Case Number 6: Blood (Part 2)

959 Words
Nailigtas man ang isa sa muntikan nang mabiktima ng demonyo, nababagabag pa rin si Pablo sapagkat alam niya na hindi pa tapos ang laban at anong oras man ay maaaring mambiktima ulit iyon. Maaaring manahimik ito ng ilang araw pero posibleng magpunta lang ito sa ibang lugar o kaya naman ay lumipat ng masasaniban para maisakatuparan pa rin ang pagkuha sa mga batang babae. Lumipas ang magdamag at ramdam na niya ang p*******t ng mga kasu-kasuan sapagkat puyat na nga, nagkandahahulog-hulog pa siya kung saan-saan sa bodega ng bigas. Nagtungo muna siya sa palengke upang bumili ng gamot at ng maaalmusal. "Aling Bebang," nakangiting pagbati niya sa tanyag na pharmacist ng bayan. "Meron po ba kayo riyan, 'yun malupit na gamot sa sakit sa kasu-kasuan at lagnat?" "Basta ikaw, Father, meron," pa-charming na tugon naman nito habang binubuksan ang bote kung saan naroon ang kulay puti at dilaw na mga tableta. "Inumin mo itong dalawang gamot every eight hours hangga't may masakit. Kapag hanggang bukas, wala pa rin improvement magpatingin ka na sa doktor." "Sige po. Thank you." Dinukot na niya sa bulsa ang pambayad at inilapag sa estante ng babae. Habang abalang nilalagay nito ang mga gamot sa lagayan, kaagad na napansin ni Pablo ang gusgusing babae na tulalang nakaupo sa kabilang daan. "Matagal na po ba siya rito?" pag-uusisa na niya kay Aling Bebang sapagkat sa tagal niyang lumilibot sa bayan ng Tarlac, ngayon lang niya napansin ang dayo. "Hindi naman," tugon nito sa kanya. "Mga limang araw pa lang na pagala-gala rito. Bigla na lang dumating, hindi talaga tagarito. Hindi naman nanggugulo kaya hinahayaan na lang namin dito sa palengke." Pagkatapos makuha ang mga pinamili ay napagdesisyunan na niyang puntahan ang babae na mukhang hindi na normal ang pag-iisip. Subalit, nang makitang papalapit na siya ay nahintakutan ito at nagsumiksik pa sa may basurahan. "Hello," malumanay na pagbati niya sa dayo. Siya rin ay tumalungko na upang hindi na ito matakot pa sa kanya. "Ako nga pala si Pablo, 'yun parish priest dito..." Nanatiling tahimik lamang ang babae at alertong nagmamasid sa mga kinikilos niya. "Halika," pang-aamo niya rito. "Gusto mo ba ng makakain?" Nilabas niya mula sa paper bag ang nabiling pandesal at inalok sa kausap. Nang maamoy at makita ang bagong lutong tinapay ay napalunok ang kaharap nang makailang ulit. Ilang sandali lang ay inagaw na nito ang lagayan at sabik na kinain ang mga iyon. "Ayan, kumain ka nang maayos, neh?" instruksyon niya rito habang marahan na tinatapik ang balikat nito. Nang maramdamang mabuting tao naman ang kausap, napangiti na si Corazon, isang dayo na nagmula pa sa Maynila. Mahigit isang taon na rin siyang pagala-gala sa iba't ibang lugar at hindi na niya alam kung saan pa siya dadalhin ng isipan na pinagtatraydoran siya. Simula noong mamatay ang anak na babae ay nagdilim na ang kanyang diwa. Sa kasamaang-palad, imbis na tulungan ng pamilya ay ikinahiya pa nila siya at ipinagtabuyan. Ilang araw na binalik-balikan ni Pablo ang babae. Unti-unti ay nakuha niya ang loob nito at pumayag nang sumama sa Home for Abandoned Women and Children na proyekto ng kanilang religious order. "Mag-iisang taon na raw na ganyan 'yan, ayon sa mga tindera sa palengke at mga nakausap namin na dating kapitbahay," pagkukuwento ng may edad ng madreng si Mary Joy, na pinamumumuan ang charitable institution para sa mga abandonadong kababaihan. "Halos magkasing-edad kayo. Corazon Sol Martinez ang pangalan niya at dating teacher sa Maynila," pagpapatuloy ng madre sa paglalahad ng impormasyon na nakuha nila nang ipa-background check ang bagong salta. "Bali-balita na nagsimula raw siyang magsabi-sabi simula noong mamatay sa aksidente 'yun anak. Pinabayaan na rin ng asawa, kaya nagpapagala-gala na lang kung saan-saan hanggang sa makarating na nga dito. Kawawa nga 'yan, nabubugbog pa noon ng lasenggerong mister, kaya siguro noong nawala yun anak, bumigay na. Bata lang din kasi, mga four years old lang daw." "Sana, pinadala na lang sa mental hospital, kaysa naman nasa labas siya at posible pa na maabuso ng mga salbaheng lalaki," awang-awa na nasabi ni Pablo habang pinagmamasdan si Corazon na maligayang kumakain ng pansit. "Marami pa naman ang mga halang ang kaluluwa at baka saktan pa siya kung patuloy na gagala pa rin." Napaliguan na ang kapus-palad na babae at naayusan na kaya nasisilayan pa rin ang bahid ng kagandahan nito noong mas bata pa. Ganoon pa man ay halata sa pangangatawan nito ang kapabayaan sapagkat namayat na nga ito, nalagas na rin ang karamihan ng buhok na dati ay mahaba at kulot. Kung dati ay isa ito sa mga pinakamahusay na guro sa eskwela sa Maynila, ngayon ay kahit pangalan pa ay nakakalimutan na. Nang maubos ang pagkain ay dinilaan pa nito ang plato upang simutin ang sarsa na naroon. Ilang saglit lang ay humagikgik na ito na parang musmos at humiga pa sa sahig upang umidlip. "Naku, baka mas kawawa siya roon," may pagkabahalang pahayag ni Sister Mary Joy. "Bali-balita na mas lumalala pa raw kapag naisama pa sa ibang baliw. Mabuti pa na dito muna siguro siya, may kalayaan siya at makakakain pa nang maayos. Ipapabantay ko na lang para hindi siya makapanggulo sa ibang mga narito." "Kawawa naman nga," may paghihinayang na sinabi ni Pablo nang malaman na napakahirap nga ng sitwasyon ni Corazon na pinabayaan na nga ng mga kamag-anak, hindi rin basta-basta maipagkakatiwala sa mga mental institutions. "Pero mas mainam pa rin na mapasuri ko siya sa doktor. Baka may mga gamot, matulungan siyang makabalik sa dating siya. Tatawag ako sa kakilala kong espeyalista bukas, para mapa-schedule ng assessment." "Mas maganda pa nga na ganoon," pagsang-ayon naman ng madre. "Bata pa naman siya, sayang lang siya kung matatalo na ng sakit sa pag-iisip. May mga kakilala naman ako na gumagaling, kaya may pag-asa pa siyang umayos."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD