Janella's POV Kagaya ng sinabi ni Kiel ay dumating nga sa Pilipinas ang magulang nila. Dahil doon ay dalawang araw nang hindi pumupunta si Janice sa bahay. Naiintindihan naman iyon ni Papa dahil mas gusto rin niyang mas magkalapit pa si Janice at ang magulang ng mapapangasawa. Akala ko nga hindi papayag si Janice na makadalaw kahit isang oras lang kay Papa sa isang araw, pero hindi na talaga siya nagpunta. Hanggang ngayon ay hindi malinaw sa akin kung bakit niya sinabi sa akin ang mga katagang binitiwan niya nang gabing huli kaming magkita. Dahil ba alam niyang may past kami ni Kiel? O alam niya rin na ako pa rin ang mahal nito? Gusto kong malaman pero hindi ko alam kung paano. "Miss Janella, tapos na po sa meeting si Mr. Alvarez." Napatingin ako kay Corinne nang tawagin niya ako.

