***Belle POV***
"O, dito na ang classroom mo. Papakabait ka kay teacher, ha." Bilin ko kay Tantan habang inaayos ang kwelyo ng uniform nya.
"Mabait naman po ako kay teacher." Nakangusong turan nya.
"Weh? Minsan kaya pasaway ka. Di ba last month sinuntok mo yung classmate mo tapos dumugo yung ilong kaya pinatawag ang mama mo."
"Eh sya naman po ang nauna. Gumanti lang ako." Katwiran nya.
"Hmm, ikaw talaga. Basta kapag may nang away sayo sumbong mo lang kay teacher. Huwag ka ng gumanti. Kawawa rin sayo, eh. Ang laki mo pa namang bata."
Malaking bata rin kasi ang pamangkin ko kahit kaka-ten years old pa lang nya last month. Kawawa talaga ang nakakaaway nya. Isang sapok lang nya iyak agad ang mga ito. Pero mabait na bata naman si Tantan at marunong pagsabihan.
Pinapasok ko na sa loob ng classroom si Tantan. Hindi ako umalis agad at tinanaw muna sya. Grade five na sya dahil medyo napaaga ang pag aaral nya. Matalino rin kasi syang bata at mabilis turuan. Dito sya in-enroll ni Ate Nancy sa semi private school. Kinakaya naman ang tuition dahil nasa abroad si Kuya Clinton. Pero nagbibigay din ako pandagdag sa bayad ng tuition dahil gusto kong makatulong. Minsan ay sinasagot ko ang mga school supplies nya. Syempre, first pamangkin kaya spoiled.
Kumaway na ako kay Tantan at tinuro ko ang daan palabas sa gate para umuwi na. Tumango naman sya at nag ba-bye sa akin.
Tumalikod na ako at naglakad na sa hallway. Mamayang uwian ay susunduin ko rin sya. May school service naman na tricycle si Tantan. Pero may sakit ang driver kaya hatid sundo muna sya. Ayaw syang ipagkatiwala ni Ate Nancy sa ibang service dahil baka kaskasero ang mga ito.
Paglabas ko ng gate ay may lumapit agad na tricycle. Sumakay na ako roon.
Halos ten minutes lang ang byahe mula school ni Tantan hanggang sa bahay namin. Pero bumaba na ako sa kanto at hindi na pinapasok ang tricycle sa looban para makapaglakad naman ako.
"Uy Belle, long time no see ah!" Bati sa akin ng kababata kong si Rey na sakay ng pinapasada nyang tricycle. Huminto sya sa tapat ko.
"Oo nga, long time no see. Saan ka ba naglalagi lately?" Nakangising bati at tanong ko.
"Umuwi ako sa amin sa probinsya. Bakasyon ba!"
"Ayos ah! Iba talaga kapag maraming pera. Pabaka-bakasyon lang." Biro ko sa kababata.
"Maraming pera ka dyan. Nalibre lang ako sa pamasahe, no. Ikaw ang maraming pera dyan dahil maganda ang trabaho mo."
"Wala na akong trabaho."
"Na naman?"
"Oo." Nakangising saad ko.
"Anong nangyari na naman? Ang ganda na ng trabaho mo, ah!"
Nagkibit balikata ako. "Maganda nga ang trabaho, manyak naman ang boss."
"Yun lang! Ganda mo kasi, eh!" Hirit nya.
Nginisihan ko sya. "Ang hirap ngang maging maganda. Laging pinagnanasaan." Sabi ko sabay tawa naming dalawa.
Ilang minuto pa kaming nag usap ni Rey bago nagkahiwalay ng landas. Sayang nga ang kaibigan ko na yun na hindi nakapagtapos sa college dahil sa kakapusan ng pera. Pero masipag naman sya.
At ako.. nakapag tapos naman at madaling makahanap ng trabaho. Yun nga lang hindi nagtatagal dahil malas sa mga boss. Madalas akong nababastos. Hindi naman ako nagpapakita ng motibo at desente naman ang pananamit at kilos ko pero trip talaga nila akong bastusin. Yun ang issue ko sa mga nagiging boss ko. Yung pinakahuling kumpanyang pinasukan ko kung saan ako inabot ng isang taon — akala ko ay matino ang boss. Aba't nagpakita na ng tunay na kulay kinalaunan. Syempre nilayasan ko agad. Mahirap na. Hahanap na lang ako ng ibang trabaho.
Pagdating sa bahay ay wala ng tao. Umalis na si nanay at pumunta na sa mansion ng mga Montañiez. Si Ate Nancy naman ay nasa pedia. Dahil wala naman akong trabaho ay naglinis na lang ako ng bahay.
.
.
SA paglipas ng mga araw ay sinubukan ko ng mag apply ng trabaho online. Habang naghihintay ako ng email ay ako muna ang nag aasikaso sa bahay. Linis, luto at laba. Tumutulong naman si Ate Nancy pero mas tutok sya kay Ansheng na malikot na. Hindi kasi ito pwedeng iwan ng tingin dahil kung saan saan umaakyat. Puro bahay lang ako at minsan ay lumalabas din para makipag tsikahan sa mga kababata kong kapitbahay ko rin. Minsan gumagala ako sa mall kasama si Tantan kapag wala syang pasok.
Isang araw nakatanggap ako ng email. Nag reply na ang isang company na in-apply-an ko. Nagbigay na ng araw ng interview. Pinaghandaan ko ang araw na yun at nag ayos talaga ako ng sarili para maging presentable. Maganda naman ang nangyari sa interview at impress na impress sila sa akin kahit first interview ko pa lang. Hindi pa nga ako makapaniwala ng sabihin nilang tanggap na agad ako. Of course, tuwang tuwa ako. Pero naglaho ang tuwa ko ng makaharap ko ang bigboss na matanda. Gaya ng mga nauna kong boss ay same vibes sila. Parehas manyak. Para akong hinuhubaran kung titigan ako at binibiro ako ng may double meaning. Kaya naman hindi na ako tumuloy sa kumpanyang yun at naghanap na lang ng iba.
Ang sabi ng pinsan ko na best friend ko na si Roan ay lapitin daw talaga ako ng lalaki. Para daw akong magnet na nilalapitan ng mga lalaki. May point naman sya sa sinabi nya dahil marami ngang lalaki ang lumalapit sa akin. Ang iba ay nakikipagkaibigan at ang iba naman ay may ibang motibo. Pero hindi ako ang klase ng babaeng kapag may lalaking lumapit ay patol agad. Pihikan din naman ako.
Hindi sa pagbubuhat ng sariling bangko, pero may hitsura rin naman ako. Ang sabi nga nila ay maganda ako at may kahawig na isang mestisang artista. Maputi ang kutis ko na namana ko sa tatay ko. Makurba din ang katawan ko na nasa tamang lugar. Malusog ang dibdib ko at matambok ang puwitan ko na syang pinagkakainteresan talaga ng mga naging boss kong manyakis. Kahit nga maluwang na t-shirt at walking shorts lang ang suot ko ay pansinin pa rin ang dibdib at puwitan ko. Minsan nga binibiro ako ng mga friends at ka-workmate ko dati ng 'sanaol hour glass body'. Sila daw kasi halos magpakamatay sa kaka-gym at kakainom ng kung ano ano para lang magkaroon ng katawan ng gaya sa akin. Sa side ko naman parang malas pa nga. Dahil lagi akong napagdidiskitahan ng mga manyakis na boss na ang tanging gusto ay maikama ako.
German ang tatay ko sabi ni nanay. Nakita ko na ang lumang picture nya. Ang sabi ng mga kamag anak namin ay mas kamukha ko ang tatay ko kesa sa nanay ko. May una ng asawa si nanay at yun ang tatay ni ate. Pero maaga itong namatay limang taon pa lang si ate. Sa hirap ng buhay ay nag abroad si nanay bilang ofw at iniwan si ate sa pangangalaga ng tiyahin namin. Hanggang sa nagkaboyfriend si nanay na German at nabuntis sya. Pero hiniwalayan din nya ito dahil abusado at nananakit. Umuwi sya ng Pilipinas at dito nya nalaman na buntis sya at heto na nga ako. Sinabi naman sa akin ni nanay ang buong pangalan ng tatay kong German pagtuntong ko ng legal age. Nasa akin na raw kung gusto ko syang hanapin. Pero wala pa akong plano. Wala pa sa puso ko ang kagustuhang hanapin sya. Siguro in the future. Maghahanap muna ako ng stable na trabaho.
.
.
BINIBILANG ko ang pera kong nakalagay sa lumang wallet ko. Nasa 30k yun at nakatago lang sa drawer ko. Nagtatabi talaga ako ng cash just in case of emergency. May savings din naman ako sa bank account ko. Nasa mahigit 100k din yun. Ipon ko yun simula ng magtrabaho ako. Sana nga ay makahanap agad ako ng trabaho. Di bale ng di kalakihan ang sweldo basta matino ang boss.
Binalik ko na sa lumang wallet ang pera at binalik na yun sa drawer. Sinuksok ko yun sa gilid ng mga nakatuping damit.
Bumukas ang pinto ng kwarto ko at sumilip si Tantan.
"Tita, tawag ka po ni lola."
"Dumating na si nanay?"
"Hindi pa po."
Kumunot ang noo ko. "Eh bakit sabi mo tawag nya 'ko?"
Ngumisi sya. "Syempre dumating na po kaya ka po tinatawag."
"Tss! Pilosopo ka talagang bata ka."
"Eh mana daw po ako sa inyo sabi ni mama. Baba ka na po."
"Oo na."
Sinarado ko na ang drawer at sinusian. Sumunod na ako sa pamangkin na nauna ng bumaba.
Naabutan ko si nanay na nasa sala at nakaupo sa sofa. Lumapit ako sa kanya at nagmano.
"Gutom na po ba kayo, nay? Pinapalambot ko pa po yung baboy."
"Hindi pa ako gutom, anak. Nagmeryenda kami kanina. Maupo ka nga muna. May sasabihin ako."
Umupo naman ako sa tabi nya. "Ano po yun, nay?"
"Naghahanap ng pansamantalang PA at secretary si Senyora Consuelo dahil naka-leave ang PA at secretary nya. Eh nabanggit kita. Baka gusto mo raw kahit temporary lang."
"Sige po, nay. Payag ako. Wala pa naman po akong nahahanap na trabaho eh." Agad na pagpayag ko.
"Sigurado ka?"
"Opo, nay. Importante may trabaho kahit temporay lang."
"O sige, sasabihin ko bukas kay senyora. Mabait naman sayo yun dahil noong bata ka natutuwa sya sayo."
Napangiti ako sa sinabi ni nanay. Pero sa puso ko ay may excitement akong nararamdaman dahil muli akong tatapak sa mansion makalipas ang ilang taon.
*****