Kabanata 6

1479 Words
Samantala si Pat habang tumatagal lalo siyang pumupogi. Kumisig ang kaniyang katawan at ang braso niya ay unti-unting nagkamasel dala na rin ng pagiging masipag niya sa pagtatrabaho sa bukid at pagtulong sa mga gawaing bahay. Bumagay ang matangos niyang ilong at maninipis niyang mga labi. Sa ilang taon nilang pamamalagi sa Handurawan National High School marami rin ang humanga sa kaniyang kagwapuhan at kabaitan. May ibang nagpaparamdam, may iba rin namang nag-aalinlangan dahil palagi silang magkasama ni Gennie. Ilang beses na rin silang pagsabihan na magkasintahan sila. Pero nararamdaman niya sa kaniyang puso, kaibigan lang ang turing ni Gennie sa kaniya kaya ayaw niyang sirain iyon. “Gen, handa ka na ba? Halika na punta na tayo ng paaralan baka mahuli pa tayo,“ sabik na sabi ni Pat kay Gennie. “Handang-handa na ako Pat. Bagay ba sa akin ang damit ko?” pangiti-ngiting sabi ni Gennie habang ibinilad sa harapan ni Pat ang suot niyang damit. “Talagang oo naman, bagay na bagay. Sayang naman ang binili ni kuya Dan kung hindi babagay sa iyo." agad namang sagot ni Pat. Mariin niyang tinitigan ang dalaga. “Ang ganda ni Gennie. Lalo siyang gumanda sa kaniyang manipis na lipstick at munting make up. Mamula-mula ang kaniyang magandang pisngi. Kaygandang tingnan ng kaniyang mapupungay na mga mata. Ang malalim niyang biloy kapag ngumingiti ay lalong nagpapabighani sa akin,” tanging nasabi na lamang ni Pat sa kaniyang sarili. Hindi pa rin niya maalis-alis ang tingin kay Gennie. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman. Hindi lang ganda o katangiang pisikal kung bakit unti-unting nahuhulog ang loob niya sa kababata kundi ang kabaitan nito at ang malaking pagmamahal niya sa pamilya nito. “Mabuti naman at napahalagahan mo ngayon ang beauty ko Patricio.” Nakangiti pa si Gennie. “O sige na alis na tayo. Inay halika na po. Nandiyan na rin sina Mang Greg at Aling Tisya!” “Wow, Gennie ang ganda mo ngayon. Bagay na bagay ang damit mo at ang sapatos kasyang-kasya sa iyo!” papuri ni Aling Tisya sa kaniya nang lumabas na siya sa kanilang bahay. “Maraming salamat po Aling Tisya napakabait po ninyo. Salamat sa regalong ito dahil hindi naman po kami makabibili ng nanay nitong sapatos ko. Wala pa naman kasi si Kuya Nono. Umalis muna sila ng kaniyang may tililing na asawa. Sa susunod na linggo pa raw sila babalik,” aniya ni Gennie. “Okay lang iyon, Gen. Congratulations sa inyo ni Pat. Natutuwa rin kami dahil magtatapos na kayong magkaibigan sa sekondarya. Nalagpasan na ninyo ang mga hamon na inyong nadaanan,” agad na sabad ni Aling Tisya. Si Aling Bibang ay tahimik lamang. Nahihiya siya sa kaniyang anak. Hindi man lang niya mabigyan ng kahit na anong regalo ang bunsong anak. Ilang buwan na siyang hindi nakabalik sa paglalabada. Lagi nang sumasakit ang kaniyang likod. Malimit siyang umuubo. Hindi na rin tuloy-tuloy ang pag-inom niya ng kaniyang gamot. Minsan na lang nagbibigay si Nono ng pera pambili ng gamot niya. Napagtanto rin niyang hindi maganda ang ugali ng kinakasama nito. Ayaw nitong nagbibigay palagi si Nono para sa kaniyang pamilya. Awang-awa siya kay Gennie na nagsusumikap para makaipon at mairaos ang kaniyang pag-aaral. Kunti lang naman ang maibibigay ni Danilo dahil siya rin ang sumasagot sa mga gastusin nila sa bahay mula nang mag-asawa ang kanilang Kuya Nono. Mabuti at nandiyan si Pat, ang palaging umaagapay sa kaniyang anak na si Gennie. “Pasensiya ka na Anak wala man lang maibigay ang nanay para sa graduation ninyo ni Pat. Ako pa ang naging pasanin mo ngayon. Alam ng Diyos kung gaano ako kasaya sa araw na ito dahil magtatapos ka na sa sekondarya kasama ni Pat,” hindi na nakatiis na tugon ni Aling Bibang. “Inay naman, hindi na po mahalaga kung may regalo o wala. Ang importante nakatapos po kami ni Pat at nandiyan po kayo para sa amin at sapat na iyon Inay,” maluha-luhang tinuran ni Gennie. “O bawal umiyak ha, iyang make-up mo Gennie baka magsinabawang kamatis iyan. Sige ka!” pagbibiro ni Pat. Nagtawanan ang lahat at hinalikan ni Gennie ang kaniyang nanay. Magkasama rin silang umalis papunta sa paaralan para sa pagtatapos nina Gennie at Patricio. Masayang-masaya ang lahat ng magtatapos. Suot na nila ang kani-kanilang puting toga. Habang lumalakad na ang lahat pa-entablado, makikita sa kani-kanilang mga mukha ang kasiyahang nalampasan na nila ang buhay sa sekondarya. Habang hawak ang kamay ng kani-kanilang mga magulang, bakas sa kani-kanilang mukha ang tagumpay. Isa na roon sina Mang Greg at Pat. Masaya sa pakiramdam na magtatapos na ang kanilang panganay na anak. Nakikita nila ang pagsisikap nito sa kaniyang sariling paraan. Ganoon din si Gennie, hinahawakan niya nang mahigpit ang kamay ni Aling Bibang habang paubo-ubo ito. Hinahagod hagod niya ang likod ng ina. Masarap sa pakiramdam ni Aling Bibang na magtatapos na si Gennie, ang kaniyang bunsong anak. Napakasipag at napakaresponsableng bata. Kahit minsa’y hindi ito humihingi ng labis kung ano lang ang meron ay okay na sa kaniya. Nagpapasalamat siya sa Diyos at pinalaki niya nang tama si Gennie at dalangin niyang, sana hindi siya magbabago at maabot nito ang kaniyang mga pangarap sa buhay. Tinatawag na ang kani-kanilang mga pangalan para kunin ang kani-kanilang diploma. Sa non-academic award ay mayroon din sila. “Binondo, Patricio Arabaca, Most Industrious.” “Anak ikaw na. Congratulations Pat.” buong pagmamalaki na bati ni Mang Greg sa kaniya. Niyakap niya ang kaniyang tatay pagkatapos nitong isabit sa kaniyang dibdib ang ribbon. “Kita po ninyo Itay, hindi maalis-alis ang Most Industrious sa akin. Masipag talaga ako ‘tay,” pagmamalaking nawika ni Pat at pangiti-ngiti pa ito. Nagtawanan din silang mag-ama. “Degoma, Gennnie Flores, Most Honest, Most Friendly.” Hinawakan ni Gennie sa kamay ang kaniyang ina papuntang entablado. Hinigpitan niya ito at bakas sa mukha ng kaniyang ina ang kasiyahan. Nagpakuha ng litrato ang batch na ito na nagtapos na ng sekondarya. Pati sina Gennie at Pat ay nagpakuha na sila lamang ang magkasama. Inakbayan pa ni Pat si Gennie at tila nakaramdam naman ng hiya si Gennie pero minabuti niyang huwag na lamang pansinin iyon dahil alam naman niyang matalik na kaibigan ang turing ni Pat sa kaniya kaya ganoon ang ipinapakitang pag-alala at pagmamalasakit nito sa kaniya. Nang matapos na ang graduation ay niyaya ni Aling Tisya sina Aling Bibang at Gennie na sumama sa kanila para maghapunan. “Mareng Bibang dahil tapos na sa sekondarya ang mga anak natin mag-celebrate naman tayo,“ paanyaya ni Aling Tisya. “Mare, nahihiya na ako sa inyo ni Pareng Greg. Palaging kayo na lang ang gumagastos para sa amin ni Gennie,” nahihiyang pahayag ni Aling Bibang. “Wala iyon Mare. Binabahagi lang namin ang mga biyaya na natatanggap namin sa Panginoon. At saka para na tayong magpamilya,” agad na tugon naman ni Mang Greg. “Ahemmm…Gennie ilibre mo kami ni Nerio ng sorbetes dahil dalawa ang ribbon mo. Most Honest at Most Prendly. Sa iyo pa rin ang Most Prendly,” natatawang turan ni Pat. “Siyempre prendly kaya ako. Si Nerio na lang ang ililibre ko ng ice cream. Ikaw na ang maglibre sa akin ang sipag mo kaya. Most Industrious at isa pa sobra ang ribbon ni Maam kaya sa iyo ibinigay,” pagbibirong sagot ni Gennie na nakatawa. Pati na rin ang mga magulang nila ay nakitawa sa biruan ng magkakaibigan. “Ikaw din naman ah, sobra rin ang ribbon sa Most Honest kaya ibinigay sa iyo. Hindi ka kaya honest kasi lagi mong ninanakaw ang itlog ko, este ang nilaga kong itlog!” pagbibiro na naman ni Pat kay Gennie dahilan para mamula na naman ito at hinabol pa ng hampas sa balikat si Pat. “Hoy Patricio, huwag mo akong gawan ng storya ha. Hindi na ako interesado sa baog mong itlog!” “Anong baog? Sarap na sarap ka kaya kumain ng nilaga kong itlog. Halos ilulon mo pati shell nito.” “Walang hiya ka talaga! Unggoy!” Hinabol pa ni Gennie si Pat dahil akma na naman nitong hampalusin ngunit mabilis na nakatakbo si Pat. “Hay naku itong dalawang ito wala nang nagawang matino kundi ang magbiruan at mag-ukrayan. O siya halina kayo at nang makapag-umpisa na tayong kumain,” nakatawang saad naman ni Aling Tisya. “Aling Tisya, kung hindi lang po kayo ang ina nitong si Patricio, ipapabarang ko talaga ito kay Mang Dolpong mambabarang,” galit-galitang nawika ni Gennie. “Weeh…ipapabarang mo ako? Sige ipapatusok din kita sa karayom ni Aling Kikang para magmukha ka na talagang Bakekang,” ganti rin ni Pat at bumubungisngis pa ito nang tawa samantalang umuusok na ang ilong ni Gennie sa galit sa kaniya. Ito lagi ang eksena ng kanilang pagkakaibigan. Pagkatapos ng ukrayan at bangayan, masaya na naman silang magkakausap na dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD