MAKALIPAS ang tatlong araw ay agad na nagtungo sina Jonas at Bella sa Kenya, Africa. Kasama nila si Soju bilang gabay nila.
Napag-alaman nila na inilipat ng ibang kweba ang bangkay ni Ezana.
“Malayo pa ba?” bakas sa mukha ni Bella. Mahigit tatlong oras na kasi nilang tinatahak ang masukal ng kagubatang iyon.
Tumingin sa mapa si Jonas. “Malayo-layo pa eh. Isang oras pa siguro. Ang mabuti pa ay lets take a rest muna.”
Sandali silang naupo sa naglalakihang bato.
Maaga pa naman kaya siguradong mararating nila ang kweba ng maliwanag pa. Matapos ang ilang minutong pagpapahinga ay nagpatuloy na sila sa pagtunton sa kwebang kinakalagakan ni Ezana.
Sa wakas, makalipas ang isang oras pa ay natatanaw na nila ang kweba.
Pero ganun na lang ang pagtataka nila dahil habang papalapit sila sa kweba ay papadilim ng papadilim ang buong paligid. Nang makarating na sila sa bungad ng kweba ay latag na ang dilim sa buong paligid.
“Wag kayong matatakot o panghinaan ng loob. Isuot niyo ang medalyon na ito upang pang protekta sa masasamang elemento,” agad naman na isinuot nina Jonas at Bella ang ibinigay sa kanila ni Soju.
Bago pumasok ng kweba ay umusal muna ng dasal si Soju.
Nang matunton nila ang dulo ng kweba ay nakita na rin nila ang kinahihimlayan ng bangkay ni Ezana. Tulad ng dati ay sa pinagpatung-patong na mga bato iyon nakahiga. Himalang walang pinsala ang di naaagnas na bangkay nito. Ang pagkakatanda nina Jonas ay natabunan ito ng kweba sanhi ng pag-sabog noon.
“Finally...” nangingiting saad ni Soju. “Akin na ang tiara,” agad na ibinigay ni Bella ang tiara dito.
“Matatapos na ang lahat,” bulong ni Jonas kay Bella at masuyong hinagkan nito ang ibabaw ng buhok ng kabiyak.
Lumapit si Soju sa bangkay ni Ezana. Itinaas ng dalawang kamay ang tiara at mariing pumikit habang umuusal ng kung anong lengguahe. “Quezom! Quezom! Vanitum! Pequorum! Egozum!” paulit-ulit nitong usal.
Sa bawat pag-sambit ni Soju ng mga katagang iyon ay papalakas ng papalakas ang hangin sa loob ng kweba.
Nahihintakutang nagyakap sina Jonas at Bella habang pinapanood ang ginagawang ritwal ng ispiritista.
Hiling nila ay maging matagumpay ang ginagawa ni Soju.
“Finizum! Levinum!!!” mariing sigaw ni Soju. Pagkalagay na pagkalagay nito ng tiara sa bangkay ni Ezana ay biglang nawala ang malakas na hangin.
Humihingal na humarap si Soju sa dalawa. “Tapos na, malaya na kayo sa panggagambala ni Ezana!”
Dahil sa labis na kasiyahan ay biglang nahalikan ni Jonas ang kabiyak. Sa wakas! Tapos na rin ang lahat. Wala nang Ezana na gagambala sa kanila.
“OH, pano? Uuna na akong sa inyong dalawa,” ani Soju nang may tumigil na taxi sa harapan nila. Nasa labas na sila ng NAIA Airport. Kauuwi lang nila galing sa Africa.
Abot-tenga ang ngiti ni Jonas. “Salamat, pare, sa pagtulong mo.”
“Utang namin sa'yo ang buhay namin,” dugtong pa ni Bella.
“Wala yun. Isa pa, malaki naman ang binayad niyo sa serbisyo ko kaya ginawa ko ng maayos ang trabaho. Oh, alis na ako. Kanina pa naghihintay 'tong taxi.”
“Sige pare. Ingat ka!” sabay tapik ni Jonas sa braso ng kausap.
“Kayo din, mag-iingat din kayo,” at sumakay na ito ng taxi.
Nang nasa loob na ng taxi si Soju ay di nakita nina Jonas at Bella ang pagsilay ng makahulugang ngiti sa labi ni Soju.
Nang di na matanaw ng mag-asawa ang taxi ay nagkatinginan sila at ngumiti.
“Matatahimik na rin tayo, Jonas…”
“Tama ka, Bella. Kalimutan na natin ang lahat-lahat ng tungkol kay Ezana… Magsisimula tayo ng panibago. Tapos na...” ani Jonas.