Kabanata 7

1428 Words
Kinaumagahan, maagang pumunta ng bukid ang magkababata. Nag-umpisa na naman silang magtanim ng gulay. Naabutan nilang mahaba na ang pinagtaniman ni Lolo Imbo. Sa edad na pitumpu't lima ay malakas pa ito at parang walang sakit sa katawan. Diyan namamalagi ang Lolo Imbo ni Gennie malapit sa bukid. Kung minsan ay diyan rin natutulog ang Kuya Danilo niya. Kuntento na ang kanyang Lolo sa sariwang hangin na kaniyang nalalanghap sa bukid. Araw-araw ay preskang gulay mula sa kanilang taniman ang kinakain nito kaya kahit matanda na ay malakas pa ito at napakasipag. Pagkatapos magtanim ng magkaibigan, muli silang umupo sa malaking bato. “Gen salamat sa Diyos at nairaos natin ang ating high school life. Ano ang plano mo sa susunod na pasukan? Saan ka mag-aaral at anong kurso ang kukunin mo?” agad na bungad-tanong ni Pat. “Oo nga salamat sa Diyos at sa tulong mo rin Pat at nalagpasan ko ang pag-aaral ko sa high school. Hindi ko alam kung makapagpatuloy pa ako. Pero kung matutuloy man, dito na lang ako sa ating bayan mag-aaral. May Polytechnic naman tayo rito. Kukuha ako ng education, gusto kong maging guro balang araw,” agad namang sagot ni Gennie. “Maghihiwalay pala tayo kung ganoon, Gen. Doon ako pag-aaralin nina tatay at nanay sa siyudad. Kukuha ako ng nautical na kurso. Sana matupad ang mga pangarap natin sa buhay.” “Oo nga siguradong malayo na tayo sa isa’t-isa. Apat na oras kaya ang biyahe mula sa ating probinsiya papuntang siyudad. Siguro malilimutan mo na ako kapag doon ka na mamalagi,” malungkot na tugon ni Gennie at umirap pa ito kay Pat. May kinuhang munting kahon sa kanyang bulsa si Pat. “Ah…Gen may ibibigay pala ako sa iyo,” sabi niya sabay abot kay Gennie ang isang maliit na kahon. “Wow naman may regalo ka na naman sa akin? Ano ba ito Pat?” excited na tanong ni Gennie. Binuksan iyon ni Gennie. Napabuka ang kaniyang bibig at napadilat ang kaniyang mga mata dahil isang gintong kuwintas na may pendant na hugis-susi ang nasilayan niya. Kinuha ito ni Pat sa kaniya at isinuot niya ito sa leeg ni Gennie. “Pinag-ipunan ko iyan Gen...para talaga sa iyo iyan. Iyan ay simbolo ng ating pagkakaibigan at kailanman ay hindi kita kalilimutan. Nandito ka palagi sa puso ko. Walang makapagbubukas nito bilang isang matalik na kaibigan, kundi ikaw lang, Gen,” seryosong sabi ni Pat. Ipinikit pa niya ang kaniyang mata at nilanghap ang mabangong buhok ng kaibigan. Maluha-luha naman si Gennie sa tinuran ng kaibigan. Alam niya sa kaniyang puso higit pa sa isang matalik na kaibigan ang nararamdaman niya para rito ngunit alam niyang hanggang doon lang dahil isang matalik na kaibigan lamang ang naramdaman ni Pat sa kaniya. Masaya na siyang pinahahalagahan ni Pat at pinaglalaanan siya nito ng oras. Higit sa lahat, nandiyan ang kaibigan niya sa tuwing kailangan niya ito at handang maging balikat na sasandalan. “Salamat Pat ha. Naiiyak talaga ako. Natutuwa ako sa mga kabaitan na ipinakikita mo sa akin. Masaya ako sa pagdamay mo palagi sa akin, at sa pagmamahal mo bilang isang kaibigan. Sana hindi ka magbabago. Ikaw lang ang best friend ko magpakailan man,” naiiyak na sabi ni Gennie at hindi na niya napigilan ang sarili at nayakap niya ito nang mahigpit. Gusto niya sanang isigaw sa kaibigan na mahal na mahal niya ito. Lingid kay Gennie, ganoon din ang nararamdaman ni Pat para sa kaniya. Gusto niya ring isigaw sa kaibigan ang pagmamahal na nararamdaman dito noon pa man pero ayaw niyang isipin ni Gennie na sinasamantala niya ang sitwasyon nito at ang pagkakaibigan nila. Balang-araw kung handa na siya, liligawan niya si Gennie. “Pat, pasensiyaka na ha, wala man lang akong regalo para iyo. Ang halos kasi ng ipon ko, binili ko ng mga gamot ni Nanay. Nahihiya na talaga ako sa iyo dahil ikaw lang ang palaging nagbibigay sa akin,” nahihiyang sabi ni Gennie pero hawak-hawak pa nito ang pendant na susi sa kuwintas na ibinigay ni Pat. “Hindi importante ang materyal o anumang regalo Gen. Sapat na sa akin na naging magkaibigan tayo. Katumbas na ito ng ginto sa buhay ko,” agad namang sagot ni Pat na nagpangiti sa dalaga. Masayang-masaya si Gennie pag-uwi nila. Kinuha niya ang kuwintas sa kaniyang leeg at inilagay sa kahon nito. Hinalik halikan pa niya ito at napapabuntong hininga. Binuksan niya muli ang kahon at nakita niyang may nakaipit na munting papel na may sulat para sa kaniya. Binuklat niya ang nakatuping papel at agad na binasa. 'Sa Matalik Kong Kaibigang Gennie, Pakatatandaan mo nasa iyo lang ang susi na makapagbubukas ng puso ko. Ito ang tanda ng ating pagiging magkaibigan ngayon at magpakailanman. Ingatan mo lagi ang iyong sarili. Kahit malayo ako, isipin mong nasa tabi lamang kita. Matalik mong kaibigan, Pat.' Nangingiti si Gennie. Kinilig siya sa sulat ng kaibigan. Alam niya susi ng pagiging kaibigan lang iyon ang ibig sabihin ni Pat. “Sana talagang puso mo ang bubuksan ko Pat. Maghihintay ako sakaling matutuhan mo na akong mahalin. Sana hindi lang bilang si Gennie na kaibigan mo, kundi si Gennie na talagang mahal mo,” nausal na lamang ni Gennie at muling itinago ang kahon na may lamang kuwintas. Nang gabi ring iyon ay hindi makatulog si Pat. Iniisip niya ang maamong mukha ni Gennie. Kasama si Gennie sa mga pangarap niya sa buhay. Kailangan niyang tulungan ang kaibigan para matupad nito ang kaniyang mga pangarap. Nagsisinungaling ang puso niya sa tuwing magkasama silang dalawa. Gustong-gusto ng puso niya ipagsigawan na mahal na mahal niya ito pero ayaw ng utak niya. Ayaw niyang masira ang pagtitiwala ng kaibigan sa kaniya. Hindi niya alam ang gagawin sakaling magalit si Gennie sa kaniya at isipin nitong sinasamantala niya ang pagiging magkaibigan nila kaya hayaan na lamang niyang itago sa kaniyang puso ang lihim na pagmamahal sa dalaga. “Kuya ano ba? Kanina ka pa galaw nang galaw diyan ah. Sino ba ang tinitingnan mong larawan ha? Siguro si Ate Gennie iyan, no?” panunukso ng kaniyang kapatid na si Nerio. Mabilis na itinago ni Pat ang larawan na nasa kaniyang kamay. Larawan nga ito ni Gennie at kanina pa niya ito tinitigan. “Ikaw tsismiso ka talaga. Matulog ka na nga riyan.” “Uyyy parang ‘di ko pa alam na may gusto ka kay Ate Gennie. Sabihin mo na kaya sa kaniya Kuya baka maunahan ka pa ng iba. Sige ka tunganga ka sa hangin,” pagbabanta pa ni Nerio “Naku bata pa kami ni Gennie at wala pa sa isip niya ang mga ganiyang bagay. Balang -araw kapag handa na kami baka sabihin ko rin sa kaniya. Hoy iyang bunganga mo ha, ikaw lang ang nakakaalam nito. Huwag na huwag mong sasabihin kaninuman lalo na kay Gennie, kung hind lagot ka sa akin.” “O di umamin din. Sige po Kuya pramis…basta libre mo ng ako batchoy bukas ha,” pangiting saad ni Nerio na nasungkit din ang tiwala ng kaniyang Kuya. Noon pa man, nahahalata na niyang may gusto ang Kuya nito kay Gennie at dinadaan-daan lamang nito sa pang-aasar. Ayaw din naman sana niyang pangunahan ang kaniyang Kuya dahil baka magagalit ito sa kaniya. Wala namang problema sa kaniya kung magkagusto ito kay Gennie dahil kilala na nila ito at mabait namang kaibigan ng kaniyang Kuya Pat. “Oo na madaya ka talaga,” nangiting tugon naman ni Pat sa kapatid. Tumalikod na si Nerio para matulog. May kinuha si Pat na maliit na kahon sa drawer ng kaniyang mesa. Kinuha niya ito. Kuwintas din ito na ginto at may pendant na kandado. Ilang taon ding pinag-ipunan niya para makabili nito para sa kanila ni Gennie. Mura lang ang pagkakabili niya sa kuwintas subalit may mahalagang elemento ito sa kanilang buhay ni Gennie. Ang sobrang baon na ibinibigay ng kaniyang mga magulang ay iniipon niya rin. Isang set ito, at ang sa kaniya ay naka-locked na kandado ang pendant at ang ibinigay niya kay Gennie ay may pendant na susi at tanging ang susi lamang nito ang maaaring makapagbukas sa naka-locked na kandadong pendant ni Pat. May mahalagang papel ang kuwintas na iyon sa buhay nila ni Gennie lalo na ang bawat pendant na nakakabit. Muli niya itong itinago sa kahon at ibinalik sa drawer. Nagbuntong-hininga siya at muling ipinikit ang kaniyang mga mata para matulog. Baon niya sa kaniyang pagpikit ang maamong mukha ng pinakamamahal niya at dalangin niyang makasama itong muli kahit sa panaginip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD