“Mano po Nay, Tay.” Alas-singko na ng hapon ng makauwi sina Nanay at Tatay. Mabuti na lamang at maaga akong nakauwi at nakapagluto na agad. Mukha kasi silang pagod na pagod at hindi na siguro kakayanin pa ni Nanay ang magluto.
“Ano pong nangyari Nay? Mukhang pagod na pagod kayo ngayon kaysa nang mga nakaraang araw.”
“Paano ba naman ay hinahabol naming matapos ang pag-aani dahil darating daw ang mga amo namin sa susunod na linggo,” aniya.
Totoo pala ang mga sabi- sabi minsan, mahirap naman kasi na palaging maniwala sa mga chismis, lalo na’t masyadong pribadong tao iyong mga pinagchichismisan nila. Iyon nga lang, kahit pa nais nilang mamuhay ng pribado lamang kung sila talaga ang laging inaabangan ng taong- bayan ay hindi nila makakamit ang nais nila.
Ibig sabihin ba babalik na din si Kuya Enzo? Ang tagal kong naghintay, maaalala pa kaya niya ako?
“Uuwi nga daw iyong alaga ko eh, kasama daw iyong girlpren niya,” ani ni Nanay na siyang ikinabigla ko.
Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. Dapat ba akong matuwa dahil sa wakas babalik na siya. Ngunit mas nalulungkot ako dahil babalik siya ng may kasintahan na.
“Si Kuya Enzo Nay? Babalik?”
Iyon na lamang ang tangi kong nasambit, hindi ko maitago ang lungkot sa boses ko.
“Oo, hindi ako sigurado kung nililigawan niya ba iyon o girlpren na niya,” patango- tango niyang sabi sa akin.
Wala naman na siguro akong pakialam doon kung girlfriend na nga niya iyon. Saka di hamak naman na mas matalino, maganda, at mayaman ang pipiliin niya. Wala akong magiging laban.
Sino bang may sabi na nakikipagkompetensiya ako sa babae niya? Ang gusto ko lang naman ay ang bumalik siya gaya ng ipinangako niya.
“Nay, ilalabas na raw ho ang resulta ng exam sa sabado. Iyon pong tungkol sa scholarship,” pagsisimula ko ng usapan habang kami ay naghahapunan.
“Talaga ba? Hindi ba’t sa munisipyo iyon ilalabas? Sa susunod na linggo ka na lang magsimula, dibale na at hindi ko pa naman naibabalita na magsisimula ka na ulit.”
“Hindi na po, si Ella na lang daw ang titingin ng resulta para sa akin,” matamlay kong sagot, hindi ko kasi alam kung paano sasabihin sa kanila na natatakot ako sa pwedeng maging resulta.
“Anak, iniisip mo ba na hindi ka papasa?” malumanay na tanong sa akin ni Itay.
Hindi naman ako nakasagot sa tanong niyang iyon at nagsubo na lamang ng pagkain. Nakita kong nagtinginan silang dalawa ni Nanay at napabuntong-hininga.
“Tina anak, nagtitiwala kami sa iyo. Alam naming ginawa mo ang lahat ng makakaya mo para maghanda sa exam na iyon kaya huwag kang matakot sa magiging resulta nito.”
“Tama ang iyong Nanay, magtiwala ka sa kakayahan mo,” pagsusuporta ni Tatay sa mga tinuran ni Nay.
“Nakakalimutan mo yatang ikaw si Kristina Manalo, hindi tayo marunong sumuko at higit sa lahat hindi tayo nagpapatalo!” Pagmamalaking sabi ni Tatay na may kasama pang hand effects.
Natuwa na lamang ako dahil sa pagiging supportive ng aking mga magulang. Nakatulong ang mga sinabi nila sa akin upang hindi ako mag- isip ng negatibo tungkol doon.
Kinabukasan, pasikat pa lang ang araw nang umalis patungong hacienda sila Nanay, mukhang masyado silang nagmamadali upang maiayos ang lahat sa pagbabalik ng mga Ruiz.
Ruiz, si Kuya Enzo ay isang Ruiz at kailanman hindi ko maabot. Isa lamang akong anak ng magsasaka at katulong samantalang siya’y isang haciendero na nagmamay-ari ng naglalakihang kompanya. Matatapunan pa ba niya ako ng tingin sa sandaling bumalik siya rito?
“Kanina ka pa tulala mula nang dumating ka.” Kinapa ni Ella ang nook o para tignan kung may lagnat ba ako. Tinignan niya rin ang mga mata ko na parang isa siyang doctor na sumusuri sa isang pasyente.
“Hindi ka naman nilalagnat. Nakatulog ka ba ng maayos?” Nag-aalalang tanong niya.
“Hindi po ako nakatulog ng maayos Doc,” Seryosong sagot ko habang nakatulala pa rin sa kawalan.
Dapat ko bang sabihin sa kaniya na dadating na iyong taong matagal ko nang hinihintay? Alam naman niya ang tungkol kay Lorenzo?
“Si Lorenzo? Siya ba ay dadating na?” Nabigla naman ako sa mga tanong niya. Sigurado naman akong hindi ko nasabi ng malakas iyong mga nasa isip ko.
“Totoo iyong chismis ni Rica kahapon ano?” May pag- uuyam na tonos a kaniyang pananalita.
“Tingin mo ba makikila pa niya ako?” Hindi ko maalis ang pag-asa sa pagtatanong ko.
“Depende”
“Aray naman. Hindi ka supportive ano!”
“Alam mo kasi Tina, siyam na taon na ang nakalipas at marami ng nangyari. Maraming nangyari dito habang wala siya, marami ring nangyari sa buhay niya habang andoon siya sa malayo.”
Hindi ako nakasagot dahil alam ko naman sa sarili ko na possible nga iyong mangyari. Posibleng nakalimutan niya na ako. Siguro’y dapat ko na ring palayain ang pagkagusto ko sa kanya, sa simula pa lang naman ay imposible na itong nararamdaman ko.
“Hindi ka na ba talaga sasama sa munisipyo bukas?” Halos naka-dalawampu’t pitong tanong na siya sa akin ngayong araw.
“Ikaw talaga Ella, sinisigurado mong masosolo mo si JP bukas” pabulong kong sinabi sa kaniya iyon dahil baka may makarinig sa amin. Mahirap naman na gawan kami ng issue dahil ang alam ng lahat sa akin may gusto si JP.
“Gaga ka! Hindi ah, mas kinakabahan nga ako sa ginagawa mo! Baka masyadong halata.”
“Hindi talaga ako sasama bukas, kailangan na rin ng maraming tauhan sa hacienda dahil sa paghahanda sa pagdating ng mga Ruiz.”
“Sus Tina, ang sabihin mo excited ka lang sa pagdating ng Enzo mo!” nakangisi niyang sabi.
Kahit kalian talaga’y napakaingay nitong si Gabriella, napaka-eskandalosa!
“Huwag kang maingay!” pabulong kong sabi sabay kurot sa tagiliran niya.
“Aray naman!”
“Oh anong nangyayari sa inyo?” Nagulat naman kami ng biglang sumulpot si JP sa tabi namin.
“Kanina ka pa diyan?”
“Kanina ka pa?” halos sabay naming tanong ni Ella, mahirap na baka may narinig siya.
“Hindi, kadarating ko lang naman. Tara uwi na tayo.”
Doon natapos ang buong linggo ko sa eskwela, sa piling ng dalawang matalik kong kaibigan. Nakakalungkot lamang isipin na maaaring hindi na kami magkakaklase sa susunod na taon sapagkat magkakaibang kurso na rin ang aming tatahakin.
“Tina, ipangako mo na hihintayin mo ako. Hihintayin mo ang pagbalik ko.”
“Opo Kuya Enzo, promise po. Pero kailan ka po babalik?” Itinaas pa ng bata ang kaniyang kamay tanda na siya ay nangangako.
“Babalik ako dito kapag pasko na, kaya dapat pumunta ka dito pagdating ko ha?”
“Saan ka po ba pupunta Kuya?” inosenteng tanong ng batang babae.
“Sa ibang bansa Tina, doon daw kasi ako mag-aaral,” malungkot na tugon naman ng batang lalaki.
“Opo, ibibigay ko pa sayo yung gift ko. Pangako babalik ka?”
“Pangako, kulit mo talaga!” sabay kurot sa matatabang pisngi ng batang babae.
“Pagbalik ko, may sasabihin ako sa’yo ha?”
“Ano po yun Kuya?”
“Saka na nga pag naka-uwi na ako. Halika na nga at bumalik na tayo roon kay Aling Esme, baka hinahanap ka na niya.”
Hawak kamay silang naglakad papunta sa loob ng mansion.
Isang panaginip, panaginip na hindi na maibabalik pa dahil ito’y nakalipas na.
Masyado yata akong naging excited sa nalalapit niyang pag- uwi at siya pa rin ang laman ng aking panaginip.
Pero ang nakakalungkot don sa panaginip na iyon, hindi naman siya bumalik. Ilang pasko akong naghintay sa kanilang hacienda. Kahit new year na ay nagbabakasakali pa rin ako, baka na-late lang siya. Baka tinataguan niya lang ako. Hindi siya dumating, nakalimutan na niya ako pero narito pa rin ako’t naghihintay sa pagbalik niya.
Ngayon babalik na siya sa wakas, maalala pa kaya niya ang mga binitiwan niyang pangako? Maalala pa kaya niya ang mga dapat niyang sabihin sa akin sa kaniyang pag- uwi?
Wala mang kasiguraduhan ang lahat subalit narito ako, umaasa pa rin sa iyo.