Isang linggo ko nang kinukumbinsi sina Nanay at Tatay ngunit hindi pa rin nila ako pinapayagang magtrabaho sa bayan kahit pa tinulungan na ako ni Ella na kumbinsihin sila.
Bukas na ang dating ng pamilyang Ruiz dito sa Aragon at dahil doon ay sila ang laman ng bawat usapan saan ka man magpunta.
“Girl, tulala ka na naman dyan. Kung hindi mo talaga matatakasan ang pagdating ng kababata mo, hindi talaga. Malay mo naman may plano talaga ang tadhana para sa inyong dalawa!”
“Hay naku Gabriella! Hindi ako tumatakas dahil wala namang dapat takasan,” pagkakaila ko naman. Kahit kailan talaga’y wala akong maitatagong sikreto sa best friend kong ito dahil kilalang- kilala na namin ang hilatsa ng isa’t- isa.
Hindi ko mapigilan na isipin kung ano bang gagawin ko ngayong hindi pumapayag si Tatay na magtrabaho ako sa bayan. Hindi ko gustong makita pa si Lorenzo, kahit pa ang kaniyang kasintahan dahil alam ko na hindi ko maitatago ang sakit na mararamdaman ko sa sandaling makita ko silang magkasama.
“Bilisan mo na diyan sa mga rekado Tina!” hindi magkanda-ugaga ang mga tauhan dito sa mansion ngayon dahil ilang oras na lamang ay narito na ang mga amo namin.
May hinanda ding parada sa plaza mamayang alas-dos bilang pagsalubong sa pagdating ng major stockholder ng bayan. Nagmukhang may piyesta sa buong bayan kahit pa sa susunod na buwan pa talaga ang kapistahan. Ibang klase talaga ang pagtrato sa mga makapangyarihan hindi makatarungan sa parte naming mga mahirap lang.
Magbubukang- liwayliway pa lamang nang magtungo kami rito ni Nanay sa hacienda dahil napakaraming kailangan lutuin, may kasama na din siyang iba pang magagaling na cook na kinuha ni Manang Amelita kahapon. Mukhang darating din kasi dito si Mayor mamaya at ang iba pang bisita ng mga Ruiz.
Mukhang tama ang hinala ng mga tao na may kasintahan na nga si Sir Lorenzo dahil aligaga si Manang kanina na ipaayos ang mga bakanteg kwarto para sa mga bisita dahil dito raw tutuloy ang pamilya Gutierrez na siyang magiging manugang raw ng mga Ruiz.
Kailangan ko na talagang makahanap ng magandang palusot upang umalis sa haciendang ito nang matigil ko na ang aking kahibangan kay Lorenzo!
“Ano ba iyan anak! Patay na ang baboy at karne na lamang iyan pero mukhang pumapatay ka sa paraan mo ng paghiwa. Aba’y baka ika’y masugatan, dahan- dahan naman!” pagsesermon sa akin ni Nanay na bumalik na rin agad sa kaniyang niluluto.
Pagsapit ng ula-una imedya ng hapon ay natapos na rin kami sa aming trabaho sa kusina ngunit hindi pa maaaring magpahinga sapagkat kailangan munang masiguro na maayos ang lahat ng putahe. Baka mamayang gabi pa kami makauwi ni Nanay sa lagay na ito, kung bakit pa kasi masyadong maraming arte ang pamilyang pinagsisilbihan namin. Hindi na bale at malaki namang magpasahod.
“Kristina!” pagtawag naman sa akin ni Manang na ngayon ay abala sa pagpulong sa mga tagasilbi sa mga panauhin mamaya ng Pamilya Ruiz.
Lumapit naman ako sa kanila at nakinig sa mga utos ni Manang.
“Tina, ikaw naman ang aking itatalaga na taga-payong at alalay na rin ni Sir Lorenzo ha?”
Gusto ko sanang tumanggi dahil hindi ko gustong mapalapit sa lalaking iyon, panigurado naman ay kasama na niya ang kasintahan niya. Bakit ako pa ang kailangang magpayong kung pwede namang iyong kasintahan niya ang magpayong sa kaniya? Eh diba lalaki dapat ang humahawak ng payong para sa babae?
“Tina! Naririnig mo ba ang mga ibinilin ko?” Natauhan na lamang ako ng sigawan ako ni Manang, nagtawanan naman ang iba pang taga-silbi. Mga walang silbi, hmp!
Tumango na lamang ako kay Manang dahil alam ko namang hindi ako maaaring tumanggi.
“Huwag kang sumimangot diyan, hindi ka naman doon mahihirapan kumpara dito sa mansion na marami pang kailangan asikasuhin,” pagpapatuloy pa ni Manang.
Hindi naman ako nakasimangot ah, naka- serious mode pa nga ako eh.
Wala pa rito sa mansion ang mga Ruiz, ang sabi ni Manang ay tanghalian sila darating kaya naman naging aligaga ang lahat sa paghahanda dahil buong akala namin ay kukulangin kami sa oras.
Mabuti na rin ang nangyari na late sila ng dating dahil kahit paano’y nakahinga kami ng maluwag dahil kapos talaga sa oras kung nangyaring tanghali ay dumating sila.
Bandang ala-una nang magsimulang magdatingan ang mga panauhin, narito na rin si Mayor na siya namang nakikipagkwentuhan sa Gobernador ng Aragon. Hindi ko mawari kung bakit kailangan ay nasa pulitika ang mga kaibigan ng isang negosyante, siguro ay dahil iyon sa hindi ko naman dapat pinapakialaman ang buhay ng isang negosyante.
Masyadong magulo at malawak, tingin ko’y iyon na talaga ang nakatakda sa kanilang mga buhay. Kagaya ng mga napapanuod sa pelikula at mga telenobela, dahil sa kanilang negosyo maiipit ang kanilang tagapagmana upang aralin itong patakbuhin kahit pa hindi iyon ang nais na tahakin ng kanilang anak.
Napapaisip tuloy ako kung talaga bang nais ni Lorenzo na mag-aral sa ibang bansa dahil sa pag-aral ng kanilang negosyo. Mabuti na lamang at hindi siya pinakialaman ng kaniyang mga magulang sa pagpili ng magiging kasintahan katulad ng mga napapanuod kong palabas.
“Tina, natutulala ka na naman diyan. Halika na sa loob at mag- ayos ka na para sa parada mamaya,” utos sa akin ni Manang. Agad naman akong sumunod dahil tiyak na hindi magtatagal ay narito na ang pinakahihintay ng buong bayan, ang pagbabalik ng pinakamakapangyarihang pamilya sa bayan.
Hindi nga nagkamali si Manang dahil narito na nga sila sakay ng mga magagarang sasakyan na tiyak kong mas mahal pa sa buhay ko ang mga iyon. May mga guwardiya ring nakapaligid sa kanila na animo’y mga artista.
Naunang bumaba si Don Alejandro habang inaalalayan ang kaniyang asawang si Dona Letizia, sumunod naman ang ama at ina ni Don Alejandro. Makikita sa labas ng mansion na tila masayang- masaya ang mga tao sa pagdating ng pamilya, mahal na mahal sila ng tao dahil sa kanilang pagiging mapagbigay at matulungin, mababait din silang amo sa lahat ng kanilang mga manggagawa kaya naman kahit hindi nila pasukin ang pulitika’y sila pa rin ang pipiliin ng masa.
Hindi naman nakaligtas sa aking paningin ang pagbaba ng isang napakagandang babae mula sa isa pang sasakyan, inaalalayan siya ni Lorenzo. Bagay na bagay ang dalawa at tiyak kong mamahalin rin ng mga taga- Aragon ang kaniyang kasintahan.
Napangiti ako ng mapait sa aking sarili, ikinukumpara ko sa isipan ang aking sarili doon sa magandang kasintahan ng lalaking pinapangarap ko. Napakalayo naman Tina, gumising ka nga.
Napuno ng batian at kamayan sa hardin, kung saan napiling idaos ang handaang inihanda para sa homecoming na ito. Naging abala na rin ang lahat at naghanda naman na kaming mga sasama upang umalalay sa parada mamaya.
“Tina, hindi ba’t napakagandang tunay ng napiling kasintahan ni Sir Lorenzo?” tanong ni Ate Sallie.
Hindi naman talaga maitatanggi ang kagandahan nung babae kaya tumango na lamang ako bilang pagtugon. Hindi ko alam kung saan ko pa itatago ang pagka- inggit ko, kaya inabala ko na lang ang sarili ko sa mga gawain sa kusina kahit pa nakatalaga akong umalalay kina Sir at sa kasintahan niya.
Halos lahat ng gawain roon ay ako ang umako dahil sa gusto kong abalahin ang utak ko. Ayaw kong isipin siya, ayaw kong mag- isip ng kahit anong tungkol sa kaniya.
“Hoy Tina! Kanina pa kita hinahanap doon bata ka, pumunta ka na roon at naghahanda na sila para sa parada.”
Tumango na lamang ako at agad nagpunta sa labas kasama ang iba pang mga katulong upang umalalay sa mga amo namin. Papunta na ako sa sasakyang nakatalaga para sa mga katulong ngunit tinawag ako ni Lorenzo.
“Tina! Dito ka na sumabay sabi ni Sir Enzo” pagtawag sa akin ni Kuya Berto ang driver ni Sir.
Lumapit na ako sa kanilang sasakyan at umupo sa passenger seat habang walang imik at pinipigilan ang sariling maglabas ng kahit anong emosyon. Mahirap ata itong susunod kong trabaho dahil makakasama ko pa silang dalawa.
Well, good luck Tina. Huwag ka sanang mahalata dahil sigurado akong malalagot ka.