QUARTER to two in the afternoon, luluwa na ang mata niya kahihintay na tawagin ang pangalan niya. Kailangan na niyang makauwi at makapagpahinga, dahil mamayang alas-singko ay pasok na naman niya sa trabaho.
“Rubio!” sambit ng guro niya.
Tila ba nagkapakpak ang mga tainga niya, sa wakas ay letter S na!
“Saavedra!”
“Salvacion!”
“Solis!”
Magkasalikop ang dalawang palad habang nagniningning ang mga mata. Ito na! Makakauwi na! Para sa ekonomiya!
“Tuares!”
“Ha!?” hindi makapaniwalang napanganga siya. “Ako muna…” aniya na halos naging bulong na, ibinaba niya ang tingin sa hawak na mechanical pencil na kanina pa niya nilalaro. Dejavú. Gabriella Sullivan, the living airbender.
“Okay, may hindi ba natawag?”
Nagtayuan na ang mga kaklase niya para lumabas. Itinaas niya ang kamay niya at sinabing: “Ma'am!”
“Yes? Hindi ka natawag?” anito at nagtatakang tumingin sa kaniya. Umiling siya. “Anak, anong surname mo nga uli?”
“Sullivan po, Gabriella Sullivan,” magalang na pagsagot niya.
Natawa ito ng bahagya. “Oh, sorry. Hindi ko napansin. Matanda na talaga ako, pasensya na. Okay, you may go now.”
Nginitian niya ito bago lumabas. Diretso ang tingin sa harapan na tinungo niya ang hallway. Iyan ang buhay niya sa paaralang ito. Hindi kilala, hindi kabilang sa kahit na anong club, at madalas literal na nakaliligtaan ng mga guro. Hindi niya maintindihan kung nakakalimutan lang ba siya o hindi talaga siya nakalista sa students list. Sa anim na taon na niyang nag-aaral sa Dominican Academy, naging normal na lang ang mga ganoong pangyayari.
Mula sa likuran ay may ingay siyang naririnig na sa tingin niya ay nagsisitakbuhan. Gumilid siya dahil alam niyang sasagupain siya ng mga ito ngunit huli na para iligtas ang hangin na kagaya niya, sumubsob siya matapos maitulak ng mga maiingay na estudyante. May mga banner na hawak ang mga ito at mga lobo.
“Pashnea!” Napangiwi siya sa sakit. “Ang mga babaeng ‘yon! Kainis!” Ipinilig niya ang ulo at inayos ang nagulong bangs.
Napapabuntong-hiningang dumiretso siya sa canteen at bumili ng makakain. Napakaraming tao ang palisaw-lisaw, lahat may kinabibilangang club; Jazzers—para sa mga mananayaw, Telon—para naman sa mga theater actors/actress ng school, at ang pinakakilala sa lahat ay ang Harmony—para sa mga mang-aawit ng Dominican. Marami pang ibang clubs at ni isa hindi siya kasali. Gustuhin man niya, ngunit hindi patas ang pagpili. Sa tulad niyang hindi naman kagandahan ay paniguradong pagpasok pa lang niya ay malamang pinalalabas na siya.
Laking-gulat niya nang tumilapon ang iniinom niyang iced coffee sa uniporme niya. Isang grupo ng mga kalalakihan ang muling sumagupa sa kaniya. Naiinis siya dahil wala naman sanang track and field. Tulalang napatingin siya sa puting blusa niya na ngayon ay kulay lupa na. Gusto niyang maiyak sa sinapit dahil wala siyang extra shirt na dala.
“Anong problema n’yo?” nanghihinang sambit niya. Kinuha niya ang panyo sa bulsa at pinunasan ang bahaging nabasa.
Nang mag-angat ng tingin ay napansin niya ang lalaki na nakasandal sa katawan ng puno, may kausap ito sa cellphone at medyo may kalayuan. Hindi niya matukoy kung nakatingin ba ito sa kaniya, may kalabuan kasi ang mga mata niya. Pero parang nakatingin nga ito. Ipinilig niya ang ulo. Mahalaga pa ba iyon?
“IKAW na bahala rito, Gab. Uwi na ako, mukhang lalagnatin pa yata ako.”
“Sige, ingat,” sagot niya kay Grace, katulad niya ay nagtatrabaho sa shop. Calligrapher sila ni Grace sa pinapasukan, sila ang gumagawa ng mga daily quotes at iba pang written crafts. Night shift siya, sa umaga naman ito.
Sanggol pa lamang siya nang inabanduna ng kaniyang amang amerikano. Pagkatapos makapanganak ng kaniyang ina ay hindi na ito nagparamdam pa sa kanila. Ang ina naman niya ay maagang nawala, pinatay ito ng leukemia noong anim na taong gulang pa lamang siya, kaya ang kaniyang lola na ang nag-alaga sa kaniya na kinalaunan ay namatay rin dahil sa katandaan.
Minsan nga naiisip niya na nabuhay lang yata siya para pasakitan. Tila ba nasa isang game siya na matira-matibay. Kaya sa murang edad ay kinailangan na niyang magbanat ng buto dahil walang ibang tutulong sa kaniya.
Ipinatawag siya ng manager at pinakiusapang sa counter muna. Sa katabing counter niya ay naririnig niya ang pag-uusap ng dalawang babaeng kasalukuyang umu-order, schoolmates niya ang mga ito.
“Totoo nga, lubog na lubog ang Harmony ngayon. Nagkandaluka-luka sila dahil nawala si Mandy tapos balita ko wala ring balak si Lucas kumilos,” ani ng naka-ponytail na babae.
“Really? Saan source mo?”
“Narinig ko lang din!”
“Tsismosa ka talaga—”
“—At ikaw hindi?”
Naputol ang pag-uusap ng mga ito nang dumating ang isang lalaki na sa pagkakatantsa niya ay hindi naman sila nagkakalayo ng edad.
“Excuse me,” anang lalaki.
Nagsitahimik din ang dalawang babae na animo'y nakakita ng multo.
“What’s your order, Sir?” aniya.
“One cappuccino, please.”
Ngumiti siya kapagkuwan ay ibinigay ang order. Doon ay nagtaka siya. Para bang pamilyar ito. Inisip niya kung saan niya ito nakita.
“Thank you, keep the change,” anito at mabilis na umalis.
Lutang siya habang hawak ang kulay asul na perang papel. Liningon niya ang katabing si Shin, kinindatan siya nito at sumenyas na tanggapin na niya.
Tamang-tama, malapit na ang graduation, idadagdag niya na lang ito sa iniipon niyang pambayad. Naisip niyang wala na sigurong mapaglagyan ng pera ang lalaki kaya donation na lamang sa kaniya. Gayunpaman, nagpapasalamat siya sa blessing.
“Uy, ang guwapo nun, ah! Sana all may pa-keep the change! Dalawang beses ko pa lang na-experience 'yon!”
“Sige, marinig ka diyan ni Ate Kyle,” aniya at ngumiti.
Ilang oras pa at natapos na ang duty niya. Tiningnan niya ang wrist watch niya, eksakto alas-diyes na ng gabi. Malapit lang ang bahay niya sa shop kaya nilalakad niya lang. May mga ilaw rin sa poste at buhay na buhay pa ang mga tao sa ganoong oras. Ang tanging ikinatatakot niya lamang ay ang mga tambay na pagala-gala, minsan na kasi siyang pinagtripan ng mga iyon.
“Oh, hello, binibini!”
Heto na nga ba ang sinasabi niya. Napalunok siya at nagsimulang pagpawisan. Nang mapansin niyang papalapit sa kaniya ang dalawang lalaking sa tingin niya ay naka-high ay napaatras siya.
“Why naman scared, binibini?” sambit ni Pula—Pula dahil kulay pula ang buhok nito. Heto na naman ang isang ito sa pagiging conyo. Tandang-tanda na niya ang ang dalawa dahil madalas siya ng mga ito pagtripan. Si Pula at si Lupa. Lupa dahil naman sa kulay kayumangging buhok nito.
“Ano bang kailangan n’yo?”
“Kailangan namin?” ani Lupa at tumingin kay Pula na sinundan ng nakalolokong ngiti. “Gusto lang n—”
Bago pa makapagsalita ang dalawa ay kumaripas na siya ng takbo.
“Hoy! Bumalik ka rito!”
“Huwag kang mag-escape!”
“Mga baliw!”
Laking-pasasalamat niya at naka-sneakers shoes siya, medyo magulo na rin ang nakatali niyang buhok na nababasa pa ng pawis ang ilang hibla sa mukha.
Biglang may humigit sa braso niya na sobra niyang ikinagulat. Tinakpan nito ang bibig niya. Akmang aalisin niya ang kamay nito para tingnan kung sino ang pangahas na humitak sa kaniya nang matigilan siya dahil sa boses nila Pula at Lupa na paparating. Napadiin ang pagkakasandal niya sa katawan ng estranghero, naramdaman niya pa ang sandaling pagtigil nito na tila ba naestatwa.
“Nasaan na ba ‘yon?” dinig niyang sabi ni Lupa.
“Ah! So hardheaded talaga!” ani Pula.
“Tara ro’n!” inis na sambit ni Lupa.
Ilang minuto pa ang dumaan hanggang sa wala na silang naririnig na ingay. “Don’t move,” anito at may sinilip sa kalsada.
Nakatago sila ngayon sa dingding ng abandunadong bahay malapit sa highway. Pinilit niyang kalasin ang kamay nito na kusa naman nitong tinanggal. Habol niya ang paghinga, tiningala niya ang mukha nito at nanlaki ang mga mata nang mapagsino ang lalaki. Ang customer kanina sa shop na nagbigay sa kaniya ng sukli nito dapat.
Nilingon siya nito. Ibinuka niya ang bibig para magsalita ngunit walang lumabas ni isang salita.
“Wala na sila. Aalis na ako,” seryosong sambit ng binata at dire-diretsong naglakad.
“Teka, sandali!”
“Ano?”
“S-sama ako!”
“Sa bahay ko?”
“Hindi, ah! P-pasabay lang!”
“Ayoko.”
Binilisan pa nito lalo maglakad na ikinainis niya. Hinihingal na siya habang mabilis na hinahabol ito sa paglakad. Mukhang wala itong pakialam sa kaniya. Ang direksyon na tinatahak nila ay hindi ang daan patungo sa bahay niya.
“Sige na please, wala akong kasama.” Hinawakan niya ito sa damit. Wala na siyang pakialam kung ano ang isipin nito sa kaniya. “Malamang hinahanap pa nila ako ngayon, may pasok pa ako bukas.” Nagsimulang mangilid ang luha niya na agad niyang tinuyo.
Hindi ito umimik. Napahigpit ang hawak niya sa damit nito habang pinipigilan ang mga luhang nagbabadya. Kahit kailan talaga ay napakababaw ng luha niya. Sa tantsa niya ay malayo na rin ang nalakad nila.
Huminto ito sa paglalakad kaya napahinto rin siya. “Matulog ka na.”
Naguguluhang napatingin siya sa binata. “Ha?”
“Ito ang bahay mo, tama?” Tumingin ito sa kanang bahagi.
Nagtataka man ay sinundan niya ng tingin ang tinutukoy nito. Napaawang ang labi niya nang mapagtantong nasa tapat nga siya ng munti niyang bahay.
“How... come...”
Napabuntong-hininga ito. “Puwede na siguro ako umalis.”
“Teka, ‘yong sukli mo pala—”
“Ano ang hindi mo naintindihan sa sinabi ko kanina?”
“Malaki po kasi masiyado, Sir,”
“Paliitin mo,”
Umawang ang ibabang labi niya. Hindi na ito nagsalita pa at nagsimula nang maglakad nang nakapamulsa.
“Teka! Maglalakad ka lang? Baka makasalubong mo sila?”
“Pumasok ka na o ituturo ko kung saan bahay mo?”
Napamulagat siya. “Ha? Hindi sige maglakad ka lang. Oo. Nagtatanong lang ako. Salamat, ha? Bye!” Mabilis na tinawid niya ang layo patungong bahay niya.
Samantala, lihim na napangiti ang binata at sumakay na sa sasakyan nitong nakaparada.
Kinabukasan ay maaga siyang pumasok kaya mahabang oras din siyang tumunganga habang naghihintay ng start ng klase. Dumaan sa gilid niya ang class president nilang si Phoebe, nasanggi ng palda nito ang M&G signpen niya na nasa ibabaw ng desk, ngunit tila ba wala itong napansin.
Napapabuntong-hiningang pinulot niya ang nahulog na signpen. “Kabibili ko lang nito, eh.” Isinulat niya ito sa scratch paper at gaya ng inaasahan niya ay nagtae nga ang tinta nito. Napailing siya sa panghihinayang.
“Vanessa! May kilala ka bang Gabriella? Ibibigay kasi ‘yong quizzes niya.”
Napalingon siya sa nagsalita—kay Phoebe.
“Of course! Sissy ko 'yon. 'Yun siya, oh!” ani Vanessa kapagkuwan ay itinuro siya at kinawayan.
Tipid na ngumiti siya. Lumapit naman sa kanya si Phoebe. Tinanggap niya ang quizzes na ibinigay nito.
“Hello! Transferee ka o bagong lipat ka sa section namin?” si Phoebe.
Tumawa si Vanessa na sumunod pala kay Phoebe. “Matagal na ‘yan dito! Ano ba, Phibs!”
“Sorry. Hindi talaga kita napapansin. Ano pangalan mo?
“Gab, Gabriella Sullivan,” anang pakilala niya.
"Ang dami kasi natin dito sa classroom kaya hindi ko rin masaulo lahat ng pangalan ng classmates natin. Phoebe pala. Just in case na hindi mo ako kilala." Natawa ito at nakipag-shakehands sa kaniya.
Ilang minutong nagkuwentuhan sila hanggang sa dumating na ang subject teacher nila. Nag-discuss lamang ito at may ipinagawang activity by group at natutuwa siyang kasama niya sila Vanessa at Phoebe.
“Gab!”
Napalingon siya kay Phoebe.
“Mamayang hapon, uwian. Sa bahay namin, don’t worry sabay-sabay tayo.” Tukoy nito sa gagawing activity.