Ilang linggo na rin ang nakalipas matapos ng insidenteng iyon. Kinabukasan ay agad akong pumasok sa mansion ngunit napakadaming damit ang tumambad sa akin dahil ibibigay na daw sa akin ni Hacintha ang mga damit niyang ilang beses pa lamang nagagamit. Sayang lang daw at aksaya sa espasyo at kasyang-kasya naman sa akin kaya tanggapin ko raw.
At narito na naman akong muli sa kanyang kwarto rito sa mansion, hindi pa rin natatapos ang piyesta ng bayan kaya naman napakaraming gawain pa rin. Naghahanda si Hacintha para bumisita sa mga nagpapractice na kandidata para sa Binibining Aragon na gaganapin sa last week ng buwang ito.
“Ano kayang magandang suotin Tina?” tanong niya sa akin habang isinusukat-sukat ang mga damit na inilabas niya galing sa aparador.
“Bagay naman lahat ng damit sa iyo. Pero mas maganda yata kung itong dilaw na bestida na lang, tamang-tama dahil sa beach ang location ng pictorial, hindi ba?” pagsusuhestiyon ko. Masyado na ata kaming naging malapit sa isa’t- isa dahil hinahayaan niya akong mamili ng mga damit na babagay sa kanya at ganoon din naman siya sa akin.
“Sabi ko na ba’t tama lang na sa’yo ako humingi ng tulong tungkol sa damit. Pansin ko kasi na magaling ka mamili ng mga damit na babagay sa mga okasyon, gaya nang una kitang nakita sa mansion.” Tuwang-tuwang sambit niya habang isinusukat ang damit na pinili ko sa kanya.
Pagkatapos niyang magbihis, ay inabutan na naman niya ako ng damit! Baka akalain ng mga tao na sumisipsip ako kay Hacintha para makahuthot ng magandang damit, nakakahiya na.
“Hacintha, sorry, hindi ko na matatanggap ‘yan. Ang dami-dami mo ng ibinigay sa akin, binigyan mo pa ang kapatid ko. Nakakahiya na.” Nakita kong lumungkot ang itsura niya, sabi ko na nga ba’t hindi ako talaga makatanggi sa kanya dahil nakakaawa siyang malungkot.
“O sige na nga, akin na,” tila napipilita kong pahayag.
Agad namang lumiwanag ang mukha niya at pinapasok ako sa banyo para makapagbihis. Halos magkapareho lang kasi ang damit niya at ang ibinigay niya sa akin, twinning raw kami.
“Omg Tinaaaa! I love youuuu talaga! Dati ko pa talagang dream na may makatwinning ako ng mga damit and accessories and now meron na talaga! I feel like you’re my little sister!” Sobrang saya niyang sabi. Napailing na lamang ako sa mga sinabi niya pero hindi ko na iyon ipinahalata sa kanya.
Sa wakas ay narito na kami sa beach kung saan gaganapin ang photoshoot. Kung ano-ano pa kasing ginawa ni Hacintha, inayusan niya ako ng buhok dahil kailangan raw na mas maganda kaming dalawa kaysa sa mga kandidatang naroon.
Hindi ko akalain na ganito siya kakikay at bibo kapag nakapalagayan ng loob, malayong- malayo sa itsura niyang sopistikada at eleganteng ni hindi makabasag pinggan kapag maraming nakatinging iba’t- ibang mata.
“Oh look at the candidates Tina, mas maganda tayo kesa sa kanila.” Natawa na lamang ako sa sinabi niya, talagang hindi siya nagpapatalo pagdating sa pagandahan.
Nagsisimula na ang photoshoot at tinawag ng pageant committee si Hacintha para humingi ng suhestiyon.
“Kristina, right? Paki-payungan naman si Ms. Hacintha kawawa naman siya roon ang init-init. Saka ikaw ang dinala niyang alalay niya, right? Dapat sundan mo kung nasaan siya dahil baka kailanganin ka.” Masungit na pahayag ng isa sa pageant committee.
Tama naman siya kaya agad akong kumuha ng payong at nagdala ng bottled water para dalhin kay Hacintha. Papalapit na ako sa kinaroroonan niya nang biglang hablutin ni Sir Lorenzo ang tubig na dala ko at siya na mismo ang nag-abot sa babae.
Tahimik na lamang akong sumunod-sunod sa kanilang dalawa. Pilit na nagbibingi-bingihan sa mga bulong ng mga taong hangang-hanga sa relasyon ng dalawa.
“Tina, hindi ka na dapat sumunod dito at umupo ka na lang sana roon. It’s too hot in here, you should go back there.” Ngiti at tango na lamang ang naisagot ko kay Ma’am Hacintha.
“Tutuloy na rin ako, tinignan ko lang ang lagay niyo dito ni Kristina and mukhang maayos naman kayong na-accommodate so, I should head back to the mansion now. I’ll see you later Hacintha.” dinig kong pagpapaalam ni Lorenzo.
Anuman ang namamagitan sa kanila’y hindi ko na dapat pang ungkatin pa. Nangangati man akong itanong ito kay Hacintha ngunit hindi naman ata tama na pati iyon ay panghimasukan ko pa, at saka halata naman na gusto nila ang isa’t-isa dahil kita naman ito sa kanilang mga kilos.
“Tinang, I should go back to the mansion. I’ll see you later, bye!”
dugdug.dugdug.dugdug.
Hay! Pasaway ka talaga kahit kailan Mr. Heart!
“Okay girls, I hope you learn something from me today. Proper posture, and a beautiful smile! You are all beautiful so be confident! That’s all, thank you!” Pagtatapos na mensahe ni Ma’am Hacintha sa mga kandidata.
“Jusko nakakapagod ang araw na ito! ang beauty ko Tinaaaaa nakikita pa ba ng iyong mataaaa?!” eksaheradang tanong niya.
“Maganda ka naman kahit pagod Hacintha, laging maganda.”
“Asus, nambobola ka na haa eh mas maganda ka pa nga sakin, lalo na pag walang ayos ng make-up yung natural beauty ganern!” Naiiling pati si Kuya Berto sa usapan namin habang nasa sasakyan pauwi ng mansion.
“But really Tina, you are beautiful so bakit hindi ka sumama sa pageants? Why those beki make-up artists are cannot discover someone like you?! You’ll win for sure! Nako nako nako, in the next fiesta of this town, I will be your manager and isasali kita roon!” Pinal na sabi niya.
Natatawa na lang kami ni Mang Berto sa kanya dahil kahit halatang pagod sa pagtulong photoshoot ay ganadong-ganado pa rin si Hacintha. Kung ano- ano pang mga ideya ang pumasok sa utak niya at sigurado daw siya na ako ang mananalong Bb. Aragon sa susunod na taon.
Nalalapit na ang main event at ang grand night ng bayan kung saan gaganapin ang pagtatanghal sa bagong title holder ng Bb. Aragon, napakaraming gawain at napakaabala ng lahat.
Lagi kaming nanunuod ng practice ni Ma’am Hacintha, biro niya nga ay dapat panuorin kong mabuti ang ginagawa ng bawat kandidata dahil ako na raw ang sasabak sa susunod na taon. Dahil naririnig kami ng ibang naroon ay napansin naman ng iba na iba nga raw ang ganda ko, napaka- natural at hindi kailangan baguhin ng mga kolorete.
Minsan ay pinag-praktisan ako ni Ma’am Hacintha sa kaniyang kwarto ng paglalagay ng make up, masasabi kong gamay niya ang paglalagay ng kolorete at alam na alam niya ang babagay sa hindi. Hindi ko maiwasan mainggit sapagkat magaling siya sa lahat ng bagay.
Alam kong masama ang mainggit sa kung anong mayroon ang iba ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili. Kaya ba siya nagustuhan ni Lorenzo dahil maganda siya, matalino, sopistikada, bagay sa kanya dahil parehong may kaya ang pamilya.
Huwag mo nang tangkain pang ikumpara ang iyong sarili Tina, malayong- malayo ka sa kaniya dahil kahit anong gawin mo’y bato ka lang sa hacienda nila.
Biglang natigil ang kung ano mang tumatakbo sa isipan ko ng marinig ko ang pagtawag ni Inay.
“Tina? Tinaaaaa? Nakikinig ka ba?” Pag-uulit na tanong ni Inay.
“Ha? Ano po iyon Inay?”
“Ang sabi ko’y agahan mo raw ang pagpunta sa hacienda bukas, bilin ni Sir Lorenzo.”
“Ha? S-si Lorenzo, bakit, anong kailangan niya sa a- akin? M- may lakad kami ni Ma’am Hacintha bukas,” halos mautal- utal kong sambit.
“Aba’y hindi ko rin alam, basta pumunta ka na lamang at baka may i-uutos o ipagbibilin sa iyo.”
Hindi ko alam kung anong dapat kon maramdaman ngunit pinipigilan ko ang aking sarili na manabik.
Ako lang ba ang kakausapin niya?
Bakit niya ako kakausapin?
Tungkol saan?
Hindi mo na naman ako patutulugin Lorenzo!