NASA tabing-dagat sila ni Lucas nang oras na iyon; nakaupo sa buhanginan habang nakatanaw sa dagat. Doon sila dumiretso pagkatapos mag-uwian. Hindi niya alam kung paanong napapayag na naman siya ni Lucas sa pakulo nito. Sabi ni Lucas ay maganda ang tanawin doon, lalo na ang paglubog ng araw.
“Gusto mo?"
Napalingon siya rito na kanina pa nanginginain ng nova chips. Napangiwi siya. "Hindi ka ba napapagod kangunguya?"
“Eh, kaysa naman mapanis laway ko kahihintay sa 'yong magsalita,"
Tumaas ang kilay niya. "Sino ba kasing nagsabing hintayin mo akong magsalita?" Pinigilan niya ang sariling mapangiti. Hirap na hirap siyang magtago ng totoong nararamdaman dito dahil ayaw niyang mabuko siya nito na may gusto nga siya rito. Kung paanong napagtanto niya iyon hindi niya alam. Basta nahahanap niya ang sarili sa gabi na tulala lamang sa hangin at walang ibang laman ang isip niya kundi ang binata.
Tama ito. Kanina pa nga siya tahimik. Hindi kasi siya mapakali kapag kaharap niya ito at tinititigan siya. Lalo na kapag umiiral ang kakulitan nito kapag magkasama silang dalawa. Ayaw naman niyang mag-assume sa mga kinikilos at ipinapakita ni Lucas sa kanya dahil siya rin naman ang masasaktan sa huli.
Humiga ito sa puting buhanginan at inilagay ang mga braso sa likod ng ulo saka siya tinitigan. Mayamaya ay nangiti ito. "Meron ka ba ngayon? Ba't ang sungit mo?"
"Wala lang ako sa mood, Lucas,"
"Anong gusto mong gawin ko para hindi ka na ma-badtrip?"
"'Wag mo akong tingnan." Diretso ang tingin niya sa mga alon na maligalig.
"Sige. Okay na ba?" wika nito. Nang tingnan niya ito ay nanlaki ang mga mata niya. Pinigilan niya ang tawang gustong kumawala. Nakapikit ito at may nakatakip na tag-isang nova chips sa mga mata nito.
Hinampas niya ito sa braso at tuluyan nang natawa. Natawa rin ito at tinanggal na ang mga nakatakip doon. "Oh, tumatawa ka na. Siguro naman hindi ka na badtrip?"
Bigla siyang huminto sa pagtawa. "Nawala na uli ako sa mood,"
"Eh, kung itapon na lang kaya kita sa dagat ngayon?"
"Eh, kung itapon ko sa 'yo 'yong dagat?"
"Walang gano'n, Mars!"
Pumalatak ang tawa niya. Wala na. Hindi na niya kaya pang iignora ang presensya nito. Sa simpleng mga pakulo lang nito ay bumibigay na siya. Napatitig siya rito. Habang tumatagal ay nakikita niya ang iba't ibang personality nito.
"Gab,"
Napabalik siya sa reyalidad. "Hmm?"
"Paano mo nagagawa lahat ng 'to?"
"Ang alin?"
"'Yong mabuhay sa sariling mga paraan. Independent ka. 'Di ka ba nalulungkot o pinanghihinaan ng loob?"
Magaan ang paghingang pinakawalan niya. “Siyempre pinanghihinaan. Tao ako, eh. May pakiramdam. Wala lang talaga kasi akong ibang choice kundi yakapin na lang 'yong buhay na mayro'n ako.”
“Puwede ko bang malaman kung ano ang nangyari sa parents mo?”
“Mapagkakatiwalaan ka ba?”
“Sensitibo ba masiyado?”
“Kahit sesentibo o hindi, mapagkakatiwalaan ka ba?”
“You can trust me, Gabriella. Punch me if I—”
“Edi hindi ka nga mapagkakatiwalaan, may option, eh.”
“Just in case.” Tumawa ito. “Kahit nga ‘yong moles and scars mo all over your body puwed—aray! Joke lang! Ito naman, 'di mabiro,” daing nito nang hampasin niya. Tinitigan siya nito kapagkuwan. “No, I'm serious. You can trust me.”
Ngumiti siya at nagsimulang magsalaysay habang nakatuon ang tingin sa karagatan. “Wala na akong papa, wala na rin akong mama. Hindi pa man ako pinapanganak, iniwan na kami ng papa ko. Si Mama ang nagtaguyod sa akin hanggang mag-anim na taon ako, namatay kasi siya dahil sa leukemia—mismong araw ng birthday ko.” Ibinaba niya ang tingin sa mga paang nilalaro ang mga buhangin. “Hindi ko kayang i-celebrate 'yong birthday ko kasi parang ipinagdiwang ko na rin 'yong kamatayan ng mama ko. Nag-eighteen ako pero parang wala lang." Tiningnan niya ito na matamang nakikinig sa kanya. "Pakiramdam ko nga wala na akong edad, eh.” Napangiti siya at ganoon din ito na nagpigil pa.
“Pero meron akong lola. Si Lola nga ang nag-alaga sa akin hanggang mag-14 years old ako, kasi kinuha rin siya gaya ni mama dahil sa katandaan. Right after my grandma’s death, I saw Tobi; ang dumi-dumi at nagugutom. He was just a puppy that day. Kinuha ko siya para hindi ako malungkot, bali siya na ang naging katuwang ko sa buhay. Naiwan din sa akin ‘yong munting bahay namin kaya kahit papaano ay nakakaluwag ako. Siya rin kasing gastusin kung sakaling nangungupahan ako.”
“Nasaan ang papa mo? Ang ibang relatives n’yo?”
Nagkibit-balikat siya. “Hindi ko na hinanap si Papa. Sabi kasi ni Mama nasa US siya—my father is an american. Ang relatives ko naman ay walang pakialam sa amin, kuwento naman ng lola ko. Hindi ko rin alam kung nasaan sila.”
Nang tingnan niyang muli ito ay sinalubong siya ng itim na itim at mapupungay nitong mga mata. Samu’t-saring emosiyon ang bakas doon.
“Naaawa ka sa akin?”
“Hindi. Nabibilib lang ako.” Bumangon ito at umayos ng upo. Mahabang katahimikan ang dumaan. Pasimpleng tinitingnan niya ito. Tila ba sobrang lalim ng iniisip ng binata. Naging seryoso rin ang mukha nito. Mayamaya ay napaiwas siya ng tingin nang tumingin ito sa kanya.
"I have something to tell you," anito.
"Hmm? Ano 'yon?"
"Ahm..." Napaiwas ito ng tingin.
"Ahm? Ano? Sabihin mo na, naiinip ako, oh,"
"Ano... ahm... wala pala." Tumayo ito at nagpagpag ng shorts.
Nangunot lalo ang noo niya nang magsimula na itong maglakad. "Huy! Ano kamo 'yong sasabihin mo? Saka saan ka pupunta?" Tumayo na rin siya at sinundan ito. "Huy! Huy!" Sinundot niya ito sa tagiliran nang maabutan niya. "Ano 'yong sasabihin mo?"
"Wala 'yon. Umuwi na tayo," wika nito na hindi man lang siya tinapunan ng tingin.
Bakit biglang nag-iba ang mood nito? Wala naman siyang natatandaang nasabing masama rito. "Pero nagulo na ng sasabihin mo kamo 'yong isip ko." Hinawakan niya ito sa braso. "Lucas, ano ng—" Nanlaki ang mga mata niya sa hindi napaghandaang paghalik nito sa kanya... sa mga labi.
Ilang segundo lang iyon at pinakawalan din siya. Gulantang pa rin siya habang nakatingin dito na malalim ang pagtitig sa kanya.
"I told you umuwi na tayo,"
Hindi siya umimik. Pinoproseso pa rin sa utak ang nangyari. Did he.. did he just kiss her? For real?
"Iniwasan ko na ngang sabihin sa 'yo 'to ngayon pero makulit ka, alam mo 'yon?"
Wala sa sariling napailing siya. Pinilit niyang magtanong sa kabila ng pagkagulantang. "A-ano ba kasi 'yong sasabihin mo?"
"Hindi mo pa ba nakuha? I already gave you a smack kiss,"
'Ah, smack pala tawag sa halik na 'yon,' anang bahagi ng isip niya. Ipinilig niya ang ulo. "Eh, anong meron do'n?"
Napabuntong-hininga ito na para bang sumusuko na. "Gab... I have feelings for you. That's what I wanted to say!"
Lalo siyang nagulat. Dumoble ang bilis ng kabog ng dibdib niya. Pero ang pag-atras ang naging reaksyon ng katawan niya. Hindi niya alam ang gagawin. Kung susundin ba ang puso o ang isip na nagsasabing kailangan na niyang tumakbo.
"Gabriella," humakbang ito ng isang beses nang umatras pa siya. Nakita niya ang pagsisisi sa mga mata nito. "Huwag mo naman akong tingnan ng ganyan, oh," Nagmamakaawa ang tinig nito.
Umiling siya. "Imposible..." tanging lumabas sa bibig niya.
"Ang alin?" Humakbang pa uli ito ng isa.
"Imposible 'yang sinasabi mo!"
"Kung imposible 'to hindi ko 'to mararamdaman. Gabriella, Please! Sabi ko naman kasi sa 'yo umuwi na tayo. Tapos ngayong nasabi ko 'yong gusto mong marinig kanina, tatakasan mo ako?"
"Kainis ka kasi! Bigla kang hihirit ng ganyan! Ano? Ginu-good time mo ako?"
"Hindi kita ginu-good time!"
“Kailan lang tayo nagkakilala, imposible ‘yang sinasabi mo!”
“Maaring imposible. Pero ito na 'yon. Hindi ko na mabago at hinding-hindi ko rin babaguhin!" Hinawakan siya nito sa braso nang hindi na siya matigil kaaatras.
Nahigit niya ang paghinga nang halos magkadikit na ang kanilang mga katawan. Tinitigan siya nito, mga titig na nagagawang palambutin ang puso niya. Hindi na niya nagawang iiwas ang tingin dahil para bang na-magnet na siya ng mga mata nito.
"Hindi ko gustong nakikitang may nananakit sa ‘yo. Gusto kong protektahan ka para malaman nila na hindi ka na nila basta na lang puwedeng bungguin, tratuhin na parang hangin. Gusto kong damayan ka para hindi mo na sosolohin lahat ng sakit. Kasi nahihirapan din ako kapag nakikita kang nahihirapan. Apektado ako...”
She felt loved. Ngayon niya na lang muli naramdaman ang ganoong kasiyahan sa puso. Alam niyang gaya ng tinuran nito ay ganoon din ang nararamdaman niya para rito. Sa maikling panahon na iyon ay naging parte na ito ng buhay niya.
Naroon ang sinseridad sa mga mata nito. Basang-basa niya iyon. Marahil ito na ang oras para buksan niya ang puso, pakawalan ang sarili sa lungkot at simulan ang panibagong pahina ng buhay.
Ngunit may isang bagay siyang kinatatakutan...
He cupped her face. Sincerity was visible to his eyes. “Are you scared?”
Namuo ang luha sa mga mata niya at marahang tumango. “Minsan na akong naiwan, Lucas. Maraming beses na akong nadurog. Baka kasi hindi ko na kayanin.”
Agad nitong pinunasan ang luhang lumandas sa pisngi niya. “I won’t hurt you, I promise.” Hinalikan siya nito sa noo.
Kumurba ang ngiti niya sa pagitan ng pag-iyak. “Pero sabi mo ang pangit-pangit ko?”
“Oo nga. May sinabi ba akong hindi?"
"Buwisit," aniyang matalim itong tinitigan.
Natawa ito. "Pero ‘di ba naging successful naman ang love story ng Beauty and the Beast? Nga lang, Handsome and the Witch naman tayo.”
Akmang susuntukin niya ito nang mabilis nitong nahuli ang kamay niya kapagkuwan ay ikinulong siya sa mga bisig. Kumawala ang ngiti sa mga labi niya nang dampian nito ng halik ang buhok niya.
Tila ba napunan nito ang kakulangang naramdaman niya sa mahabang panahon. Hindi naman siguro kalabisan na pagbigyang lumigaya ang sarili. Ito ang kauna-unahang lalaking nakapasok sa buhay niya at ipinapangakong ito rin ang huli.
Nang mga sumunod na sandali ay nagtatawanan na sila. Sabay nilang pinanood ang paglubog ng araw. She wanted to cherish this moment with the man she did not expect to be her first man.