Chapter Two

2415 Words
Janella's POV Hindi ko maipinta ang mukha sa sobrang sakit ng pagkakabagsak ko sa sahig. Bakit kasi sa dinami-rami ng sapatos na bibilhin ni Mama para sa akin ngayong Christmas party ay iyong may takong pa? Heto naman akong nagandahan kaya kahit hindi sanay ay ininda ko pa rin ang 4 inch heels na sandals maibagay lang sa mini-skirt ko. "Oh sige, ganda kasi, e, tayo!" narinig kong sabi ng isang lalaki na may kaliitan ang boses. Huminga ako ng malalim bago sinubukang tumayo. Ayoko na talagang mautusan ng teacher. Kung hindi ako nag-akyat-baba sa hagdanan baka hindi ako natapilok sa harap ng mga estudyante. Nangilid ang luha ko nang hindi ako makatayo dahil dumudulas ang sapatos ko, dagdag pa na masakit ang paa ko dahil sa pagkakatalisod ko. Ang mga tao naman sa paligid ko ay imbes na tulungan ako ay nagtawanan pa. Natigilan ako nang may isang pares ng paa ang tumayo sa harap ko, at mayamaya pa'y pinulot niya ang nagkalat kong librong dala na dadalhin ko sana sa room Ace dahil pinadadala ng adviser namin. "Mga lalaki pa man din kayo pero ganyan kayong trumato? Hindi ninyo ba nakitang natalisod iyong tao? Hindi ninyo man lang tinulungan?!" halos kalmado ngunit may paninita sa boses ng lalaki. Nahihiya man na ipakita ang mukha ay nag-angat pa rin ako ng tingin upang makita ang lalaking tumutulong sa akin ngayon. Nang tingnan ko siya ay doon ko pa lang namalayan na halos nakaupo siya sa harap ko para pumantay sa akin, habang nakabaling sa mangilan-ngilang estudyante na nasa paligid namin. Kahit hindi ko nakikita ang sarili ko ay alam kong nanlalaki ang mata ko nang makilala ko siya. Si Ezekiel Alvarez, ang anak ng may-ari nitong school. Nang nakita kong ibababa niya ang tingin niya sa akin ay napayuko uli ako. Hala! Anong gagawin ko? Hindi ko alam pero kinakabahan ako. Siguro dahil kilala siya sa buong eskuwelahan bilang COO o child of owner. "Isusumbong ko kayo sa mga adviser n'yo," bulong niya bago ako hawakan sa balikat. "Kaya mo bang tumayo? Halika sa room namin." Napaangat ako ng tingin sa kaniya kahit hindi ko siya matingnan ng diretso. "Hindi ako puwede sa room ng 4th year." "Akong bahala," sabi niya lang at isinukbit sa braso niya ang bag ko, ipinatong niya naman sa hita ko ang libro saka ako maingat na binuhat. Gusto ko man tumanggi ay napakapit na lang ako sa balikat niya. 4th year high school pa lang siya pero ang laki na niya, pakiramdam ko tuloy ang bata ko pa masyado dahil medyo maliit ako. Halos nasa tapat lang kami ng room nila kaya naman saglit lang ang pagbuhat niya sa akin. Bago kami tuluyang nakapasok ng room ay nakita ko pang sumisilip ang ibang estudyante. Nawala na lang ang pansin ko roon nang ibaba niya ako sa isang desk malapit sa teacher's desk. "Ayos ka lang ba? Alin ang masakit?" Muli siyang naupo sa harapan ko habang tinitingnan ang paa kong may sapatos pa. "Tatanggalin ko ha," sabi niya bago dahan-dahang hinubad ang sapatos ko. Noong una ay hindi ako nag-react, pero nang galawin niya ang kaliwa kong sakong ay napaigik ako sa sakit. Kaagad siyang napatingin sa mukha ko na may namumungay na mga mata. "Sorry, dadahan-dahanin ko lang," sabi niya saka tinanggal iyon sa mas maingat na paraan. Halos mapapikit ako at malalim na napahinga nang maalis niya iyon. Pakiramdam ko guminhawa ang pakiramdam ko. "Marami talagang mga bully kapag 1st year high school pa lang. Karamihan kasi ay galing sa ibang school kaya nahihiya pa sila sa mga bago nilang classmates o school mates. Isang taon lang pero parang ibang-iba ang mga tao sa grade school at high school," sabi niya habang umaayos ng pagkakaupo sa sahig. "Akala ko pakiramdam ko lang," bulong ko at napailing. "Ganoon talaga, kaya 'wag kang mag-alala, next year okay na iyan, depende kung hindi ka na magiging mahiyain," sabi niya at ngumiti sa akin. Napangiti na lang din ako, at doon ko lang namalayan na kaya ko na siyang tingnan sa mga mata. "By the way, ako nga pala si Ezekiel Alvarez." "Alam ko, kilala ka kaya sa school," sabi ko at sinuklian ang ngiti niya. "Ako nga pala si Janella-" "Yanong," inunahan niya ako. "Paano-" natigilan ako nang ngumuso siya sa may dibdib ko, at doon ko namalayan na suot ka ang ID ko. Ngumiti na lang ako at sinundan siya ng tingin nang tumayo siya at may nilapitan na bag na asul. Paglapit niya sa akin ay doon ko lang namalayan na may dala siyang pares ng rubber shoes na puti. "Heto na lang ang isuot mo, sinusuot ko 'to tuwing P.E, iuuwi ko sana pero iiwan ko na lang sa 'yo." Halos manlaki ang mga mata ko nang ilayo ko ang paa ko nang tangkang kukunin niya iyon matapos lumuhod sa harap ko. "Hindi, 'wag na! Nakakahiya, hindi ko pa naman 'yan maisasauli kaagad dahil wala nang pasok." Simula na ng Christmas break, imposibleng magkita uli kami kaagad. Isa pa hindi ako sigurado kung pagtapos nitong araw na 'to ay maaalala pa niya ako. "Ah, edi isipin mo na lang na Christmas gift ko na 'yan," sabi niya at maingat na kinuha uli ang paa ko, dahan-dahan ay isinuot niya iyon, at sa sobrang gaan sa paa ng sapatos niya ay hindi ko na masyadong naramdaman ang sakit ng kaliwa kong paa. Ayokong tanggapin, pero sa oras na ito ay panonood lang sa kaniya ang tangi kong nagawa. *** Hindi ko na maalala kung kailan ko huling inalala ang mga senaryo na iyon. Ang unang beses na makilala ko si Kiel at naging kaibigan. Noong una akala ko magtatapos lang iyon sa loob ng isang araw, na pagtapos ng Christmas party ay isa na lang uli ako sa mga estudyanteng nakikita ang portrait ng pamilyang Alvarez sa dingding ng eskuwelahan, at siya ay mananatiling COO na halos galangin ng kapwa naming estudyante, pero hindi. Matapos ng bakasyon ay muling nagtagpo ang landas namin. Hindi ko alam kung naaalala pa ba niya ko noong oras na iyon, o kung ano ba dapat ang maging akto ko sa harap niya. Pero siya ang unang lumapit sa akin at ipinakilala ako sa mga kasama niya. Male-late na kami sa klase nang mga oras na iyon, kaya naman nakipagkita na lang siya sa akin sa gym ng school pag-uwian na. Magmula noon ay naging magkaibigan na kami, at siya ang una kong naging best friend sa high school year ko. Nang nag-angat siya ng tingin habang halos nakaluhod pa rin sa harap ko, at hinagilap ang paningin ko, doon lang ako natauhan, na ang lalaking tinaboy ko kanina ay kaharap ko na ngayon, at ang lalaking kinalimutan ko ng anim na taon ay nagbabalik ngayon sa buhay ko. "Kiel..." nasambit ko bago bawiin ang paa ko na kaagad niya namang binitiwan. "Bakit ka nandito? At saka hindi ko kailangan 'to," sabi ko at mabilis na hinubad ang tsinelas. Nakita kong nagsalubong ang kilay niya at nagdiin ang bagang. Nagbuga siya ng hangin na tila'y sumusuko, pero sa halip na iwan ako ay umangat siya para umupo sa tabi ko. "I just want to talk to you." "So sinundan mo ako?" Mula sa daan ay binalingan niya ako. Naroon pa rin ang seryoso niyang mukha. Halos ganito rin ang anyo niya noong huli kaming magkita, pero ang mga mata niya ay blangko, hindi kagaya noon... "Nang nalaman ko kaninang ikaw ang hinahanap ko, ang anak ni Monica Yanong, pinahanap ko kung saan ka nagtatrabaho, at pati ang oras at paraan mo ng pag-uwi, kaya alam kong nandito ka," paliwanag niya sa mababang boses. Umiling-iling ako bago ko siya balingan. "Hindi mo alam?" "When I came here in Bulacan, I knew that I might see you, especially you are Yanong and I'm looking for Monica Yanong, but I didn't know that you're her daughter." Tinikom ko ang bibig ko at umiwas sa kaniya ng tingin upang pigilan ang sarili kong magtanong. Hindi ko alam kung bakit, at alam kong hindi na kailangan, pero gusto kong malaman kung hiniling niya bang magkita kami, o kung ginusto niya ba akong hanapin? Nonsense. I know, none of what I'm thinking right now is important. He's not here for me, he's here for my father. Tumayo ako, naramdaman kong sumunod siya sa akin ng tayo. "Janella, I need you to come with me," matigas niyang sabi na ikinatawa ko nang peke bago siya hinarap. Bahagya siyang nakayuko sa akin habang ako ay bahagyang nakatingala. Kitang-kita ko ang pagkinang ng mga mata niya gawa ng ilaw mula sa convenience store. Gustong-gusto ko iyon titigan kagaya ng noon, pero pinigilan ko ang sarili ko. "Bakit? Dahil sa ama ko? Tell him that I'd never needed him before, and I will never needs him now." Pinulot ko ang sapatos ko at naglakad ng nakayapak, natigilan lang ako nang pigilan niya ako sa braso. Hindi ko alam kung kanina pa malamig, pero pakiramdam ko ay nanlalamig ako at gustong manginig . "'Wag ka naman maging ganyan katigas!" Napapikit ako nang umihip ang malakas na hangin bago muli siyang hinarap at binawi ko ang braso kong hawak niya. Hinagod ko ang buhok kong nagulo ng hangin at hindi makapaniwalang tiningnan siya. "Galing talaga sa 'yo iyan? Parang hindi mo alam ang pinagdaanan ko, Kiel. Oo hindi ko dinibdib na wala siya, hindi ko siya hinanap, hindi ako umaasa na babalik pa siya, hindi ko hinanap ang pagmamahal niya, naging bato ako pagdating sa kaniya, pero lahat iyon hindi magkakaganoon kung hindi niya kami iniwan ni Mama!" halos sumbat ko sa kaniya. Nakita kong unti-unting lumambot ang ekspresyon ng mukha niya. Balak niya sanang punasan ang luhang kumawala sa mga mata ko, ngunit hinawi ko lang ang kamay niya at bumaling sa kaliwa upang kahit papaano ay maiwas kong makita niya ang luha ko. Hindi ako iyong tipo ng babaeng sanay magpakita na umiiyak. Sanay akong magpanggap na okay lang ako kahit nasasaktan ako. Sanay akong kinikimkim lang ang nararamdaman ko. Pero kagaya noon, siya at siya pa rin ang unang nakakakita kapag hindi ko na kaya. "I'm sorry..." "Kiel alam kong hindi maganda ang huling pagkikita natin, anim na taon nang nakararaan, pero konting malasakit. 'Wag mong ipilit na maging anak ako sa kaniya, dahil hindi naman siya naging ama sa akin." Nakita ko ang pagbagsak ng balikat niya at pag-iwas ng tingin. "Janella, he needs you." Pakiramdam ko ay namanhid ang buong mukha ko. "Let me guess, may sakit siya? Walang mag-aalaga sa kaniya? Kailangan niya ng tagapagmana?" Saglit siyang pumikit nang mariin bago ako muling tiningnan direkta sa mga mata. Hinawakan niya ako sa ibaba ng balikat, kaya naman hindi ko na nagawang umiwas ng paningin. "Doesn't matter why, the important is he needs his daughter." Naiinis na pilit akong kumawala at buong lakas na itinulak siya sa dibdib. "Edi maganda, sa wakas kinailangan niya rin ako. Ganyan ba talaga kayong mayayaman? Ginagawa ninyong alipin ang mga anak ninyo, na kapag kailangan ninyo ay basta ninyo na lang uutusan, tatawagin?" napailing ako at hindi pinansin ang pagbabago ng ekspresyon niya, na para bang hindi niya nagugustuhan ang sinassbi ko. "Well, congratulations to me, kasi hindi ako lumaki sa kinalakihan ninyo, lumaki akong maglinis ng bahay, mag-abot ng tubig sa lolo ko ang inuutos sa akin, hindi iyong kagaya ng sa inyo. To tell you this, Kiel, hindi ako anak na pinangak lang para sumunod sa yapak niya, na susundin lahat ng utos niya. Alam mo ang ibig sabihin niyon? Kahit sabihin pa niyang sumama ako sa 'yo, hindi ko gagawin." Halos hingalin ako sa sinabi ko nang walang tigil. Para sa akin ay walang karapatan ang ama ko para basta na lang kunin ako. Bukod sa malaki na ako't may sariling desisyon, malaki na 'ko, hindi ko na siya kailangan. Nang makita kong may humintong jeep sa tapat namin ay basta ko na lang siyang tinalikuran. Hindi ko na napulot ang sapatos na nabitiwan ko uli kanina. Pinagtitinginan man ng ibang pasaherong kasabay ko dahil nakapaa lang ako ay inignora ko na lang. Wala akong panahon para makipag-deal sa mga taong tsismosa. Kahit ano namang paliwanag ko sa kanila ay ang mapangmata nilang utak ang mananaig at paniniwalaan nila. Nakarating ako sa bahay nang tahimik at halos wala sa sarili, pero nagpanggap lang akong pagod kaya gusto nang magpahinga. Hindi naman napansin ni Mama na wala akong sapatos. Pagtapos kumain ay nagkulong na ako sa kuwarto. Akala ko nga hindi na ako makakatulog, pero namalayan ko na lang na nakatulog ako nang magsing ako sa alarm ko. Mabigat ang katawan na bumangon ako. Sa katunayan hindi pa ako handang makipag-usap ng matagal kay Mama. Kahapon nang dumating si Kiel ay paalis na ako, kaya nang makaalis ito ay hindi na kami nakapag-usap nang maayos ni Mama. Kaninang umaga pagkauwi ko ay hindi na rin muna ako kinausap nang masinsinan ni Mama dahil alam niyang kailangan ko nang magpahinga. Ngayong kakain na ako ay siguradong kakausapin na ako ni Mama. Ayoko rin naman iwasan dahil kung may gusto man akong magpaliwanag o magpakilala sa akin ng kung sino ang ama ko, walang iba iyon kundi si Mama. Nag-inat na muna ako bago bumaba sa kama, pero habang nag-iinat ay may puting sapatos na umagaw sa atensyon ko na nakaayos ng lagay sa ibaba ng pintuan. Napako ang paningin ko habang inaalala ang nangyari kanina, nang ihubad iyon sa akin ni Kiel at nang mabitiwan ko iyon bago siya iwan. "Si Kiel?" Wala sa sariling napailing ako at nagmamadaling lumabas ng kuwarto at bumaba. Naabutan ko si Mama na naghahain ng pagkain sa kusina. Karaniwang hinihintay ako ni Mama kumain para may kasabay ako. Kumakain lang siya ng snack kaya hindi siya masyadong nagugutom kahit alas dos na kami kumakain. Napatingin siya sa akin, saka lumapit. Inayos niya ang mahaba at itim kong buhok na halos humarang sa mukha ko. "Kain na tayo?" "'Ma, iyong sapatos po?" Para siyang napaisip mayamaya ay magaang ngumiti. "Hinatid dito ni Kiel. Nagkausap daw kayo kanina at naiwan mo ang sapatos kaya hinatid niya na lang. Susunduin ka raw niya mamaya para ihatid sa trabaho." Bumagsak ang balikat ko at halos mawalan ng lakas bumalanse dahil sa mga sinabi ni Mama. Hindi pa rin ba siya sumusuko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD