ILANG araw na ang nagdaan at patuloy pa rin siyang liniligawan ni Lucas. Talagang pursigido ito at pinatutunayan nito ang sarili sa kanya na siyang ikinatutuwa naman niya.
Nasa hardin sila ng oras na iyon kung saan ang paborito nilang tambayan. Nangangawit na siya kaaanggulo at pakiramdam niya ay magkaka-stiff neck na sa tagal na niyang nakatingila habang nakatayo sa harap nitong busy sa pag-i-sketch.
“Lucas, ano? Ilang taon ka pa diyan?” nakapikit na niyang sambit at marahang minasahe ang batok.
“Chill. Konti na lang. Malapit na, malapit na—ah! Here.” Ipinakita nito ang drawing sa kanya. “Gayang-gaya ba kita?”
Napairap siya at magkasalubong ang kilay na lumapit sa binata. Tiningnan niya ang drawing nito at naningkit ang kanyang mga mata. “Lucas!!!” Akmang sasapakin niya ito nang pigilan siya.
“O-oh! Bakit? Wala namang mali, ah?”
“Walang mali ba tingin mo rito? Nangawit ako nang mahabang panahon tapos ganyanan? Mukha ba akong ito, ha? Eh, langgam na may arrow sa noo ‘to, eh!”
Muntikang pumalatak ang tawa nito. “Kamukha mo naman, eh. Baka may deperensiya ‘yang mata mo?”
“Oo nga at malabo ang mata ko, pero hindi kasing lala ng kapilyuhan mo!” Mabilis na kinagat niya ito sa balikat kaya malakas itong napadaing at kaagad na lumayo sa kaniya. “Gabriella!?”
Ngiting-tagumpay siya. “Why? Ang airbender na langgam ay nangangagat.” Tinawanan niya ito.
“PDA! PDA! PDA!”
Napatingin sila sa nagsalita.
“Mamaya n’yo na gawin ‘yan, may meeting tayo mga mamser. Babastos n'yo porket single ako!” sabi ni Mervie na ikinatawa nila.
Nagtungo nga sila sa room ng Harmony. Sandaling discussion lang ang nangyari pagkatapos ay balik muli sa pag-eensayo. Siya ang gaganap na Galelina sa play. Ang ipe-perform kasi nila ay may kuwento. Partner niya si Lucas na gaganap kay Thompson.
Ang lahat ay may kani-kaniyang ginagawa. May nagpa-practice ng script, may umaarte, may mga kumakanta at may nag-aayos ng props. Namamangha siya sa mga nakikita lalo na sa mga member na pursigido. Ilang taon niyang nakikitang lumalaban ang Harmony pero ngayon niya pa lamang nakita na ganito pala ang paghahanda ng Harmony sa tuwing may labanang magaganap.
Uminom siya ng tubig nang matapos sila ni Lucas sa line nila at sa kantang aawitin. Dagling tinawag ito ni Ken kaya’t nagpaalam sa kaniya. Nasisiyahang nag-ikot-ikot siya at halos mapuntahan na niya ang lahat ng kasamahan. Wala siyang makulit dahil walang tigil sa ginagawa ang mga ito. Kinalaunan ay napagpasiyahan niya na lamang na titigan ang mga kuko kahit wala naman siyang balak para rito.
“Hi, Gab. Kumusta? Tired?”
Agad na nag-angat siya ng tingin at sumalubong ang guwapong mukha ni Denver.
“Kaunti lang.” Umupo sila sa karton sa sahig at pinagmasdan ang mga kasamahan na halatang masaya kahit na aligaga.
“Pasensya ka na kay Fiona, matabil talaga dila n'on. Dito sa group, siya talaga ang madalas kainisan dahil sa ugali niya. Kaya lang, lalong lumala nang mawala si Mandy. Pero naniniwala kami na may kabaitan pa rin naman siya.”
“Matanong ko lang, Denver, ano bang nangyari kay Mandy?”
Huminga muna ito nang malalim kapagkuwan ay tinitigan siya. “Gusto mo talagang malaman?”
Tumango siya.
“Fine, walang iyakan, ha?” anito. Nangingiting tumango siya rito. “Si Mandy ay ex-girlfriend ni Lucas,” panimula nito na siyang hindi niya inasahan. Nahigit niya ang paghinga at napakurap. Hindi niya alam iyon dahil wala namang naikukuwento si Lucas.
“Oh? Sabi na, ayoko na nga—”
“No, go ahead. Nabigla lang ako nang… slight.” Pinilit niyang ngumiti sa harapan nito para hindi ito mag-alala. Gusto niya talagang malaman ang kuwento. Huminga siya nang malalim at inihanda ang tainga.
Ilang segundong tinitigan muna siya nito at naninigurado. Napabuntong-hininga ito at muling nagpatuloy.
“Nagtagal sila hanggang tatlong taon, pero nitong September, nag-break sila. Nakipag-break si Mandy, hindi namin alam kung ano ang dahilan. Alam mo bang naging misirable si Lucas that time? Hindi siya pumapasok, hindi na nga rin kumakain at naliligo sabi ni Tita, pero madalas mag-inom. At alam mo rin bang muntikang ipasara ang Org. ng Harmony nito lang? Napabayaan kasi.”
Hindi siya umimik pero nabalitaan nga niya iyon.
“Pagkatapos ng ilang linggo mula nang mag-break sila, hindi na si Mandy nagpakita. Then nabalitaan na lang namin na lumipat na siya ng school, ang sabi pa nga ay nasa ibang bansa na raw… not sure, hindi ako tsismoso,”
Sa kabila ng pagkadala sa narinig ay napangiti pa rin siya sa sinabi nito. Hindi tsismoso pero kabisado. Magaling!
“Pero masaya kami dahil unti-unting bumabalik ‘yong Lucas ng team at mukhang ikaw ang dahilan.”
Napalingon siya rito. Nakasupil dito ang nakalolokong ngiti. Kinurot niya ito. “Aray! Bakit? Totoo naman!”
“Denver, tingin mo ba naka-move on na siya?” tanong niya na ikinaseryoso nito.
“Siguro. Oo, sigurado ‘yon.”
KINABUKASAN ay may program sa academy. Napakaraming tao ang palisaw-lisaw at iba't ibang booth ang nagkalat. Kani-kaniyang pakulo ang bawat club at mayroon din silang shirt ng club na kinabibilangan nila. Nakasuot siya ngayon ng t-shirt na may combination na kulay white, navy blue at silver grey. May tatak itong Harmony sa kanang dibdib.
Magkakasama sila nina Vanessa, Mari Lu, Stephen at Keith. Hindi pa siya nakakadalaw sa club niya. Naikuwento niya na rin sa mga ito na kasali na siya sa Harmony. Katulad ng inaasahan ay nagulat ang mga ito.
“Ayos, ah. Datirati PE shirt ang isinusuot mo, ngayon naka-Harmony shirt ka na. Naks!” puna ni Keith.
“Dapat nga matagal nang ginawa ni Gab ang pagsali diyan, eh. Ewan ko ba kasi,” imbyernang saad ni Vanessa.
“Paano ka pala nakasali? Kuwento mo naman!” ani Mari Lu sabay kapit sa braso niya.
Nakagat niya ang ibabang labi. Hindi niya alam kung sasabihin pa ba niya, panigurado ay uulanin lang siya ng walang katapusang pang-aasar.