ISANG makahulugang ngiti ang sumilay sa mga labi ni Soju nang nasa taxi na siya.
“Sino ka at talagang pumunta ka pa dito sa mansion ko?” tanong ni Rodoro Madrigal kay Soju.
Ngumisi si Soju. “Mr. Madrigal, hindi niyo ako kaaway. Andito ako para bigyan kayo ng babala.”
“Babala? Anong babala? Kung walang kwenta ang sasabihin mo ay makakaalis ka na!”
“Tungkol ito sa tiara of Ezana,” turan ni Soju.
Sandaling natigilan si Rodoro. “Papaanong-- Anong tungkol sa tiara?”
“Kinausap ako ni Jonas kanina, natatandaan mo pa siya Mr. Madrigal.”
“Oo naman, sa kanya ko nabili ang tiara.”
“Mamayang gabi ay balak ni Jonas na nakawin sa iyo ang tiara dahil ibabalik nila itong muli sa Africa, kay Ezana!”
“Ano?! Bakit nila gagawin yun?” labis ang pagkagulat ni Rodoro sa nalaman.
“Dahil mamamatay sila oras na di nila maibalik yun kay Ezana! May sumpa ang tiara, na kung sino ang kukuha dito ay mamamatay. Mr. Madrigal, desperado na si Jonas na mabawi sa'yo ang tiara at hindi siya titigil hanggang di niya nakukuha ito,” paliwanag ni Soju.
Napatiim-bagang si Rodoro. Kaya pala pinuntahan siya kanina ni Jonas at Bella sa opisina.
Nagpatuloy sa pagsasalita si Soju. “Mamayang gabi niya nanakawin ang tiara at ang plano ko ay palitan mo ang tiara ng isang replika. Itago mo sa ibang lugar ang tunay na tiara. May dala akong replika ng tiara dito... Para ang mananakaw ni Jonas ay ang pekeng tiara. Alam kong mahalaga sa inyo ang tiara dahil lalo kayong sinwerte sa negosyo nang mapasainyo ito. At may mahalaga pa akong sasabihin sa iyo Mr. Madrigal.”
“Ano yun?”
“Oras na mapatay na ni Ezana sina Jonas at Bella ay siguradong ikaw na ang susunod!”
Labis na nagimbal si Rodoro sa narinig. Hindi siya maaaring mamatay.
“Pero bakit pati ako ay papatayin ni Ezana?” tanong ng kinakabahang si Rodoro Madrigal.
“Simple lang! Dahil hawak mo ang tiara. Pero wag kayong mag-alala…” isang medalyon ang inilabas ni Soju. “Ang medalyong ito ay makapangyarihan. Kapag sinuot mo ito hindi ka na magagalaw pa ni Ezana.”
Biglang nagkaroon ng pag-asa ang mukha ni Rodoro. “Kung ganun, akin na ang medalyon na iyan!” Akmang kukunin nito ang medalyon pero agad iyong iniiwas ni Soju.
“Not that easy, Mr. Madrigal! Dalawampung milyon kapalit ng medalyong sasagip sa buhay mo,” nakangising turan ni Soju.
“Ano?! Niloloko mo ba ako?!”
“Mukha ba akong nagloloko? Take it or leave it... Alam kong barya lang sa iyo ang hinihingi kong halaga.”
Nag-isip sandali si Rodoro at maya-maya ay naglabas ito ng cheke na may halagang dalawampung milyon. Agad naman na ibinigay ni Soju rito ang medalyon...
Kaya nang gabing pasukin ni Jonas ang bahay ni Rodoro ay ang pekeng tiara ang nakuha niya!
MAKALIPAS ANG DALAWANG ARAW...
Maagang nagising ng araw na iyon si Jonas. Nais niyang bigyan ng breakfast in bed ang asawa. Simula kasi ng mga kababalaghang nangyari sa kanila ay di na niya nagagawa iyon sa asawa.
Kasalukuyan siyang naghihiwa ng sibuyas nang may biglang yumakap mula sa likuran niya na sanhi ng pagkagulat niya.
“Bella!” aniya matapos na makilala ito. Humarap siya dito at gumanti ng yakap.
“Anong ginagawa mo, hon?” malambing na tanong ni Bella sa kanya.
Matamis na ngumiti si Jonas. “Iginagawa sana kita ng breakfast eh, kaso nagising ka naman agad.”
“Asus, ang sweet-sweet naman ng asawa ko,” sabay kurot ni Bella sa ilong.
Hinaplos ni Jonas ang pisngi ni Bella. Nagkatitigan sila. Nagtagpo ang kanilang mga mata.
Nakita ni Jonas ang sariling repleksiyon sa mga mata ni Bella at ganun na lang ang gulat at takot niya nang may makita siyang nakakatakot na babae doon!
NAKAKATAKOT ang hitsura ng babae. Nabigla si Jonas. Huli na para malaman niyang hawak na niya ang matalim na kutsilyo at mabilis niyang itinarak iyon sa mga mata ni Bella kung saan niya nakita ang nakakatakot na repleksiyon.
Napakalalim ng pagkakasaksak niya dahilan upang tumagos iyon sa utak ni Bella. Wala ng buhay si Bella nang bumagsak ito sahig.
Nahihintakutang nabitiwan ni Jonas kutsilyo. Nasabunutan niya ang sariling buhok. Hindi niya sinasadya!
Natakot lamang siya at nabigla. Lumuhod siya sa harapan ni Bella at iniunan ang ulo nito sa mga hita niya. “Bella... H-hindi ko sinasadya, patawarin mo ako,” aniya sa pagitan ng pag-iyak.
Bakit nagpapakita pa si Ezana? Ang alam niya ay tapos na ang lahat. Naibalik na nila ang tiara, diba?
Napatingin siya sa dugong umaagos mula kay Bella at mula sa nilikha nitong repleksiyon ay nakita niyang muli ang babae!
“Aaahhh!” malakas niyang sigaw. Tumakbo siya at nagkulong sa banyo. Nanginginig siya habang naghihilamos. Napatay niya si Bella-- ang asawa niya. Bakit nagpapakita pa ang babae?
Pagharap niya sa salamin ay muli siyang napasigaw sa labi na takot. Sapagkat katabi na niya ang babae.
Isang paraan na lamang ang naiisip ni Jonas upang tuluyan na siyang lubayan ng babae sa repleksiyon.
Dinala niya sa kanyang mga mata ang kamay niya. Mariin niyang dinukot ng mga kamay ang dalawa niyang mata. Sumirit ang dugo. Desperado na siya!
Duguan na ang kanyang mukha at kamay. Hawak sa magkabilang kamay ang sariling mga mata.
“Bakit mo ginawa yan, Jonas?” isang tinig ng babae ang narinig. Tila nanggagaling ito sa ilalim ng lupa.
“S-sino ka?!” nahihintakutan niyang sigaw. Palinga-linga siya sa kabila ng kawalan ng mata.
“Ako ito, si Maya. Nagpapakita ako sa inyo sa repleksiyon upang bigyan kayo ng babala laban kay Ezana na siyang pumatay sa mga kaibigan natin. Mahal na mahal kita Jonas. Sa kabila ng pagta-traydor niyo sa akin ay nais ko pa rin kayong tulungan laban kay Ezana,” narinig ni Jonas.
“M-maya... Patawarin mo ako...” Ganun na lamang ang pagtangis ni Jonas sa nalaman mula sa multo.
Ito pala ang babaeng nagpapakita sa repleksiyon at si Ezana naman ang pumatay sa dalawa niyang kaibigan. Nagpapakita ito upang bigyan sila ng babala sa paparating na si Ezana. Malamang, kaya sa repleksiyon lang nila ito nakikita ay dahil hindi bukas ang kanilang mga third eye.
Napakabuti ni Maya, naisip ni Jonas.
“Pero Jonas, hindi ka pa ligtas kay Ezana...”
“A-anong ibig m-mong s-sabihin? Naibalik na namin sa kanya ang tiara!” nagsumiksik si Jonas sa gilid ng banyo. Hindi pa rin siya makapaniwala na kinakausap niya ang multo ni Maya.
“Trinaydor kayo ng lalaking kasama niyo sa kweba. Peke ang tiara na naibalik niyo...”
“Si Soju? Hayop siya! Tulungan mo ako Maya... Ayokong mamatay sa kamay niya!” pagsamo niya. Balot ng dilim ang paningin niya.
“Ikinalulungkot ko pero... Hindi ka magagalaw ni Ezana kung tititigan mo siya sa mata! Iyon ang kahinaan niya. Pero paano mo yun magagawa kung... Wala ka nang mata!”
Labis na nagimbal si Jonas. Napakatanga niya!
Bigla niyang narinig ang malakas na pagsigaw ni Maya. “Andyan na siyaa!!! Mamamatay ka!!!” at biglang itong nawala.
“M-maya... Mayaaa!!! Tulungan mo ako!” pakapa-kapang sigaw ng takot na si Jonas.
Bigla siyang natigilan nang may marinig siyang boses na papalapit sa kinaroroonan niya. “Vielum aruza ero...” nakakapangilabot na boses. “Querum valtom ero pecurum!” at tumigil ito sa harapan ng bulag na na si Jonas.
Kung alam lang ni Jonas kung sino ang nasa harapan niya. Matangkad ito at maitim na babae. Payat. Sabog at matigas ang kulay puti nang buhok. Kakaiba ang kasuotan at may kwintas na yari sa kalansay ng tao...
Walang iba kundi si Ezana!
Katapusan na ni Jonas!
W A K A S