Janella's POV
Tahimik lang akong nakaupo sa passenger seat habang nagmamaneho si Kiel. Wala sana akong balak hintayin siya hanggang alas kuwatro, ang kaso hindi ako pinayagan ni Mama na umalis, pinilit niya akong hintayin pa si Kiel. Wala na akong nagawa dahil kinuha rin ni Mama ang pagkakataon na iyon para ipaliwanag sa akin ang nangyayari.
Hindi raw kasalanan ni Papa kung bakit lumaki ako nang wala siya. Sabi ni Mama engaged na raw si Papa nang magkakilala sila. Minahal nila ang isa't isa kahit na mali, pero hindi naging hadlang ang panahon para itama nila ang pagkakamali nila.
Isang linggo raw bago ang kasal ay nakipaghiwalay sa kaniya si Papa na siya rin namang pasya ni Mama. Gustong itama ni Papa ang pagkakamali niyang umibig kay Mama kahit ikakasal na ito. Habang si Mama ay gustong itama ang lahat dahil ayaw niyang lumaki ako bilang bunga ng pagkakamali nila.
Nang nalaman ni Mama na buntis siya ay roon niya lang mas naunawaan ang pagkakamali niyang umibig siya sa taong ikakasal na. Nalaman ni Papa na buntis si Mama pero hindi na nagbago ang desisyon ni Mama. Bandang huli ay nagpasya sila na itago ako, hanggang sa nagpakalayo-layo si Mama kasama sina Lolo't Lola.
"Pinalaki kitang hindi siya kilala, pero hindi kita pinalaking kinamumuhian siya!"
"'Ma, pinabayaan niya tayo. Ano bang gusto mong maging interpretasyon ko sa amang buong buhay ko hindi ko nakilala!"
"Kung magagalit ka sa kaniya, magalit ka rin sa akin dahil ako ang nagpasyang ilayo ka sa ama mo na mula noon hanggang ngayon ay gusto at handa kang bigyan ng magandang buhay, kung pinagbigyan ko lang siya."
Hindi mawala sa isipan ko ang pait sa mga mata ni Mama kanina nang magkausap kami. Alam ko mula noon na sinisisi niya ang sarili niya kung bakit hindi ko naranasan ang buhay na gusto niyang iparanas sa akin. Buhay na kahit na sino ay gustong makamit, pero hindi ko alam na ganoon pala kalalim ang paninisi niya sa kaniyang sarili.
"Kanina ka pa bumubuntong-hininga," magaang sabi ni Kiel kaya napatingin ako sa kaniya. Tutok lang sa daan ang mga mata niya habang nasa manibela ang isa niyang kamay at ang isa ay nakapahinga sa hita niya.
Kanina pa nga ako napapabuntong-hininga sa kawalan ng sasabihin at kakaisip sa mga bagay-bagay.
"Kung ikaw ba ang nasa situwasyon ko, hindi ka ba mapapabuntong-hininga na lang?"
Bahagya niya akong binalingan habang pabalik-balik sa akin at sa daan ang paningin niya.
"Naiintindihan kita, trust me."
"Talaga? Seating here inside your car by being force, naiintindihan mo ako?"
Huminto ang sasakyan nang nag-ilaw ng pula ang stoplight. Tumingin siya sa akin direkta sa mga mata. Gusto kong iwasan pero hindi ko magawa.
"Naiintindihan kita, pero naiintindihan ko rin si Uncle Alex. He needs you."
Tinakpan ko ng dalawang palad ko ang mukha ko sa pagkakairita, at para na rin pasimpleng punasan ang namamasa kong mga mata. Nang alisin ko ang palad ko sa mukha ko ay bumaling na lang ako sa bintana upang hindi niya makita ang mukha ko.
Nakita ko sa repleksyon niya sa bintana ang pagpungay ng mga mata niya bago muling bumaling sa daan nang magkulay berde ang stoplight.
Ang dami kong gustong sabihin pero hindi ko alam kung ano o kung dapat ko bang sabihin. Ni-hindi ko nga alam kung may makakaintindi ba sa akin. Alam ko lang sa ngayon ay nasasaktan ako, hindi ko alam kung saan nanggagaling ang sakit. Siguro kasi hindi ko rin alam kung saang parte ng sistema ko ang puwesto ng ama ko.
Siguro iisipin ng iba na ang tigas ko, na matapos ng paliwanag ni Mama ay napakabato ko para hindi manlang makaramdam ng simpatya sa ama ko. Pero ano bang magagawa ko, ano bang dapat kong maramdaman at isipin? Na mahal niya ako, si Mama, pero kung mahal niya kami bakit niya itinuloy ang kasal?
"Asan si Papa?" tanong ko pagkahinto niya ng sasakyan sa tapat ng building na pinagtatrabahuhan ko.
Narinig ko siyang tumikhim bago sumagot. "Next week pa ang balik niya sa Pilipinas. Nasa State siya ngayon."
Binalingan ko siya habang tinatanggal ang seat belt ko. "Sabihan mo na lang ako kapag nakabalik na siya." Mabilis na lumabas ako ng sasakyan pagkasabi ko niyon.
Naramdaman kong sinundan niya ako bago makapasok sa building. Nginitian ko lang ang guwardya na nakatayo sa gilid ng salaming pinto saka humarap kay Kiel na nasa likod ko.
"You can leave this job."
"What?" Inirapan ko siya. "Kiel male-late na ako sa trabaho ko, pwede ba?"
"Look, mayroon kayong kompanya, hindi mo kailangang magtrabaho at magpakapuyat dito."
Naitikom ko ang kamao ko para pigilan na masapok itong lalaking ito. Walang laman na nginingitian ko lang ang mga dumadaan sa amin papasok sa building. Mga katrabaho ko na siguradong nakaririnig ng sinasabi ni Kiel.
Hinila ko siya sa braso pabalik sa tapat ng kotse niya. Good thing kahit mabigat siya ay kusa naman siyang sumama kaya hindi ako nahirapan.
"Nakakahiya sa nakakarinig sa 'yong katrabaho ko. Naiinsulto mo ang trabaho namin," sabi ko sa mahinang boses.
Halos maningkit siya sa sinag ng araw na nakatingin sa akin at napailing. "Sino bang hindi nag-aasam na makakuha ng trabaho na hindi mo kailangang magpuyat sa gabi?"
Hinawi ko ang buhok kong iniihip ng hangin. "Kiel, marangal ang trabaho namin-"
"Wala akong sinabing hindi marangal, OK? Ang sabi ko hindi mo na kailangang magtrabaho rito, dahil may kompaniya ang pamilya mo."
Pinag-ekis ko ang mga braso ko sa may dibdib ko at tinitigan siya. "Sige, ipapasok mo ako sa kompanya ng ama ko, at ano? Ipakikilala bilang anak sa labas. Anak na nga sa labas wala pang pinag-aralan. Kiel, mas gusto kong magkanda-kuba sa pagtatrabaho, matulog ng apat na oras araw-araw kaysa humarap sa mga matapobreng tao. Una ako lang ang iinsultuhin nila, sa susunod nanay ko na, tapos ano? Pagtatawanan nila ako, aalilain, tatapakan nang tatapakan paulit-ulit."
"Hindi ka nakapagtapos?" tanong niya na tila iyon lang ang naintindihan niya sa mga sinabi ko. "Bakit? Pangarap mong makapagtapos."
Natigilan ako at umiwas ng tingin. Nakita ko ang mga paa niyang humakbang palapit sa akin, pero kaagad akong humakbang paatras kaya natigilan din siya.
"Maraming nangyari na hindi natin inaasahan matapos mong umalis, Kiel. Dumating na ako sa punto na ang tanging gusto ko lang ay kumita, magkapera, yumaman. Dapat alam mo na kung bakit."
Nang tingnan ko siya sa mukha ay siya naman ang napaiwas ng tingin. Hindi ko alam kung nagpapanggap lang ba siyang parang walang nangyari noon, o talagang nakalimot na siya. Nag-e-expect na wala lang ang lahat. Isa lang ang sigurado ko, na sa oras na ito ay alam niya na kung bakit mailap ako sa kaniya.
"Nang sabihin ko sa kaniya na buntis ako, ayaw niya akong paalisin, ayaw niyang lumayo ako dahil gusto niya tayong makilala, gusto niyang kilalanin mo siya. Mahal niya tayo, anak. Nang mga oras na iyon ay nagkalas loob akong hilingin sa kaniyang ipahinto ang kasal, at piliin tayo. Pero anak, langit siya at lupa lang tayo, kahit kailan hindi magiging para sa isa't isa."
Siguro kaya masyadong masakit para sa akin ang ginawa ni Papa, dahil alam ko kung gaano kasakit para kay Mama ang naging desisyon ni Papa. Ang pag-ibig na sinambit ni Papa ay hindi kayang tumbasan ng katayuan namin.
Maski ang ulap na pagmamay-ari ng kalangitan ay nawawala sa pagiging langis kapag bumagsak sa lupa. Simbolo na ang langit at lupa ay hindi maaring magkaisa.
***
"Akala ko talaga dudugo na ang ilong ko kanina kaka-English. Literal na masakit sa ulo," sabi ni Danica na kasamahan ko sa trabaho. Bago lang siya, isang linggo pa lang, kaya naman medyo hindi pa siya sanay at nag-aaral pa lang tungkol sa mga right grammar at mannerisms ng mga bansang kabilang sa sineserbisyuhan namin.
Palabas na kami ng building pauwi. Hindi namin masyadong mapag-usapan ang tungkol sa trabaho sa loob dahil mahigpit ang TL namin, bukod sa bawal magreklamo ay gusto niya English lang ang salita kahit kami-kami lang ang magkakausap. Para raw masanay kami.
"Ako naman naiinis sa mga bata, ang hilig mag-prank call. Minsan mananakot pa," ani ko naman habang hinahawi ang buhok kong naipit sa jacket na suot ko.
Hindi required sa amin ang magsuot ng jacket, pero dahil sa lakas at dami ng aircon para hindi mag-init ang mga monitor ay kailangan talaga naming magdala.
"True! Ang creepy -" natigilan si Eunice sa pagsasalita at inayos ang salamin niya sa mata habang may tinatanaw sa labas.
Sa pagtataka ay halos sabay pa kaming tumingin ni Danica sa itinuturo ni Eunice. Doon ay natigilan din ako nang makita ko si Kiel na nakasandal sa pinto ng asul na asul niyang kotse habang nakatingala sa amin na nasa itaas pa ng hagdanan sa tapat ng exit at entrance.
Nang makita niyang nakatingin na rin ako sa kaniya ay umayos siya ng tayo pero hindi umaalis sa kinatatayuan niya.
"Siya iyong kasama mo kanina 'di ba? Boyfriend mo?" tanong ni Eunice na ngayon ay may mapang-asar na ngisi.
Siniko ako ni Danica nang pabiro. "Yayamanin! Pasabay nga kami para tipid pamasahe."
Napailing ako at tiningnan silang dalawa. "Hindi siya nandito para sunduin lang ako. May importante kaming kailangan pag-usapan. Next time na lang."
Nagpaalam na kami sa isa't isa. Nagdiretso sila sa kalye habang ako ay dumiretso kay Kiel na siya namang sinalubong ako.
Saktong nasa tapat siya ng passenger seat kaya binuksan niya kaagad ang pinto nang maabot niya ako.
"Please hop in, bago ako tamaan ng allergies ko."
Napailing ako. Alam kong ang tinutukoy niya ay ang alikabok at amoy usok ng kalye.
"E, bakit ka kasi narito naghihintay?" sabi ko at pumasok na. Nakita kong dumaan siya sa harap ng kotse para pumasok sa driver's seat.
Pagkapasok niya sa sasakyan ay binalingan niya ako habang nagkakabit ng seat belt.
"I promised to your mom that I'll drive you home."
"Don't make promises to my mother, she's not your boss."
"I don't consider anyone as my boss, except you," sabi niya direkta sa mga mata ko. Nag-iwas ako ng tingin at ibinaling ang paningin ko sa seat belt at kinabit iyon.
"Hindi mo ako boss."
"Ikaw ang ipinunta ko rito, kaya ikaw lang ang susundin ko."
"Then why are you doing a favor for Mama?"
"Because she's your mother."
Napasinghap ako. Hindi talaga siya nauubusan ng sagot.
"I also want to talk to you."
Kahit hindi niya sabihin ay alam kong tungkol ito sa naputol naming usapan kanina. Hindi ko siya masisisi, kung may taong higit na nakakakilala sa akin bukod sa mama at lolo ko ay siya iyon, noon. Ang dami nang nagbago, at alam kong iyon ang gusto niyang malaman. Kung paano, ano, at bakit nagbago.
Hindi madaling sagutin lahat ng katanungan niya nang walang isa sa amin ang nasasaktan. Na walang inuungkat na emosyon mula sa nakaraan. At kahit gustuhin ko man limutin ito, at ibaon niya na rin sa limot, alam kong imposible. Ang minsang pinagsamahan namin ay malaking parte ng aming buhay, hindi madaling kalimutan.
Tahimik kami sa byahe papunta sa isang bake shop na medyo malapit sa pinagtatrabahuhan ko. Dito ko na pinasyang makipag-usap sa kaniya para makabili kami ng kape, nang sa ganoon ay hindi siya antukin sa byahe.
Kahit medyo nakakailang ang pagiging tahimik namin ay nakakakalma naman ang aroma ng kape at tinapay na maaamoy pagkabukas na pagkabukas pa lang ng salaming pinto ng shop.
Ang lugar na ito ang paborito kong puntahan kapag gusto kong kumalma sa araw-araw na pagsubok na kinakailangan kong kaharapin. Hindi ako madalas dito dahil mahal, pero basta may budget ay hindi ako nagdadalawang-isip.
Siya na ang um-order at ako naman ang kumuha ng mesa para sa amin. Pinili kong pumwesto sa malapit sa salamin na pinto, upang may pagkaabalahan akong tingnan sa oras na hindi ko ulit siya magawang tingnan.
Nang balikan niya ako sa mesang napili ko ay may dala na siyang tray na pinapatungan ng dalawang kape at cake.
Hindi ko alam kung kailan siya huling nakakain sa ganitong lugar. Kumbaga sa career niya ay mukhang cheap lang ang lugar na ito para sa kaniya.
"Bakit hindi ka nakapagtapos?" siya na ang bumasag sa katahimikang namamayani sa amin.
Ginalaw ko ang tinidor na katabi ng platito na naglalaman ng cheesecake. Amoy pa lang nito ay masarap na, pero may kung anong hindi ko malasahan dahil sa klase ng titig niya sa akin na kung maari lang ay gusto kong iwasan.
"Nagkasakit si Lolo bago pa ako makatuntong ng 3rd year college. Sa katunayan akala ko kaya pa, pero hanggang first sem lang ako, hindi na kinaya ni Mama na bayaran ang tuition fee ko kasabay ng dalawang beses na dialysis ni Lolo sa loob ng isang linggo, kaya nagpasya akong mag-working student."
Naalala ko nang mga panahon na gipit na gipit kami ni Mama. Humingi ng tulong si Mama sa mga kamag-anak namin, pero ang tanging sagot lang nila ay 'huwag mo nang pag-aralin, pagtrabahuhin mo na lang 'yan' pero ayaw ni Mama. Kahit mahirap ay pinilit pa rin namin, hanggang sa puro insulto na lang at panliliit ang natanggap namin sa kanila.
Hindi naging madali ang desisyon na huminto na ako, pero wala kaming choice dahil mahirap lang kami. Ultimong tinitirhan namin ay sa kaanak namin, kaya madali lang para sa kanila ang tapakan lang ang pride namin dahil nakatira kami sa bahay na pag-aari nila.
Magmula noon ay naghanap ako ng trabaho. Lahat ng trabaho na puwedeng pasukin at marangal ay pinasok ko, matulungan lang si Mama, maalis lang siya sa lugar kung saan kinakaya-kaya siya ng sarili niyang kamag-anak.
Pero kahit na may trabaho na ay hindi pa rin madali. Bilang kusinera lamang si Mama ng public school at ako ay irregular job lang ay mahirap pa rin ang buhay. Guminhawa na lang kahit papaano ang pamumuhay namin nang maging regular ako sa call center.
Sa pag-aalala ko sa mga nangyari ay hindi ko namalayan na naikuwento ko na sa kaniya ang ilan sa mga nangyari noon.
"Kung gano'n walang dahilan para tanggihan mo ang offer ko."
Bumagsak ang balikat ko. Siyempre, nandito siya hindi para pakinggan lang ang problema ko, nandito siya para sa totoo niyang pakay mula umpisa.
"Look, I know what's your thinking, Janella. Pero isipin mo, lahat ng paghihirap na dinanas mo, hindi mo dapat dinanas iyon. Your father has a large company that can feeds you more than four times a day." Napatitig ako sa kaniya nang dahan-dahan niyang kinuha ang kamay kong nasa ibabaw ng mesa, kaya nabitiwan ko ang tinidor na kanina kong hawak.
Hindi ko alam kung bakit, pero siguro dahil ang tagal na nang huling beses na hinawakan niya ang kamay ko nang may paglalambing. Aaminin ko, na nabawasan ang bigat sa dibdib kong nanumhalik nang hawakan niya ang kamay ko.
Na-miss kita.
Kung puwede ko lang sabihin...
"Janella, don't accept this for Uncle Alex, just accept this for your Mother who deserves to have a good life. Janella, both of you deserves a good life."
Kita ko ang sensiridad sa mga mata niya. Kahit na ilang salita lang ang sinabi niya, nababasa ko naman sa kaniyang mga mata.
Napabuntong hininga na lang ako.