Malakas ang ulan sa bayan ng Gerona na tila ba may nagbabadyang bagyo. Kasabay ng dumadagundong na kulog ay rinig din sa liblib na baryo ang yabag at paghikbi ng dalagang nagmamadaling makatakas mula sa mga taong nais siyang gawan ng masama.
"Hanapin niyo siya! Hindi dapat siya makatakas!" inutos ng sariling ama sa mga kasamahan.
Nahintakutan siya kaya mas binilisan niya ang pagtakbo. Hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala na isasakripisyo siya ng magulang para lang sa nilalang na pinaniniwalaan nilang bibigyan sila ng maraming ani at ililigtas sa delubyo. Kanina lamang ay nasaksihan niya kung paano inalay ng mga kanayon ang mga kaedaran niyang labimpito sa halimaw na sinasamba ng mga mas nakatatanda.
Saksi siya sa walang awang pagpaslang sa mga babae at hindi niya alam kung mawawaglit pa sa isipan ang pagkawarak ng dibdib ng mga ito at pagdanak ng dugo sa pinagsasakahan nilang lupa. Kitang-kita niya kung paano nilamon ng bakunawa ang duguang katawan ng mga kaawa-awang biktima na inilatag pa sa gitna ng sakahan na parang ulam na hinain lamang.
Ang bakunawa ay maihahalintulad sa mga dragon pero ang karaniwang bersyon sa mga sinaunang kasulatan ay may katawan ito ng katulad sa ahas. Noong bago dumating ang Kristiyanismo sa Pilipinas, isa itong nilalang na pinaniniwalaan na sumubok kainin ang buwan na likha ni Bathala. Sa bawat pagkakataon na nagkakaroon ng eclipse, iyon daw ang mga panahong pinagtatangkaan nitong lamunin ang buwan kaya nakagawian noon na mag-ingay gamit ang mga kawali at kaserola upang maistorbo ito at huwag ituloy ang balak. Sa paglipas ng panahon, kinunsidera na lamang iyon na parte ng Philippine Mythology. Lingid sa kaalaman ng nakararami, patuloy itong sinasamba pa rin sa isang liblib na baryo ng Gerona kahit na taong 1962 na at laganap na ang Kristiyanismo sa bansa.
Sa katunayan ay hindi na buwan ang pinupuntirya nitong kainin kungdi mga batang babae. Nasasarapan kasi ito sa malambot at purong mga laman kaya iyon ang hinihingi nitong alay. Kapalit ng mga sakripisyo, binibiyayaan naman nito ng sapat na ulan ang lupaing sinasaka ng mga tao at pinoprotektahan pa sa mga kalamidad.
Subalit, nitong mga nakaraang araw ay nanghihingi pa ito ng mas maraming alay kaya maging si Charito, inilinya na rin sa kakatayin at ipapakain dito.
Takot na takot man, habang abala ang mga kapamilya na pinaglilingkuran ang sinasamba, nagsumikap siya na tumakas upang hindi matulad sa mga naunang biktima. Nagkandasugat-sugat man ang mga braso, ininda niya ang sakit makawala lang sa lubid na nagtatali sa kanya.
Mas naging desidido ang mga kanayon niya na paligayahin ang bakunawa dahil nagkasunud-sunod ang mga bagyo at marami sa mga pananim nila ang nasira kaya nagdulot ng pagkalugi hindi lang sa kanila maging sa mga kabaryo. Pinaniniwalaan ng mga matatanda na pinarurusahan sila ng kanilang diyos-diyosan dahil hindi pa sila nakapag-aalay ng sapat na mga birhen. Dugo lang daw ng isang "puro" ang makapagpapasaya sa halimaw kaya ngayon, siya naman ang nais nilang ialay.
"Hindi ako pwedeng mahuli!" natatarantang naisip niya habang lumulusot kung saan-saan sa masukal na gubat.
Sa kakamadali niya ay nadapa pa siya. Ramdam niya ang pagkalamog at pagkatuklap ng balat sa tuhod kaya napaiyak siya nang 'di sinasadya. Narinig ng mga naghahanap ang kanyang boses kaya dali-dali silang nagtungo sa direksyon niya.
Masakit man ang pinsala ay sinikap niyang makatayo at magpatuloy sa paglalakad. Masamang-masama ang loob niya sa ginawang pagtataksil ng kapamilya na inakala niyang mahal siya.
Noon pa man ay nagtataka na siya kung bakit bihira siyang palabasin ng bahay. Ang katwiran ng ina ay pinoprotektahan lamang nila siya subalit iyon pala, sila pa mismo na mga kadugo ang magbabalak na paslangin siya.
Hindi na niya namalayan kung gaano kalayo ang kanyang narating. Napahinto na lamang siya nang mapansing rumaragasang tubig na nagmumula sa ilog ang muntikan na niyang kahulugan. Nagpalingon-lingon siya sa paligid upang makahanap pa ng mapupuntahan. Sa kasamaang-palad, nasundan pala siya ng kaisa-isang kapatid.
"K-Kuya," nangangatog ang mga tuhod na pakikiusap na niya. "Patakasin mo na ako..."
Ilang sandali rin silang nagtitigan ng iginagalang na nakatatanda. Namag-asa siya na maaawa ito dahil naging maganda naman ang samahan nila. Noong bata pa ay itinatakas pa siya nito sa bahay at ipinapasyal sa bayan dahil palagi niyang inirereklamo na naiinip sa bahay.
Naglaho ang katiting na pag-asa niya nang ngumisi ang kapatid at piniling ipagkanulo siya sa sinasamba.
"Narito siya!" walang pagdadalawang-isip na isinigaw nito sa mga kanayon.
"Paano mo nagawa sa akin ito?" nangingilid ang luhang tinanong ni Charito. Halos himatayin na siya sa sindak nang makitang papalapit na ang mga lalaking naghahanap sa kanya.
"Hahayaan mo ba akong mamatay? Pakiusap, iligtas mo ako!" pagsusumamo niya.
"Dapat, ikaw ang makaintindi!" nagawa pa siyang pagalitan ng kuya."Gutom ang aabutin namin kung hindi ka namin iaalay! Magsakripisyo ka na alang-alang sa pamilya at mga kabaryo natin!"
Bahagyang natulala siya sa sinabi ng kadugo. Sa kaloob-looban niya ay nagtalo ang isipan kung nararapat pa nga ba na magsakripisyo para sa iba at tama nga ba na buhay niya pa ang maging kapalit. Mahal niya ang kanyang pamilya pero napagtanto niya na buong buhay niya, niloko lang nila siya at wala naman talagang pakialam sa kanya. Para sa kanila, isa lamang siyang alay para sa bakunawa.
"Mas pipiliin ko pa ang mamatay, kaysa maialay sa pekeng panginoon niyo!" buong-tapang na pahayag niya. Pikit-matang tumalon na siya sa malalim na ilog. Hindi man siya marunong lumangoy, ninais pa niyang magpatangay sa tubig kaysa magpahuli sa mga barbarong naniniwala pa rin sa huwad na diyos.
Lumipas ang magdamag at hindi na niya alam kung saan siya dinala ng agos ng tubig. Natagpuan na lang niya ang sarili na nasa pampang ng ilog ng Tarlac. Takang-taka siya kung paano siya nakarating doon nang ligtas kahit sa pagkakatanda niya, nawalan na siya ng malay.
Pag-angat ng tingin ay nakita niyang malapit na pala siya sa pampublikong daan. Dahil hindi sanay sa makabagong sibilisasyon, namangha pa siya nang may dumaan na pampasaherong bus sa 'di kalayuan.
Magkahalong nerbiyos at pagkasabik ang naramdaman niya nang masilayan mismo ang asensadong bayan. Kinakabahan man, aminadong natuwa siya sa kalayaan na para sa kanya ay abot-kamay na.
"Malaya na ako!" hiyaw ng kanyang isipan habang pinagmamasdan ang mga ibon na nagsisiliparan sa alapaap. Sinalat pa niya ang sarili upang siguruhin na buhay pa siya at hindi nananaginip lamang.
Tila ba nawawala siya sa sariling napahalakhak nang mapagtantong tunay ang lahat ng nakikita. Maihahalintulad siya sa isang paslit na patalon-talon na tumawid at nagtungo kung saan ang karamihan ng tao ay nananalagi.
"Ito kaya ang tinatawag nila na 'siyudad'?" pag-aanalisa pa niya. Mabilis na gumalaw ang paningin niya na manghang-mangha sa mga dumadaang jeepney at mga samu't saring tindahan sa palengke. Namilog ang mga mata niya nang mapansin ang nakalantad na mga kalakal sa pamilihan na sa kanilang baryo ay pangmayaman lamang.
'Di nagtagal ay unti-unti nang rumehistro sa isipan na wala pala siyang pambili ng mga pangangailangan at wala rin siyang matutuluyan. Nang mapadaan sa isang karinderya sa palengke, mabilis na nagpahiwatig ng gutom ang kumakalam na sikmura.
Sa kasamaang-palad, wala siyang pera kaya napalunok na lang siya nang makitang may bumili ng pansit at tinapay. Nais man niyang humingi ay nahiya pa rin siya lalo na at dayo lamang. Aalis na sana siya pero mas malakas ang tukso na dulot ng magkahalong pagod at gutom. Nang tumalikod ang tindera, naisipan na niyang magpuslit ng kahit isang pirasong puto na nakahain sa puwesto.
"Isa lang, gutom na gutom na kasi ako," pagdadahilan niya habang maingat na dinadampot ang puting kakanin. "Patawarin, kailangan ko lang talaga..."
Lumingon-lingon pa siya upang masigurong walang makakakita. Dahan-dahan niyang ibinulsa ang pagkain upang hindi makahalata ang tindera. Akala niya ay nakaligtas na siya subalit nagulantang siya nang may nagsalita sa may likuran niya.
"Masama yan," mahinang pinagsabihan siya ng lalaki. Sa malumanay na pagsasalita nito, nagmistula itong anghel na pinaalalahan siyang huwag gagawa ng kasalanan. Marahan pa siyang hinawakan nito sa braso upang pigilang umalis.
"Pasensya na Kuya, gutom na gutom lang talaga ako," maluha-luhang pagsusumamo niya habang nagpupumiglas sa pagkakahawak ng nakahuli sa kanya. Akala niya ay isusumbong pa siya nito sa dumaan na mga pulis pero nakahinga siya nang maluwag dahil hindi naman pala siya balak isuko nito. Kaagad din naman siyang pinakawalan nito at inaya pang umupo sa may mesa ng kainan.
"Halika, maupo ka," panuto nito sa kanya. Mabilis naman siyang sumunod sapagkat para siyang natamaan ng karisma na nagmumula sa estrangherong sa paningin niya ay ang pinakamagandang mortal na umapak sa lupa.
"Ale, magkano nga ba itong puto at lugaw?" kasunod na pagtatanong nito sa may katabaang babae na may-ari ng tindahan.
"Diyes sentimos kapag lugaw lang," sinagot ng tindera. "Beinte kapag may puto at itlog."
"Pakibigyan nga siya lahat niyan," instruksyon nito kasabay ng pag-aabot ng bayad.
Hinain ng binata sa kanya ang mga binili at masuyong inudyok siyang kumain. Inabot pa nito ang baso kung saan nakababad ang kutsara't tinidor.
Nag-atubili siyang tanggapin ang pagkain at nagduda pa sa tunay na intensyon nito. Nang dahil sa pagtataksil na ginawa ng pamilya, hindi na niya maiwasang magkaroon ng trust issues. Ganoon pa man, naglaho ang pag-aalinlangan niya nang ngumiti na ito at inangat pa ang kanyang braso upang ipahawak ang kutsara't tinidor.
"Kumain ka na," instruksyon nito habang pinangtitimpla pa ng toasted garlic, paminta at kaunting patis ang lugaw. "Huwag ka nang mahiya, neh?"
"O-Opo," namumula ang mga pisnging pagpayag na niya. Subalit, nanatili lang siya na nakatitig sa estrangherong napakaraming babae na ang 'di sinasadyang naaakit kahit na ipinagbabawal pa. Sa sobrang paghanga ay hindi na niya namalayang matagal-tagal na pala siyang nakanganga at wala sa wisyo.
"Huwag mo akong pakatitigan, Hija," pabirong pagpuna na sa kanya ng binata nang mapansing halos hindi na siya gumagalaw dahil sa pagka-starstruck. "Hindi ka mabubusog sa kakatingin sa pogi kong mukha."
"Ay!" Natauhan na siya nang marinig ang pilyong mga salita na nagmula sa instant crush. "Sorry po! Kakain na nga po!"
Nanginginig ang mga kamay na isinubo niya ang kutsara na may mainit-init na sabaw. Magdamagan na rin siyang hindi nakakakain kaya hindi na niya maipagkakailang nahihilo na rin sa gutom. Nahihiya man sa butihing lalaki na tumulong sa kanya, hindi na niya napigil ang sarili na kainin ang lahat ng hinain sa kanya.
Pasikreto siyang sumulyap-sulyap sa mestisuhing binata na medyo matalas ang itsura at mapagkakamalan pa na suplado. Namangha siya sa itsura nito na hindi pangkaraniwan para sa Pilipino lalo na at mala-abo ang mga matang napalilibutan ng makapal na mga pilik at kapansin-pansin din ang maputing kulay ng balat na mala-porselana, at mapupulang labi na katukso-tuksong hagkan. Nakasuot man ng simpleng damit, litaw pa rin ang kakisigan nito at dating na malakas makaakit. Alam man ng mga naroon na ang kasama niya ay ang kura paroko, hindi pa rin maiwasan na palihim itong hangaan ng mga babae sa paligid.
"Sobrang gwapo naman," naisip ni Charito habang inuubos ang puto. "Parang hindi siya totoo...parang..."
"Anghel..."
Hindi nakalagpas sa pari ang mga panakaw na pagtitig sa kanya kaya naisipan na niyang makipagkuwentuhan at kilalanin ang dayo.
"Parang ngayon lang kita nakita rito," paninimula na niyang siyasatin ang dalaga. "Medyo matagal na ako rito kaya alam ko na ang mukha ng mga nasa parokya. Marahil, galing ka sa ibang probinsya. Tagasaan ka nga ba?"
"D-Diyan lang po ako," nauutal na sinagot naman nito. "Doon sa...sa kabilang baryo!"
"A," reaksyon na lang niya kahit na hindi nito maikubli ang paglilihim sa kanya.
"Ano nga bang pangalan mo, Ineng?" kasunod na pagtatanong niya kasabay ng masuyong pagngiti na mas ikinapula ng pisngi ni Charito. "Ako nga pala si Pablo, ang parish priest dito."
"Pari po kayo?" hindi makapaniwalang napabulalas ng dalaga. "Imposible!"
Natigilan na siyang ituloy ang susunod pa na mga sasabihin dahil tinablan na siya ng hiya. Ramdam niya ang pag-init ng kanyang mukha kaya inabot na lamang niya ang tubig at uminom upang hindi mahalatang napahiya nga siya.
"Oo. Kung maka-imposible ka, parang unbelievable," sinambit na lang ni Pablo nang makahalatang aligaga na ang kasama. Sinikap niyang pagaanin na lang ang usapan upang maging kumportable ang inuusisa. "Mabait naman ako kahit hindi halata."
Lingid sa kaalaman ng mga nakakausap, mabilis siyang makapansin ng mga emosyon at kakatwang akto kaya batid niya kapag nagsisinungaling, natatakot o nahihiya na ang mga tao. Naiintindihan din niya kapag nasa alanganing sitwasyon o mahina ang personalidad ng kapanayam kaya siya na mismo ang umaalalay.
"Pero seryoso ako, mapagkakatiwalaan mo ako," paniniguro na ni Pablo sa dayo. "Huwag kang mahiyang magkuwento sa akin. Kahit ano pa 'yan, makikinig ako."
"Salamat sa malasakit. Alam ko naman na mabuti po kayong tao," pagbawi ni Charito sa nasabi kanina lamang. "Pasensya na po sa naging asal ko."
"Wala 'yun," paniniguro naman niya upang maging kampante na ang kausap sa presensya niya. "Medyo sanay na akong napagkakamalang artista. Mahirap tanggapin pero kailangan."
"'Yun nga po!" patawa-tawang pagsang-ayon naman ni Charito. Tila ba may mahika ang binata na nagpawala sa mga agam-agam niya at kaagad na nakapalagayan pa ng loob. "Patawarin, pero hindi po talaga kayo mapagkakamalang pari kasi mukha kayong habulin at crush ng bayan!"
"Nakaka-flatter, thank you," pagtanggap naman niya sa paghanga na para sa kanya ay wala naman malisya. "May gusto ka pa bang kainin? Dahil sa honest ka, ililibre pa kita!"
"Ay! Wala na po," pagtanggi na nito sa alok niya kasabay ng pagtapik ng tiyan. "Busog na busog na nga ako!"
Nang marinig na pari ang kausap at approachable naman pala ay mas gumaan ang pakiramdam ni Charito rito. Ilang sandali rin siyang nag-isip kung hihingi ba ng saklolo o hindi. Ganoon pa man ay pinaalalahanan niya ang sarili na maging maingat sa mga nakakasalamuha dahil nanganganib pa rin na matunton siya ng mga magulang.
"Sige po, aalis na ako," pamamaalam na niya. "Salamat po sa pagkain."
"Sandali," may pag-aalalang pinigil muna siya ni Pablo sapagkat malakas ang duda nito na wala talagang uuwian ang dalaga. "Gusto mo ba na manatili muna sa Simbahan? May mga madre doon na maaari mong maging kaibigan."
"A-Ano po, may kamag-anak ako rito," pagsisinungaling na niya upang hindi na pilitin pang sumama. "Pasensya na, malamang ay hinahanap na nga nila ako."
"Ganoon ba? Kapag may kailangan ka o gusto mo ng masisilungan, nariyan lang ako sa Simbahan," pagbibilin pa rin ng pari kahit na halatang umiiwas nga ang kausap sa kanya. Tinuro niya sa 'di kalayuan ang gusali na natatanaw mula sa palengke. "Nariyan ako madalas pero kung sakaling 'di tayo magkaabot, dumiretso ka lang sa katabing building, doon sa Home for Abandoned Women and Children. Sabihin mo lang na ni-refer kita roon at tutulungan ka nila."
Nilabas niya mula sa bulsa ang rosaryong likha sa kahoy at iniabot kay Charito.
"Ipakita mo lang 'yan at alam nila na ako ang nagpapunta sa iyo roon."
"Sige po..."
"Maari ko bang malaman ang pangalan mo?" pagpigil niya muli nang akmang tatalikod na ang babae. Nag-aalala man at nais niyang isama na ang dalaga ay naisip din niyang hindi nararapat na puwersahin ito. "Ipapalista na sana kita sa maaaring manatili sa bahay..."
"Pasensya na po, Father," ang tanging sinambit na lang nito imbis na sagutin ang katanungan niya. "Mas magandang hindi mo na malaman."
Ngumiti na lang si Pablo nang mapagtantong tunay nga na naglilihim ang nais tulungan. Sa halos tatlong taon niyang paninilbihan bilang pari, nakabisado na niya ang iba't ibang ugali ng mga taong kailangan ng tulong pero in denial lamang. Sa kaloob-looban ng mga ito, humihiyaw ang mga kaluluwa nila ng pagdamay. Batid man niya iyon ay hindi naman maaaring agresibo sa ganitong mga pagkakataon. Ang pagpapasya pa rin ay nakadepende sa tao at ang tanging magagawa lang niya ay ang umalalay.
"Mag-iingat ka, neh?" pahabol na lang niya bago tuluyang iniwanan ng kausap. "Basta huwag kang magdadalawang-isip na pumunta sa Simbahan, anytime!"
Humakbang na si Charito palayo pero kusang umatras din ang mga paa niya. Para bang naglalaban ang kanyang isipan at kutob dahil gusto na sana niyang sumama talaga. Pero dahil sa trauma na naidulot ng mga kapamilya, nahirapan na siyang magtiwala kahit kanino.
Dali-dali siyang tumakbo palayo hanggang sa alam niyang hindi na maaabutan pa ng pari. Hawak-hawak ang kahoy na rosaryo, mataimtim siyang nanalangin sa Diyos upang magabayan sa nararapat gawin.
Lumipas ang buong araw na palakad-lakad lamang siya. Nagsisimula nang dumilim kaya nakakaramdam na siya ng takot. Naroon pa naman siya sa kanto kung saan nananatili ang iilang mga taong pagala-gala rin at walang matitirhan. May mga lalaking sumipol pa sa kanya kaya mas nahintakutan siya at nagmadaling makalayo.
Nang mapansing sinusundan na siya ng apat na lalaki, mas binilisan na niya ang paglalakad. Dahil sa hindi niya kabisado ang daan, imbis na makalayo ay na-corner na siya ng mga ito. Mas kinabahan siya nang maramdamang may umakbay pa sa kanya at nalanghap niya ang amoy ng alak sa hininga ng lalaki. Sinubukan niyang magpumiglas subalit pinaligiran na siya ng magkakabarkada.
"Bago ka rito," nakangising pahayag ng nakahawak sa kanya.
"O-Opo," kabadong tugon niya.
"Kaya may dala kang pera, hindi ba?"
"Wala po," pagsasabi niya ng totoo dahil talagang sarili lang niya ang naisalba nang takasan ang mga kapamilyang nais siyang ialay sa bakunawa.
"Mga kuya, wala akong pera. Pakiusap, pakawalan niyo na ako," pagsusumamo na niya nang kutubang may masamang binabalak ang mga ito.
Imbis na maawa ay mas pinagkatuwaan pa siya ng mga gangster sapagkat halatang wala siyang kaalam-alam sa buhay sa kalye. Mas desidido ang mga ito na huwag siyang pakawalan dahil tama nga ang hinala niya, hindi maganda ang iniisip ng mga ito sa kanya at nais siyang paglaruan.
"Bitiwan niyo ako!" pagtatapang-tapangan na niyang sinigaw.
"Hindi pwede," pagmamatigas ng mga lalaki. "Kung wala kang pera, edi pasayahin mo na lang kami!"
"Tigil-tigilan niyo na 'yan!" pag-istorbo na ni Pablo na kanina pa pala hinahanap si Charito. Hindi kasi siya mapakali kaya naisipan na niyang maglibot sa bayan upang matunton ito. Mabuti na lang at sinundan niya ang kutob dahil tunay na masama nga ang kalagayan ng dalaga.
"Mga many*k na nga kayo, 'pangit' pa!" panlalait na niya dahil sa galit na pangmomolestya nila sa babaeng dayo.
"P-Pangit?" nauutal na pag-uulit pa nila.
"Oo! Ang papangit ng ugali niyo! Umaalingasaw rin sa baho! Para kayong mga walang ina kung makapangbastos ng babae!" nagtitimping pinagalitan ni Pablo ang magkakabarkadang sikat sa lugar bilang mga ad*k at lasenggero. Anak kasi sila ng mga makapangyarihang gangster sa kalyeng iyon kaya malakas ang loob nila na magnakaw at mambastos ng mga natitipuhang babae. Ilang beses na silang naipakulong subalit dahil may mga koneksyon sa mga pulitiko, nakakalaya pa rin.
"Ang yabang mo, a!" pasinghal na tinuran naman siya ng kinikilalang lider ng grupo. "Wala kaming pakialam kahit na pari ka pa kaya huwag kang makikialam sa trip namin! Layas!"
"Sinabi ko bang dapat may pakialaman sa pagiging pari ako?" sarkastikong ginanti naman ni Pablo sa harap-harapang pambabastos sa kanya. "Kakalabas niyo lang ng kulungan, may balak na naman kayong gumawa ng krimen! Kung hindi ba naman kayo hangal, paulit-ulit pa rin kayong gumagawa ng masama! Hindi kayo nagtatanda!"
"Put*ngin*! Huwag mo akong sermonan!" naghuhurimintadong sinigawan na siya ng lalaki na hindi makapaniwalang pagsasabihan nga ng matapang na pari. Nilabas pa nito ang baril mula sa bulsa at tinutok sa kanya.
Impit na pag-iyak ang nagmula kay Charito sapagkat akala niya, mapapahamak pa ang binata nang dahil sa pagtatanggol sa kanya. Subalit, laking-gulat niya nang biglang hinatak lang ni Pablo ang kamay ng lalaki at sapilitang itinutok ang armas sa itaas. Umalingawngaw ang isang putok niyon, dahilan upang magsitakbuhan ang magbabarkada palayo sa kanilang pinuno sa takot na masaktan. Akmang magpupumiglas pa sana ang kawatan subalit marahas na niyang naitulak ito palayo.
Pinagbigyan man niya ang kaalitan upang huwag na sanang lumaki ang gulo, bilang ganti ay sinubok pa rin nito na kalabitin ang gatilyo at patamaan siya. Imbis na pagsabog ng pulbura ay tanging hangin lamang ang nakapa nitong lumabas mula sa bariles. Doon ay napagtanto na nitong 'di pangkaraniwan ang kinalaban nang malaman na wala na palang bala ang hawak na armas.
"Ito ba ang hinahanap mo?" Pinakita ni Pablo ang hawak na magazine ng baril kung saan naroon ang mga bala. Napaawang na lang ang bibig ng kriminal sapagkat hindi ito makapaniwalang napakadali lang na natalo at nautakan ng inaakalang banal na Alagad ng Diyos.
"Umalis ka na sa paningin ko habang nakapagtitimpi pa ako!" pigil sa galit na pinagsabihan na niya ito. Napuno ng kilabot ang kabuuan ng lalaki nang mapansing nanlilisik na ang mga mata niya at tila ba nagiging puti na. Mas nahintakutan ito nang itapon niya ang magazine sa lupa at inapakan. Kitang-kita nito ang pagkayupi at pag-usok niyon na para bang hindi na tao ang kayang gumawa.
"D-Diablo!" hiyaw ng kriminal bago tuluyang kumaripas ng takbo.
"Diablo? Mild pa nga ako, diablo na kaagad?" pabulong-bulong na sinambit ni Pablo na naiinis na sa paulit-ulit na napagkakamalang demonyo o ang hari ng impiyerno na si Lucifer ng mga nakakalaban niya.
"Halika na nga," kalmadong pag-aya na niya kay Charito na nanatiling tulala nang dahil sa nasaksihan.
"Hija," pagtawag niya muli sa atensyon nito. Marahan pa niyang hinawakan ito sa braso upang isama na. "Tara na."
"Saan po tayo pupunta?" litong-lito na pagtatanong ng babaeng iniligtas. "Anong plano mo po sa akin?"
"Ituro mo muna kung saan talaga ang bahay mo, pagkatapos, doon natin pag-usapan," tugon niya na nakapagdulot ng nerbiyos sa tinutulungan. "Baka hinahanap ka na rin ng nanay mo. Nais kong makilala ang mga magulang mo para maayos kung ano man ang problema mo sa kanila. Hindi kasi pwedeng ganito na pagala-gala ka at posibleng mapahamak."
"Sandali po," pagtutol na ni Charito. Hinatak niya ang braso palayo sa pagkakahawak ni Pablo sapagkat mas manganganib ang buhay niya kung iuuwi pa siya sa Gerona. "Hindi po ako naglayas! Talagang nilalayuan ko ang nanay ko! Balak nila akong patay-"
Natigilan si Pablo nang marinig ang posibleng dahilan kung bakit nga gumagala ang dalaga. Ilang sandali rin niyang tinimpla kung paano ba mapapalabas ang katotohanan mula sa isinasalba.
"Anong balak ng nanay mo?" malumanay na pag-uusisa na niya. "Sabihin mo sa akin para malaman ko kung paano kita matutulungan."
Ramdam ni Charito ang pag-iinit ng kanyang mga mata. Kahit anong pigil niya ay kusa nang tumulo ang luha sa kanyang pisngi. 'Di nagtagal ay napahagulgol na siya ng iyak at yumakap sa pari.
"Mahaba po na istorya, pero po balak akong patayin nina Inay," pagsisiwalat na niya sa tunay na dahilan kung bakit siya nakarating sa Tarlac. "Pakiusap, huwag niyo po sanang ipagkakalat kasi delikado ang aking buhay!"
"Parang hindi yata kapani-paniwala na magagawa ng matinong ina 'yun," pailing-iling na nasambit na lang ni Pablo habang tinatapik ang balikat ng kausap upang tumahan na. "Kakaiba ang kaso mo na sariling nanay pa ang magpapahamak."
"Akala ko rin po, hindi niya ako ipagkakanulo!" mabigat sa loob na pahayag nito. "Pero miyembro po kasi siya ng isang kulto na sumasamba sa bakunawa. Handa po niya akong ialay para mapaligaya ang diyos-diyosan nila."
"Bakunawa," pag-uulit ni Pablo sa nilalang na matagal na rin niyang narinig mula sa mga nakatatandang pari noong siya ay nasa seminaryo pa lamang. Napag-alaman nga niya na ito ay kumakain ng tao, lalong-lalo na ng mga batang babae. Medyo malabo pa sa kanya ang mga detalye sapagkat noong estudyante pa, nakatulugan niya ang guro habang dini-discuss ang Philippine Mythology. Iyon ang mga panahong hindi pa siya siguradong magpari kaya aminadong naging pilyo at hindi nagseseryoso sa mga aralin. Ngayon, napagtanto niya na kailangan niyang i-review ang mga sinaunang halimaw at diyos-diyosan sa Pilipinas upang malaman kung paano masusugpo ang mga iyon.
"Iyon ba ang nilalang na maihahalintulad sa isang dragon pero may buntot ng ahas?" pag-uusisa na niya habang pilit na inaalala ang mga napag-aralan noon. "Maaari mo ba akong bigyan pa ng ideya kung anong klaseng nilalang ito?
"Opo," humihikbi na pagkumpirma naman ni Charito. "Tama po kayo, para itong dragon na bumubuga rin ng apoy kaya sa unang pagkakataon na nakita ko pa lang, takot na takot ako! Anong laban ko sa nilalang na iyon samantalang napakalakas niya? Baka hindi magtagal, matunton pa rin niya ako at patayin!"
"Nababahala rin ako na hindi malayong mangyari iyon," pagsasabi rin ng pari sa malaking posibilidad na hinanahap na nga ang dalaga ng mga taong nais itong ialay at mas malala, mismong ang bakunawa pa ang nais itong makuha sa lalong madaling panahon. "Sumama ka na sa akin para mabantayan kita..."
"P-Pero," pag-aalinlangan pa rin ni Charito. Nanginginig ang mga kamay na pinunasan nito ang mga luha subalit patuloy pa rin na dumaloy ang likido na patunay ng abot-langit na takot. Awa at pag-aalala ang naramdaman ni Pablo para sa kausap kaya mas naging desidido siyang makumbinsing maisama na ito sa Home for Abandoned Women and Children.
"Pasensya na po, hindi ko na alam ang tamang gagawin!"
"Alam ko na nagdadalawang-isip kang sumama sa akin dahil sino nga naman ako upang pagkatiwalaan kaagad?" pahayag na niya sa babaeng kitang-kita niya ang pangangatog ng katawan.
"Ganito na lang, neh?" suhestiyon na lang niya upang makuha na ang tiwala ng nais tulungan. "Pupunta tayong dalawa ngayon sa police station para makumpira mo na ako talaga ang kura paroko rito at tunay na proyekto ng aming religious order ang bahay na pansamantala mong paglalagian."
"Tahan na," pagpapakalma na niya kay Charito na patuloy pa rin sa pagtangis. Inilahad na niya ang kamay upang ayain na itong magtungo sa estasyon. "Iwaglit mo na sa isipan ang takot. Sa maniwala ka man o hindi, hindi kita hahayaang mapahamak. Gagabayan tayo ng Diyos, magtiwala ka lang sa Kanya."
Sa isang iglap ay tila ba nabunutan kaagad ng tinik sa dibdib ang dalaga. May agam-agam man ay inabot na niya ang palad sa lalaking para sa kanya ay isang anghel na inatasan ng langit upang mailigtas siya.
"Padre," buong tiwala na sinambit niya. "Hindi na po kailangang magpunta sa estasyon ng pulis..."
Unti-unti nang nawala ang mga gumugulo sa kanyang isipan nang magtama ang kanilang mga paningin. Kitang-kita niya sa mala-abong mga mata nito ang sinseridad at kabutihan na hindi pa niya nakita kahit kanino, maging sa mga kapamilya man.
"May tiwala ako sa iyo. Ikaw na po ang bahala sa akin..."
-ITUTULOY-
Author's Note
Unang pasabog ni Pablo sa 2023!
Happy New Year!
Nawa'y mapuno ang taon na ito ng blessings at matupad na ang mga hangarin natin sa buhay. Hiling ko rin na unti-unti nang maka-recover ang buong mundo sa magkakasunod na pagsubok.
God bless us all!
Sa mga readers ni Pablo, magparamdam naman kayo riyan!
Pa-heart/commenteact naman sa comment section. Paki-add na rin sa library for future updates.
Thank you!