C4- Linard

4075 Words
Napabalikwas ako ng bangon nang tumunog ang alarm clock sa cellphone ko. Kagaya ng nangyayari sa buhay ko araw-araw, kailangan kong gumising nang maaga upang pumasok sa trabaho. Isa akong kargador sa pier dahil iyon lang ang tanging trabahong nakuha ko. Ayokong ma-late dahil nababawasan ang sahod ko. Undergraduate kasi ako ng kolehiyo kaya walang kumpanyang tumanggap sa akin dahil ang gusto nila ay graduate ng kolehiyo with a degree holder. Ang dami nilang eclavu sa buhay! E, hindi ko naman hinangad ang mataas na posisyon sa kumpanya nila. Kahit ano na lang basta may mapapasukan lang ako para may maibigay ako sa panggastos araw-araw. Kahit janitor nga ay papatusin ko na para lang makatulong kay nanay. Ayaw ko kasing tumambay sa bahay at tumunganga na lang doon. Ang dami namin magkapatid tapos si tatay lang ang kumakayod sa amin. Matanda na rin si tatay kaya nakakahiya kung pa-tambay-tambay lang ako sa kanto kasama ang mga tropa kong habang buhay na yatang palamunin sa mga magulang nila. Ayokong gumaya sa kanila na palamunin lang dahil nakakahiya sa mga marites naming kapitbahay na halos sila na lang ang topic araw-araw. Minsan kasi nangongotong pa sila para lang may pang-inom at pang-yosi. Ang lalaki ng mga katawan tapos, ganoon lang ang kaya nilang gawin. Nakakahiya! Hindi naman sila namumuwersa dahil tropa lang din naman namin ang kinokotongan nila. Pero kahit nagbibigay naman silang pang-inom, nakakahiya pa rin kasi pinaghirapan nila iyon. Kaya bihira lang ako tumambay noong mga araw na wala pa akong trabaho dahil gano'n nga ang mga pinaggagawa nila. Hanggang sa makatanggap ako ng text sa isa kong kaibigan na nagtatrabaho sa pier, kailangan daw nila ng isang kargador. At hindi na ako nagdadalawang isip kundi tanggapin iyon dahil naiinip na talaga ako. Isa kasi akong natanggal sa factory worker noong nakaraang buwan dahil nagbabawas na ng mga tao. Ayoko naman sa mga mall dahil bukod sa maliit na ang kita, dami pang kaltas bago makarating sa akin. Lugi pa sa pamasahe araw-araw dahil malayo. Mas mabuti pa ang kargador ay malaki at buo na makukuha ko. Wala pang kaltas at may bonus pa dahil sa bigay ng mga customer sa amin. Linggohan pa ang sahod kaya ayos lang, hindi ako nahihirapan sa pag-budget, makakatipid pa ako dahil isang sakay lang ng jeep mula sa amin. Pero gayunpaman, kulang pa rin talaga dahil hindi ako makakaipon. Balak ko kasing bumalik sa pag-aaral kahit ilang taon na ako dahil gusto kong tapusin ang kursong kinuha ko. Sayang kasi at dalawang taon na lang din, gagraduate na ako. Makapag-apply na ako ng trabahong angkop sa kursong kinuha ko. "O, 'nak, almusal ka muna bago maligo. Pinagtimpla na rin kita ng kape." Yaya sa akin ni Nanay paglabas ko ng kwarto. "Sige po, 'Nay, maliligo lang po ako saglit." Tipid akong ngumiti bago pumasok ng banyo. Sinabit ko ang tuwalya sa sabitan at hinubad ko kaagad ang short bago nagbuhos ng tubig sa katawan. "Tangina ang lamig!" Hindi ko mapigilan ang mapura dahil sobrang lamig ng tubig. Parang nagyeyelo ito sa lamig. Tag-ulan na rin kasi kaya malamig na. Pero ayos lang na malamig ang tubig namin tuwing umaga dahil nawala agad ang init sa katawan ko. Namamatay agad ang nabubuhay sa aking katawan. Matapos kong magsabon at mag-shampoo, nagbanlaw kaagad ako dahil pakiramdam ko ay maninigas na ako sa lamig. Kaya wala pang limang minuto lumabas agad ako ng banyo ar dali-daling nagbihis bago lumabas kwarto para kumain. Kalkulado ko na ang oras ko para hindi ako ma-late sa pagpasok. Matagal na sa akin ang kalahating oras dahil hindi naman ako ganoon karaming arte sa katawan sa tuwing pumasok sa trabaho. "Linard, anak, kain na." Yaya sa akin ni Nanay pagkakita sa akin. Kaya dumulog agad ako sa hapag. "Hinanda ko na rin ang baon mo para hindi ka na bibili doon." dagdag niya pa. Tumingin ako sa kanya saka ngumiti. Ang totoo ay sobrang swerte namin dahil napaka-maasikaso niya sa amin ng mga kapatid ko. Kahit kasi malaki na kami ay inasikaso pa rin niya kami. Kaya nakakahiyang tumambay lang sa kanto at palamunin lang dito sa bahay. Tapos sila ay halos hindi na magkandaugaga sa pagbayad ng utang para lang may ipakain sa amin. "Salamat po, 'Nay," tugon ko bago sumubo ng sinangag. Kailangan kong magkanin sa umaga dahil magbubuhat ako ng mabibigat. Hindi pwedeng tinapay at kape lang dahil nakakaubos ng lakas ang trabaho ko at isa pa, matagal kaming mag-break time hangga't hindi natatapos ang trabaho. Kaya matira't matibay talaga sa trabaho na iyon. Bawal ang malamya dahil maraming nakabantay sa amin. Nang matapos kong uminom ng tubig, tumayo agad ako para dalhin ang kinainan ko sa lababo pero mabilis akong pinigilan ni Nanay. "Ako na riyan, 'Nak." Akmang aagawin niya ang pinggan ko pero mabilis ko itong nilayo. "Hindi na po, 'Nay, ako na po, para ito lang,e." Ngiti ko at dinala ko na sa lababo bago ako humarap sa salamin para pasadahan ang sarili ko. "Gwapo ka na, 'Nak!" Ngumiti akong lumingon kay Nanay nang marinig ko 'yon. "Pwede na bang mag-artista, 'Nay?" Nakangising pabiro kong tanong sa kanya saka kinuha ang bag at sinukbit sa balikat ko. "Oo, 'Nak! Pwedeng-pwede! Mala-action star yata ang datingan mo. Iyon bang...lipad dito, lipad doon para labanan ang masama." Sakay rin naman niya na hindi ko mapigilan ang matawa. Hindi naman halatang mahilig siya sa action movies. Iyon ang hilig niyang panoorin. Ayaw niya ng madrama dahil inaantok daw siya. Number one fan pala si Nanay ng mga pinoy action star dito sa Pinas. Kaya lahat ng palabas na action, alam niya. Memoryado pa niya ang bawat eksena. Bakit? Dahil paulit-ulit niya itong pinanood. Hindi siya nagsasawa kahit buong maghapon niya itong pinapanood. Iyon ang kaibahan ni Nanay sa ibang maybahay dito sa amin. Siya kasi ay sa loob lang ng bahay at nanunuod habang ang iba ay nag-tsi-tsismisan sa labas. Mas gusto niyang dito na lang sa loob at manood kaysa kung sinu-sino ang pinag-usapang hindi maganda. Wala na nga raw siyang mapapala, naninira pa! "'Yan ang gusto ko sa'yo, 'Nay, e! Suportado mo talaga ako. Konting bola pa, 'Nay...mag-aartista na ako!" Naiiling na ngisi kong sabi bago lumapit sa pintuan. Natawa na rin siya sa sinabi ko. "Nak, baon mo," sa halip ay abot niya sa akin ng binalot niyang pagkain para sa akin. "Salamat po, 'Nay, sige po, alis na po ako." Magalang kong paalam sa kanya na hindi pa rin nawala ang ngiti ko pagkalabas ko ng bahay. Natatawa kasi ako dahil alam ko na ang patutunguhan ng usapan namin. Matagal niya na akong pinursige na mag-artista raw dahil mukhang bagay daw sa akin iyon. Ayoko naman dahil nahihiya ako. Bukod doon, ayoko dahil magulo sa showbiz. Kikita ka nga ng malaki pero hindi ka naman matahimik dahil maraming nakabantay sa'yo. Konting kilos mo lang, trending ka na agad kinabukasan. Simpleng buhay lang naman ang gusto ko pero nasa maayos. Hindi naman ako gano'n ka-ambisyoso gaya ng iba. Magkaroon lang ako ng magandang trabaho at makakain ng tatlong beses sa isang araw ay sapat na. Basta hindi lang kami kinakapos ay sapat na sa akin. Kaya sa ngayon ay naghahanap pa ako ng isa pang trabaho. Dahil kahit ayaw sabihin ni Nanay ay kapos pa rin kami sa budget. Alam kong marami pa silang bayarin ni Tatay na inutang nila dahil sa pagpapagamot ng isa kong kapatid noong nakaraang buwan. Talagang inuna lang nila ang pagkain namin araw-araw bago ang bayarin. Kaya lalo akong humanga sa kanila dahil sa desisyon nilang iyon. Kaya gusto kong isa pang trabaho para mabayaran na nila iyon para naman makapagpahinga na rin si Tatay at hindi na kailangan mag-ot sa trabaho. Matanda na kasi at baka siya naman ang magkakasakit. Mas mahirap iyon kapag nagkataon. "Linard!" Napahinto ako nang marinig ko ang malamyos na boses na tumawag sa akin. Lumingon at napangiti nang makita ko si Vina, ang kababata ko. "Vina… bakit? May kailangan ka ba?" nakangiting tanong ko. Bigla siyang namula sa tanong kong iyon kaya na ipinagtataka ko. Nahihiya ba siya? At bakit kaya? "Papasok ka na ba?" Sa halip ay alanganing balik-tanong niya sa akin. Mailap na rin ang mga mata niya at hindi na makatingin sa akin ng diretso. Wew! May gusto na ba siya sa akin? Imposible! "Oo, Vina. Papasok na ako." tugon ko at napatingin ako sa kamay niya dahil may bitbit siya. "G-Gano'n ba..." nahihiya at alanganin niyang sabi. "Ano 'yan?" Usisa ko saka ngumuso sa hawak niya. "Ha?!" Tila kabado niyang sabi na ikinangisi ko dahil mabilis niya itong tinago sa kanyang likuran. "Ayos ka lang?" Ngisi ko na lalo lamang siyang namula. "Ah, wala!" Singhap niya. Natatawa akong naiiling sa kanya dahil parang nag-iba siya bigla. Hindi naman siya ganito sa tuwing nag-uusap kami. "Sige, Vina, mauna na ako." Sa halip ay paalam ko sa kanya at tinalikuran na siya. Baka kasi ma-late na ako. Hahakbang na sana ako nang muli niya akong tinawag kaya't huminto ako't lumingon ulit. "Bakit?" Ngiti ko. Lalo pa siyang namula nang tumitig ako sa kanya. "Ano bang nangyayari sa 'yo?" Hindi ko na mapigilang tanong. "Heto...idadag mo sa baon mo," tugon niya at binigay sa akin ang isang supot sabay tinalikuran niya ako saka mabilis na lumakad. "Vina, ano 'to?" nagtataka kong tanong ngunit ni hindi siya lumingon sa akin. "Uy, Vina!" Pasigaw kong tawag sa kanya. Pero gano'n pa rin at halos matapilok na siya sa pagmamadaling makapasok sa bahay nila. Nailing at natatawa na lamang ako habang sinundan ko siya ng tingin. Nagtataka ako dahil ngayon lang ito nangyari. Sa tinagal-tagal namin magkasama, ngayon lang siya naging weird at kakaiba ang kinikilos. Lagi kasi kaming nag-babarahan kapag magkausap. Ang nakakatawa pa, may pabaon-baon pa siyang nalalaman. May nangyaring himala kaya? Hindi kaya sinusumpong siya ngayon? O, 'di kaya, naging mabait siya ngayon dahil bilog ang buwan? O, baka nga nagkagusto na siya sa akin. Actually, maganda si Vina at sexy. Mabait at mahinhin. Hindi gaya ng mga kababaihan dito sa amin ay laging tambay rin sa kanto at nakipag-inuman kahit kanino. Kung hindi lang siya inaanak ni Nanay ay niligawan ko na siya matagal na. Kaso ayaw kong magalit si Nanay sa akin kaya sinupil ko ang nararamdaman ko para sa kanya. Good thing naman at nawala nang magkaroon ako ng girlfriend. Kaso, nagkahiwalay rin kami nang hindi ko alam kung ano ang dahilan. Nagulat na lang ako nang mabasa ko ang message niya na hiwalay na raw kami dahil may asawa na raw ako. Gusto kong magpaliwanag pero nakita ko siyang may kasamang ibang lalaki kaya hindi na ako naghahabol at hinayaan ko na lang. Ipapasok ko na sana sa bag ngunit naingganyo akong silipin kung ano ang laman ng supot. Kaya binuksan ko ito at laking gulat ko nang maamoy ko agad ang bango ng paborito kong ulam. "Wow!" Mahinang bulalas ko nang makitang adobong baboy nga ito. Pero bakit may ganito na siya? Hindi kaya siya nilalagnat sa pagbibigay niya nito sa akin? Nakakapanibago! Naiiling na lamang akong tumingin ulit sa bahay nila pero hindi ko na siya makita dahil nakasarado na ang pinto nila. Gustuhin ko mang tanungin pa siya'y hindi na pwede dahil male-late na ako. Mamaya na lang siguro pag-uwi ko galing sa trabaho. Ayos na rin ito dahil dalawang putahe ang ulam ko ngayon. Makakatipid ako ngayong araw na ito. Papasalubungan ko na lang siya ng donut mamaya para dito. Sumakay kaagad ako pagkarating ko sa sakayan ng jeep. Tamang-tama naman dahil paalis na rin ito. Parang ako na lang yata ang hinihintay na pasahero bago lalarga. "Bayad, ho, Manong," mahinang wika ko sabay abot ng pamasahe sa konduktor. Habang nasa byahe, naisip kong buksan ang social media account ko at baka may nag-reply na sa mga in-applyan kong ibang trabaho. Naghahanap ako ng nightshift para swak sa oras at hindi ko na kailangan magmadali. Wala kasing overtime sa pier kaya kulang pa rin ang sahod dahil minimum rate lang din ito. Ilang sandali pa, napahinto ako sa pag-scroll nang makita ko ang post ni Gilbert. Kaibigan at kaklase ko siya mula elementarya hanggang high school. Ka-tandem sa lahat ng kalokohan sa madaling salita. Pero mas maloko siya sa akin. Lalo na pagdating sa mga babae. Ako nama'y naging seryoso na magmula noong nagkahiwalay kami at tumuntong na ng kolehiyo. Bihira na lang kami magkita dahil medyo malayo din ang bahay nila. Saka, pahinto-hinto rin kasi ako sa pag-aaral dahil nga kapos sa financial. Hindi ko alam na nakauwi na pala siya galing abroad. Ayoko mang maramdaman pero bigla akong nainggit dahil mukhang asensado na siya ngayon. Ang dami niya kasing post na gamit at halos kabibili lang. Ni-like ko ang post niya at naisip kong mag-comment. Mangungumusta lang dahil ilang taon din siya sa abroad at ngayon lang nakauwi. "Pier!" Napahinto ako sa pag-scroll at umangat ang mukha nang marinig ko ang sigaw ng driver. "Para, Boss!" malakas kong sabi at kaagad tumayo para bumaba na. Sandali kong pinasok ang phone sa bulsa ng pantalon bago lumakad papasok sa gate para ipa-check itong gamit ko. Nang matapos ay tumungo ako papuntang barracks para magpalit ng damit at ilagay itong bag ko. "Pre!" Huminto ako sa paghakbang at lumingon sa likuran ko nang marinig kong may tumawag. "Uy, Pre." Baling ko kay Jonas nang siya ang makita ko. Kasamahan ko siya at kargador rin na kagaya ko. "Balita?" tanong niya nang makalapit sa akin. Absent kasi siya kahapon at alam ko na ang dahilan. Lasing at may hangover kaya tinamad. Saka ugali na rin niya talaga ang hindi pumasok tuwing lunes. "Wala naman..." tugon ko at muling lumakad na kasabay siya. "Bakit?" balik-tanong ko sa kanya. Napansin kong huminga siya ng malalim sabay binuga rin. Kaya bahagya akong tumingin sa kanya. "Tinext kasi ako ni Boss na kakausapin niya raw ako ngayon." "Bakit daw?" Kunot noong usisa ko. "Hindi ko alam, e...walang sinabi. Basta kausapin niya raw ako ngayon," matamlay niyang sagot. Pero may hinala na ako. Baka tungkol ito sa palagi niyang absent tuwing lunes. Tuwing lunes kasi ang maraming trabaho tapos kaunti lang kami pumapasok. Bukod kasi sa kanya, marami rin ang hindi pumapasok. Dahil ang iba ay wala ng pamasahe pagkasahod pa lang. Karaniwang kasi sa mga kasamahan namin ay pamilyado na. Siguro ay kinakapos na talaga sa budget kaya hindi na nakapasok. Nilapag ko kaagad ang bag at naghubad para magpalit ng damit na pang-trabaho. Nang akmang isasara ko na ang locker ko ay biglang tumunog ang cellphone ko sa video call tone kaya kinuha ko muna ito saka tiningnan kung sino ang tumawag. Hindi ko pala na-off ang data ko. Nagulat ako nang makitang si Gilbert ang tumawag ngunit hindi ko naabutan. Naghintay ako saglit at baka tatawag siya ulit. Bawal kasi dalhin ang cellphone kapag oras ng trabaho. May kalahating oras pa naman ako bago mag-umpisa ang trabaho. Ilang saglit pa'y nag-message siya sa akin. Gilbert : Pre, kumusta? Nasaan ka ngayon? Kita tayo. Kagad akong nagtipa ng reply sa kanya. Ako: Ayos lang, Pre. Dito pa rin, Pre. Anong meron? Kumusta ka na, Pre? Nakauwi ka na pala? Pinadala ko na agad sa kanya ang mensaheng iyon at naghintay muli ng sagot niya. Muli akong nagtipa para magtanong sa kanya kung may alam siyang trabahong pang-gabi. Kakapalan ko na ang mukha ko tutal, kaibigan ko naman siya. Ayoko naman mangutang dahil mas nakakahiya iyon. Saka magbabayad kami ng utang, hindi magdagdag ng utang. Gilbert : Meron, Pre. Kung gusto mo, kita tayo mamayang gabi. Napangiti ako sa naging sagot niya kaya muli akong nagtipa. Ako : Sige, Pre. Kita tayo mamayang gabi. Saan ba? Gilbert : Mamaya, Pre. Iti-text ko sa'yo kung saan kapag nagreply ang kasamahan ko. Ako: Sige, Pre. Mamaya na lang. Salamat. Gilbert : Okay, Pre. Pagkatapos kong mabasa 'yon ay nag-send ako ng like bago pinatay ko ang data at nilagay sa bag ang cellphone. Sakto lang naman dahil limang minuto na lang at mag-start na ang trabaho. Lumipas ang ilang oras at naging tanghalian. Napapangiti ako habang kinakain ang ulam na binigay ni Vina sa akin. Sobrang sarap niya talagang magluto. Kuhang-kuha niya ang lasa na gusto ko sa adobo kaya tuloy naparami ang kain ko. Naubos ko ang kanin na baon ko at napabili pa ako sa canteen. Sabagay, masarap naman talaga siyang magluto. Pwede na talagang mag-asawa. "Pre . . ." Nag-angat ako ng mukha at nakita ko si Jonas na malungkot ang mukha. "O, Pre! Anong balita?" tanong ko na ang tinutukoy ay ang pag-uusap nila ni Boss. Hindi agad siya kumibo. Umupo at nilabas niya ang pagkain. "Isang absent na lang daw ako tatanggalin na raw ako dito," tugon niya na akala mo katapusan na ng mundo ang mukha. "Talaga? Swerte mo pa rin kahit papano. Kaw naman kasi…" Hindi ko alam kung maawa ba ako sa kanya ngayon dahil kasalanan naman niya talaga. "Oo nga, e!" sabay tawa ng mahina. "E, bakit malungkot ka?" Pansin ko sa kanya. "Hindi na kami makapag-overnight sa motel ng gf ko." Nalunok ko ng diretso ang kinain ko pagkarinig ko niyon. Hindi ko akalain na iyon pala ang dahilan kung bakit absent siya tuwing lunes. Siguro nag-iinuman sila habang gumagawa ng milagro. "Tsk!" Naiiling na reaksyon ko at muling sumubo. "Pahingi nga niyan, Pre!" Biglang sabi niya at kumuha agad ng ulam na bigay ni Vina. Gusto ko mang ipagdamot sa kanya'y wala na akong nagawa pa at hinayaan na lang siya dahil mukhang taghirap na sa ulam. Gulay lang kasi ang nakikita kong binili niya. Paniguradong ubos na ang pera niya sa syota. Naiiling na itinuloy ko na lang ang pagkain hanggang sa matapos kami. Sumapit ang hapon at oras na ng uwian. Halos nagmamadali na akong lumabas sa pier para makauwi ng bahay. Kailangan ko pa kasing maligo bago makipagkita kay Gilbert. Nag-message na siya sa akin at sinabi na kung saang bar kami magkita. Mabuti na lang at alam ko ang bar. Malapit lang sa amin. Sikat ang bar na 'yun at halos karaniwang mayayaman ang pumapasok roon. Minsan na akong nakapasok roon pero hindi ko na sinundan dahil nakakabutas ng bulsa ang presyo ng alak. Mas maganda pang bumili sa tindahan at least, solved kaagad. Ang isang bote ng alak sa tindahan ay isang baso lang sa bar na iyon. Nang mapadaan ako sa nagtitinda ng donut ay huminto ako at bumili para kay Vina. Bumili na rin ako para kay Nanay at sa mga kapatid ko. Sumakay kaagad ako ng jeep matapos magbayad at ilang minuto lang ay nasa kanto na ako. "Vina!" tawag ko nang makita ko siyang papasok na sa kanilang bahay. "Uy, Linard, bakit?" tanong niya at gaya kanina ay namula na naman ang mukha niya. "Para sa'yo. . . bayad ko sa masarap mong ulam." Ngiti ko. Tumingin siya sa akin at nag-alangan na kunin ang box ng donut. "Huwag na. Marami kasi akong naluto at alam kong paborito mo 'yon." Paliwanag niya. "Ano ka ba, kunin mo na--" "Bigay mo na lang 'yan sa mga kapatid mo." "Meron din sila at sa iyo talaga'yan para bigyan mo pa ako ulit!" Ngisi kong biro sabay alis sa kanyang harapan para hindi na humaba pa at hindi na siya makatanggi. "Linard…" "Salamat, ha! Masarap!" Ngisi ko ulit sabay kindat sa kanya na bigla na lang siyang natigilan. Pumasok agad ako ng bahay at nagmano kay Nanay. "'Nay, para sa inyo," malambing kong sabi at binigay ang isang box ng donut. "May pera ka pa ba?" Sa halip ay tanong niya sa akin. "Meron pa naman, 'Nay. Saka magkano lang po 'yan," tugon ko. "Salamat, 'Nak, ha." Ngumiti lang ako at sinabit ang bag. "Siya nga pala, 'Nay...alis po ako mamaya. May pupuntahan lang akong kaibigan. Baka gabi na po ako makauwi." Paalam ko at wala akong balak na sabihin kung anong pakay ko. Saka na lang kapag sure na talagang akong makapasok sa usapan namin ni Gilbert. "O, sige, 'Nak. Mag-ingat ka, ha." "Opo," sagot ko at pumasok na ng kwarto. Nagpahinga lang ako saglit at naligo na rin. Papunta na rin kasi sila Gilbert doon. Lalakarin ko lang naman dahil malapit lang. Nasa highway lang ito. Pumili ako ng medyo maayos-ayos na damit. 'Yong hindi kupasin. Sunod na sahod ko bibili nga ako ng paisa-isang damit. Kupas na kasi ang damit ko kaya luma na tingnan. Ilang minuto pa, biglang nag-ring ang phone ko at si Gilbert ang tumawag. "Pre, nasaan ka na?" Bungad niya agad sa akin. "Papunta na, Pre." "O, sige. Dito na kami sa loob. Hanapin mo lang kami, ha." "Sige, Pre." Pinatay niya agad ang tawag pagtapos kong sumagot. Dali-dali kong pinasadahan ang itsura ko at lumabas na rin nang makitang ayos na, papasa ng model na hindi naman nadiskubre. "Nay, alis na po ako." Paalam ko kay Nanay nang makitang nanunuod ng telebisyon. "Sige, 'Nak. Tirhan na lang kita ng ulam mamaya." "Salamat po, 'Nay." Ngiti ko at lumabas na rin ng bahay. Nakaporma ako dahil nakakahiyang pumasok sa bar na iyon. Malalaki ang mga hakbang ko kaya ilang saglit lang ay tanaw ko na ang bar. As usual, sobrang dami ng mga tao. De-kotse pa ang mga ito. Nagtataka nga ako kung bakit dito pa naisipang magtayo ng bar kung saan mga squater area ang lugar. Pero hindi nawawalan ng tao. Baka strategy lang ng may-ari. "LiquidDoze…" Mahinang basa ko sa pangalan ng bar sa may itaas. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin pero maganda, ha. Pang-sosyal talaga...tunog dollar. Kasing tunog ng presyo ng alak sa loob! Pumasok agad ako sa loob at halos masilaw ako sa iba't ibang kulay ng mga ilaw na sumalubong sa akin. Sumikip rin bigla ang dibdib ko nang malanghap ang amoy ng yosi at alak. Papikit akong tumingin sa loob para hanapin si Gilbert at ang mga kasamahan nito. Ilang saglit pa, naalarma ako nang marinig ko ang sigawan at pagkabasag ng bote. Nagkagulo sa loob ng bar. "Venus!" Malakas na sigaw ng babae kaya sinundan ko ito nang tingin. Medyo madilim kaya't hindi ko maaninag kung ano ang nangyayari. "s**t! "b***h!" Kanya-kanyang sigaw ng mga babae at muling may nabasag na bote. "Tangina!" mura ng isang lalaking nakita kong kaharap ng isang babae. "Cassy!" sigaw ng dalawang babae. "Marla, si Venus." "I saw her!" Sinundan ko ang nagngangalang Marla. "Let her go!" sigaw pa nito nang hindi pa rin binitawan ang isang babae na kaibigan niya yata at kasalukuyang binabastos. Ngumisi lang ang lalaki kaya humakbang ako at akmang aawatin ko sana. Pero gano'n na lang ang gulat ko nang makita kung paano siya umikot at walang salitang binigyan niya ng malakas na sipa sa mukha ang lasing na lalake. Sa isang iglap lang ay bumagsak ito at hindi na agad nakagalaw. Tulog! Natulala ako nang masaksihan ko iyon sa mismong harapan ko. "s**t, Marla, what have you done?! You might be gonna kill him!" Hindi niya pinansin ang babae. Sa halip ay bumaling siya sa nabastos na babae. "Venus, are you, okay?" tanong pa nito at inalalayan ang babae. "Marla!" Hiyaw ng babae at bigla na lang itong umiyak sabay yakap. "What the hell is happening here!" Halos dumadagundong na tanong ng boses lalaki. Parang may-ari ng bar. "Sila nanggugulo. Binabastos nila ang kaibigan ko!" tugon ni Marla na halos hindi ko na maalis ang tingin sa kanya. Hindi ko alam kung bakit pero nakakahanga ang ginawa niya. Sa sobrang sexy niya at sa suot niyang hapit na palda ay nagawa niyang magpalipad ng flying kick para lang iligtas ang kaibigan niya. Wow! As in wow! "Sino?!" Patuloy na tanong ng lalaki. "Sila! Ayan!" Turo niya sa mga lasing na lalaki at sa nakabulagta. "At siya!" Halos lumaki ang mga mata ko sa gulat nang pati ako ay tinuro niya. Hindi agad ako nakagalaw dahil nasa akin ang tingin nila. "Sir, anong nangyari dito?" tanong ng isang pulis. "Dalhin niyo sa presinto ang nanggulo, Boss. Mga lasing na." Doon pa lang ako natauhan nang marinig ko iyon. "Anong ako? Bakit ako? Hindi ako kasama. Hindi ko sila kilala." sunod-sunod na reklamo ko at masama kong tiningnan ang nagngangalang Marla. "Yes, you are! I saw you. You are trying to help him!" giit niya pang masamang nakatingin sa akin at handa na naman manipa. Napaawang na lamang ako matapos kong marinig iyon. Bwesit naman, oh! Kapapasok ko lang pero makukulong pa ako ng wala sa oras! Kay ganda pero ang pangit ng ugali!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD