“Ineng pakilinisan naman iyong sala sa itaas. Ikaw na ang bahala roon, titignan ko na lang ang trabaho mo pagkatapos ko dito sa baba,” natatarantang utos sa akin ni Manang Amelita, ang mayordoma ng mansion.
Lahat ay abala sa paglilinis dahil sa nalalapit na pagbabalik ng aming amo. Malinis at maayos naman lagi ang mansion kahit na walang nakatira dito dahil hindi naman ito pinababayaan ni Manang.
Umakyat na ako dala ang basahan at walis, lima lamang kaming nagtatrabaho sa loob ng bahay dahil mahirap daw maglinis kung maraming kamay ang mangingialam. Hindi din kasi mapalagay si Manang kung maraming kasambahay dahil mahirap na raw baka kumuha sila ng mga gamit na makursunadahan nila.
Mga piling tao lamang ang kinukuha ni Manang dahil gusto niya na kakilala na niya ang ugali ng mga magiging katulong upang madali itong maturuan at mapagkatiwalaan.
Naalala ko pa tuwing bakasyon, araw- araw ata akong narito at tumatakbo sa maisan.
Bukod sa walang mapag-iiwanan dahil parehong nasa trabaho sina Nanay at Tatay ay gusto ko din naman talaga na pumunta dito tuwing sabado o kaya naman kapag walang pasok. Mula pagkabata ay narito ako tuwing bakasyon, noon ako’y naglalaro lamang dito at tumutulong kay Nanay ngunit ngayon ay isa na rin ako sa mga katulong sa mansion na ito.
Abala ako sa pagpupunas ng mga muwebles ng biglang akong mapasulyap sa pasilyo. Naroon ang mga litratong nakasabit sa dingding, patungo ang pasilyong ito sa kanilang mga silid.
Itong si Kuya Enzo kahit noong mga bata pa lang kami ang gwapo na, kaya nga gustong-gusto ko sumama dito sa hacienda nang mga panahong iyon. Dahil dito ako nakahanap ng unang kaibigan, noong mga araw na pinupuntahan ko si Nanay habang nagluluto siya naroon din siya at nanunuod kung paano magluto. Doon ko siya unang nakikilala. Hindi pa kami gaanong nag- uusap dahil nagkakahiyaan pa.
Nang mga sumunod na araw, ayaw ko ng sumama kina Nanay dahil natatakot ako sa kanya. Sinabi naman ni Nay na mabait na bata si Kuya Enzo at maaari ko siyang maging kalaro. Napatunayan ko naman na tama si Nanay, alaga pala siya nito at totoong mabait ito.
Tinitigan kong mabuti ang larawan niya, kahit na onse anyos pa lamang siya sa litratong ito ay nakikinita ko na ang itsura niya ngayon. Kayumangging kulay ng balat, matangos na ilong, mapupungay na mga mata, mapula- pulang labi at magandang hubog ng pangangatawan, na-iilang akong isipin kung tama ba itong mga iniisip ko.
Kinuha ko ang isa pang frame at pinunasan iyon, nilalaman ng litrato ang kaniyang pamilya. Nakatayo sa likuran ang kaniyang mga magulang na si Don Alejandro at Dona Letizia, nakaupo naman sa upuan ang kaniyang Lolo at Lola kasama siya sa bandang gitna.
Natutuwa akong pagmasdan ang kanilang larawan, tunay na napakabait ng mga Ruiz. Hindi sila matapobre gaya ng mga napapanuod sa mga pelikula. Sinasabi nilang si Dona Letizia ay mula sa isang payak na pamilya, hindi naman tinutulan ni Dona Amalia, ang Lola ni Enzo, ang pagmamahalan nila ni Don Alejandro kahit pa hindi sila pareho ng antas ng pamumuhay.
“Iha, tapos ka na ba? Huwag mo ng linisan iyan dahil natapos ko na iyan kahapon.” Biglang dumating si Manang, ngumiti na lang ako sa kanya bilang pagtugon.
“Halika na nga at magmeryenda na muna tayo roon sa baba.” Inakay ko naman siya pababa sa hagdan at nakisalo na sa iba pang kasambahay.
Sabay- sabay naman kaming umuwi nila Nanay, pagod man dahil sa mga ginawa ay natutuwa naman ako dahil magkakasama kami ng buong araw bukas, makapagsisimba kami bukas na nakagawian na naming gawin linggo-linggo.
Hindi pa man kami nakarating sa bahay ay sinalubong na ako agad ni Ella.
“Hoy Kristina Manalo! Kahit kalian hindi ka talaga papatalo ano?” Ano bang sinasabi niya? Pinagtitinginan tuloy kami ng mga kapitbahay, nag-eeskandalo dito sa daan.
“Napaka- eskandalosa mo naman Gabriella Salazar! Anong nangyari, bakit ka nandito?” pagbibiro kong tanong sa kanya.
Tumingin siya kina Nay at Tay at saka nagmano sa mga ito. Niyaya naman kami ni Nanay na pumasok muna sa loob, siguro’y hindi niya din gusto iyong pag- iingay naming ni Ella kanina.
“Antie Esme, may iskolar ka na!” nasasabik at patalon- talong balita ni Ella kay Nanay.
Nakapasa ako? Hindi nga?
“Totoo?! Nakapasa ako?!” Sa pagkakataong iyon ay sabay na kaming napatalon-talon sa loob ng bahay. Tinignan naman ako ni Nanay ng puno ng saya at pag-asa dahil sa wakas ay makakatunton ako ng kolehiyo ng hindi sila gaanong mahihirapan.
“Sandali, pagod na ako.” Umupo na kami at uminom ng tubig ngunit hindi pa pala tapos ang ibinalita ni Ella.
“Pero Tin, kailangan natin bumalik doon sa lunes dahil may kapalit daw ang scholarship na iyon. Madali lang naman daw, ipapaliwanag iyon sa atin pagdating ng lunes.”
“Wag kang mag-alala dahil excuse daw tayo sa umaga, kalahating araw lang naman ipapaliwanag iyon,” pagdadag pa niya.
Kinabukasan ay maaga kaming nagtungo sa bayan upang magsimba. Ipinagpasalamat namin ang pagpasa ko bilang scholar at ang buong linggo. Pagkatapos ng misa ay dumaan kami sa isang panciteria at doon na kami nananghalian. Ito ang nakagawian naming tuwing linggo. Kahit isang beses lang sa isang linggo ay natutuwa ako sapagkat nagkakaroon kami ng oras para sa isa’t-isa.
Natapos ang isang linggong napuno ng iba’t- ibang gawain at magsisimula naman ang panibagong linggo, nawa’y maging matiwasay ito.
“Ipinatawag kayong lahat dito dahil kayo ang mga bagong scholar ng bayan ng Aragon. Nais ko lamang sabihin sa inyo na nahahati kayo sa iba’t- ibang grupo,” pagpapaliwanag ng isang kawani dito sa munisipyo at nagsimula na silang i-grupo kami. Mabuti na lang at magkakasama kami nila Ella at JP dahil kinakabahan akong mag-isa.
“Kaya kayo nakagrupo ay dahil iba’t- ibang negosyante sa ating bayan ang nag- alok upang kayo’y mabigyan ng scholarship o libreng pag- aaral sa kolehiyo. Ang nabalitaan ninyong kapalit nito ay ang pagtatrabaho ninyo sa kanila, magandang opurtunidad ito mga bata dahil mahahasa rin kayo sa trabaho at ang sweldo ninyo ay ang makapag-aral ng libre.”
Mahabang pagpapaliwanag pa ang kanilang isinalaysay sa amin, kung anong oras ang gagawin naming pagtatrabaho at kung saan kami magtatatrabaho. Mabuti na lamang at sa coffee shop na malapit sa university ang trabahong ibinigay sa amin. Ang pagpasok naman ay tuwing bakanteng oras naming at tuwing sabadong wala kaming klase.
Iniisip ko kung pwede bang mag-apply ako ng trabaho sa bayan ngayong bakasyon. Gusto ko na lumayo doon sa hacienda. Hindi ko gustong makita si Kuya Enzo gayong kumakalat na sa buong bayan na uuwi siya rito dahil magpapakasal na siya. Gusto ko ng umiwas at itigil ang nararamdaman kong ito.
“Ang lalim naman niyang buntong- hininga nyan,” pagpuna ni Ella habang naglalakad pauwi.
“Samahan mo akong maghanap ng trabaho sa bayan bukas pagkatapos ng klase.”
“Teka? Akala ko ba doon ka na sa hacienda?” nagtataka niyang tanong.
Bumuntong-hinga ulit ako bago sumagot sa tanong niya.
“Hindi ko gustong makita si Kuya Enzo pag- uwi niya.” Napatango na lamang siya na para bang may sinabi akong kakaiba.
“Sige, i-try natin doon sa coffee shop na naka- assign sa atin. Kahit na dalawang buwan lang na sweldo okay na di ba?” Mabututi naman at nakisama siya. Ang problema ko na lang ay kung paano mapapapayag sina Nanay at Tatay.
Kailangan kong gawin ang lahat para maka- iwas, ayokong makadanas ng sakit dahil sa mga pangakong binulong lang sa hangin at ibinaon sa limot. Kailangan kong kalimutan ang pagkagusto ko kay Lorenzo Ruiz.