LUMABAS si Emerald sa pribadong silid na kinaroroonan ni Gray. Tulala siyang napasandal sa dingding habang paulit-ulit niyang binabalikan sa isip niya ang ekspresiyon ng mukha ni Gray maging ang ipinapahiwatig ng kislap sa mga mata nito.
Gawain niya ang Psychological-Op, lalo na kapag may kaharap siyang complainant o respondent na dinidinig niya ang statement bago humantong sa court martial, pero ewan ba niya at parang hindi niya mahulaan ang iniisip ni Gray kanina.
Ganunpaman ay nararamdaman niya na ibang Gray ang kaharap niya kanina, at ang Gray na kasama niya sa bingit ng panganib bago pa sila rito mapunta.
Hindi tuloy niya naiwasang balikan ang nangyari bago pa man ang kaganapan sa kasalukuyan, upang alalahanin kung doon pa lamang ba ay may kakaiba na sa binata.
SINUNDAN niya ang mga patak ng dugo sa kalsada. Nagtatakbo siya sa takot na baka mahuli siya ng dating.
Napaiyak siya nang matapos niyang makuha ang malayong distansiya ay hindi pa rin niya natagpuan ang binata bagkus ay binigyan pa siya ng palaisipan.
Nawala ang bakas ng mga dugo sa bahaging iyon ng kalsada kung saan siya naroroon. Huminto siya sa pagtakbo at sinapo ng likurang palad ang labi niyang nanginginig dahil sa pagpipigil ng kaniyang mga luha.
"Gray!" humihingal at basag ang boses na tawag niya sa pangalan nito sa paanas na paraan.
Iniligid niya ang paningin sa paligid habang binubunot ang baril na nakasuksok sa kaniyang baywang.
Ngayon pa lamang niya iyon naisip bunutin, kahit naman paano lisensiyado ang kaniyang baril at mayroon siyang Permit To Carry ay hindi niya naging ugali na basta na lamang iyon binubunot.
Madawag na kagubatan ang nasa paligid ng matahimik na bahaging iyon ng kalsada.
'Bakit dito siya pumunta!?' nababahalang tanong niya sa isip na binigyan din niya ng sariling kasagutan.
May baril ang taong humahabol dito, kung ipilit nitong sumuong sa mga taong nasa paligid para sa kaligtasan nito ay malaki ang posibilidad na mayroong madamay.
Pero tanong pa rin, sino at bakit may nagtatangka sa buhay nito?
Nasa politika ang ama nito at marahil ay may kaugnayan doon ang kaganapang ito. Subalit, hindi ito ang oras ng pag-iisip hinggil diyan. Isang daang pursiyento ang katiyakang nasa panganib ang buhay nito.
Nakita ng kaniyang mga mata ang nahawing mga damo sa kanang bahagi ng kalsada, palatandaan na mayroong mga paang tumaranas sa mga iyon.
Naisip niyang baka roon nagtungo si Gray, kaya naman nagpatuloy siya sa paghakbang papasok doon sa kadawagan habang nakaumang ang baril na hawak niya ng mahigpit sa kaniyang kamay na sinusuportahan ng isa pa niyang kamay.
Sa bawat paghakbang na gagawin niya at distansiyang kaniyang kukunin ay hindi niya tiyak kung si Gray lamang ang makikita o masasalubong niya roon.
Lumakad siya nang lumakad habang gumagana ang kaniyang malilikot na mga mata sa paligid.
Napabuntong-hininga siya nang matapos ang damuhang nilalakaran niya ay mapalitan iyon ng malawak na carabao grass, na bagama't halos matakpan ng makapal na mga tuyong dahon buhat sa mga punong nasa paligid ay hindi naman makikita ang palatandaan na may mga paang dumaan doon.
Wala ring makitang patak ng mga dugo ang mga mata niya sa bahaging iyon.
Hopeless siyang napailing habang napapasaltik ang mga bagang.
"Gray!" paanas na tawag niya rito. "Nasaan ka!?" Nakagat niya ang kaniyang ibabang labi dahil sa mas sumisidhi pang pag-aalala para sa binata.
Nagpatuloy siya sa paglakad nang bigla ay matigilan sa kaluskos sa kanang direksiyon niya.
Mabilis siyang nakapihit doon habang nakaumang ang baril.
"Gray!?" Nagawa niyang patatagin ang boses nang tawagin ito.
Hindi siya nakakuha ng tugon buhat dito.
Isang malaking daga ang kumaripas ng takbo upang magkubli sa ilalim ng tipak ng bato na naroon ilang hakbang lamang ang layo buhat sa kinatatayuan niya.
Napabuga siya ng hangin bago muling nagpatuloy sa paglakad hanggang sa magulat na lamang siya nang biglang may humila sa kaniyang kaliwang paa.
Mabilis ang mga pangyayari at hindi niya nagawang sumigaw.
Bumagsak siya sa forest floor at dumausdos papasok sa malaking butas na naroon sa ilalim ng ugat ng malaking puno.
Akmang papalag siya nang marinig ang boses ni Gray.
"Ako 'to!" paanas na sabi nito.
Napigil niya ang paghinga at napatitig sa mukha nito. Pasinghap siyang napaiyak sa isip na buhay pa ito sa kabila ng tila kawalan nito sa maayos na kondisyon, medyo namumutla ito, puro bangas sa mukha at naliligo sa sariling pawis.
Bakas dito ang iniindang sakit at panghihina. Ngunit bakas din sa kaniyang mukha ang pagkabigla nang matapunan ng tingin ang lalaking tila walang malay na nakahandusay roon.
Tiningnan niya si Gray nang may magkahalong pagkabahala at paninita bago kumilos upang pulsuhan ang lalaking iyon.
"Hindi ko siya pinatay," paanas na wika nito bilang paliwanag. "Dapat ay tatalian ko siya pero nakita kitang paparating."
Hindi siya nagsalita, pipi niyang ipinagpapasalamat na nagawa nitong ipagtanggol ang sarili sa kabila ng kalagayan nito, sa kung paano mang paraan ay hindi na mahalaga iyon.
Kumilos siya at gamit ang mga sintas ng sapatos ng lalaking ito ay itinali niya ang mga paa't kamay nito.
"Bakit sinundan mo pa ako? I chose to run away so. . ." Binitin nito ang sinasabi at napatitig sa kaniya.
"Kaya ko namang ipagtanggol ang sarili ko. Pero 'yong pag-aalala ko, hindi ko alam kung bakit. . ." Hindi niya itinuloy ang sinasabi dahil nabasag ang boses niya at hindi napigil ang mapaiyak.
"Ssshhh..." saway nito sa kaniya habang nakalapat ang hintuturo sa labi nito. "Minimize your voice, he's just around," paanas na sabi pa nito sa kaniya, hindi nito pinansin ang huling sinabi niya.
He's just around? Ibig sabihin ay may kasama pa ang humahabol dito.
Pinigil niya ang medyo maingay na pag-iyak habang nakatitig dito.
Napakalakas at napakabilis ng pagtibok ng puso niya't hinihingal siya.
Nakita niya ang paglamlam ng mga mata nito nang mapansin ang kaniyang ayos.
"Bakit?" pabulong na tanong nito. "Bakit ka umiiyak? D-Do I look like. . . dying!?" tapos ay tanong nito sa nababahalang tono.
"Sorry. . ." paanas na sabi niya imbes na sagutin ang tanong nito.
Napakunot ang noo nito at napamaang.
Natigilan siya nang maisip naman niya ang kaniyang sinabi.
Bakit nga ba siya nagsu-sorry?
"I-ikaw ba ang nag-utos sa kanila na barilin ako, hah?" tanong nito na napaangat pa ang mga kilay.
Umiling siya habang sinisikap na hamigin ang sarili.
"Feeling ko kase—"
"Lieutenant Captain shouldn't be crying," sabi nito sa hindi mawariang tono.
Natamimi siya habang sinisikap na hamigin ang sarili.
Bakit nga ba siya umiiyak?
Ito ang unang pagkakataon na nabahala siya ng ganito, at hindi niya iyan mapigilan.
"May sugat ka," pabulong na sabi niya habang nakatunghay sa tagiliran nitong sapo ng kanang palad nito, habang kaliwang kamay nito ay tangan ang baril na marahil ay pagmamay-ari ng lalaking walang malay roon.
Hindi ito nagsalita kaya naman kumilos siya upang tingnan iyon.
Isinuksok niya sa kaniyang baywang ang baril niyang hindi nabitawan tapos ay dumukwang sa sugat nito.
Napadaing ito nang alisin niya ang kamay nitong nakadiin doon.
"Dahan-dahan," paanas ngunit paasik na sabi nito sa kaniya habang marahas ang bawat paghinga.
Inililis niya pataas ang laylayan ng t-shirt nito.
's**t!' napaluha na naman na sabi niya sa isip nang makitang umagos ang dugong sumiim na sa panyo nitong nakatapal doon sa sugat nito.
Ito marahil ang pansamantalang umampat sa pagdurugo ng sugat nito kanina kaya nawala ang mga bakas ng dugo sa dinaanan nito.
"M-Masama ba ang tama ko, hah?" nababahalang tanong nito.
Umiling siya at sinikap na patatagin ang kaniyang anyo sa paningin nito.
"Hindi masama ang iyong tama," sabi niya rito kahit pa nga hindi naman siya sigurado. "Pero kailangan nating makaalis dito bago pa lumala ang iyong kalagayan."
"Kailangan muna nating mapigil ang pagdurugo ng sugat ko," sabi naman nito habang napapakunot ang noo at napapatiim-bagang dahil sa sakit.
Oo, tama ito. Madugo ang sugat nito at kailangang maampat iyon. Lalo itong magdurugo sa mga gagawin nilang pagkilos lalo pa at hindi niya tiyak kung may sasakyan ba kaagad silang makikita na makapagdadala sa kanila sa ospital.
Nasaan na ba ang mga rerespondeng pulis?
Parang ang haba na ng sandaling lumipas ngunit wala pang palatandaan na may dumating ng mga pulis.
"Ito lamang ba ang sugat mo?"
Ilang segundo ang pinalipas nito bago nag-aalangan pang tumango bilang tugon sa tanong niya.
Nag-isip siya kung ano'ng maaaring gawin upang pigilan ang pagdurugo ng sugat nito.
"Hubarin mo ang bra mo," utos nito kapagkuwan na siyang nagpaangat sa mga kilay niya. "Huwag mo na akong titigan, hubarin mo na ang bra mo at ilalapat ko sa sugat ko."
"Hindi ko p'wedeng. . .teka bakit bra ko? Puwede namang—"
"Ang bra mo ang gusto ko," giit nito bago napadaing sabay sapo sa tagiliran. "Can you just. . .do it, stop letting me talk for more because my wounds bleed more!" inis na sabi nito, hindi na maipinta ang mukha.
My wounds? Kung ganoon ay hindi lamang iisa ang sugat nito.
Nasaan kaya ang iba pa nitong sugat? Bakit hindi nito inamin na bukod sa tagiliran ay may iba pa itong sugat?
Isang basyo lamang ng bala ng baril ang nakita niya kanina. Sabagay, malay ba niya kung may iba pa subalit dahil sa pagkataranta niya ay hindi na niya napansin pa.
"Huwag mo na akong titigan, hubarin mo na 'yan. Makapal ang padding niyan kaya makakatulong upang mapigil ang pagdurugo ng sugat ko."
Gusto niya itong sapakin. Ano'ng makapal ang padding na pinagsasasabi nito? Natural na malulusog ang mga dibdib niya.
Nakita niya ang pamamasa ng mga mata ni Gray at hopeless siyang tinitigan habang maingat at dahan-dahang isinasandal sa ugat ng puno ang likod nito.
Nakadama siya ng habag dito at hindi niya napigil ang mapabuntong-hininga.
"Sige, huhubarin ko ang tube bra ko pero ipikit mo ang mga mata mo at huwag magmumulat ng mga mata hangga't hindi ko sinasabi," mariing utos niya rito.
Kaagad naman itong sumunod at ipinikit nga ang mga mata, madiin.
Ipinasok niya sa loob ng suot niyang blouse ang kaniyang dalawang kamay at ini-unhook ang tube bra niya.
Nang mahubad niya iyon ay kumilos siya upang ilapat iyon sa sugat ni Gray subalit natigilan siya nang makitang nakamulat ang mga mata nito, at matiim na nakatitig sa malulusog niyang dibdib na noon ay nababakas ang maliliit na n*****s sa manipis niyang blouse.
Nainis siya rito. Masama na nga ang lagay nito ay nakukuha pa nitong makaisip ng kapilyuhan o tamang tawagin na kabastusan.
Gusto niya itong sapakin ngunit naisip niya na masama na ang kalagayan nito, palalalain pa ba niya?
Kumilos siya at itinapat sa mismong sugat nito na natatakpan ng panyong mapipiga na sa dugo ang padding ng kaniyang bra bago iyon binatak at ini-hook.
"Nauuhaw ako," narinig niyang sabi nito kaya napatingin siya sa mukha nito.
Aba't. . .ano pa kaya ang gusto nito?
Huwag nitong masabi-sabi sa kaniya na padedehin ito dahil talagang papuputukin niya ang nguso nito.
Akmang magsasalita sana siya nang bigla ay makita ang malaking ahas na gumagapang palabas sa butas na naroon mismo.
Sundalo siya pero takot siya sa ahas, sa totoong ahas hindi sa ahas na kulay puti ang kamandag.
Sa takot ay napakandong at napayakap siya ng biglaan kay Gray.
Napaigik ito at napadaing dahil nadiinan niya ang sugat nito.
Pero parang wala na muna siyang pakialam doon ngayon.
"Gray, may ahas!" habol ang hininga't nanginginig ang boses na anas niya habang nakayakap dito at binabantayan ang paggapang ng ahas na sa katawan ng lalaking walang malay mismo tumawid.
Parang sasabog siya sa takot. Napakalaki nito, halos kasing laki na ng kaniyang mga braso.
"T-takot ka sa ahas?" namumula at napapangiwing tanong ni Gray sa kaniya habang pigil ang sakit. "Eh, sa akin, h-hindi ka ba takot na matuklaw ko, mas makamandag pa ako sa ahas na 'yan baka akala mo. Kaya please, umalis ka na sa kandungan ko kase naiipit ang sugat sa p'wet ko!"
Napatingin siya sa mukha nito.
May sugat ito sa p'wet?
Napatitig ito sa kaniya at tila napahiya sa sinabi. Nahulaan marahil nito ang katanungan sa isip niya.
"Habang gumagapang kase ako palabas sa driver seat kanina pinapatukan pa niya ako, buti nga daplis lang eh pero masakit pa rin at nagdurugo, hubarin mo ang panty mo para ampatin ang—"
Pinutol niya ang pagsasalita nito sa pamamagitan ng mahinang pagsapak dito.
"Aray!" mahinang daing nito at tinitigan siya ng medyo masama.
Akala yata nito ay maiisahan siya.
"Gusto mong hubarin ko ang brief ng lalaking 'yan at ipakain ko sa 'yo? Gray h'wag mo akong—"
Naputol siya sa pagsasalita nang bigla ay halikan siya nito sa labi.
Nabigla siya kaya hindi siya nakakibo, namilog ang kaniyang mga mata.
Hindi naman nito hinintay na makabawi pa siya at iniwan din kaagad ang kaniyang labing napaawang na lamang.
Napatulala siya rito at halos hindi magawang ikurap ang mga mata.
Hinalikan siya nito. Hindi siya makapaniwalang hinalikan siya nito.
Tinitigan siya ni Gray sa kaniyang labi bago ini-angat ang tingin sa kaniyang mga mata.
Iniiwas niya ang tingin dito. Hindi niya gustong tinititigan siya nito ng ganoon sa kaniyang mga mata. Natatakot siya, na mayroon itong makita roon na maaari nitong ikamuhi sa kaniya.
"Wala na ang ahas," mahinang sabi nito pagkaraan kaya naman mabilis siyang umalis sa kandungan nito at bumalik sa puwesto niya kanina.
"Sa tingin mo," napatikhim pang sabi niya. "Sino ang nagtatangka sa buhay mo?" tanong niya rito upang pawiin at iwasan ang ilang na nadarama niya lalo pa at nakatitig ito sa kaniya.
"Isang tao lang naman ang natatandaan kong nagbanta sa buhay ko, at ang lalaking iyan ang magpapatunay sa hinala ko," tugon nito habang matamang nakatitig sa kaniya.
Saglit na namayani ang katahimikan sa pagitan nila matapos nitong magsalita.
Sinikap niyang hindi ito tingnan, naiilang talaga siya.
Ilang beses na ba siya nitong pinangahasan? Dalawa, tatlo? Subalit hindi naman niya binigyan ng kaparusahan.
"Hinalikan kita, hindi ka ba magagalit sa akin?" kapagkuwa'y tanong nito kaugnay ng iniisip niya.
"Gusto mong sapakin kita sa kalagayan mong iyan?" palusot niya habang sa isip napapahiya siya.
Bakit nga ba wala na naman siyang ginawa?
"Kapag magaling ka na, hindi lang sapak ang ibibigay ko sa 'yo. Tara na, umalis na tayo rito." At akmang kikilos na siya nang magsalita ito.
"Si Daddy. . .gaano mo siya kamahal?" tanong nito na siyang nagpa-estatuwa sa kaniya.
Hindi niya alam kung saan huhugutin ang sagot sa komplikado nitong katanungan.
Nasa ganiyang ayos sila nang marinig ang ingay ng police mobile buhat sa malayo.
Napasinghap siya at napapikt. Bakit ngayon lang dumating ang responde?
Muntik na silang ugatan doon sa ilalim ng ugat ng puno.
Dahil napunta na sa mga pulis ang buong atensyon niya ay hindi niya nakita ang paraan ng pagtitig ni Gray sa kaniya. Kakaiba iyon.