan ng anak. Kailangan niyang tanggaping ito na ang araw na magbubukod na ang kaniyang panganay ng sariling pamilya. Naawa nga siya rito dahil hindi niya natustusan ang kaniyang pag-aaral. Hindi niya natulungang abutin ang mga pangarap nito sa buhay.
“Ah ganoon ba anak? S-s-sige kumain na kayo ni…ni…sino ba ulit pangalan ng gilpren mo?” mahinahong tanong ni Aling Bibang.
“Maymay po Inay. Tatlong buwan na po ang tiyan ko. Ayaw ng mga magulang ko na sa kanila kami titira ni Nono kaya nagdesisyon siya na dito na po kami titira sa bahay ninyo,” mabilis na tugon ni Maymay habang tumitirik ang mata.
Sa isip niya parang mahirap pa pala sa daga ang makakasama niya dahil maliit lang ang bahay at nagkukulay itim na ang lahat ng sulok ng bahay dahil dala ng usok mula sa kanilang sinaingan.
Lumabas si Gennie dahil narinig niyang dumating na ang kaniyang Kuya Nono.
“Kuya mabuti naman at nakauwi na po kayo,” mabilis niyang bati sa kaniyang Kuya sabay halik sa pisngi nito.
Ipinakilala rin sa kaniya ng kanyang Kuya ang kaniyang kasintahan at sitwasyon nito. Habang nagpapaliwanag si Nono panay naman ang irap ni Maymay kay Gennie. Parang hindi yata sila magkakasundo. Napansin naman iyon ni Gennie. Nabigla siya sa naging desisyon ng kaniyang Kuya.
“Paano na kaya kami ngayon? Sino na ang tutulong sa amin lalo na sa pagpapagamot ng aming Inay gayong mag-aasawa na si Kuya Nono? Pero kailangan kong magpakatatag para kay Inay,” nasabi na lamang niya sa kaniyang sarili.
Hinarap na lamang niya ang kaniyang kapatid.
“Ganoon ba Kuya? Sige maghapunan na po kayo. May naiwan pa namang ulam diyan sa hapag. Siya nga pala, Kuya wala na pong gamot si Inay kailangang mabilhan na po siya bukas. Masama nga ang kaniyang pakiramdam ngayon,” muling wika ni Gennie.
“May pera pa naman ako rito. Bibigyan kita ng pera para mabilhan mo siya ng gamot bukas,” agad na tugon ni Nono.
“Ah… Mahal magpapatsek up pala ako sa midwife bukas eskidyul ko na. Kailangan ko rin bumili ng aking betamins para sa ating beybi,” paglalambing ni Maymay kay Nono na parang may ibang ipinahihiwatig.
Umubo na naman si Aling Bibang. Kanina pa niya ito pinipigilan ngunit lalo lamang sumakit ang kaniyang dibdib at likod. “Okay lang anak huwag na ninyo na akong alalahanin. Mas importanteng matsek up itong si…si…sino ba ulit ang pangalan mo?”
Biglang sumagot si Gennie. “Maymaytililing po Inay iyon ang pangalan niya,” sabay talikod at pumasok na sa kaniyang maliit na kwarto.
Inis na inis si Gennie. Hindi niya inaasahang mag-aasawa ang kaniyang Kuya Nono at mas lalong hindi niya inaasahang mukhang may tililing ang ugali ng mapapangasawa nito.
Kinaumagahan, ikinuwento niya ang lahat kay Pat. Inis na inis siya sa hilaw niyang hipag. Mas naawa siya sa kalagayan ng kaniyang nanay lalo na at kailangan niya na ng gamot.
“Gen, huwag ka nang magalit. Tingnan mo oh kumukunot iyang noo mo. Aba lumapad bigla ang ilong mo at humaba ang nguso mo!” pagbibiro ni Pat sa kaniya.
“Hey, tumigil ka nga huwag ka ngang ano riyan. Nagsisimula ka na namang manukso eh!”
“Pinapatawa lang kita. Huwag ka nang mag-alala heto ang limandaan, ibili mo ng gamot ni Aling Bibang. Mas kailangan niya iyon,” seryosong sabi ni Pat at ibinigay kay Gennie ang pera.
“Nakahihiya na sa iyo Pat. Hindi ko na alam ang gagawin ko."
“Ano ka ba utang mo iyan. Mahaba na sa listahan ko kaya,” nakangising sabi ni Pat. ”Hindi nagbibiro lang ako. 'Di ba sabi ko sa iyo nandito lang ako handa kitang damayan sa lahat ng problema. Ganyan kita kamahal Gen…bilang matalik na kaibigan.”
Kinilig na sana si Gennie dahil ganoon siya kamahal ni Pat pero bilang matalik na kaibigan lang pala.
“Maraming salamat Pat. Napakasuwerte ko dahil ikaw…ikaw…ikaw…”
“Ikaw ang ano Gen?” excited na tanong ni Pat.
“Ikaw...ang ma…may puso kong matalik na kaibigan!” Sabay yakap ni Gennie kay Pat.
Kinilig si Pat dahil ang sarap yakapin ng kaniyang kaibigan. Amoy na amoy nito ang kaniyang bango. Sigurado siyang Safeguard ang ginamit nitong sabon.
Hindi niya maintindihan ang nararamdaman sa kababata. Alam niya mahal niya ito na mas higit pa sa matalik na kaibigan. Pero ayaw niyang isipin baka magalit si Gennie sa kaniya. Ayaw niyang masira ang pagkakaibigan nila ng mahabang panahon.
Ito na ang pinakahihintay nina Pat at Gennie, ang kanilang pagtatapos sa high school. Handang-handa na sila sa araw na ito. Hindi nila sukat-akalain na magtatapos na ang kabanata ng kanilang buhay sa sekondarya.
Dinaanan ni Pat si Gennie sa kanilang bahay. Abalang-abala naman si Gennie sa pagpapaganda. Ngayon lang siya muling maglalagay ng lipstick sa kaniyang bibig at munting make up sa kanyang pisngi. Isinuot niya ang kaniyang bestidang kulay de-gatas na binili ng kaniyang Kuya Danilo. Bumagay naman sa paa niya ang sapatos na itim na may one inch na takong na bigay ni Aling Tisya para sa kaniya. Tinali niya nang kunti ang mahaba at maitim niyang buhok na siyang nagpatingkad sa kaniyang natural na kagandahan. Isinabit niya sa kaniyang braso ang puting toga na siyang simbolong magtatapos na talaga siya.