"Hindi pa rin nakakauwi si Charito," aligagang sinabi na ni Sister Mary Joy kay Pablo nang sumapit na ang alas-sais ng gabi. "Nag-aalala na talaga ako. Maaari ba na magpatulong maghanap?"
"Akala ko po ba, magkakasama silang namasyal na magkakaibigan?" may pagkabahalang binalik din niya ang katanungan sa madre at kay Aurora na pinakamalapit na kabarkada ng hinahanap.
"Opo, ako nga ang nagplano ng pamamasyal," maluha-luhang pag-ako ng dalaga sa kasalanan sapagkat nagi-guilty na ito sa pagkabigong mabantayan si Charito. "Akala ko po kasi, magbabanyo lang saglit. Noong medyo natagalan na, pinuntahan ko na pero hindi ko naabutan. Naglibot na po kami sa buong parke at palengke, at nagtanong-tanong sa mga tao roon, pero nawawala po talaga siya..."
Napahagulgol na ng iyak si Aurora sapagkat sinisisi niya rin ang sarili sa pag-aya na mag-picnic sila sa parke. Maganda naman ang intensyon niya kaya hindi niya matanggap na posibleng mapapahamak pa ang kaibigan sa mismong kaarawan pa nito.
"Ang tang* ko po kasi!" nanginginig ang katawan na sinigaw niya habang sinisimulan nang kalmutin ang mga braso. "Kasalanan ko! Kasalanan ko ang lahat!"
"Tahan na," pagdamay na ni Pablo sa kausap na kilala niya na nagkakaroon pa rin ng panic attacks dahil naging r*pe victim ng kinakasama ng pabayang ina. Marahan niyang hinawakan na ang mga kamay nito upang maawat na sa p*******t ng sarili. "Wala kang kasalanan. Mahahanap din natin siya kaya huwag ka nang umiyak, neh? Kalma lang, mag-pray lang tayo at magiging maayos din ang lahat."
"Mother Joy," pakikiusap na niya sa madre na katulad ng mga naroon sa charity home ay itinuturing na rin niyang ina. "Maaari niyo po bang samahan muna si Aurora sa loob upang makapagpahinga na? Ako na po ang bahalang maghanap kay Charito."
"Sige," pagpayag naman nito habang inaakay na ang dalaga. "Mag-iingat ka, ha?"
"Opo," paniniguro naman ni Pablo. "Maglilibot na ako ngayon sa lugar kaya baka bukas na ako makakabalik."
Sinisikap man na magpakahinahon, ang totoo ay nababahala na siya na baka natunton nga ng mga kanayon si Charito at sapilitang pinauwi. Siya rin ay napatanong sa sarili kung tama ba ang desisyon na hayaang mamasyal ito. Ang sa kanya lang naman ay ayaw sana niyang makmukmok at lamunin ng desperasyon ang inaalalayan kaya unti-unti niyang sinasanay na maging independent. Naging kampante naman siya sapagkat grupo-grupo ang mga dalagita kapag lumalabas at hindi nga nagpapagabi.
Subalit, napagtanto niya na kahit anong pag-iingat pa ang gawin ay sadyang gagawa pa rin ang mga kawatan ng paraan upang maisakatuparan ang masamang mga binabalak. Ang tanging magagawa na lang niya ngayon ay isalba si Charito.
"Masama ang kutob ko," naisip niya habang iniisa-isa ang bawat detalye na naikuwento ng dalaga patungkol sa sitio na pinanggalingan at pamilya. "Matalino siyang babae at wala sa personalidad niya ang umalis nang basta-basta. Sana, matagpuan ko siya kaagad at hindi pa huli ang lahat!'
Hindi na siya nag-aksaya pa ng panahon at nagdesisyon nang magtungo sa Gerona. Mahalaga ang bawat minuto para sa kanya sapagkat nakasalalay ang buhay ng hinahanap.
Mag-a-alas-otso na ng gabi nang makarating na siya sa probinsya ng Gerona, sa Sitio Almira. Gaya nga ng pagkakalahad ni Charito, halos bukirin ang matatanaw at malayo pa ito sa sibilisasyon. Kung sa Tarlac ay marami pang gumagala na tao sa mga kanto ng ganitong oras, sa nasabing lugar ay mukhang tulog na nga ang lahat.
Tanging buwan at mga bituin na lamang ang nagsisilbing liwanag sa lupain. Mabuti na lamang at sadyang matalas ang mga mata ni Pablo sa kadiliman kaya malinaw pa rin ang natatanaw niya sa paligid.
"Sa pagkakatanda ko, ang bahay raw nila ay nasa dulo ng Almira at may sapa raw sa tabi. Pero saan ko hahagilapin ang bahay niya kung tabi-tabi pa ang mga tirahan doon? Hindi naman ako pwedeng magtanong-tanong dahil baka mas mapahamak siya. Sinabi pa naman niya na magkakakampi ang mga tao rito kaya
malamang, hindi rin nila ako tutulungan!"
Patuloy na nagmaneho lang si Pablo habang hinahanap kung nasaan ang sapa. Lumipas na ang kalahating oras at nagpaikot-ikot na siya sa sitio subalit wala naman siyang makita na marka ng tubig.
"Diyos ko, paano ko ba siya maililigtas? Napaka-challenging naman po ng kaso na ito!" pagrereklamo na niya na tila ba kabarkada lang ang kausap. "Help me naman po! Give me a sign!"
Sa 'di kalayuan ay may naaninag siyang kumikislap sa may talahiban. Napapreno tuloy siya kaagad nang mapansin ang kumikinang na bagay na hindi niya mawari kung alahas ba o salamin. Tila ba may nag-udyok sa kanya na puntahan iyon at obserbahan. Dali-dali siyang bumaba ng sasakyan upang malaman kung ano ang biglaang nakatawag ng kanyang atensyon.
Hinawi niya ang natuyong mga d**o at pinulot ang accessory na hindi niya inaasahang makakatulong pala upang matunton si Charito.
"Teka, ito ang lapel pin na binigay ko sa kanya!"
Likas man na matapang, nabahala na siya sa kasunod na nakita. Nakaipit sa mga bato ang napunit na telang may bahid pa ng dugo. Tandang-tanda niya na iyon ang kakulay ng damit na sinuot ng hinahanap bago ito nagtungo sa palengke. May mga bakas din sa lupa ng mga paa at kamay na magsasabing may kinaladkad nga na tao roon at malaki rin ang posibilidad na naglaban pa ito.
Sinundan niya ang mga marka na malakas ang kutob niyang nagmula sa dalaga. May mga ilang yapak na bumakat sa lupa na sa paningin niya ay kahulma ng maliit na mga paa ng babae. Pilit niyang tinalasan ang paningin upang makakita pa ng mga palatandaan na magtuturo kung saan nga dinala ang pakay.
'Di nagtagal ay dinala siya ng mga ebidensya ng sapilitang pagkuha kay Charito sa may sapa. Katulad nga ng pagkakakuwento nito, pagtawid doon ay may makikitang bukirin na napalilibutan ng mga acacia at balite. Pinaniniwalaang nagpaparamdam pa rin sa masukal na lugar ang mga kaluluwang hindi matahimik sapagkat doon inililibing ang mga natitirang buto at laman ng mga dalagitang nabibiktima ng bakunawa.
Halos natuyo na ang sapa kaya madali lang kay Pablo na makatawid patungo sa kabilang teritoryo. Maingat na lumusot siya sa mga tusok-tusok na alambre habang alertong nagmamasid kung may mga bantay ba sa paligid.
Nang marating ang lugar na may naglalakihang akasya, kaagad siyang nakaramdam ng kakatwa.
"Tama nga yata ang sinabi ni Charito," pabulong na sinambit niya habang inilalapat ang palad sa lupain na saksi sa pagdanak ng inosenteng mga dugo. Gamit ang espiritwal na kapangyarihan, sinikap niyang makasagap ng ilang impormasyon at enerhiya na naiwan ng mga biktima.
Unti-unting rumehistro sa kanyang isipan ang pangitain ng mga dalagitang nakatali sa gitna ng dilim. Naaninag niya ang isang nilalang na may ulo ng dragon at katawan ng serpyente na bumababa mula sa madilim na kalangitan. Patuloy lamang sa pagsamba ang mga taong naroon habang papalapit nang papalapit sa lupa ang halimaw.
Dinig niya ang nakabibinging hiyaw ng mga biktima habang isa-isa silang ginigilitan ng leeg. Halos umikot ang kanyang sikmura at maduwal nang maamoy pa ang lansa ng dugong dumadaloy sa lupa. Sa isang kisap ay nilamon ng mga apoy ang babaeng mga alay.
"Nakaririmarim," awang-awa na nasambit na lang niya na tila ba naroon siya mismo sa eksena. "Mga inosenteng bata na mismong mga kapamilya pa ang pumaslang! Hindi ko na matukoy kung sino ba ang tunay na masama, ang bakunawa ba o ang mga taong kayang ipahamak ang sariling anak?"
Umihip ang malamig na hangin at ramdam niya ang panunuot niyon sa kanyang kalamnan. 'Di nagtagal ay dinig niya ang mahinang bulong na sigurado siyang hindi na nagmumula sa taong buhay pa.
"Naririnig mo ba kami?" pagsusumamo nito sa pari. "Tulungan mo po kami!"
Pagmulat ng mga mata ay tumambad sa kanya ang mga kaluluwang hindi pa rin makaalis sa Sitio Almira. Sa pagkakatantya niya, ang iilan ay napaslang bago pa man dumating ang mga mananakop na Amerikano. Lumipas man ang panahon ay sariwa pa rin ang alaala ng mga biktima na pinagkaitan ng buhay dahil lamang sa huwad na diyos-diyosan.
"Oo, naririnig ko kayo," tugon niya sa trese anyos na dalagitang si Malaya. Kalunus-lunos ang itsura nito na may marka pa ng malaking hiwa ng kutsilyo sa leeg. Wakwak pa ang tiyan nito kung saan nakalabas ang mga lamang-loob.
"Hija," masuyo na niyang pagtawag sa kaluluwa na halos apat na dekada nang hindi makatawid sa kabilang-buhay sapagkat magpasahanggang ngayon, sumisigaw pa rin ito na mabigyan ng hustisya. "Tutulungan ko kayo, pangako. Pero kailangan ko muna ang inyong tulong upang maligtas ko ang isa pa na nais nilang ialay sa bakunawa."
"Si Charito po ba?" namimilog ang bakanteng mga matang pagtatanong nito. Nakakatakot man para sa iba ang anyo nito, para kay Pablo ay isa pa rin itong inosenteng bata na wala naman intensyong manakit.
"Oo, siya nga!" pagkumpirma niya. "Maaari mo bang ituro sa akin kung nasaan siya? Nanganganib ang buhay niya kailangan ko siyang mailigtas!"
Lumutang sa ere si Malaya bilang pahiwatig na sundan siya. Matagal na rin nitong nais mahinto ang gawaing barbaro ng mga naroon subalit wala lang siyang kapangyarihan na gawin iyon. Desidido siyang matulungan din ang dalaga, maging ang mga susunod na mabibiktima pa.
"Dito!" pagtuturo niya sa istraktura kung saan nananatili ang mga baka at kambing. "Nakita ko na dinala siya rito ng ama at kuya niya!"
Tumagos siya sa loob ng gusali upang malaman kung naroon pa nga ba si Charito. Natagpuan niya ito na nakatali malapit sa kulungan ng inahing mga baka. Mabilis siyang lumibot upang magmasid kung may mga bantay pa ba sa loob. Napangiti na siya nang malamang nag-iisa lamang ang dalaga sa loob. Muli ay lumabas siya at binalita ang mga nakita.
"Pagpasok, tumingin ka po sa kanan. May makikita kang kulungan ng mga bakang buntis. Sa pinakadulo, naroon ang hinahanap mo. Mag-iingat ka nga lang kasi sa pagkakaalam ko, may rumurondang mga bantay pa rin kahit na malalim na ang gabi."
"Salamat," sinabi niya kay Malaya na tunay ang sinseridad na makatulong. "Pagkatapos ko siyang isalba, kayo naman ang isusunod ko na mahanap na ang liwanag. Hindi ko kayo pababayaan."
Isang malawak na ngiti ang gumuhit sa maputlang mukha ng kaluluwa. Sa mahabang panahon ay inakala niya na ganoon na lamang ang kalagayan niya hanggang sa magunaw ang mundo. Nang makilala si Pablo, nanumbalik ang pag-asa niya na sa wakas, matatahimik na rin.
"Sige po," buong tiwala na sinambit nito bago nawala sa paningin ng pari. "Ang mahalaga sa ngayon, wala na pong susunod na masawi katulad ko..."
"Hanggang sa muli..."
Nang maiwan na mag-isa, nagmanman muna siya sa paligid bago lumabas mula sa dayaming pinagtataguan. Katulad nga ng paglalarawan ng kaluluwang si Malaya, naroon nga ang pakay. Madilim man ay kitang-kita niya na namamaga ang kaliwang paa nito na dulot ng pagkakatapilok nang magtangkang tumakas at maglaban. May mga gasgas din ito sa braso at binti, pahiwatig ng pagpupumiglas mula sa mga bumihag.
"Charito," mahinang pagtawag niya.
"Father?" napabulalas kaagad ng dalaga nang makilala kung kanino nagmumula ang boses. Pag-angat ng tingin ay nanlaki ang kanyang mga mata sapagkat hindi niya inaasahang mapapakinggan ang panalangin na ililigtas muli ng pari. "Ikaw nga!"
"Kaya mo bang maglakad?" pagtatanong ni Pablo habang tinatanggal ang tali sa kamay ng isinasalba.
"Opo, kayang-kaya!" sabik na tugon ni Charito sapagkat nabuhayan na siya ng loob at namag-asang makaalis nga sa pinaglalagian. "Salamat at dumating po kayo!"
Marahan siyang hinawakan sa kamay ng binata upang alalayan sa gitna ng dilim. Ingat na ingat silang humakbang upang walang matamaan o maapakan na maaaring makasiging sa nga natutulog na kapitbahay.
Subalit, kahit anong pag-iingat pa ay hindi naitago ang amoy nila sa mga asong sinanay na maghanap ng mga tao. Dinig ni Pablo ang pagtakbo ng mga ito sa direksyon nila kaya mabilis na rin niyang hinatak si Charito..
"Kumapit ka sa akin!" pahayag niya habang sinisikap na mailigaw pa sana ang mga iyon sa masukal na parte ng lupain. "Tumakbo ka lang, huwag na huwag kang lilingon!"
Dahil sa kuryosidad ay napalingon pa rin ang pinagsabihan. Napasinghap siya nang makitang nagsisilabasan mula sa bodega ang naglalakihang asong bundok. Hindi na niya napigilan ang sarili na masindak kaya maging ang mga paa niya ay binigo siya. Aksidenteng namali ang pag-apak niya sa namamagang paa kaya muntikan na siyang nadapa. Mabuti na lamang ay nasalo siya ng kasama kaya hindi siya tuluyang nasaktan.
"Tumakas ka na!" nakangiwing sinabi ni Charito upang hindi na mapahamak pa ang nagliligtas sa kanya. "Ayaw kong madawit ka pa sa gulong kinasasangkutan ko!"
"Hindi, halika!" pagtanggi naman ni Pablo. Lumuhod siya at itinuro ang mga balikat upang kumapit ang kausap doon. Mas lalong hindi niya maaaring iwanan ito sa gitna ng peligro kaya nagpasya na siyang buhatin na. "Bilis, kakargahin na lang kita!"
Sumunod naman si Charito at mabilis na ipinalibot ang mga braso sa kanya. Ramdam nito na para lang siyang manika na inangat ni Pablo at binitbit sa likod. Doon din ay napatunayan niya na hindi nga karaniwan ang tagapagligtas, katulad ng hinala niya sa unang pagkikita pa lang nila
"Humawak kang mabuti!" panuto nito bago tumakbo nang matulin.
Patuloy silang hinabol ng mababangis na hayop. Nagsitahulan na rin ang mga iyon kaya nakuha na ang atensyon ng rumurondang mga bantay. Nagsibukasan pa ang mga ilaw kaya umiwas na ang binata sa mga lugar na madali silang makikita.
Malapit na sila sa barbed wires kaya mas binilisan na ni Pablo ang pagkilos. Kaunti na lang ay malalagpasan na nila ang teritoryo at mas magiging madali na para sa kanya ang maitakas si Charito.
"Kailangan natin makalusot dito," instruksyon niya habang ibinababa ang karga sa may damuhan. Inangat niya ang matatalas na alambre upang padaanin sana ito pero sa kasamaang-palad, naabutan pala sila ng tatlong naglalakihang mga aso. Tumutulo pa ang laway ng mga ito na tila ba gutom na gutom silang lapain.
"Shoo! Alis!" panunubok na paalisin sana ng dalaga ang mga alagang aso ng mga kapitbahay. Inakala niya na dahil pinapakain niya ang mga iyon dati, kikilalanin na rin siya bilang amo. Iyon pala ay pagtatrayduran at pagtatangkaan pa siyang kagatin ng mga iyon. Akmang aatakihin pa sana siya ng isa pero naharang na ito ni Pablo.
"Bilis, lumusot ka na!" inutos niya habang nakikipagbuno sa mabangis na mga hayop. "Huwag kang titigil sa pagtakbo! Susunod ako sa iyo!"
Nangangatog ang mga tuhod na sinikap ni Charito na magsumiksik sa ilalim ng mga alambre subalit aksidenteng natusok naman siya sa hita. Tiniis niya ang pagkasugat at nagpatuloy sa paggapang sa lupa ngunit naamoy naman ng ibang mga aso ang dugo. Parang mga nauulol na halimaw na umungol ang mga iyon at nagtungo sa kanya. Pinagbabato niya ang mga hayop upang palayuin subalit desidido talaga ang mga iyon na lapain siya.
"Layuan niyo ako!" impit na pagsigaw niya. "Please lang, iwanan niyo na kami!"
"Alam ko na ginagawa niyo lang ang tungkulin sa inyong tunay na amo," sinabi ni Pablo sa aso na patuloy siyang kinakalaban. Ayaw sana niyang paslangin iyon subalit nang makitang nag-aalanganin na ang buhay ng dalaga, kailangan na niyang isakripisyo ang mga ito. "Pero kailangan kong gawin ito, patawad!"
Walang kahirap-hirap na binali niya ang leeg ng hayop upang hindi na ito maghirap pa at mabilis na malagutan ng hininga. Dali-dali niyang hinatak sa buntot ang aso na muntik nang nakakagat sa binti ni Charito at hinagis sa puno, dahilan upang mabagok naman ang ulo nito. Nang makita na malakas ang taong kinakalaban, bahag ang buntot na umurong na ang nagsisidatingan pa na mga aso.
"Kaunting tiis, makakaalis na tayo," pahayag ni Pablo nang makita na nagdurugo ang pinsala ng dalaga.
"O-Opo, wala ito-"
Natigilan na si Charito nang marinig ang pagkasa ng mga baril. Nakaligtas man sa mga aso ay mukhang magiging malabo na ang kanilang pagtakas. Dahil sa pagtahol at alulong ng mga hayop, natunton sila ng mga armadong kalalakihan na nagbabantay roon upang hindi makaalis ang mga taga-sitio, lalong-lalo na ang mga kababaihang nakalinyang iaalay. Pinalibutan sila ng mga lalaki at pinagbantaang babarilin kapag kumilos pa.
Nalagay na silang dalawa sa alanganin kaya walang nagawa si Pablo kungdi tanggapin ang pagkatalo. Kung siya lang sana ang naroon at walang inaalalang babae, paniguradong kakain ng lupa ang magtatangkang kumalaban sa kanya. Alang-alang sa pinoprotektahan, itinaas na niya ang mga kamay bilang pahiwatig na sumusuko at hindi na maglalaban.
"Ano pang hinihintay niyo? Paslangin niyo na ang lalaking 'yan!" inutos ni Joaquin, ang kuya ni Charito.
"Huwag! Huwag niyo siyang papatayin!" pagmamakaawa ng dalaga sa kapatid. Lumuhod pa siya sa harapan ng nakatatanda upang huwag nang ituloy ang nais gawin sa butihing pari. "Hindi siya kalaban!"
"Hindi ako tang*! Kitang-kita namin na tinatakas ka ng dayo na 'yan!" pasinghal na pinagalitan naman siya ng kadugo. "Kahit anong gawin niyo, hindi na maiiwasan ang kapalaran mo na maialay ka sa bakunawa!"
"Paano kung sasabihin ko sa iyo na hindi na ako pwedeng maialay sa bakunawa? Maniniwala ka ba na hindi niya ako tinatakas nang basta-basta?" paninimula na niyang magsinungaling para mailigtas lamang ang lalaking may lihim na siyang pagtingin.
"Inuuwi niya ako dahil 'asawa' ko na siya!" walang pagdadalawang-isip na pahayag na niya. "Sino ba naman ang matinong lalaki na hindi hahanapin ang nawawalang kabiyak? Matutuwa ba siya na makitang nakatali sa kulungan ng baka ang minamahal niya lalo na at kakakasal lamang nila? Hindi, 'di ba?"
Napaawang ang bibig ng kanyang kuya, pati ang mga kasamahan sa rebelasyon niya na malayo sa katotohanan. Maging si Pablo ay nagulat sa deklarasyon niya na kinasal na pala sila.
"Nanu*?" hindi makapaniwalang naitanong na lang ng pari. Napakamot pa siya ng ulo habang pinipilit na tanggapin ang pahayag nito na sila ay mag-asawa na.
(Sa Kapampangan, ang kahulugan nito ay "Ano?")
"Hindi ba, mahal mo ako, Pablo? Na-love at first sight tayo sa isa't isa?" aligagang pagtatanong pa nito habang yinuyugyog sa balikat ang Alagad ng Simbahan na mukhang magkaka-instant wife pa. Pinandilatan siya ng mata ni Charito upang sumunod sa agos ng usapan patungkol sa pag-iisang dibdib. "Nangako ka sa harap ng kura paroko ng San Nicolas, na wagas ang ating pag-iibigan!"
"H-Ha? O-Oo naman!" nauutal at tulirong pagsang-ayon na lang niya upang makaligtas sila. "Tama ka riyan, Honey!"
"Parang ako 'yun kura paroko ng San Nicolas?" tahimik na pag-aanalisa pa niya. "Naikasal na pala ako, na ako rin ang nagkasal? Ang gulo, pero bahala na!"
Yumakap sa kanya si Charito at hinagkan pa sa pisngi upang mas maging kapani-paniwala ang kanilang pag-arte. Bilang ganti ay hinaplos naman ni Pablo ang mahabang buhok ng pekeng asawa niya. Pasikreto pa niyang itinago sa loob ng damit ang suot na kuwintas na may krus upang hindi mapagdudahang pari.
"Pasensya na at binalak kong iuwi si Charito ng walang pasabi. Kayo naman kasi, bakit sa may eb*k pa ng baka niyo itinali ang love of my life ko? Napakabaho kaya roon! Nagdilim ang paningin ko sa pag-abduct niyo sa kanya kaya hindi na ako nakatiis na iuwi na sana siya sa bahay namin, tutal, 'asawa' ko na siya!"
"Ganoon ba?" nasambit na lang ni Joaquin na paniwalang-paniwala na sa sinabi ng kapatid. Medyo natuwa pa siya sa balitang may kabiyak na nga ito kaya hindi na posibleng maiaalay pa sa bakunawa. "Sana, sinabi mo na kaagad kay Inay para hindi ka na naturukan ng gamot at sapilitang tinangay! Ang tagal natin na magkasama, hindi mo man lang naikuwento sa akin na kinasal ka na pala!"
"Kasi Kuya, nadaig na ako ng takot," pagpapalusot naman ng bunso. "At paano ako makapagsasalita e binusalan niyo nga ang bibig ko?"
"Ikaw!" paninisi naman ni Joaquin kay Pablo na nananatiling nakatungo ang ulo sapagkat hindi pa rin nito maproseso sa isipan na may other half na pala. "Bakit kailangan niyo pa na pasikretong umalis? Sana, kinausap mo na lang kami nang maayos!"
"Sorry na, Bayaw, kung masyado akong naging atat," paghingi kunwari ng paumanhin ni Pablo kahit sa kaloob-looban niya ay nais sanang pagbabatukan ang kuya ni Charito dahil sa pagpupumilit nito na maialay sa bakunawa ang sariling kapatid. "Ganito lang kasi akong magmahal, medyo possessive with tender loving care. Nag-alala lang naman ako sa asawa ko kaya pasensya na ulit at naging agresibo ako sa mga naikilos ko. Natakot din kasi ako sa mga aso kaya napatakbo kami ng 'di oras. My apologies, misunderstanding lang talaga ang lahat."
Panandalian munang kinilatis ni Joaquin ang inaakalang asawa nga ni Charito. Sa paningin niya ay mukhang disente naman ito kaya hindi naging mahirap sa kanya ang pagtanggap dito. Alam din niya na ganito nga ang tipo ng kapatid, mestisuhin, maputi at mukhang lumaki pa sa Christian School kaya 'di malayong magustuhan nga.
"Kung ganoon, doon tayo sa bahay mag-usap!" pag-aya na nito sa inaakalang mag-asawa. "Pinapaalala ko lang sa iyo na hindi kambing ang bunso namin na basta-basta mo na lang tatangayin kung kailan mo gusto!"
Nagtinginan sina Pablo at Charito na tila ba parehong nagtatanong kung tama ba na magpanggap na mag-asawa. Gamit ang mga mata ay nag-usap sila nang tahimik sa susunod nilang mga hakbang. Kabado man ay nagpasya silang pareho na magpatuloy na sa pagkukunwari.
"Tara na, Sweetheart!" nakangiting pag-aya na ni Pablo habang nakalahad ang mga palad sa harapan ng huwad na misis. Mapanudyong kumindat pa ito kaya namula ang mga pisngi ng binibiro. "Panahon na para makilala ko ang nanay at tatay mo..."
"I'd 'love' to meet your parents..."
-ITUTULOY-