Lumipas ang dalawang linggo at naging maayos naman ang pananalagi ni Charito sa Home for Abandoned Women and Children. Sa maikling panahon ay marami siyang naging mga kaibigan at unti-unti na rin siyang nasasanay sa buhay na may nakakasalamuhang iba't ibang mga tao.
Araw ng Sabado at maaga silang gumising na magkakaibigan upang maihanda ang mga kakanin na ibebenta nila sa palengke. Pagkakataon na nilang kumita ng sariling pera kaya sabik na silang nagtungo sa pamilihan. Parte rin iyon ng training nila upang malaman kung kaya na ba nilang tumayo sa sariling mga paa o kailangan pa ba ng mahaba-habang pagsasanay.
Hindi naman namimilit at nagmamadali ang kanilang ina-inahan na si Sister Mary Joy na paalisin sila. Naiintindihan niya na kadalasan sa mga kabataan na naroon ay biktima ng pang-aabuso at kapabayaan ng mga magulang kaya inuunti-unti rin niya ang pag-alalay. Ang mahalaga para sa kanya ay umuusad ang paggaling hindi lang ng pisikal, maging ang mental at emosyonal na estado ng mga tinutulungan.
"Mother Joy, good morning po!" maligayang pagbati ng mga dalaga sa butihing madre na matiyagang gumagabay sa kanila. "Aalis po muna kami para magbenta ng kakanin sa palengke."
"Napakaaga naman yata," nakangiting sinambit niya sa mga anak-anakan. Natutuwa siya sapagkat nagiging masigla na ang mga ito at mukhang nakaka-recover na sa kani-kanilang mga trauma.
"Opo. Para makarami ng benta," sabik na sinabi naman ni Aurora, ang pinakamalapit na naging kaibihan ni Charito. "Birthday rin po kasi niya kaya balak namin siyang ipasyal sa park. Kung OK lang po sana..."
"A, happy birthday!" pagbati na niya sa dalaga na nagdiriwang na pala ng ika-eighteenth birthday. "Pasensya na at ngayon ko lang nalaman. Oo naman, maaari kayong mamasyal."
Kinuha niya mula sa bulsa ang coin purse at kumuha ng mga barya. Inabot niya ang palad ng birthday celebrant at inilagay ang pera bilang regalo.
"Heto, pambili mo ng gift. Kumain kayo at magliwaliw na magkakaibigan. Basta ba bumalik kayo bago mag-alas-sais ng gabi, ha? At, huwag na huwag kayong maghihiwalay, OK?"
"Thank you po," tuwang-tuwa na pagpapasalamat ni Charito na hindi makapaniwala sa natanggap. Ngayon lang kasi siya nabigyan ng ganoon sapagkat noong nasa Gerona pa, hindi man pinapansin ng mga magulang kapag kaarawan niya.
"Pwede po ba na lubusin ko na ang birthday ko?" namimilog ang mga matang paghingi niya ng pabor sa madre at mga kaibigan. Kinuha niya mula sa basket ang isang lagayan ng mga puto at binigay kay Aurora ang limang sentimo bilang bayad. "Ibibigay ko muna kay Father Pablo bago tayo magtinda. Dadalhin ko lang sa Simbahan saglit."
"Sige lang," pagpayag naman ni Sister Mary Joy. Pigil pa siyang napatawa sapagkat alam niya na crush nga ng mga dalaga ang kura paroko sapagkat maganda na nga ang itsura nito, madali pang kausap. Hindi naman siya nababahala sa paglapit ng mga ito sa pari sapagkat kilala na niya ang ugali nito. May pagkapilyo man ay alam niyang maginoo ito at tinuturing na nakababatang mga kapatid ang inaalagaan.
Sa katunayan ay isa si Pablo sa mga naging alaga niya noong katorse anyos pa lamang ito. Nakilala niya ito nang minsang ma-assign sa Boys' Town kung saan pinatitira ang mga lalaking kabataan na tinuturing ng lipunan na delingkwente.
Unang nakita niya ito bilang misteryosong binatilyo na sinasabi ng mga pulis na bayolente at napakalbahe dahil naglaban pa at binalian ng braso ang isa. Kakaiba ang kaso ng nasabing teenager sapagkat ito ang bukod-tanging kakilala niya na naglakas-loob na humamon sa awtoridad. Kabadong-kabado na tinanggap na lang niya si Pablo kahit hindi niya alam kung paano ito pakikitunguhan at madidisiplina.
Taliwas sa babala na binigay sa kanya ng kinauukulan, pinaka-behaved pa nga sa mga naroon ang na-assign sa kanya. Natagpuan niya ito na payapang nakahiga sa malambot na higaan at tila ba natutuwa pa sa kutson na pinaglalagian kaya nagtaka na siya kung saang parte ng istorya ang nagsasabing marahas daw ito. May mga pasa pa nga ito sa mukha at katawan kaya naisip niya na marahil, self-defense ang nangyari at hindi basta-basta naglaban.
"Good afternoon po," magalang na pagbati pa nito sa kanya nang makita siyang papasok ng silid. "Marahil, isa kayo sa mga tagapag-alaga rito. Matanong ko na rin, dito na po ba ako titira?"
Sa isang iglap ay para siyang nabalot ng karisma ng nilalang na nagmimistulang nagmula pa sa langit. May 'di nakikitang pwersa na nagsasabing kupkupin at gabayan na nga ang mestisuhing binatilyo. Doon din mismo ay napag-alaman niyang hindi karaniwan ang batang pinapasok sa komunidad.
"Oo," tugon niya na nakapagdulot ng tuwa sa bagong salta na naulila na sa pamilya. Isang ngiti lang mula sa kausap ay para bang napuno na ng saya ang kanyang puso, katulad ng nararamdaman ng mapag-arugang ina sa malambing na anak.
"Blessing in disguise pala na nahuli ako ng mga pulis!" patawa-tawang pagpapasalamat pa ni Pablo. Niyakap niya ang unan at maligayang nilanghap pa ang samyo niyon. "Gusto ko nga po rito, mukhang mapayapa at malinis. Medyo ewan nga lang 'yun mga makakasama ko rito pero pwede ko nang pagtiyagaan basta ba huwag nila akong guguluhin!"
Naaliw na siya sa kakatwang pinagsasabi ng binatilyo na may pagkaprangka pero hindi naman intensyong mang-inis. Nakangiti man ang kausap sa kanya ay kapansin-pansin na malungkot naman ang mala-abong mga mata nito. Nanalamin doon ang kaluluwa na matagal nang nagtitiis sa kalupitang pinaranas ng masasamang mga tao.
Bilang ulila, namuhay si Pablo na pinagpapasa-pasahan ng mga kamag-anak. Doon ay dinanas niya ang samu't saring pang-aabuso na maging siya ay hindi niya alam kung paano niya kinaya. Makailang beses na rin siyang pinadala sa mga bahay-ampunan pero hindi pa rin natapos ang pagpapahirap sa kanya. Isang araw, labis na ang pagmamalupit na natanggap kaya tumakas na siya at nagpakalayu-layo. Naging pagala-gala siya sa siyudad ng Maynila kung saan ume-extra siya sa pagtitinda ng mga gulay sa palengke o kaya naman ay nagiging kargador. Ganoon ang naging buhay niya halos araw-araw hanggang sa mapadala na siya sa Boys' Town.
"Sana, dito na ako magkaroon ng tahanan," malamlam ang mga matang paghiling ni Pablo sa madre. "Nakakapagod na rin po kasi...pagod na akong masaktan...pagod na rin akong inaabuso ng mga taong akala ko ay tatanggapin ako bilang kapamilya..."
Sa paglipas ng mga araw, napag-alaman nilang mga tagapag-alaga na kuwela at mabuting tao naman pala talaga si Pablo. Minalas lang na madawit siya sa gulo ng mga gangsters at dr*glords sa Maynila. Nagkataon kasi na nakatambay siya sa kanto nang mag-away ang mga siga-siga sa lugar kaya nang umawat ang mga tanod, maging siya ay sapilitang pinadala sa Boys' Town.
Ilang taon din na ipinagdasal ni Mary Joy na sana ay umayos ang buhay ng binatilyo at makalaya na mula sa masalimuot na nakaraan nito. Nasasayangan kasi siya sa talino at mga talento nito kung tuluyan lang na mapapariwara.
Tumugon naman ang langit sa kanyang panalangin at sobra-sobra pa ang binigay. Magpasahanggang ngayon, marami ang hindi makapaniwalang magiging pari ang batang nanatili sa Boys' Town at ngayon ay nagsisilbi na rin sa mga kabataang nangangailangan ng kalinga. Pangunaging proyekto ni Pablo ang tahanan para sa mga biktima ng pang-aabuso at kapabayaan, katulad nga ng mga kaso ni Charito.
"Sana, magustuhan niya ang ibibigay ko!" naisip ng nasabing dalaga habang patungo sa Simbahan.
Natagpuan niya ang pakay na nasa may altar at nagwawalis. Kadalasan, maaga nga rin itong nagigising upang maglinis ng lugar at magdilig ng mga halaman.
"Hay! Nakakaganda nga naman ng umaga itong si Padre!"
Malawak ang ngiting lumapit siya sa hinahangaang lalaki na sa unang tingin ay hindi man mapagkakamalan na pari. Akmang gugulatin at bibiruin pa sana niya ito habang nakatalikod subalit siya pala ang mabibigla nang bigla siyang tawagin nito.
"Charito," sinambit nito habang nilalagay sa garbage can ang naipon na alikabok. Paglingon ay hinagod nito palayo sa noo ang naguluhang buhok at nginitian pa siya kaya ramdam niya ang pagbilis ng t***k ng kanyang puso. Sa simpleng akto ay na-imagine pa niya na nagpapa-cute sa kanya ang kaharap pero sa katunayan ay kinulang lang ito ng pomada kaya bumabagsak sa mukha ang itim na buhok. "Anong meron?"
"A, e, ano po," nag-aalangan na nasambit na lang niya. "K-Kasi..."
"OK ka lang ba?" pag-uusisa na ng kausap nang mapansin na namamawis na siya nang malapot.
Nahihiya man ay iniabot na niya ang puto na pinaghirapan nilang iluto.
"Para po sa iyo," naglakas-loob na pahayag na niya. "Wala po akong panghanda kaya ito na lang sana ang pakain ko para sa iyo. Eighteenth birthday ko po, Father!"
"Wow! Happy birthday!" maligayang pagbati naman ni Pablo sa kanya. Malugod niyang tinanggap ang pagkain at nilanghap pa. "Ito pala 'yun naaamoy ko na masarap kaninang madaling-araw. Na-a-appreciate ko ito, salamat!"
"Sandali lang," kasunod na pagsasabi naman niya. Nag-isip muna siya kung anong regalo ang maaari niyang ibigay sa isang debutante. "May surprise ako para sa iyo. Maghintay ka, neh?"
"Naku, huwag na po!" pagpigil pa sana ng may kaarawan. "Makakaabala pa ako!"
"Basta, dito ka lang!" panuto pa rin ni Pablo kahit akmang hahabulin pa sana siya at patitigilin ni Charito.
Dali-dali siyang nagtungo sa rectory upang kunin ang lapel pin na sadyang nirereserba niya para sa espesyal na mga okasyon. Pagbalik ay binuksan niya ang munting kahon at pinakita sa dalaga ang nilalaman niyon.
"Birthday gift ko para sa iyo," deklarasyon niya na nakapagdulot ng sobrang tuwa sa nireregaluhan.
"P-Para sa akin?" hindi makapaniwalang paniniguro pa ng hinahandugan. Aligagang inabot niya iyon subalit dahil sa sobrang nerbiyos, muntikan pa niyang nahulog iyon. Mabilis naman itong nasalo ni Pablo subalit 'di sinasadyang nahawakan naman nito ang kamay niya.
Tila ba may kuryenteng dumaloy sa katawan niya nang magdampi ang kanilang mga balat. Para sa binata ay wala lang iyon pero sa kanya, nagpapahiwatig iyon ng espesyal na pagtingin. Mas tumindi ang pamamag-asa niya na bibigyan ng atensyon ang kanyang paghanga nang maingat na hinawakan pa siya ni Pablo sa may kuwelyo upang isuot na ang pin.
"Baka magtampo pa si Lord kapag nahulog ito kasi binukulan mo raw," pabirong sinabi pa nito habang dahan-dahan na inilalagay sa damit niya ang lapel pin na may nakaukit na krus na napapalibutan ng mga rosas. Nasiyahan pa siya nang makitang nagko-concentrate ito sa ginagawa na tila ba siya ang pinakaimportanteng babae sa buong mundo.
"Ayan!" may tono ng paghangang pahayag pa nito. "Tignan mo sa salamin, dali!"
Patakbong nagtungo siya sa may lagusan kung saan may nakasabit na pinaglumaang salamin. Tunay nga na nakakaganda sa kasuotan ang accessory na kumikinang pa kapag natatamaan ng liwanag. Hindi na niya napigil ang sarili na kiligin nang makita si Pablo na tahimik na pinagmamasdan siya mula sa may likuran. Ngumiti pa ito at maingat na hinawi ang buhok niya patalikod upang makita kung maayos nga ba ang pagkakalagay ng regalo.
"Bagay na bagay sa skin tone mo," inosenteng pagpuri ng pari na walang kaalam-alam na may ibang kahulugan na pala ang akto at mga sinasabi sa kausap. "Kahit sweet eighteen ka na, bawal munang magpaligaw, neh? Mag-aral ka muna, saka na ang boyfriend!"
"Sorry po, Lord, pero ano ba itong nararamdaman ko?" paghingi pa ni Charito ng dispensa sa paghahangad na alam niyang bawal. "Pigilan niyo po ako bago tuluyang mahulog ang loob ko sa kanya!"
Nais pa sana niyang magtagal na makasama si Pablo subalit nagsimula nang magsidatingan ang iba pang mga tao upang magsimba. Dismayadong napakamot na lang siya ng ulo nang tumunog na rin ang kampana bilang hudyat na nalalapit na ang oras ng unang misa sa araw.
"Excuse me muna," pagpapaalam na ni Pablo upang makapaghanda na sa tungkulin bilang pari. "Magbibihis pa pala ako kasi priestly duty muna. Basta, enjoy your day! God bless you, Charito!"
Nagniningning ang mga matang sinundan niya ng tingin ang Alagad ng Simbahan habang pabalik ito sa rectory. Nang makapasok na ito sa hallway, lumakad na siya pabalik kina Sister Mary Joy upang ayain na ang mga kaibigan na magtinda sa palengke.
Wala pang alas-diyes ng umaga ay naubos na ang mga paninda kaya napagkatuwaan nilang mamasyal muna sa parke. Naglatag pa sila ng tela sa may damuhan upang magsalu-salo sa nabili nilang pansit at inihaw na manok.
Sa gitna ng katuwaan ay naramdaman ni Charito na kailangan na niyang umihi. May pampublikong palikuran naman doon kaya nagsabi muna siya sa mga kasama na magtutungo roon. Maraming tao naman na naglalabas-pasok sa palikuran kaya naisip niya na ligtas naman kung pupuntang mag-isa.
Paglabas ng kubeta ay 'di sinasadyang may nabangga siyang babae. Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mukha nito na may pagkakahawig sa kanya. Hindi niya inaasahan na matatagpuan muli ng sariling ina sa parke kaya napuno na siya ng takot. Akmang tatakbo na sana siya at hihingi ng saklolo subalit marahan siyang hinawakan nito habang tumatangis.
"Salamat sa Diyos at nahanap din kita!" humihikbing sinabi ni Aling Sally kasabay ng magkakasunod na pagtulo ng mga luha. "Alalang-alala ako sa iyo! Masaya ako na ligtas ka at hindi napahamak!"
"Isa po kayo sa mga gusto akong ialay!" pagpapaalala ni Charito sa nanay. Mabilis din niyang inilayo ang kamay sa pagkabahalang pupuwersahin na sumama. "Bitiwan niyo po ako o sisigaw na ako!"
"Anak, patawarin mo ako," pakikiusap ng ginang sa kanyang bunso. Pinagdaop pa nito ang mga kamay bilang pahiwatig ng pagsusumamo. "Sa maniwala ka man o hindi, nagising na ako sa maling ginagawa namin. Tatanggapin ko ang mga panunumbat mo dahil aminadong naging masama akong ina. Pero sana, bigyan mo pa ako ng isang pagkakataon na patunayang nais kong magpakananay sa iyo."
Pansamatalang natigilan ang dalaga upang timbangin kung tunay nga ba ang sinasabi ng ina. Kita sa mga mata nito ang kalungkutan at pag-aalala kaya sa murang isipan niya, umasa siya na nagbago na nga ito.
"Sa katunayan, tumakas na nga rin ako sa puder ng iyong ama," paglalahad pa ni Aling Sally kaya mas napaniwala pa niya si Charito. "Pansamantala akong nanunuluyan sa kamag-anak ko sa San Miguel. Kung gusto mo, maari ka nang sumama sa akin. Magsimula tayong muli. Kalimutan na natin ang maging buhay natin sa Gerona."
Nangilid ang luha sa mga mata ng dalaga sa pag-aakalang nagsasabi nga ng totoo ang kapamilya. Ganoon pa man ay naisip pa rin niya na huwag basta-basta magtitiwala. Nagpasya siyang huwag munang sumama, at ipaalam muna kay Pablo at Sister Mary Joy ang pagkikita nila ng ina. Nais niyang marinig muna ang payo ng mga ito upang masiguro din ang kanyang kaligtasan.
"Pasensya na, Inay, hindi pa ako handang makasama kayo," deklarasyon niya na ikinagulat ng babae. Nakilala nito na masunurin si Charito at hindi marunong sumuway kaya hindi inaasahan ang pagkontra niya.
"Bakit? Wala ka pa rin bang tiwala sa akin?"
"Maari naman tayong nagkita rito sa susunod na Sabado. Pag-iisipan ko po munang maigi kung nararapat pa ba na sumama sa iyo."
May agam-agam man ay tumalikod na siya at naglakad upang bumalik sa kinaroroonan ng mga kaibigan. Nagtatalo tuloy ang kanyang isipan at damdamin sa nararapat gawin. Mabuti na lamang, isang senyales ang pumasok sa kanyang isipan. Mas naging desidido siya na huwag magtiwala sapagkat naging masamang pahiwatig sa kanya ang pagkalimot ni Aling Sally sa birthday niya.
"Nakakaduda, parang hindi man niya naalala ang kaarawan ko," pag-aanalisa na niya habang nagmamadaling makalayo sa ina. "Hindi kaya ito patibong-"
Napasinghap na lang siya nang may maramdamang tumusok sa kanyang braso. Paglingon ay nakita niya si Aling Sally na mabilis na itinatago sa sisidlan ang dalang injection na may gamot.
Mabilis na nawalan ng pakiramdam ang kanyang kamay hanggang sa kumalat na ang itinurok sa buong katawan. Bago matumba ay sinalo siya ng nanay at inalalayan pa na humiga sa may damuhan upang hindi mahalatang may balak na nga itong tangayin siya nang sapilitan.
"T-Tulong," hirap na hirap sa pagsasalita na paghingi niya ng saklolo pero hindi naging sapat ang kanyang tinig upang mapansin ng mga dumaraan. Sa kasamaang-palad, natatakpan ang kinaroroonan niya ng tindahan kaya imposibleng makita siya ng mga kaibigan.
"Anak ko siya, huwag kayong mabahala!"
pagpapaliwanag ng ina sa mga lumalapit na tao upang makiusyoso. "May epilepsy kasi siya kaya nagkakaganyan! Iuuwi ko na nga siya kapag kumalma!"
Dahil sa mukhang mabait at maaruga ang may edad ng babae, hinayaan na sila ng mga naroon. Mula sa likuran ng isang kotse ay lumantad ang pinsang mga lalaki ni Charito. Sinikap niyang kumilos at sumigaw subalit malakas ang gamot na pampamanhid kaya wala siyang nagawa nang bitbitin na siya patungo sa sasakyan.
Habang nanlalabo ang paningin ay nagsusumamong tinignan niya ang nanay na magpasahanggang ngayon ay hindi niya matanggap na kaya siyang ipagkanulo. Blangkong tingin lamang ang iginanti nito sa kanya na para bang hindi man sila magkaanu-ano. Manhid man ang kanyang katawan, ramdam naman niya ang matinding takot sa maaaring sapitin sa oras na maibalik siya sa Gerona.
"Pablo!" hiyaw ng kanyang isipan. Tumulo ang kanyang luha habang nananalangin na sana, sa pagkakataon na ito ay maisalba siya muli ng kaisa-isang pinagkakatiwalaang lalaki.
"Iligtas mo ako!"
-ITUTULOY-