Kabanata 8

1708 Words
Abalang-abala na naman sina Pat at Gennie sa pagtatanim ng gulay. Katulad ng kanilang pagkakaibigan lumago ito tumaba at handa nang pitasin anumang oras para ipagbili. Doble-kayod silang dalawa dahil sa susunod na buwan magpapasukan na naman. Tuwang-tuwa ang mga kababaryo nila sa kanilang dalawa. “Aba, Pat ang sisipag ninyo talagang magkaibigan ni Gennie. Mula pa noong elementarya kayo ay nagtatanim na kayo ng gulay at ipinagbebenta,” papuri ni Aling Tasyon isa sa kanilang kababaryo. “Masuwerte talaga ang mga magulang niyo sa inyong dalawa. Napakasipag ninyo!” bulalas naman ni Aling Juanita. “Bagay na bagay kayong dalawa. Habang lumalaki itong si Pat ang guwapo parang si Richard Gomez at itong si Gennie naman, kagandang bata kamukha mo si Sharon Cuneta. Lalo na kapag ngumiti lumilitaw ang malalim na biloy,” dagdag naman ni Aling Bebot. “Ay oo nga! Uy sana magkatuluyan kayong dalawa balang araw!” sang-ayon pa ng iba nilang kababaryo. Namumula ang pisngi ni Gennie dahil nahihiya siya ngunit nakikiliti rin sa mga tinuran ng kani-kanilang kababaryo. Nahihiya rin siya at baka kung ano isipin ni Pat. “Hay naku, Patricio, huwag na nating pansinin ang mga tinuran nila. Guni-guni lang nila iyon,” agad na sabi ni Gennie na pilit huwag magpahalata pero ang totoo pati bituka niya nanginginig sa sobrang kilig. “Oo nga hayaan na natin sila,” sagot naman ni Pat at nagpatuloy sila sa paglakad. Sa isip naman ni Pat, sana magdilang-anghel silang lahat. Sana magkatotoo na magkakatuluyan sila ni Gennie balang-araw. Pero parang nahalata niya na ayaw ni Gennie. “Pat, kailan pala ang alis mo papuntang siyudad?” naitanong ni Gennie habang naglalakad sila. “Sa susunod na linggo Gen. Sasamahan ako ni Tatay. Kukuha ako ng application form at saka may entrance exam pa yata. Pero kakayanin ko ‘to. Kailangan kong makapag-aral nang mabuti para sa mga pangarap ko,” mabilis na tugon ni Pat. “Para sa mga pangarap natin at sa magiging buhay nating dalawa Gen,” gusto pa sanang idagdag ni Pat. “Ganoon ba? Kaya mo iyan Pat. Ikaw pa, eh…Most Industrious ka yata. Kaya sisipagin ka na mag-aral sa kolehiyo. Alam kong kayang-kaya mo iyan.” “Salamat Gen, pero iba pa rin na nandiyan ka, iba pa rin na may bestprend sa tabi ko,” ngiting sagot ni Pat pero sa kaibututuran ng kaniyang puso, talagang gusto niyang nasa tabi niya lagi ang kaibigan. Biglang nalungkot din si Gennie. Naisip pa lamang niyang magkakalayo na sila ni Pat, nasasaktan na siya. Siguradong ma-mi-miss niya ang kaibigan. Subalit may pangarap si Pat sa buhay at hindi lang din sa pagkakaibigan nila umiikot ang kani-kanilang mundo para maabot anuman ang mithiin nila. “Hayaan mo na, nandito naman ako palagi kahit hindi na tayo magkakasama. Basta susulatan mo ako ha. Ikukuwento mo ang lahat ng mga pangyayari sa buhay mo roon sa siyudad. Ikukuwento mo rin kapag may nagustuhan ka ng babae roon. Pero siguradong nandoon din si Alma at magkikita kayo roon,” pilit na ngumingiti habang sinasabi ito ni Gennie. Natahimik si Pat. Sa isip niya wala talagang pahiwatig na may gusto rin si Gennie sa kaniya at lagi nitong iginigiit si Alma sa eksena. Pilit na lamang siyang ngumiti at ginulo ang buhok ni Gennie. Sa isip naman ni Gennie, ngumiti lang si Pat sa tinuran niya. Talagang may gusto ito sa kanilang kaklaseng si Alma. “Hmmp! Siguro sabik na siyang magkita sila roon. Sarap talaga batukan ang unggoy na ‘to!” tampong-kimkim na lamang ni Gennie sa kaniyang sarili. Marami ang naibenta nilang gulay dahil marami rin ang ani nila. Ang ibang kita nila ay ibinigay ni Pat kay Gennie dahil mas kakailanganin niya iyon lalo na para sa mga gamot ni Aling Bibang. Agad namang nagpasalamat si Gennie kay Pat kahit nahihiya. Pagdating niya ng bahay kinabahan si Gennie nang makita ang kalagayan ng kaniyang inay. “I—inay? I—nay?!” Nakita niyang nakahundasay sa sahig si Aling Bibang. Hinimatay yata ito. “Tulong! Tulungan niyo kami. Pat tulungan niyo ako!!!” sigaw ni Gennie habang niyuyugyog ang balikat ni Aling Bibang na walang malay. Agad naman siyang narinig ng mga kapitbahay lalo na ni Pat dahil magkalapit lang naman ang bahay ng mga ito. Mag-isa lang si Aling Bibang sa kanilang bahay dahil nagtatrabaho rin ang kaniyang Kuya Danilo sa bakery. Ang Kuya niya Nono ay minsan lang bumibisita sa kanila. Ayaw ng kaniyang asawa na mamalagi sila sa kanilang bahay dahil maliit lang ito at ayaw niyang mahawaan ng ubo ni Aling Bibang. Pinilit ni Maymay si Nono na mangupahan ng bahay para sa kanilang para makapagbukod kaya hindi na makapagbigay ang kuya nila dahil kulang na rin ang kita niya rito sa pagbabayad ng upa at gastusin ng kaniyang malditang asawa. Umiiyak na si Gennie. Kailangan niyang dalhin sa hospital sa karatig-bayan ang kaniyang ina. Tinulungan naman siya nina Mang Greg at Aling Tisya na maikarga sa traysikel papuntang hospital. Sinamahan din siya ni Pat. “Inay…Inay, ano ba ang nangyari sa iyo?” umiiyak na sabi ni Gennie. Nasa kandungan niya si Aling Bibang. Hindi pa rin ito nagigising. Hindi naman umaalis sa tabi niya si Pat. “Gen…tahan na walang mangyayari kay Aling Bibang…magtiwala tayo sa Diyos hindi Niya pababayaan ang inay mo,” pagdamay ni Pat sa kanya. Kalahating oras bago sila nakarating sa hospital. Agad nilang ipinasok sa Emergency Room si Aling Bibang. Sinalubong naman sila ng nars at ilang assistant para alalayan ang walang malay na si Aling Bibang. Pinahiga nila ito sa stretcher. Tarantang-taranta si Gennie at hindi niya alam ang kaniyang gagawin. “Umupo ka muna riyan sa silya Gennie. Parang namumutla ka na oh,” pag-alalang sabi ni Aling Tisya. “Huwag kang mag-alala magigising din ang nanay mo.” Hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak si Gennie. Awang-awa siya sa kaniyang nanay. Naisip niya, wala pa naman silang sapat na pera para mapagamot ito lalo na at nasa hospital sila ngayon. Nagsimula na siyang interbiyuhin ng nars tungkol sa kaniyang nanay. Lahat ng detalye ay kinuhanan siya. Binigyan siya agad ng nars ng resita para sa kakailangin ng kaniyang inay na nasa emergency room pa rin.. “Naku maam wala po akong pera. Naiwan ko sa bahay ang bag ko. Nandoon po ang kita ko sa pagbebenta ng gulay kanina,” garalgal na ang boses habang sinasabi ni Gennie. “Eh, paano na? Hindi magagamot ang nanay mo kapag wala ang mga gamot sa resitang iyan,” agad namang sagot ng nars sa kaniya at medyo naiirita. Kinuha agad ni Pat ang resita at ibinigay niya ito sa kaniyang Nanay Tisya. “Inay bilhin po muna ninyo ang mga gamot ni Aling Bibang. Maawa naman po tayo sa kaniya,” sabi nito sa ina. Agad namang kinuha ni Aling Tisya ang resita at binili ito sa botika. Nang umalis si Aling Tisya ay inihatid na lamang ito ni Gennie ng isang malungkot na tingin. Nahihiya man siya ngunit wala na siyang magagawa. Kinabitan agad ng dextrose si Aling Bibang. Sinuri siya ng doktor na nakadestino. Ilang minuto pa ay nagising na si Aling Bibang. Nagulat pa siya na nasa hospital na pala siya. Nakita niya agad na umiiyak si Gennie sa tabi niya. “A-anak…bakit nandito ako sa hospital?” Agad niya ring nakita sina Pat at kaniyang Kumareng Tisya. “Mare nandito rin pala kayo?” “Inay…salamat po sa Diyos at nagising na po kayo. Nadatnan ko po kayo na walang malay kanina sa bahay,” mangiyak-ngiyak pa ring sabi ni Gennie. “Mabuti na lang po sinamahan ako nina Aling Tisya at Pat na madala kayo rito sa hospital. Si Aling Tisya na rin po ang bumili ng mga kakailanganin mo na niresita ng doktor.” Bumuntong-hininga si Aling Bibang. Tumulo ang mga luha niya. Naawa siya kay Gennie. Nahihiya rin siya sa pamilya ni Pat. Hinang-hina ang katawan niya. Gusto na niyang magpahinga pero kailangan niyang lumaban para sa mga anak niya. “Mareng Tisya. Hindi ko na alam kung sa anong paraan ko pa kayo pasasalamatan sa lahat ng tulong ninyo sa aming mag-iina,” maluha-luhang turan ni Aling Bibang. “Huwag mo na munang isipin iyan Mare, ang importante gumaling ka. Napakasuwerte mo nga kay Gennie dahil inaalagaan ka niya at mahal na mahal ka nito. May awa ang Diyos dahil gagaling ka sa kung anong sakit mayroon ka. Magtiwala ka lang sa Kaniya,” Buong pagdamay ni Aling Tisya kay Aling Bibang. Ngumiti si Aling Bibang at hinawakan siya nang mahigpit ni Gennie sa kamay. Muli silang nagpasalamat kay Aling Tisya at Pat. Ilang saglit pa ay dumating na naman ang bagong resita at mga request para sa mga laboratory ni Aling Bibang. Ang iba ay sinagot na muna ni Aling Tisya. Dumating din ang Kuya Danilo ni Gennie at may dala ring kaunting pera. Pinahiram siya ng kaniyang Tiya Cora na pinagtatrabahuhan niya sa bakery at ang iba niyang sweldo sa araw na ito nang sabihin nito na dinala sa hospital ang kaniyang nanay. “Salamat Kuya at dumating ka. Sino ang nakapagsabi na nandito kami ni Inay sa hospital?” tanong ni Gennie sa kaniyang Kuya Danilo. “Si Mang Greg. Nang dumating ako ng bahay nagtaka ako kung bakit wala kayo roon ng inay. Kaya dali-dali akong pumunta sa tindahan nina Aling Tisya. Nadatnan ko roon si Mang Greg at sinabi niya sa akin ang nangyari. Bumalik ako kaagad sa bayan, sa bakery ni Tiya Cora para humiram ng pera dahil alam kong kakailanganin ito ni Inay. Heto pala ang bag mo nakita ko sa sahig kanina,” pahayag ng kaniyang Kuya Danilo. “Salamat Kuya.” Binuksan niya ang kaniyang munting bag at nandoon pa ang pera niyang apat na raang peso. Nagpaalam si Aling Tisya na umuwi na muna dahil nandoon naman ang magkakapatid at dahil gabi na rin. Iniwanan niya rin ng isanlibo si Gennie dagdag sa mga kakailanganin ni Aling Bibang. Nahihiya man pero tinanggap ito ni Gennie at muling nagpasalamat. Nagpaiwan si Pat sa hospital. Hinatid nila ni Gennie ang kaniyang nanay sa sakayan ng traysikel pauwi sa kanila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD