NAPATINGIN si Bella sa salamin. Naisip niya na ayon kay Owen ay sa may repleksiyon nagpapakita ang babae.
Matapang niyang tinitigan ang salamin. “Bakit di ka magpakita? Kung totoo ka, magpakita ka sa akin!”
Naramdaman niya ang biglaang paglamig ng temperatura sa banyo. Nangilabot siya nang may nakita siyang isang babae na papalapit sa kanya.
Nanlalaki ang mga mata niya sa pagkakatitig dito. Marahan itong lumalapit mula sa likuran niya.
“P-papatayin mo rin ba ako katulad ng ginawa mo sa mga kaibigan ko?!” nagtapang-tapangan siya sa pakikipag-usap dito.
Pero di siya nito sinagot. Patuloy lang ito sa paglapit sa kanya.
Lumingon si Bella sa likuran niya pero wala siyang nakitang babae pero nang muli siyang tumingin sa salamin, nakita na naman niya ito. Talaga nga palang sa repleksiyon lamang ito nakikita.
“Hindi ako natatakot sa'yo!” sigaw niya habang titig na titig sa babae. “Papatayin mo ako?! Papatayin mo ako?! Hindi mo ako mapapatay hayop ka!!!”
Naging mabilis ang paggalaw ng babae sa pagkakataon na yun. Agad iyong nakalapit kay Bella.
Ngayong nakita na ni Bella sa malapitan ang nakakatakot na hitsura ng babae ay nakaramdan na siya ng takot.
Kitang-kita niya na marahang tinatakpan ng babae ang kanyang mga mata sa pamamagitan ng mga kamay nito. At wala na siyang naalala sa mga sumunod na pangyayari...
“BELLA... Bella.”
Ang marahang tapik sa kanyang pisngi ang nagpamulat sa kanyang mga mata. Ang mukha ng kanyang asawa na si Jonas ang una niyang nasilayan.
Agad siyang bumalikwas mula sa pagkakahiga. “B-buhay ako!”
“A-ano bang pinagsasabi mo? Of course, buhay ka. Ano bang nangyari sa'yo at nakita kitang walang malay sa banyo?”
“Yung babae...” tila wala sa sariling sagot ni Bella.
“Anong babae?”
“Yung babae sa repleksiyon! Yung pumatay kina Tommy... Totoo siya Jonas! Nagpakita siya sa akin!” takot na takot na sabi niya.
Isa lang ang ipinagtataka niya, bakit di siya pinatay ng babae?
“Wag kang mag-alala Bella. Malapit nang mawakasan ang kababalaghang ito,” ani Jonas.
Nagtatakang tiningnan ni Bella ang asawa. “A-anong ibig mong sabihin?”
Inilabas ni Jonas mula sa dalang back pack ang tiara of Ezana. “Dahil nakuha ko na ito mula sa bahay ni Rodoro. Oras na maibalik na natin ito sa bangkay ni Ezana, matatapos na ang lahat.”
Sa sobrang katuwaan ay niyakap ni Bella si Jonas. “Pero paano kung madiskubre ni Rodoro na nawawala sa kanya ang tiara? Siguradong ipapahanap niya tayo.”
“Wag kang mag-alala. Gumawa ako ng replika ng tiara at yun ang inilagay ko sa bahay ni Rodoro.”
“Ang talino talaga ng asawa ko,” at masuyo niyang hinaplos ang pisngi ni Jonas.
“Pagkatapos ng lahat ng ito Bella, magbabagong-buhay tayo. Kakalimutan natin lahat ng kababalaghang nangyari sa buhay natin...”
NANG araw ding yun ay agad nagtungo ang dalawa sa bahay ni Soju.
“Maswerte kayo at nakuha niyo ang tiara. Pano niyo nakuha iyon kay Rodoro?” saad ni Soju.
“Hindi na mahalaga kung paano. Ang gusto ko ay tulungan mo kaming maibalik ito sa bangkay ni Ezana!” sagot ni Jonas.
Nangingiti si Soju. “OK. I'll help you if the price is right.”
“Kahit magkano, bibigyan ka namin.. .M-may itatanong lang ako,” ani Bella. “Nag-alay naman kami ng buhay kay Ezana, bakit ginagambala niya pa rin kami?”
“Hindi basta-basta ang life-offering. May tamang ritwal na ginagawa upang maisakatuparan ito!”
Nagkatinginan sina Bella at Jonas. Ibig sabihin nasayang lang ang pagpatay nila kay Maya. Ang akala kasi nila ay basta may mamatay sa loob ng kweba ay OK na iyon.
“Kailan niyo balak pumunta sa Africa?” untag ni Soju sa dalawa.
Matiim na tumitig si Jonas sa kausap. “Sa susunod na araw. Gusto na naming matapos lahat ng ito,” at ibinaling ni Jonas ang paningin sa asawa at marahang pinisil ang kamay nito.