“Kristina, layuan mo ang anak ko! Nagmamakaawa ako sa iyo! Tina huwag naman ang anak ko! Parang awa mo na, please!” Nakaluhod sa harapan ko si Madam Letizia, umiiyak at nagmamakaawa.
“P-pasensya na po Madam, hindi ko ho kayang layuan ang anak ninyo, buntis po ako,” umiiyak ko ring tugon sa kanya.
"Ate! Ate! Gumising kaaaaa! Binabangungot ka na naman diyan!" sigaw ni Katkat saka niya kinapa ang noo ko.
"Sinasabi ko na nga ba't nilalagnat ka na naman, binabangungot ka lang naman pag may sakit ka eh." Pagkatapos ay bumaba na siya sa kusina.
Marahil ay nasa mansion na ulit sina Nanay at Tatay dahil marami na namang kailangan asikasuhin doon. Ay oo nga! Tinanghali na ako!
Tatayo na sana ako ngunit mabilis ding bumalik sa paghiga dahil nakaramdam ako ng pagkahilo. Oo nga, mainit ako at nilalagnat kaya siguro hindi na nag-abala si Nanay na gisingin ako para pumasok. Kahit pa araw ng Linggo ngayon ay kinailangan pumasok nina Nanay at Tatay dahil naroon ang mga Ruiz at ang mga bisita nila.
Kami lang ni Katkat ang narito sa bahay at siya ang nag-aalaga sa akin. Grade 4 pa lamang siya pero tinuruan na siyang magluto dahil siya lang ang naiiwan sa bahay sa panahon na kailangan kong tumulong kina Nanay. Kahit na nahihirapan siyang mag-isa dito ay napakalapit lang din naman ng bahay ng mga pinsan namin kaya nababantayan din siya.
Natapos na ata siyang magluto dahil naririnig ko na siyang paakyat sa hagdan naming kawayan. Dala-dala niya ang isang mangkok, siguro’y lugaw lang ang iniluto niya.
“Akala ko naman lugaw na ang iniluto mo, Katrina.”
“Iniluto iyan ni Nanay kanina bago siya umalis, galing ang karne ng manok sa trabaho nila. Kakasya na raw ‘yon hanggang tanghalian natin kasi alam niyang masama ang pakiramdam mo, pero hindi niya alam na nilalagnat ka na pala. Tatawagin ko ba?” Sunod-sunod niyang paliwanag na hindi man lang hiningal.
“Kumain ka na ba? Kumain ka na rin, pagkatapos ay ibili mo naman ako ng gamot.” Sinabi naman niyang tapos na siyang kumain at ibibili na raw ako ng gamot. Mabuti nga’t nauutusan ko siya ngayon, mainitin kasi ang ulo niya at kapag tinotopak ayaw niya ang inuutusan.
“Ito na gamot mo Ate, bumili din pala ako ng pagkain ko doon sa sukli ah. Doon lang muna ako kila Elay makikinood ng tv!” Hinayaan ko naman siyang pumunta. Nakakalungkot naman at hindi ko siya magawang maipasyal ngayong araw na pagbubukas ng pista. Tiyak pa man din na nasasabik siya sa perya, hindi na bale at maipapasyal naman kami roon nila Tatay sa mga susunod na araw.
Sumapit ang tanghalian at naging maayos na ang pakiramdam ko. Kailangan lang talaga ng pahinga dahil sa ilang araw na puno ng pagoda ng bawat araw at dumagdag pa si- ah teka nga bakit iniisip ko na naman siya?!
“Anong nangyayari sayo Tina?” Agad akong napaayos ng upo pero halos atakihin sa gulat ng mapagtanto ko kung sino ang nagsalita. Bakit kailangan niyang pumunta dito?
“Ah, kayo ho pala Sir! Sandali lang at tatawagin ko si Katkat. Katkaaaaaat! Halika rito at bisita tayoooooo!”
“Naku, Tina anak, hayaan mo muna ang kapatid mo at tinuruan sila ni Ma’am Hacintha sa labas.” Teka, ano bang nangyayari? Tanghali pa lang naman pero bakit nakauwi na si Nanay at kasama niya pa ang mga amo namin?
“Kumusta ang pakiramdam mo Tina?” pagtatanong ni Sir, narito siya sa aming kusina habang si Nanay naman ay iniinit ang tinolang iniluto niya kaninang umaga. Kung kailan naman lumalayo ang tao, saka naman lapit ng lapit ang taong kating-kati akong iwasan.
“Tina ayos ka lang ba? Nay Esmeng! Kinokumbulsyon yata si Tinang!!!”
“Ang OA mo Sir, parang napairap lang eh! Aatakahin sa puso sayo ‘yang si Nanay kung ganyan ka makareact,” pagsabat ni Katkat.
“Ano ba iyan Kat, hindi ba’t sinabi nang huwag sumabat sa usapan ng matatanda at saka bakit mo naman iniwan doon si Miss Hacintha?” sabi ni Nanay na parang nagrarap na naman dahil sa inasal ni Kat.
“Hala siya Nay, tanungin mo muna kung bakit iniirapan ni Ate si Kuya Lorenzo. Akala tuloy ni Kuya nagkukumbulsiyon na si Ate hahahahaha!”
“Anong umirap ka diyan, hindi naman ako umirap ah!” Pagtatanggol ko sa sarili. Hindi ko naman siguro nairapan si Sir, nakakahiya ka Tina! Kung saan-saan naman kasi lumilipad ang isip mo eh, paano mo ‘to tatakasan ngayon?
“Ah, hindi naman ako umirap Nay! Pinipigilan ko kasi ang antok ko kaya nagkaganoon! Tama, tama Nay, inaantok pa kasi ako eh.”
“Pagpasensyahan mo na sila Tina at Katkat Sir ah, ganyan talaga sila parang mga aso’t pusa.” Napangiti naman si Sir. Parang may naalala kapatid na nakaaway, eh wala naman siyang kapatid na nakakaaway dahil unico ijo nga siya at nag-iisang hacienderong tagapagmana.
“Parang noong mga bata pa tayo Tinang, naalala mo pa ba? Palagi kitang napapaiyak dahil naiiwan ka sa takbuhan sa may maisan.” Nakangiti pa rin siyang nagkukuwento, lumiit ang kaniyang mga mata dahil sa pagngiti niya kaya napangiti na rin ako. Akala ko nalimutan na niya eh.
“Pagkatapos, sabay tayong natutulog sa silong ng mangga pagkatapos ng tanghalian, maaalala mo pa kaya iyon eh ang liit liit mo pa noon?” Hindi ko naman kinalimutan, lahat sariwa pa. Lalo na noong araw na umalis ka.
Gusto ko sanang sabihin sa kanya iyon kaso biglang kinain ako ng hiya. Bakit kailangan ko pang sabihin eh siguradong hindi rin naman niya nakalimutan.
“Hi Kristina, I heard from Lorenzo that you are sick. I want to give you something sana when you’ll come back to their mansion,” mahinhing sabi ni Ma’am Hacintha.
Medyo nagulat ako sa pagdating niya, ang gulo-gulo ng ayos ko at hindi pa ako naliligo tapos tignan mo naman siya, ang ganda-ganda ng ayos, halatang mayaman dahil sa eleganteng paraan ng pananamit niya.
“Tina, are you okay? Do we need to get you to a hospital?” pagsasalita niya dahilan para matauhan ako sa pagtitig sa kanya.
“Ah, okay na ho ako Ma’am, nakapagpahinga naman na po ako. Baka bukas pa ho ako makabalik sa mansion.”
“It’s okay Tina, and do not call me Ma’am parang ang tanda ko masyado if you keep calling me that way.” Mahinhin siyang tumawa pagkatapos.
Hay, wala man lang bang kaunting kapintasan si Hacintha? Bakit kailangang maganda na siya, mayaman, mabait, parang lalong gusto ko na lang siyang ipamigay kay Lorenzo dahil mas nagmumukhang bagay silang dalawa.
Matagal silang nanatili rito sa bahay at nagkwento ng kung ano-anong kalokohan namin noong mga bata pa lamang kami. Mukha namang nag-eenjoy si Hacintha sa mga kwento nina Nanay at Lorenzo.
“Naalala mo nung nadapa ka sa bukid Tina, napa-swimming tuloy tayo sa bukiran. Ayun tuloy, pag-uwi napalo tayong pareho!” Tawang-tawa siya habang nagkukwento, manghang-mangha naman ang kasintahan niya.
“You two seem so close ha! I just hope na nagkaroon rin ako ng childhood best friend, I didn’t have one because Dad was so strict.” Medyo naging malungkot ang boses niya sa huling mga nasabi.
Kung ano-ano pang mga bagay ang napag-usapan namin habang abala naman si Nanay sa likod-bahay.
“Tina, mauuna na muna kami. Magpagaling ka ha?”
“Aalis na muna kami Nay Esmeng, kailangan kami sa plaza para sa programa,” pagpapaalam naman ni Lorenzo at iginiya niya naman palabas si Hacintha.
“O siya sige. Hayaan niyo at kaya naman na sigurong pumasok bukas ni Tina. Mag-iingat kayo!”
Napabuntong hininga na lamang akong napangalumbaba sa may bintana ng makitang papalayo na ang kanilang sasakyan mula sa aming tahanan.
“Ang hirap mo namang abutin Lorenzo.”