Janella's POV
Naalimpungatan ako sa ingay na nanggagaling sa ikaunang baitang ng bahay. Nagising man ang katawan ko pero nahihimbing pa rin ang diwa ko.
Kahit hindi ko tingnan ang orasan na nakasabit lang sa itaas ng pinto ng kwarto ko ay alam kong hindi pa oras ng gising ko.
Karaniwang gising ko ay alas dos ng hapon, magmamadaling kakain at saka maliligo, pagsapit ng quarter to 3 ay aalis na ako sa bahay para sa night shift kong trabaho.
Ang pinakamahirap bilang call center ay ang pag-a-adjust ng katawan sa araw at gabi. Para akong isang aswang na gising sa gabi at tulog sa umaga. Ang masaklap ay hindi ako puwedeng matulog nang buong araw dahil kailangan ko pang bumyahe ng maaga para makarating ako ng alas seis ng gabi sa trabaho, kahit traffic. Labas ko sa trabaho ng alas stres pero makakauwi ako ng alas sei ng umaga.
Kung hindi lang matibay ang utak ko ay nabaliw na ako sa puyat, dagdag pa na English ang pakikipag-usap kahit sa co-workers ko.
Pasalamat na nga lang ako dahil magaling pagdating sa konsidirasyon si Mama, kaya naman maaga siyang gumigising para pagdating ko ay kakain na lang ako at matutulog na, ganoon din pagkagising ko. Iniiwasan niya rin na gisingin o istorbohin ako para kahit papaano ay mabawi ang tulog ko.
Kaya naman nakapagtataka na ang ingay-ingay sa ibaba, at kahit gustong intindihin ay hindi ko maintindihan ang mga sinasabi nila dahil sa antok ko.
"Umalis na sinabi kayo! Wala kayong aasahan sa amin!"
Kahit na nakapikit ay kumunot ang noo ko. Ano bang nangyayari?
Kahit na gusto ko pang pakiramdaman ang malambot kong kama ay bumangon na ako. Nag-aalala ako kay Mama. Hindi ko pinansin ang diretsyo ngunit magulo kong buhok, pagkabukas ko ng pinto ng kuwarto ko ay lumabas kaagad ako at sumilip sa ibaba ng hagdanan.
Mula sa kinapupwestuhan ko ay kita ko si Mama na nakatayo sa sala malapit sa pinto, may kausap siyang hindi ko makita sa kinaroroonan ko.
"I'm sorry Ma'am, pero hindi po kami aalis na wala ang anak ninyo."
Nangunot-noo ako sa narinig kong sinabi ng isang lalaki sa matikas at malaking boses.
Tiningnan ko ang sarili ko at siniguradong hindi bakat ang katawan ko sa T-shirt na suot ko kahit wala akong pang-ilalim. Karaniwang pantulog ko lang kasi ay ang mga pinaglumaang damit ni Lolo at manipis na short, para komportable.
Nang masiguro kong ayos lang ay bumaba na ako. Kung tama ang pagkakaintindi ko ay ako ang hinahanap nila. Hindi ko alam kung bakit, wala naman akong ginawang masama. Sa araw-araw ba namang takbo ng buhay ko, pasok sa trabaho at tulog, isang araw na day-off, minsan tulog lang din ako. Makagagawa pa ba ako ng masama niyan?
"Hindi-"
Natigilan sila pare-pareho nang mapatingin sila sa akin dahil sa tunog ng tsinelas pambahay na gamit ko. Doon ko lang din nakita ang mga kausap ni Mama. Tatlong lalaki na naka-formal attire at ayos na ayos ang mga buhok. Ang nasa harapan ay mukhang foreigner habang ang dalawa sa likod ay mukha lang Pilipino.
Huwag ninyong sabihin na mapapasabak kaagad ako sa English?
"You must be her daughter?" bati sa akin ng foreigner sa halos malalim na boses.
Bumuka pa lang ang bibig ko pero inunahan ako ni Mama na magsalita.
"No! She's not my daughter! She don't even looks clean, she's our maid. Now go! Wala rito ang hinahanap ninyo!"
Napatingin ako kay Mama. Gusto ko sanang magreklamo pero nabitin lang sa ere ang salita ko nang makita kong seryoso si Mama, nangingilid din ang luha niya na bihira ko lang makita. Una at huling beses ko atang nakitang umiyak si Mama ay nang mamatay si Lolo siyam na buwan nang nakalilipas. Hindi na kasi kinayanan ng katawan ni Lolo ang dialysis kaya bumigay na ang katawan niya.
Napatingin ako sa tatlong lalaki nang may mag-beep na cellphone. Ang isa sa likuran ay naglabas ng cellphone na marahil ay iyong tumunog. May binasa siya roon at makaraan ay pinabasa sa foreigner saka sila nagtanguhan. Hindi ko alam kung paano sila nagkakaintindihan.
"Well," sabi ng foreigner at pinagsalitan ang tingin sa amin. "As for respect we won't force you to show her up to us, but we'll come back to see her. Please consider this as an offer, she will have a good life, a life that she can't find here."
Nakita ko ang pagbagsak ng balikat ni Mama. Saka umiwas ng tingin sa tatlong lalaki, saka sila magalang na nagpaalam at umalis. Papanoorin ko pa sana silang sumakay sa kanilang sasakyan na nakahinto sa tapat ng bahay namin pero tahimik na isinara ni Mama ang pinto.
"Bakit bumangon ka na? Matulog ka pa, hindi pa ako tapos magluto," magaan na sabi ni Mama at hindi manlang ako tiningnan at nagdiretso sa kusina.
Tumingala ako sa wall clock at nakita kong alas onse pa lang. Pinulot ko ang mga throw pillos na nakakalat sa sahig at inilagay sa sofa.
Pinagbabato ba ito ni Mama sa mga lalaking iyon?
Napangiti ako nang maamoy ko ang mabangong sinigang. Siguro nagluluto na si Mama nang dumating ang mga iyon.
Sinundan ko siya sa kusina. Naabutan ko siyang naglalagay ng kangkong sa kasirola.
"'Ma, bakit ninyo naman ako pinakilalang katulong mo? Ikinahihiya mo ba ako?"
Nakita kong natigilan siya saglit saka tinakpan ang niluluto niya.
"Bakit? Mukha ka bang may-ari ng bahay? Ang gulo-gulo ng buhok mo, gusot-gusot ang damit tapos hindi ka pa maputi. Paano ko sasabahing anak ka ng may-ari ng bahay?" naiiling na sabi ni Mama.
Napasimangot ako sa sinabi niya. Sinuklay ko ng daliri ko ang buhok ko.
"Mama, kagigising ko lang kasi!" depensa ko. Sa katunayan ay tanned color lang ako pero maputi ako, ang kaso dahil sa pagco-comute ko ay lagi akong naaarawan tuwing hapon, tirik pa naman ang araw. Dapat gagamit ako ng whitening soap pero pakiramdam ko mas bagay sa akin ang tanned, kaya naman hindi ko na pinakialaman ang kulay ko.
May mga nagsasabi nga sa akin na kamukha ko raw si Mulan o 'di kaya'y si Pocahontas, which is I'm proud kasi paborito ko naman sila.
Isa pa namana ko rin kay Mama ang kutis ko. Hindi rin kaputian si Mama, kahit na medyo maputi siya ay kayumanggi pa rin ang kulay niya. Bata pa si Mama nang ipinagbuntis niya ako, siguro kaya bata pa rin siya kung titingnan. Maganda pa rin siya at para sa akin ay pinaka-sexy na ina.
Kay Papa hindi ko alam kung anong namana ko sa kaniya. Ang sabi lang sa akin ni Lolo noon ay sa Papa ko raw nakuha ang height ko kaya matangkad ako, wala raw matangkad sa pamilya.
Hindi ko nakilala ang papa ko, kahit sa kuwento lang. Ang tumayo lang na ama ko ay ang lolo ko na pumanaw na rin ngayon.
"Oh siya, matulog ka na uli," sabi ni Mama na parang gusto akong tabuyin.
"Nawala na ang antok ko, 'Ma," tanggi ko at pumangalong-baba habang sinusundan siya ng tingin habang nililigpit ang mga ginamit niya sa pagluluto.
"'Ma, bakit po ako hinahanap ng tatlong lalaki kanina?"
Nakita kong umiling siya kahit nakatalikod siya sa akin. "'Wag mo nang alamin."
Naibagsak ko na lang ang paningin ko. Kahit hindi niya sabihin ay may ideya ako kung sino ang mga iyon.
"As for respect we won't force you to show her up to us, but we'll come back to see her. Please consider this as an offer, she will have a good life, a life that she can't find here."
Bakit nila 'ko gustong makita at bigyan ng magandang buhay? Ama ko na ba iyon? Gusto kong tanungin si Mama, pero base sa tono niya ay desidido siyang hindi magsasalita. Isa pa kawawala lang ni Lolo, hindi ko sa kaniya puwedeng iparamdam na maari rin akong mawala sa kaniya.
"Janella," magaang boses ni Mama ang nagpawala ng malalim kong pag-iisip. Hinawakan niya ang kamay kong nakapatong sa mesa. Naibaba ko ang isa ko pang kamay at humarap sa kaniya. "'Wag mo nang alalahanin ang mga lalaki kanina, okay?"
Nagpilit akong ngumiti at sinalubong ang nangungusap niyang mga mata.
"Curiosity kill us, kaya hindi ko na lang aalamin." Napangiti ako nang makita ko siyang ngumiti.
Ano nga naman kasi kung maaring galing sa ama ko ang mga lalaking iyon kanina? Hindi ko naman siya hinahanap.
Sa tuwing may mga bagong nakakaalam na hindi ko kilala ang ama ko ay iisa lang ang tanong nila, 'kung gusto ko raw ba siyang makilala. Iisa lang din naman ang sagot ko, na kung magpapakita ay okay, at kung hindi ay okay lang din.
Hindi ko siya kilala, masaya ako kahit Lolo ko lang ang tumayong ama para sa akin. Who knows? Iyong iba ngang may ama ay alaga sa bugbog, iyong iba naman ay may iresponsableng ama. Walang kaibahan ang buhay ko kahit wala akong ama sa may mga kinalakihang ama.
Hindi ko siya kailangan.
***
Pinagdampi ko ang mga labi ko matapos kong lagyan ng lipstick. Kulay tsokolate ang paborito kong kulay, at siya ring bagay sa kulay ko, kaya naman halos araw-araw ay iyon ang nilalagay ko sa labi ko bago umalis papuntang trabaho.
Matapos ayusin ang manipis na kolorete ko sa mukha ay nilugay ko ang buhok ko na diretso lang na bumagsak sa balikat ko. Ang maganda naman sa buhok ko ay kahit hindi rebounded ay diretso pa rin, mas gusto ko pa nga ang natural nitong bagsak kaysa sa alagang gamot.
Natigilan ako sa pagsusuklay nang may marinig akong busina ng isang sasakyan. Sa pagtataka ay iniwan ko ang salamin at tumayo sa tapat ng bintana. Hinawi ko ang kurtina para sumilip.
Asul na sasakyan ang nakahinto sa harap ng bahay namin. Hindi iyon ang nakita kong sasakyan kahapon, pero sa tingin ko ay may kaugnayan ito sa nangyari kahapon.
Naupo ako sa kama at tumingin sa wall clock. Quarter to 3 na, kailangan ko nang umalis. Pero imbes na magmadali ay nanatili lang akong nakaupo habang nakaipit ang kamay ko sa gitna ng mga hita ko.
Naghintay ako ng ilang minuto pero wala akong narinig na kahit ano. Narinig ko ang gate, kaya alam kong pinagbuksan sila ni Mama, pero bakit walang nagtatalo?
"Hindi naman siguro nila sasaktan ang Mama ko?" kinakabahan kong bulong sa sarili ko.
Umiling-iling ako at nagmamadaling tumayo. Hindi ko inalintala ang 4 inch heels na suot ko at nagmamadaling tumakbo pababa ng hagdan.
"Ma!"
Nakita kong napatayo mula sa pagkakaupo sa sofa si Mama at napaharap sa gawi ko. Nang tumapat siya sa ibaba ng hagdanan ay napayakap ako sa kaniya.
"Akala kung ano nang..." natigilan ako nang mapatingin ako sa lalaking kausap ni Mama. Nakatayo na rin ito at nakatingin sa akin.
Dahan-dahan na humiwalay sa akin si Mama habang ako ay napako ang mata sa lalaki.
Hindi ako puwedeng magkamali. Siya ba talaga ito? Huling pagkakakita ko sa kaniya ay halos bata pa ang anyo niya, ngayon ay mas naging matipuno siya, at kung may kung ano sa tikas niya ang presentable at pormal. Malayo sa dating pagkakakilala ko sa kaniya.
Nang humarap uli sa kaniya si Mama ay kumurap siya ng ilang beses upang tanggalin ang pagkakapako ng paningin niya sa akin.
"Mr. Alvarez, heto ang anak ko, si Janella Yanong. Hindi ko siya ipinangalan sa ama niya at hindi ko rin ikinuwento sa kaniya ang kahit na ano tungkol sa ama niya. Kung gusto mo sa kaniya mo mismo itanong kung gusto niyang sumama sa inyo."
Nanatili sa braso ni Mama ang kamay ko. Hindi ko namalayan na bumaon na ang kuko ko sa balat niya kung hindi bahagyang iginalaw ni Mama ang braso niya.
Nakita ko ang marahas na paglunok ng lalaki nang muli ay tingnan niya ako.
"I'm Ezekiel Alvarez, I'm working for Alexander Williams, your father. He-"
"Umalis ka na," malamig kong utos at umiwas ng tingin. "Hindi ko kailangan ng kahit na sinong may kaugnayan sa ama ko, kaya makakaalis ka na," pinal kong sinabi.
Ang huling beses na gusto kong mangyari sa buhay ko ay ang bumalik si Ezekiel Alvarez sa mundo ko.
***
Bagsak ang balikat na umupo ako sa isa sa mga nakahilerang upuan sa harap ng convenience store.
Madaling araw na kaya naman mahirap nang maghanap ng masasakyan. Pagkababa kasi ng bus ay kailangan ko pang sumakay bago makauwi sa bahay namin.
Maayos naman kasing wala kaming uniform, ang kaso pauso ang TL namin at ginawang required ang pormal na damit. Hindi pwedeng rubber shoes na usually lang na suot ko. Napilitan tuloy akong mag-heels kahit hindi ako sanay, bumagay lang sa blouse ko at slacks.
Bahagya lang akong yumuyuko kapag napapansin kong napapatingin sa akin ang mangilan-ngilang pumapasok at lumalabas sa convenience store na nasa tapat ko. Iniisip ko na lang na kahit na nakakahiya itong ginagawa ko ay hindi ko na naman sila makikita bukas.
Paanong hindi sila mapapatingin, e, halos hubarin ko na ang sapatos ko. Sobrang sakit na kasi dahil sa takong.
"Hindi ka pa rin sanay mag-heels," sabi sa halos malaki at malamig na boses ng lalaking ngayon ay nakatayo na sa harapan ko.
Mula sa black shoes niya ay unti-unti akong tumingala sa kaniya. Nakasuot siya ng asul na long-sleeved polo at itim na slacks. Kung titingnan ay mukhang galing siya sa opisina, wala lang siyang blazer.
Halos lumuhod siya sa harapan ko habang ako ay nanatili lang na nakatingin sa kaniya.
Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman, o kung anong dapat kong maging reaksyon.
Sa dami ng tumatakbo sa utak ko ay hindi ko na siya napigilan nang kunin niya ang paa ko at hinubaran ng sapatos. Napahinga ako nang maluwang sa ginawa niya. Iyon na ata ang pinakamasarap na naramdaman ko ngayong araw.
Hindi ko napansin na may dala pala siyang tsinelas nang lumapit siya sa akin. Ipinalit niya iyon sa sapatos kong hinubad niya bago kinuha ang isa ko pang paa at tinanggalan din ng sapatos saka sinuotan ng tsinelas.
Mas malaki ito sa paa ko at panlalaki, gayun pa man ay napakakomportable nito sa paa, at malambot. Hindi malayong orihinal ang tatak nito.
Nang nag-angat siya ng tingin habang halos nakaluhod pa rin sa harap ko, at hinagilap ang paningin ko, doon lang ako natauhan, na ang lalaking tinaboy ko kanina ay kaharap ko na ngayon.
"Kiel..."